Tuesday, November 19, 2013

Epiko 73: "Si Emong at si Chi-Chi Part 2"


May kwento akong ibabahagi sa inyo...

Isang gabi, habang nakatingin ako sa kawalan at nakakaramdam ng matinding lungkot at kawalan ng pag-asa, isang text message mula sa hindi inaasahang tao ang aking natanggap.  Sa isang iglap, biglang nawala ang aking lumbay at napalitan ng ngiti na abot hanggang langit. Ang kanyang text message ang naging mitsa ng aming magdamag na usapan. Matagal-tagal na din noong huli namin itong ginawa. Naaalala ko ang unang pagkakataon na naging ganito kami – ang araw na hiningi ko ang number niya dahil gabi na kami nakauwi glaling sa school kung saan kami unang nagkita at nagsama. Naalala ko ang gabing ‘yun, hindi agad ako umuwi kasi nakita ko siyang malungkot at nararamdaman ko na kailangan niya ng kasama. Nilapitan ko siya. Bumalik muli sa aking alaala ang unag beses ko siya nakita – pakiramdam ko ay bumuka ang langit sa pagdating niya habang tumitigil ang oras. Noong una pa lang, alam ko sa sarili ko na may isang tao na magbabago ng aking kapalaran. Hindi ako nakahinga at nakapagsalita noong una.
Naalala ko ang araw na ‘yun na unang gabi na nagkasabay kaming umuwi. Kahit wala nang liwanag ng araw, pakiramdam ko ay punong-puno ng bulaklak at paru-paro ang aming dinadaanan kasabay ng mga anghel na kinakantahan kami mula sa langit. Punong-puno ng tawanan at ngiti ang gabing ‘yun na hindi ko na makakalimutan hanggang sa mamatay ako. Naalala ko din na iyon ang unang pagkakataon na inihatid ko siya kanilang bahay. Walang mapaglagyan ang tuwa at galak ko habang pauwi. Hindi ako makatulog noong gabing ‘yun.
Doon na nagsimula ang unang magdamag na magka-text kami. Sa mga oras na ‘yun, doon ko siya nakilala ng lubusan. Doon ko naramdaman ang isang espesyal na nararamdaman para sa kanya. Simula noon, naging malapit na kami sa isa’t-isa. Nagtutulungan sa mga gawain sa school, nag-uusap ng mga bagay-bagay na aming magustuhan, kumakain ng ice cream, donut at kung anu-ano na gusto niyang pagkain. Masaya ako at ibinalik niya ang ngiti sa aking mukha mula a isang madilim na nakaraan na aking nalampasan dahil sa tulong niya.

Noong umalis na kami sa school upang bumalik sa aming huling semestre ng kolehiyo, hindi naputol ang aming pagkakaibigan. Kahit na malayo ang aming unibersidad (na parehong satellite campus ng CvSU), kahit magkaiba kami ng relihiyon, kahit magkaiba ang aming interes at hilig, at kahit langit at lupa ang aming pagitan, hindi ito naging hadlang upang mapanatili ang aking nararamdaman sa kanya. Kahit noong naka-graduate kami at nag-review ng sabay sa board exam, magkasama pa din kami. Sa unang pagkakataon, naramdaman ko mula sa kanyang pagtitiwala at kaligtasan. Doon ko ipinangako sa sarili ko na hindi k o siya sasaktan at iiwan kahit buhay ko pa ang kapalit.
Hanggang sa umalis siya ng hindi nagpaalam...

Hinanap ko siya na parang mababaliw ako. Pakiramdam ko nawala ang isang tao na kahati ng aking pagkatao. Sinubukan kong magmahal muli ngunit nabigo ako. Akala ko noong una siya ang hihilom sa kanyang pagkawala ngunit mas lalo ko siyang hinanap noong nakalugmok ako sa isang lugar na sinira ang aking pagkatao, binura ang aking dangal, at higit sa lahat, itinuring ako na patay sa loob ng isang buwan. Akala ko habambuhay na ako malulugmok sa impyernong lugar na ‘yon. Ang akala kong babae na aking minahal matapos niya akong iwan ay hindi ako nakuhang ipagtanggol at ipaglaban. Doon ko napatunayan sa sarili ko kung gaano ko siya kailangan sa mga oras na ‘yon at sa oras na malaman niya na ako ay naroon, mag-iiba ang tingin niya sa akin. Nang nakaalis ako sa lugar na ‘yon, maraming tao ang nagsaakripisyo para sa akin kaya nagdesisyon ako na umalis at manirahan sa lugar na pwede kong makalimutan ang isa sa mga madidilim na kabanata ng buhay ko. Sa paraan na ‘yon, pwede ko nang kalimutan nag lahat at sikaping mamuhay ng isang normal na tao.

Doon ay muli siyang nagbalik... isang text mula sa kanya at nabuhay muli ang aking natutulog na pakiramdam sa kanya. Muli ay nagbalik ang aming komunikasyon. Bumalik muli ang ngiti sa aking mukha tulad nang una ko siyang nakita.

Natagpuan ko ang aking bagong buhay sa isang paaralan na tinanggap ako na higit pa sa isang tauhan – isang pamilya na nagbigay sa akin ng bagong pag-asa para ipagpatuloy ang aking buhay. Doon ay naging tapat at nagsikap ako upang matulungan ang mga bata na hindi naiitindihan ang realidad ng buhay. Binalikan kong muli ang babaeng nagbigay ng malking peklat sa aking puso. Binalikan ko siya sa pag-aakala kong maaari ko pang maisalba ang lahat. Ngunit sa bandang huli, iniwan din niya ako.

Sa mga oras na ‘yun na nag-text siya sa akin, nagkaroon muli ng pag-asa ang aking pusong may pighati. Siya ang dahilan kung bakit ko kailangan magpatuloy sa buhay. Siya ang nagbigay-kulay sa buhay ko. Hindi ako nagsisisi sa mga kalungkutan at sakit na aking nararamdaman. Sa halip, nagpapasalamat pa ako dahil sa mga panahon na hindi ko na kayang mabuhay pa, bigala siyang dumadating, nagpaparamdam na tila nagpapaalala na may pag-asa pa. Hanggang nagyon, hindi ako nagsasawang balikan ang aking mga alaala noong nagkasama kami. Sa tuwing uuwi ako ng Silang, bukod sa gusto kong bisitahin ang aking pamilya, binabalikan ko ang ang mga lugar na kung saan nag-iwan siya ng mga masasayang alaala sa akin – mula sa school kung saan kami nag-practice teaching, sa mga kalsada dinadaanan namin sa tuwing  ihahatid ko siya hanggang sa mga pagkain na aming kinakain kapag magkasama kami. Sa tuwing ginagawa ko ‘yon, bumabalik sa aking gunita ang kanyang mukha at tila parang kasama ko siya sa mga sandaling iyon. Ang sarap sa apkiramdam at hindi ako mapapagod na balkan ang mga ‘yon dahil binubura nito sa aking isip ang pagod, hirap, sakit, pighati at takot.

Hanggang sa dinagdagan ko pa ang aming magagandanng alaala noong nagkita kami makalipas ang isang taon. Marami nang nagbago sa aming buhay ngunit ang aking nararamdaman ay hindi nagbago. Sa aming muling pagkikita, gusto ko siyang yakapin ngunit hindi ko magawa. Hindi ko alam kung saan ako kumuha ng lakas para mahawakan siya at kausapin siya ng buong araw. Naaalala ko din ang unang larawan na matino kaming magkasama. Sobrang saya ko na nagkaroon kami nito at itinuturing ko itong isang napakahalagang kayamanan sa buhay ko. Sa tuwing naalala ko ‘yon, lalo akong nananbik sa muli naming pagkikita.

Sa buhay, may mga pagkakataon na may nakikilala tayo ng hindi sinasadya na babago sa ating buhay at kapalaran. May taong darating na handa mong gawin ang lahat para maging masaya kayong dalawa. May darating na tao sa buhay natin na iingatan at aalagaan at ituturing na kayamanan ang inyong pinagsamahan. May isang tao na magtuturo sa ‘yo kung ano ang halaga ng buhay. May taong handa mong ipagtanggol sa malupit na mundo na mayroon tayo. May isang tao na magbibigay ng inspirayon sa ‘yo sa bawat gawain. May mahalagang tao na hindi mo kayang mabuhay kahit wala siya. Ngunit ang pinaka-ugat nito ay may isang tao na nilikha para sa ‘yo upang mabuhay ka ng masaya.

 
 

 

 

 

Thursday, November 7, 2013

Epiko 72: "Isang Pasasalamat"


Mula noong nagsimula ang The Emong Chronicles apat taon na ang nakakaraan, natatandaan ko pa kung ano ang puno’t dulo nito. Mula sa isang malaki at malalim na hukay ng kalungkutan na mayroon ako ay ibinuhos ko ang aking panahon sa pagsusulat upang mailabas ang lahat ng aking sama ng loob at kalungkutan. Ngunit sa paglipas ng mga epiko na aking isinulat, naging isa din itong daan upang maipahayag sa isang napakahalagang tao na aking nakilala na nagligtas sa akin sa kalungkutan na halos ikamatay ko ang aking nararamdaman.

Muli, sa isang hindi  maipaliwanag na sitwasyon sa buhay ko, muli akong nahulog sa matinding depresyon at nakita kong muli ang kamay niya. Naalala ko ang isang episode sa Kamen Rider OOO na kung saan si Hino Eiji, isang tao na wala nang nararamdaman na kasakiman at pagnanasa dahil sa mga nangyari sa kanyang buhay ay nahulog sa matinding kadiliman ng kanyang pagkatao. Si Izuma Hina, isang kaibigan na tinulungan ni Hino Eiji ay napagtanto ang sakit na kanyang nararamdaman. Si Izuma Hina ang nagsilbing lakas at gabay ni Hino Eiji kung kaya siya muling nakatayo. Alam ni Izuma Hina ang ang sakit, hirap at kalungkutan ni Hino Eiji kaya hindi siya umalis sa kanyang tabi.

Marahil ay maihahalintulad ako kay Eiji Hino at si Sherry Rose kay Izuma Hina. Sa mga oras at panahon na hindi ko alam ang gagawin ay bigla na lang siyang lilitaw at sa hindi maipaliwanag na sitwasyon, pakiramdam ko ay lumalakas ang aking loob. Nagkakaroon ako ng tatag ng loob na harapin ang lahat ng mga pagsubok. Parang handa akong masaktan ng paulit-ulit dahil alam ko na nandyan siya at patuloy na pinalalakas ang aking kalooban. Sa hindi ko maipaliwanag na dahilan. Napapangiti ako habang umiiyak an puso ko, tumatawa ako kahit mabigat na ang kalooban ko at lumalaban ako sa mga pagsubok kahit wala na akong pag-asa sa laban. Dalawang beses na niya akong iniligtas. utang ko sa kanya ang lahat ng aking saya. Nagsilbi siyang huling pag-asa ko.

Sa dinami-dami ko nang blog na isinulat para kay Sherry Rose, ito na siguro ang paraan para mapasalamatan ko siya sa mula nang una ko siyang makilala hanggang sa kasalukuyan. Alam ko sa sarili ko na hindi pag-ibig ang nararamdaman ko sa kanya. Sa mga babaeng nakilala at dumaan sa buhay ko, hindi siya ordinaryo. Hindi ko masasabi na higit pa doon ang nararamdaman ko dahil isa lang ang ayokong mangyari – ang mawala siya sa akin. Siya ang dahilan kung bakit ako nakakangiti, nakakatawa, at kung bakit may lakas ako ng loob upang harapin ang araw na dumadaan. Masaya ako na kahit malayo siya sapagkat hindi siya nawala sa akin.  At higit sa lahat, siya ang nagsilbing pag-asa ko... ang aking huling pag-asa.

Friend, Girlie, Che, o kung ano man ang tawag ko sa ‘yo... maraming salamat. Muli ay iniligtas mo ako sa isang madilim na hukay. Salamat sa kamay mo na nagtayo muli sa akin at naging lakas ko upang harapin ang mga araw na darating. Magiging maayos din ang lahat. Basta diyan ka lang at huwag mo ako iiwan... friend, Girlie, Che, o kung ano man ang tawag ko sa ‘yo...

Sunday, October 6, 2013

Epiko 71: "SMB (Status Mong Bullshit)"


Talagang malaki ang papel ng Facebook at sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino. Hindi lang siya isang simpleng online/social network community, ang iba pa nga sa atin ay ginagawa itong diary (at aminado ako na ginagawa ko ito) upang ipahayag ang sarili sa nakakarami.

Pero minsan, may mga nababasa tayo sa status na parang hindi katanggap-tanggap sa atin. Narito ang ilan sa kanila at kung bibigyan ako ng pagkakataon, ito ang sasagutin ko sa kanilang ginagawang katarantaduhan.

Status: I can’t see you, but I can feel you.

Comment: Pare, baka antok ka pa. Iniwan ka siguro ng pokpok na kasama mo kagabi tangay ang wallet mo.

 

Status: Lalaking Turn On – May respeto sa babae

Comment: Babaeng Turn On – Mahilig sa extra rice... cooker.

 

Status: Car Show @ Green Hills! The bomb!

Comment: Feeling mo may kotse ka? Nag-taxi ka lang papunta dyan.

 

Status: Salamat sa pagmamahal mo.. Sa mga effort mu..sa pag aalala mu palage.. Pero di ko kayang suklian ung gsto mong isukli ko e.. Wala kasi ko nararamdaman para sayo.. Kaibgan lng talaga...wala p rn nman magbabago eh..still my Best of Friends.. .much better ung stay lang s ganyan.. Pasensya..

Comment: Maawa ka naman Ate. Ang sakit kaya ma-friend zone. Makatapak ka sana ng Lego.

 

Status:  bago mo sabihin na naiinis ka saken, tanong mo muna kung NATUTUWA ako sa ‘yo.

Comment: TONTO!

 

Status: FOR SALE 11 UNITS COMPUTERS

 ATHLON X2 3.0 DUAL CORE

 500GB HDD

 2GB MEMORY

 1GB GT220 VIDEO CARD

Comment: Walang interesado bumili. Sa Sulit.com.ph ka mag-post. Hindi dito!

 

Status: Dahil MANHID ka, manhid ka walang pakiramdam.

 O Kay MANHID KA, manhid ka.

 Puro deadma ka na lng.

 Bet na bet pa naman kita laman din ako ng tiyan

 Shunga ka ba tlga o MaNHID KA.

Comment: Walang kwenta ang kanta mo. VICE GANDA SATANISTA!

 

Status: Ang bilis ng panahon! Ramdam mo na ba ang Pasko?

Comment: Hindi pa. Wala pa ang bonus eh.

Status: Done with 20 km run!

Comment: Bakla!

 

Status: Wow! ang astig!!

 Humiwalay yung tubig sa soda..

 Hahaha.. Nagulat ako..

 Pagtripan ko nga to..

 Tatangalin ko yung tubig haha  :)

Comment: Subukin mo din inumin nang mamatay ka na.

 

Status: Good day! God bless!

Comment: Nagsisismba ka ba o feeling pari/ministro ka?

 

Status: Just read my daily horoscope. Alright!

Comment: Alright ka jan? Ang tanda mo na naniniwala ka pa din. Mahusay!

 

Status: God does not see the same way people see, people looks at the outside of a person, but the Lord looks at the heart.

Comment: Copy-pasta ang puta. Ilagay mo naman ang source baka makasuhan ka ng paligarism.

 

Status: COnstruction worker diet!! hahaha.. Ang cUTE TLAGA!!

Comment: Sex lang habol mo Gago!

 

Status: yey tapos na sale... tatanggalin kona bib ko! nag laway lang ako...

Comment: Wala ka na din pera. Maglaway ka sa gutom.

 

Status: tae tae lang pag may time.

Comment: Nakakaawa ka naman. Buti buhay ka pa.

 

Status: ang isang bagay, kapag di mo ipinaglaban DI MO YAN MAKUKUHA.

Comment: Baka bakla ka ‘pre.

 

Status: Happy fiesta sa __________

Comment: May minatamis na itlog pa ba kayo?

 

Status: Hope everythings will be fine.

Comment: I hope ayusin mo sa susunod grammar mo.

 

Status: Walang pasok.... Ang sarap matulog!!!

Comment: Tulog ka pa... at huwag ka nang magising pa.
 
Ito ang mapait at masakit na katotohanan - na kung minsan upang maiwasan natin na makasakit ng damdamin, mas pipiliin na lang natin manahimik. Pero sa kaso ng mga status sa Facebook o sa kung ano pa mang social networking sites, mas nakakatakam magsalita o magsulat na maaaring makasira o makasakit ng damdamin ng iba. Ang tanging solusyon lang ay ang pagpipigil sa sarili at maingat na paghatol. Ika nga ni Howie Severino, "Think before you click."
 
Pasalamat ka na lang at tahimik ako.... at alam ko na sa likod ng mga status ko ay may isang libong tao ang pwedeng gumawa nito sa akin.

 

 

 

 

 

Friday, October 4, 2013

Epiko 70: "Si Boyet, Si Girlie, at si Manong Taxi Driver"


May kasabihan sa wikang Ingles na “Happiness comes from small things. When collected, it’s a treasure”. Minsan sa buhay ng tao, hindi natin napapansin ang mga maliliit na bagay. ‘Yung simple. ‘Yung totoo. At kapag ito ay iningatan, ang balik nito ay hindi mo sukat akalain.

October 4, 2013, walang pasok (dahil fiesta ng Malabon sa Gen. Trias kaya wala ding turo.) Habang papalapit ang second quarter exam (na isa sa mga mabibigat na gawain bilang isang guro ay magtuos ng mga grado ng bata) , nakakaramdam ako ng bigat sa aking dibdib. Nakakainis ang dumaang linggo sa akin. (Hindi ko naman kailangan sabihin ang dahilan kung bakit. Basta putangina niya). Gusto kong makalanghap ng sariwang hangin at mag-unwind

Nakatanggap ako ng text message kay Girlie (itago natin sa pangalang Sherry Rose Lacson) at nagyayakag siyang mag-chill, stroll at siyempre, kumain.World Teachers’ Day kasi. Hindi ako nagdalawang-isip na pumayag sa alok niya. Sa simula pa lang noong nagkakilala kami (at paulit-ulit kong isinusulat sa mga nakaraang  blog ko), hindi ko siya tinaggihan at agad na pumunta... kahit tatlong oras ang biyahe papunta sa aming meeting place sa Karuhatan. Dati kasi dalawa at kalahating oras lang kaso dahil sa ginawa ng MMDA na centralization ng mga bus terminal sa Coastal Mall, putangina, kailangan kong maglakad ng papuntang LRT terminal. Siyempre daan muna ako ng simbahan sa Baclaran para humilng na maging ligtas ang pagkikita namin. Salamat sa nanay ko, naging habit ko ang magtirik ng tumpok-tumpok na kandila para sa mga mahal ko sa buhay.

Nang nasa LRT terminal na ako, binibilang ko ang mga minuto na muli kaming magkikita at lalabas ng “casual friends”. Siguro nga, “happy crush” lang talaga ang nararamdman ko sa kanya  (na ayon kay Ramon Bautista ay ang pakiramdam mo gusto mo siya pero ayaw mo pang maging girlfriend). Kapag nakatingin ako sa bintana ng LRT at pinagmamasdan ang mga gusali, naiisip ko na talagang magkaiba na kami ng mundo ni Girlie... at magkalayo (putangina, ang layo ng Gen. Trias sa Karuhatan, Valenzuela City!).  Pero natiis ko, nalampasan ko at pinaghawakan ko ang pangako ko sa kanya na bilang isang kaibigan (lang pala... Kaibigan lang pala...)

Nagkita na kami sa aming meeting place. As usual, isang matinding “friend zone hug” ang sumalubong sa akin. Pero okay lang. Wala pa kaming mapag-desisyonan kung saan pupunta. Siyempre, kwentuhan mina kami habang kumakain ng aming all-time favorite ube ice cream. Simple lang ang aming pagkikita ngunit kakaibang saya na nagpipinta sa akin ng hindi maipaliwanang na ngiti ang aking isinusukli sa kanya. Kahit hindi ko maintindihan ang mga kinukwento niya, kapag narinig ko lang ang boses niya, siguradong humuhiwalay na kaluluwa ko. Tapos bigla siyang tatawa at hahampasin ako sa braso... putangina ‘yun ang pinamasarap na pakiramdam.

Binigyan niya ako ng regalo – ang dalawang volumes ng “The Best of This Is A Crazy Planets” ni idol Lourd De Veyra. Napakasaya ko at halos madurog ang mga buto niya nang niyakap ko siya. (siyempre, walang malisya. Konti lang). Simple man ito sa aningin ng iba, ito ang pinakamagandang regalo na ibinigay niya sa akin at ituturing kong isa sa mga mahahalagang kayamanan ko sa mundo.

Sa aming paglabas, isang taxi driver ang tumgol sa harapan namin. Tinanong niya kami kung saan kami. Sumagot si Girlie “Sa Ortigas po” at agad kaming sumakay. Ngunit sa aming biyahe, naipit kami sa matinding trapik. Napabuntong-hininga ang driver na may bakas ng pagkadismaya.

Ngunit dahil isa akong likas na makwento, nagbukas ako ng usapan sa pamamagitan ng tanong na “Grabe trapik dito manong no?” At ang tanong na ‘yon ang naging susi sa isang hindi malilimutang karanasan na hinding-hindi namin malilimutan ni Girlie.

Kahit na hindi ako sanay o bilib sa mga taxi driver na swapang at namimili ng pasahero o madaya sa metro ng pamasahe, binago ng mga sandaling iyon ang aking paniniwala. Kung ika-classify ko ang taxi driver ayon kay Lourd de Veyra, isa siyang “The Singer/The Talker” (magbasa kasi ng libro ni Lourd De Veyra para hindi ka mukhang tanga). Hindi lang pagmamaneho ang nakokontol niya, pati ang pag-uusap namin sa loob at mga palitan ng opinyon sa mga nangyayari sa kasalukuyan tulad ng pork barrel, Zamboanga siege, Megan Young at Miss World, kung saan galing ang salitang “apir”, kung bading ba talaga si Piolo Pascual, bakit mukhang talangka ang istraktura ng CCP, at kung anu-ano pa. Grabe, siguro kung nakatapos lang si Manong taxi ng education, malamang siya ang favorite kong teacher. Sabayan mo pa ng mga hardcore jokes tulad ng “Ang Tatlong Daga”, Ano ang ibig sabihin ng abbreviation na “PLDT” (Pekpek Ligo, Dating Titi), Kung Japayuki ang tawag sa mga Filipinang entertainer sa Japan, ano ang tawag sa mga Japanese na napunta sa Plipinas? (ang sagot, “Namumuki”), ang salawikain niya na “Ang hindi lumungon sa pinaggalingan, hinuhuli ng MMDA (or nauuntog)”, at marami pang iba na nagpasakit sa tiyan namin ni Girlie sa katatawa. Ang lupit ni Manong. Kung magiging komadyante siya, malamang nasa TV na din siya at tinatadyakan si Vice Ganda sa mukha habang sinasabi na “Nang dahil sa ‘yo, bastos nang sumagot ang mga kabataan! Tangina mo!”

Pero ito ang hardcore sa lahat. Nang naubusan na kami ng pinag-uusapan, nag-request ako na magpatugtog siya ng radyo. Noong una, hindi namin alam ang kanta pero nang napakinggan na namin ang una at second stanza ng kanta, alam na namin ang title – “Two Less Lonely People in the World’ ng Air Supply. Nang dumating na sa chorus part, inawit ko ang unang linya. Sumunod si Girlie nag idinugtong niya ang second line. Ngunit kami ay nagulat nang nilakasan ng taxi driver ang volume at kinanta ang natitirang linya ng chorus na may boses na parang tinitiklop na  yero na may lyrics na "Eeen my layp wer ebreting wasrong, samting faynli wint rayt. Nawders tulis lonli peepoh... tulis lonli peepooooohhh... inda word tuuuunaaaaayt!" tumawa kami. Ngunit napansin ko na iba ang tawa ko... ito ang tawa ko noong nag-joke si Girlie tungkol sa babaeng nawawala ang hairclip tatlong taon na ang nakakaraan. Napaka-natural na may bahid ng luha at galak.

Napansin ko din si Girlie. Nakita ko uli siyang tumawa at narinig ang mga halakhak ng isang masayang tao. Tulad ko. Naluluha na din siya sa kakatawa. Sa hindi malamang dahilan, sumabay kami sa pagkanta ng taxi driver. Napakasimple at corny ng ginagawa namin pero ang mga sandaling iyon ang hinding-hindi ko malilimutan. Halos isang oras din ang traffic na ‘yun. Hindi kami nakaramdam ng inip. Ang mahalaga, enjoy lang kami.

Nagdesisyon na lang kami na ibaba kami sa piakamasarap at murang kainan. May kasabihan kasi kapag maraming nakaparadang taxi driver sa isang karinderya,  masarap ang pagkain doon. Ibinaba niya kami sa isang kariderya na puro Chinese food ang pagkain... at may videoke pa. Ang nakakapagtaka, hindi siya matao. Umubos ako ng ng tatlong daan sa pagkain (Peking duck,  apat na siopao, anim na order ng siomai, dalawang noodles at tatlong  extra rice kasi malakas kumain si Girlie). Napansin din namin na kumain din si manong kasama ang ibang taxi driver. Ang sarap ng food trip namin (sira ang diet) kahit simple lang ang pagkain. Maiisip mo pa din ang sarap ng pagkain ay hindi tugma sa mura nitong presyo. Nang palabas na kami dahil malapit nang gumabi, nag-offer uli si manong driver na isakay uli kami pabalik ng Karuhatan.

Mabilis kaming nakarating sa lugar kung saan kami isinakay kanina. Pagkaabot ng pamasahe, ngumiti sa amin ng taxi driver na kami ang pinakamasayang pasehero niya at nag-enjoy din siya. Hindi kalakihan ang siningil sa amin. Isang rpleksyon ng isang Pilipino na nagbibigay ng discount sa kanyang costumer na napagkatuwaan niya.

Nang pauwi na ako ng Cavite, naisip ko ang mga nangyari na kahit papaano ay nagbigay ng isang aral sa buhay – simple lang ang buhay, hindi mo dapat gawing kumplikado. Sa panahon na mabilis ang takbo ng buhay at komunikasyon, maaaring nakakalimot na din tayo sa mga simpleng bagay na hindi natin nabibigyan ng importansya. Ika nga ng isang kasabihan na “simplicity is beauty”, ang ganda ng isang bagay ay hindi nakukuha sa pagkukulay ng buhok, paglalagay ng braces, pag-gimik sa mga mamahaling tambayan o pagsusuot ng magagandang damit. Tulad ni Girlie at taxi driver, ang pagbibigay at pakikisama ng simple ay nagreresulta ng isang maayos at tahimik na isip, puso at kaluluwa ngunit nagdudulot ng saya na abot hanggang langit.

 

 

Monday, September 23, 2013

Epiko 69: "Kaduda-dudang Paghihinala"


Wala akong ganang magsulat. Ang totoo, wala naman talaga akong dapat isulat. Talaga lang magulo ang isip ko ngayon. Wala akong ibang naiisip kundi ang araw na nangyari ang isa sa mga pinakamabigat na desisyon sa buhay ko.

Hindi ako nagkakamali sa aking kutob at hinala. Palagi akong tama. Kung magkamali man, maliit na porsyento lang. Minsan sa buhay, dapat magtiwala din sa hinala o akala na kalimitan at nagiging sanhi ng hindi pagkakaunawaan. Maraming beses nang dumating sa buhay ko ang nakaramdam ako nito. Marahil ay nagbabatay ako sa mga ebidensiya at kilos ng isang tao. Kung magiging detective siguro ako, malamang nahuli ko na ang pinaka-astig na kriminal sa kasaysayan.

Natural na malakas ang pwersa ng kutob at hinala sa pag-iisip at emosyon ng tao. Sabi nga ng kilalang psychoanalyst na si Sigmuend Freud, isa ito sa mga basic instinct ng tao. Ang taong nag-iisip ng mga bagay at naghihinala sa mga ito ay patunay lang na ang tao ay umiiwas o lumalaban sa mga panganib na nasa paligid nito na kung tawagin din ay “fight or flight response”. Pero ang sukatan ng pagkatumpak o pagka-eksakto ng kanyang nararamdaman ay depende sa kanyang kakayahang unawain ang mga bagay hindi lang sa kanyang paligid kundi pati din sa kanyang sarili.

Pero bakit ba naghihinala at nagdududa ang tao at bakit ito ang nagiging mitsa ng isang matinding pagkasira ng isang samahan?

Ang sagot ay simple – galit

Ang konsepto ng galit ay nag-uugnay sa paghihinala at pagdududa. Isa sa mga patunay nito ay kung may galit tayo sa ating minamahal. Ang galit ang nagtutulak sa atin na maghinala o magduda. Bigla mo na lang ito mararamdaman. Walang ibang nilalang sa mundo ang pwedeng gumawa nito lalo na kapag nagmamahal ka. Maaring makapatay ito at makasira ng isang magandang samahan.

Sa ganitong klaseng nararamdaman, masasabi ko na batikan na ako dito. Alam ko kapag naghihinala o nagdududa ako, may masamang mangyayari o magkakaroon ng nakakalungkot na katapusan ang lahat. Ngayong tinapos ko na ang lahat sa amin, hindi ko na ito kailangan maramdaman pa uli. Ayoko na... ayoko na...

Monday, September 9, 2013

Epiko 68: "Ang Sayaw Na Bumago Sa Mundo ni Emong"


Muli akong tumuntong sa lugar kung saan ako naging hinog sa pag-iisip at kaalaman - ang unibersidad na kung saan nanahan ako ng mahigit apat na taon ay aking binalikan upang damhin ang samyo ng hangin ng nakaraan na puno ng matatamis at mapapait na alaala.

Hindi sana ako lilisan sa lugar na ito kung hindi dahil sa isang babae na nagturo sa akin kung ano ang dapat kong gawin. Mula sa mundo ng medisina, tinahak ko ang daan papunta sa aking unang pag-ibig – ang sining at literatura. Bagama’t natagalan upang ako ay makatapos, naging bahagi pa din ito ng aking muling paglalakabay ang binuo kong teatro sa unibersidad. Kasama ang mga piling mag-aaral, umabot na ito hanggang sa ikalabing-dalawang taon. Ito marahil din ang isa sa mga dahilan kung bakit ako bumabalik.

Sa mundo na kung saan nabuo ang aking lakas ng loob at tiwala sa sarili, napansin ko na malaki na ang pinagbago nito. Ang dating parang mala-role play sa classroom ay napalitan ng mataas na antas ng dula, panitikan at kontemporaryong sayaw. Kung ako ang tatanungin, malaki na ang pinagbago nito mula sa maliit na buto hanggang sa isang matibay at namumungang puno ng mga talentadong estudyante. Habang pinagmamasdan ko sila sa kanilang pag-eensayo, hindi mapigilan ng puso ko na makaramdam ng hindi maipaliwanag na kasiyahan.

Sa aking pagbisita, may napansin ako na bukod tangi sa nakakarami. Ang kanyang mga ngiti at tawa, bagama’t lihim kong napapansin ang umagaw sa aking atensyon. Para siyang anghel na nakikihalubilo sa mga nilalang na alam mong pwedeng makasakit sa kanyang inosenteng damdamin. Wala akong balak na lamin kung sino siya sa una ngunit dahil sa kanyang katangian na maamong tupa, naramdaman ko na naman ang isang pakiramdam na parang lalamon sa aking matinong pag-iisip at magpapalaya sa aking mapaglaro at malikhaing imahinasyon.

Nasundan pa ito ng mga hindi inaasahang pagbisita sa studio. Gusto ko lang siyang mapanood na mag-ensayo at makita ang kanyang mukha. Ayokong lumapit sa kanya, pakiramdam ko ay mahuhulog ako sa isang matinding gayuma o sumpa na maaaring ikabaliw ko. Hangga’t kaya kong pigilan ang espesyal na damdamin na ito para sa kanya, sinikap ko na hindi magpakita ng emosyon sa harapan niya. Ngunit sadyang mapanukso ang kanyang mga mata na parang ahas na nagpapanginig sa aking mga buto.

Isang araw nang bumisita akong muli, nadatnana ko siya na mag-isang nag-eensayo sa studio. Mula sa salamin sa pinto, pinanood ko siyang sumayaw sa saliw ng isang matamis na piyesa. Sa bawat pagtapak niya at paggalaw, pakiramdam ko ay nadadala ako sa kanyang matinding emosyon na puno ng mabibigat na emosyon tulad ng lungkot, galit at takot. Hindi ko alam kung ano ang nararamdaman ng kanyang kalooban sa mga sandaling iyon. Kahit gusto ko siyang lapitan, hindi ko magawa dahil ayokong masira ang kanyang ginagawang recital.

Matagal akong nakatayo at nagtiyagang panoorin siya. Naisip ko ang mga babaeng dumaan sa buhay ko habang pinapanood siya. Bumalik sa isip ko ang pakiramdam na nasaktan ako ng paulit-ulit sa mga naging kasintahan ko. Pakiramdam ko, hindi ako nadadala sa mga nangyari. Kahit na alam ko na nagmahal ako, hindi naging sapat ito upang maging martir at tanga ako. Hindi ako natututo sa mga pagkakamali ko. Palaging ako ang nasasaktan sa bandang huli.

Ngunit bakit bigalng nawala ang sakit na aking naramdaman noong nakita ko siya? Anong mayroon siya na unti-unting binura ang aking mga masasamang alaala habang sumasayaw siya?

Naramdaman ko na ito dati. Hindi lang isa, dalawa, tatlo o apat... sa dinami-daming babae na dumaan sa buhay ko, palagi kong sinasabi sa sarili ko ang mga katagang ito. Ilang beses na ba akong nasaktan at nagmahal muli? Ang totoo, hindi ko din alam. Manhid na ang puso ko at walang kadala-dala.

Sa mga oras na ito, tulala ako sa kawalan. Hindi ko namalayan na papalabas na siya ng studio. Nang nakita niya ako na nakatayo sa pintuan, tiningnan niya ako na parang pusa na kinikilala ang kaharap na pagkain. Bumalik lang ang ulirat ko nang tinapik niya ako sa balikat. Ngumiti siya na hindi nalalaman ang buong pangyayari. Ang kanyang inosenteng mukha nagsasabi sa akin na magiging maayos din ang lahat. Parang sinasabi niya na ituloy ko lang ang ginagawa ko at makakarating din sa dapat puntahan. Wala akong sinabing salita, sapat na ang mga sandaling iyon upang maisip ko ang dapat kong gawin sa buhay ko.

Masyadong mabilis ang mga pangyayari. Ngunit gayun pa man, nais ko itong ulit-ulitin at hindi magsasawang gawin ito.

 

 

Friday, August 30, 2013

Epiko 67: "Digmaang Sibil ang Solusyon"

Hindi ako nabigla sa paglabas ng isang tao na maglalakas-loob na kasabwat siya sa isang matindinding eskandalo sa kasaysayan ng pulitika sa Pilipinas. Malaking pera ang pinag-uusapan dito... at hindi lang basta malaking pera – pera ito ng na mla sa mga Pilipino.

Si Gng. Napoles ay isa sa mga (sabihin na natin) Pilipino na may malaking impluwensya sa mga pulitiko na may pansariling interes na makakuha ng “pork” o pera. Ngayong sumuko na siya at mukhang galit-na galit ang mga kaibigan niya sa pulitika dahil alam na nila na mapapahamak sila.

Kung iyong susuriin, bakit may mga tao na handang maglabas ng malaking pera at mamatay  makuha lang ang isang pwesto sa kamara o senado? Ano ba talaga ang makukuha nila kapag sila ay nakaupo na?

Kahit hindi mo naman sagutin, alam mo kung bakit.

Nakaktawa lang na isipin na ang pulitika sa Pilipinas ay ila isang malaking “negosyo” Hindi sapat ang kapangyarihan upang mapasunod ang mga tao. Kailangan mo nang pera para maging makapangyarihan ka. At dahil malaki ang pera na pwedeng makuha dahil sa “pork barrel”, gagawa at gagawa sila ng paraan para makuha ang pera ‘yon hindi lang para maging makapangyarihan sila kundi pati na din sa kanilang personal na interes. Sa likod ng kanilang personal na ineres ay may isang “Napoles” na nakikinabang habang ang nakakarami ay nagrereklamo tungkol sa kanilang mga sirang kalsada, kulang na silid aralan, mga bagong trabaho at proyekto mula sa pamahalaan para maging maginhawa ang kanilang pamumuhay.

Sabi nga sa kasabihan, may hangganan din ang lahat. Marami nang mga Pilipino ang tila natauhan at naging mapagmatyag sa ginagawa ng kanilang mga pinuno na nakupo sa pwesto. Noong nakaraang Agosto 26, pinatunayan na ng marami sa atin na dapat kolektibo tayong kumilos at magsalita ukol sa isyu na lahat tayo ay apektado. Kailangan din natin ng iba pang “Napoles” para isiwalat ang iba at magbayad sa kanilang ginawang paglulustay sa bansa.

Kaduda-duda man ang pagalabas ni Napoles sa mga panahon na ito, iisa alang ang malinaw – nagising na ang Pilipino sa mga ginagawa ng ating mga pulitiko. At ang mga pulitiko? Siguro ay nag-iisip-isip na sila sa kanilang ginagawa. Kung bibigyan lang ako ng pagkakataon, civil war lang solusyon kung hindi maaayos ang isyu na mayroon tayo.

Ano nga ba ang civil war?

Sa malinaw at simpleng perspektibo, parang paglilinis lang ito ng bubong ng bahay na kung saan nagmumula ang lahat ng kalat at dumi. Dahil kung lilinisin lang natin ang mababang parte ng bahay, patuloy na madudumihan ito sapagkat ang mga dumi mula sa bubong ay baba at kakalat sa paligid. Gayundin ang civil war. Sa pamamagitan ng digmaang sibil, malilinis at mawawala ang mga tao sa gobyerna na nagpapadumi sa ating lipunan. Ang paraan na paglilinis nito ay medyo madugo at maraming tao ang mamamatay. Ngunit ganito talaga ang patakaran ng buhay sa mundo, sa bawat tagumpay ay kailangan may magsakripisyo sa ikabubuti ng lahat.

Alam ko na taliwas ito sa inyong paniniwala pagdating sa demokrasya na mayroon tayo. Ngunit dahil mahilig tayo sa mabilisang solusyon at pagod nang magsalita sa mga nagbibingi-bingihang pulitiko na imbes na tulungan ay ninanakawan pa tayo, civil war ang sagot.

Thursday, August 29, 2013

Epiko 66: "Ulan"


Wala akong ganang magsulat ng blog ngayon dahil sa dami ng aking ginagawa, nawalan na ako ng oras para magsulat sa pitak na ito. Ngunit dahil umuulan, may mga bagay ako na naaalala na gusto ko nang kalimutan.

Ang ulan – kung iyong papansinin ay isang natural na galaw ng kalikasan. Ang tubig mula sa lupa ay unti-unting natutuyo at umaakyat sa langit upang mabuo ang mga ulap na minsan ay nagsisilbing panangga natin sa mainit sa sikat ng araw. Kapag bumigat ito, unti-unti itong babagsak upang maging ulan. Kung ikukumpara ito sa bagyo at sa iba pang mapaminsalang kalamidad, ito ay nagbibigay ginhawa sa tuyot na lupa at sa uhaw na mga halaman na nasa ilalim ng sikat ng araw.

Tulad ng ordinaryong panahon, may ulan din na dumadating sa ating buhay. Ang mga ulan na ito ay mula sa mga pagsubok at problema na ating nararanasan. Sa konteksto ng literatura, ang ulan ay sumisimbulo sa kalungkutan at luha ng isang tao. Ang tubig na mula sa taas ng langit ay nagsisilbing luha ng Diyos na nakikisimpatya sa wasak na wasak na puso at kaluluwa ng isang tao.

Ang ulan din ay isang paalala na ang tao ay marupok. Ang kahinaan ng damdamin ng isang tao na labanan ang isang matinding pagsubok sa buhay ay pwedeng ihalintulad sa mga patak ng ulan na hindi pwedeng maiwasan kapag nasa labas. Kahit may panangga ka dito, mababasa ka pa din ng paghihirap.Hindi ka makakatakas. Hindi ka makakaiwas.

Para sa akin, ang ulan ay sumisimbulo ng isang babae na nagbigay pasakit o pighati sa puso ko. Maaaring ihalintulad ko ang aking mga luha sa mga patak nito na bumubuo ng matinding pinsala sa aking damdamin. Kung sabagay, ilang ulan na din sa buhay ko ang dumaan at nalamapasan ko ang mga ito. Tinuruan ako nito na maging matatag na harapin ang bagong simula sa aking buhay.

Siguro nga na hindi dapat mawala ang ulan sa buhay natin, literal man o hindi ang pagkakabigay natin ng kahulugan dito. Sa bawat patak nito, pinapaalala nito sa atin ang maraming bagay na nagbibigay sa atin ng iba’t-ibang pakiramdam at alaala. Dapat pa nga ay lumabas at magpaulan ka. Damhin mo ang bawat patak nito. Sumayaw ka, umiyak o tumawa, bahala ka. Minsan lang umulan at hindi ito pangmatagalan, sa bandang huli, titila din ito.

Monday, August 26, 2013

Epiko 65: "Balabal"



Mahilig akong maglagay ng mga accessories sa katawan. Noong kabataan ko, marami akong beads na kwintas at bracelet na sumasalamin sa aking personalidad. Nakakadagdag din ito ng appeal sa akin at nagbigay sa akin ng mataas na tiwala sa sarili.

Ngunit sa paglipas ng panahon, nawala na ang mga ito. Tulad ng mga alaalang punong-puno ng magaganda at masasakit na alaala, ito ay aking pilit na kinakalimutan. Ngunit hindi maiwasan na may mga bumabalik pa din sa isip ko sa oras na nag-iisa ako o may mga bagay na nagpapaalaala sa akin.

Ngayon, naisip ko na nais kong gumawa ng bagong mga alaala. Kailangan ko lang ng isang bagay na magpapaalala sa akin na ito ang gusto kong gawin. Naisip ko ang isang bagay na sa tingin ko ay perpekto para dito - balabal.

Isa itong maliit na piraso ng tela na pwedeng proteksyon sa lamig, init at alikabok. Ginagamit din ito upang itago ang sarili sa maraming tao o kaya ay pantakip sa kahit na anong parte ng katawan. Hindi din ito nawawala sa uso.

Bukod sa ito ang isa sa mga signature accessories ng aking paboritong super hero na Kamen Rider, ito na marahil ang bagay na idagdag sa aking pang-araw-araw na kasuotan. Nais ko nang magkaroon ng isang buhay na matagal ko nang hinahanap sa buhay ko. Maaaring tulad ako ng isang balabal na gustong itago ang aking tunay na katauhan sa nakakarami. Pero sa kabilang banda, nais ko din protektahan ang mga tao na mahahalaga sa akin at magsilbing init sa mga malalamig at  manhid na puso.

Para sa akin, ang balabal din ang simbulo ng katandaan at pagkakaroon ng malawak na pag-unawa sa mg bagay-bagay sa mundo. Masyado nang marami ang naranasan ko sa buhay. Ito na din ang magsisilbing paalala na dapat ko nang harapin ang katotohanan na pilit kong tinatakasan. Pagdating sa pag-ibig, ito din ang magsisisilbing taklob sa puso kong hindi nadadala sa pag-ibig na sumira sa aking tunay na pagkatao. Nais kong itago ang puso kong mapaglaro at mahimlay na ito sa kanyang pananahimik. Hindi ko sinasabi na hindi na ako iibig pa. Kilala ko ang puso ko. Kailangan nito ng isang harang upang hindi ito maging mapusok at mapaglaro. Ito marahil ang silbi ng balabal para sa akin.

Marahil sa oras na makita niyo akong nakabalabal sa isang lugar, iisipin niyo marahil na nagpapansin o may pinagtataguan akong isang tao. May malalim akong dahilan kung bakit ko ito isinusuot at malamang na dala ko na ito hanggang sa aking pagtanda. Hindi ko na iisipin ang mga sasabihin ng mga tao sa aking paligid kung bakit ako nakasuot nito. Ang importante, makikilala niyo ako bilang bagong ako sa ganitong bagay.

Hindi masama ang pagbabago sa sarili. Sa oras na makilala mo na ang iyong sarili, hindi mo na iisipin ang sasabihin ng iba. Ang mahalaga, natagpuan at kilala mo na ang sarili mo.

 

 

Sunday, August 18, 2013

Epiko 64: "Ang Babaeng May Taglay na Sumpa"

Pangarap ng bawat kababaihan na hangaan ng nakakarami. Kung may taglay kang kagandahan, busilak na kalooban at talento, maraming lalaki ang magkakandarapa at marami ding babae ang maiinggit sa ‘yo. Wika nga ng isa sa mga kanta ng bandang Space, “the female of the species is deadlier than the male”. Makamandag, nakakatakot, at higit sa lahat, punong-puno ng misteryo ang “perpektong babae”.

Kung ako ang tatanungin, may nakilala akong babae na sa tingin ko ay masasabi ko na perpekto.

Ang kanyang talento sa talento kapag  tumuntongat sumayaw  na siya entblado ay isang napakagandang tanawain na higit pa sa Shangri-La, Paris, Prague at sa kahit anong lugar sa mundo. Pakiramdam ko ay higit pa sa paraiso ang makita ko siyang sumusunod sa daloy ng musika habang ang katawan niya ang nagbibigay ng buong emosyon habang nagtatanghal.

Kung tatanungin naman ang kanyang taglay na kagandahan, higit pa sa anghel o kahit na anong magandang nilalang sa daigdig. Ang kanyang mukha ay isang matamis na alaala na pilit mong babalikan na nagmamarka sa isip at puso. Parang kuryente ang kanyang mga titig na unti-unting pumapatay sa puso ng bawat kalalakihan. Ngunit ang pinakamatindi sa lahat ay kanyang ngiti na masasabi kong mala-Mona Lisa na walang katumbas na kayamanan sa mundo.

Bihira lang ako makakilala ng babaeng na masasabi ko na may taglay na kabutihan (halos lahat kasi ng mga babae na duman sa buhay ko ay salbahe). Kahit noong una ay mukha siyang imposible na makasundo, hindi ko na napigilan ang puso ko na mahulog sa kanya nang tuluyan ko nang makilala ang kanyang totoong pagkatao na napaka-natural at walang tinatagong sikreto.

Ngunit hindi alam ng babae na tinutukoy ko na may taglay din siyang sumpa. Isang sumpa na sa tingin ko ay ipinagpapasalamat ko na mayroon siya. Alam ko na hindi lang ako ang lalaking humahanga sa kanya. Alam ko na may mas higit pa na halos magpa-alipin o magpakamatay lang para makuha ang puso niya.

Hindi naman sa hinuhusgahan ko siya pero dahil sa dami na ng babae na dumaan sa buhay ko, kilala ko ang mga katulad niya. Wala akong ideya kung ano ang tumatakbo sa isip niya sa mga panahon na ito pero alam ko na wala sa tipo niya ang mga katulad ko. Kung sabagay, hinahangaan ko siya pero hindi ito sapat para masabi ko na gusto ko siya... dahil ayokong makaranas ng sumpa. Habang maaga pa, hindi ko na lang binibigyan ng pansin ang nararamdaman ko para sa kanya.

Sa tagal-tagal ko nang nagsusulat ng The Emong Chronicles, iniaalay ko ang epikong ito sa babaeng masasabi ko na nagbigay ng marka muli sa puso ko – isang sumpa na nagpapaalala sa akin na ako ay marupok, mahina at nasasaktan. Salamat sa kanya, natauhan ako at hindi nagpatalo sa sumpa na kanyang taglay. Hindi ko kailangan ng babaeng maganda, matalino at talentado. Ang kailangan ko, isang babae na marunong magmahal at magpahalaga sa akin.

Friday, July 12, 2013

Epiko 63: "Ano ang Pinakamahalaga – Ang First Dance o ang Last Dance?"


Sa isang mapusok at mahilig sa pakikipagsapalaran sa laro ng pag-ibig, hindi pa din masagot ang katanungang ito – mas mahalaga ba ang unang sayaw o ang huling sayaw?

Sa mga taga-kanluranin at sa iba pang bansa sa Asya, mahalaga ang unag sayaw sapagkat ang maging una sa lahat ng bagay ay isang tagumpay na maituturing. Ngunit sa kulturang Pilipino, ang huling sayaw ang nag-iiwan ng isang alaala na hindi makakalimutan ng kahit sinuman.

Sa buhay ko, dalawang babae lang ang isinayaw ko... ang minahal ko.

Nang muli akong makipagsayaw ( sa aking dalawang estudyante), naisip ko ang aking nakaraan – ang unang babaeng isinayaw ko saliw na awiting “True” ng Spadau Ballet labing-apat na taon na ang nakakaraan at ang huling babae na aking isinayaw sa saliw na awiting “Kaibigan Lang Pala” ni Jaramie tatlong buwan na ang nakakalipas. Sa magkaibang panahon at kanta na sila ay aking isinayaw (at parehong nagsisimula sa letrang “S” ang kanilang mga pangalan), naisip ko ang mga bagay kung ano ba ang mahalaga.

Marahil ang unang pag-ibig na aking naramdaman sa una kong isinayaw ang nagturo sa akin kung gaano kasarap ang pakiramdam na sumayaw sa agos ng pag-ibig. Ang mga panahon na nakasama ko siya ay itinuturing kong tagumpay sapagkat sa unang pagkakataon, nagmahal ako ng buong puso. Hindi ko makakalimutan ang hawakan ng aming mga kamay at nagtititigan na tila hinihiling na sana ay hindi na matapos ang awiting iyon. Ngunit ito ay nagwakas tulad ng bawat sayaw ng buhay. Dahil sa aking mga maling hakbang, nawala siya sa buhay ko at naiwan ako sa gitna ng  bulwagan na umiiyak at nagsisisi.

Makalipas ang ilang taon, dumating ang huling babaeng isinayaw ko. Sa bawat maingat na hakbang na aking ginagawa upang hindi siya maapakan, naisip ko na hindi lahat ng taong minamahal ay pwedeng makadaupang-palad. Sa aming humling sayaw, hinayaan ko n lang na siya ang gumawa ng hakbang na aking sususndan. Ang sarap ng pakiramdam ngunit ang hapdi na hindi kami pwedeng magsama ay ang musikang tumapos sa aming magandang sayaw. Ngunit ang mga alaala na iniwan niya sa akin ay parang kayamanan na walang katumbas sa mundo. Siya ang nagsilbing pag-asa ko na pwede pa pala akong magmahal muli at hindi ko ipagpapalit sa akhit ano ang kung ano na mayroon kami.

Sa aking pagsusulat, hindi ko pa din masagot ang tanong tungkol sa halaga ng una at huling sayaw sa isang tao. Depende na ito sa tao. Ang pag-ibig ay isang sayaw – kailangan ng puso mo na sumayaw sa malupit na mundo. Kahit ilang beses ka pang makpagsayaw sa iba, hinding-hindi9 mo makakalimutan ang dalawang tao na nagbigay sa ‘yo ng una at huling sayaw sa buhay mo.

Nang matapos kong isayaw ang dalawa kong estudyante, muli ako napaisip - Ano kaya ang pakiramdam ng dalawa matapos ko silang isayaw? Ano ang iniwan ko sa kanila? Ano ang nararamdaman nila?

Malamang siguro, ibang kwento na iyon...

Friday, May 31, 2013

Epiko 62: "Habang Tumatagal, Lumalala, Laging Nagwawala"



Sa mga oras na ‘to, hindi ko pa din matapos ang binabasa kong libro na “The Pretenders” ni F. Sionil Jose. Sa aking pagbabasa ay tumatak sa akin ang bida ng kwento na si Tony. Kahit papaano, nararamdaman ko ang karakter niya habang nagbabasa ng isa sa mga kilalang libro ng National Artist for Literature. Marahil ay katulad din niya ako na nagpapanggap sa mga tao sa paligid niya upang matupad nag kanyang mitihiin. Pero sa huli, maiisip niya na ang katotohanan ay hindi matatakasan.

Siguro nga ay nabubuhay tayo sa katotohanan na masaklap, malupit at hindi patas. Kaya nga mayroon tayong delusyon sa ating mga pag-iisip. Kung ang katotohan ang nagbibigay linaw sa ating pagkatao, ang mga delusyon namn natin ang nagbibigay pag-asa sa atin para mabuhay. Malamang nabubuhay ka sa pantasya na ikaw ay isang milyonaryo o sikat na artista o isang bayani na may kakaibang kapangyarihan. Normal lang ito sapagkat mga tao at may kanya-kanyang delusyon.

Ngunit paano kung ang delusyon mo ay nagkaroon ng koneksyon sa katotohanan? Ano ang gagawin mo? Ano ang pipiliin mo? Saan mo gustong mabuhay?

Bilang isang manunulat, 90% ng buhay ko ay nabubuhay sa delusyon dahil halos lahat ng isinusulat kong kwento ay galing doon. Ngunit nalalabing 10% porsyeto ng aking pagkatao sa katotohanan ang hindi ko maaaring ipagpalit sa delusyon na mayroon ako. Iba pa din kapag alam mo ang katotohanan na nangyayari sa buhay, pag-ibig at lipunan na aking ginagalawan. Mas ramdam ko ang pagiging tao. Ngunit dahil sa delusyon na mayroon ako, naiisip ko ang mga bagay na imposible na maaring magkatotoo at mga pangarap na kaya ko pang gawin. Pipiliiin kong mabuhay sa katotohanan na may delusyon aong pinanghahawakan kaysa sa delusyon na hindi naman pwedeng maging katotohanan. Masakit man itong tanggapin, ito ang pinagmumulan ng aking lakas para magpatuloy sa buhay.

Delusyon ang bagay kung bakit tayo nagkakaroon ng pangarap patungo sa katotohanan. Huwag nating kalimutan na kaya tayo may utak ay hindi lang para gamitin sa pag-iisip at mangatwiran. Ginagamit din natin ang ating utak para maging isang tao na may delusyon na maabot ang lahat ng ating minimithi.
Kailangan bang mabaliw para magkaroon ng matinding delusyon?


Sa tingin ko, hindi. 

Mas baliw ang walang delusyon sa katawan.

Sunday, May 12, 2013

Epiko 61: "Ang Aking Pinakaiingatang Kayamanan"


Minsan lang ako umuwi sa aking bayan sa Silang. Mula noong lumipat ako sa bayan ng General Trias, nag-iba na ang buhay ko - bagong trabaho, bagong kaibigan, at higit sa lahat, bagong buhay.

Sa tuwing umuuwi ako sa Silang, may tatlong bagay akong ginagawa. Una, binibisita ko ang aking mga magulang, ang aking alagang aso, at ang aking ibang kamag-anak na nangungulila sa aking pag-alis. Pangalawa, nililibot ko ang aming bayan upang tingnan ang mga pagbabago na unti-unting nagaganap gayundin ang mga kakilala at kaibigan na aking kinakamusta

Ngunit ang pangatlo ang pinaka-espesyal at katangi-tangi sa lahat.

Sa mga sandaling palubog na ang araw, sakay ng bisikleta, sisimulan kong baybayin ang kalsada papunta sa Munting Ilog National High School - Silang West Annex na nasa may Mary Ann Village. Sa sandaling makarating ako sa nabanggit na eskwelahan, dudungaw ako sa tarangkahan nito. Sa isang kisapmata, magbababalik ang isang espesyal na alaala tatlong taon na ang nakakaraan. Sa aking gunita, magbabalik ang mga pangyayaring itinuturing ko na isa sa pinakamahalagang bahagi ng buhay ko - ang araw na nakilala ko ang isang espesyal na kaibigan na si Sherry Rose Lacson. Mula sa una naming pagkikita, unti-unti nitong ipipinta sa aking mukha ang isang ngiti na kailanman ay wala pang nakakakita - isang ngiti na hindi ko maipaliwanag dahil sa halu-halong emosyon.

Bababa ako sa aking bisikleta at aakayin ko ito sa paglakad. Babalik uli sa isip ko ang mga panahon na magkasabay kaming umuuwi dala ang mga gamit niya at nag-uusap. Ang kanyang ngiti at halakhak ang tangi ko lang na naririnig sa aking isip habang mabagal na naglalakad. Malinaw pa sa aking gunita ang aming pinag-usapan at biruan habang tinatahak ang madilim na daan. Sa kalye P. Montoya ay liliko ako sa E. Asuncion na kung saan muli kong mararamdaman ang mga hampas at tapik niya sa tuwing nakakita siya ng ipis sa daan o kapag nagbibiruan kami. Pagliko sa kalye E. Gonzales, mapapahinto ako sa kapilya ng Iglesia ni Kristo na nagsilbing tahanan niya. Mga isang minuto ako titigil sa harap ng gate ng kapilya at unti-unting magbabalik ang imahe niya na kung saan siya ay kumakaway sa akin ng pamamaalam.

Dito na magsisimulang bumuhos ang luha ko.

Muli, sasakay ako ng bisikleta at iikutin ang mga kalye na minsan namin nilakaran na magkasama, bibili ng pagkain na paborito namin kainin at hihinto sa mga lugar na minsan namin tinigilan. Sa aking pag-uwi, nagiging sariwa uli ang mga panahon na kasama ko siya. Mula nang lumisan siya sa bayan na ito, isang espesyal na alaala ang iniwan niya sa akin na habambuhay kong itatago.

Bawat isa sa atin ay may alaalang iniingatan mula sa isang espesyal na tao. Bagama't marami akong masasama at gustong kalimutan na alaala sa Silang, ang alaala ni Sherry Rose ay hinding-hindi ko pagsasawaang balikan. Kailanman ay hindi ko siya kinalimutan, hindi siya nawalan ng lugar sa puso ko at higit sa lahat, hindi ko ipagpapalit sa kahit anong kayamanan sa mundo ang aming alaala na patuloy pa naming pinagpapatuloy at binibigyang halaga. Magkaiba man kami ng buhay, paniniwala at pangarap, para sa akin, siya ang taong hinding-hindi ko kakalimutan at ituturing na pinakamahalagang kayamanan na mayroon ako habang nabubuhay sa mundo.

Sunday, April 28, 2013

Epiko 60: "Tayong Mga Alagad ng Singit... Este Sining Pala"


Sining.
Para itong pag-ibig, hindi natin alam ang eksaktong interpretasyon nito sa bawat isang tao. Iba-iba ang pakuhulugan nito. Iba-iba din ang opinyon dito. Iba-iba din ang nakakaintindi dito.
Kamakailan, nanggaling ako sa Cultural Center of the Philippines. Sabi nga nang namayapang si Ninoy Aquino, ito ang “Pantheon” o “Acropolis” ng rehimeng Marcos (partikular para kay Imelda) dahil sagisag ito ng imortalidad ng madugo at nakakatakot na kasysayan ng pulitika sa bansa. Ngunit kung titingnan ito sa ibang prospektibo, mabuti na mayroon tayong ganitong klaseng lugar sapagkat dito nagsasama-sama at nagkikita-kita ang mga primyadong alagad ng sining sa bansa, Binibigyan ng pagkakataon ang mga Pilipinong astist na ipakita sa maraming tao ang kanilang talent at paraan ng kanilang ekspresyon sa pamamagitan ng sining.

Ngunit nakakalungkot isipin na sa kasalukuyan ay parang nawawala na ang interes ng masa sa sining. Hindi tulad noong panahon na wala pang internet, cable channels at high-tech na gadgets, iba na an gang pananaw ng mga Pilipino tungkol sa konsepto ng sining.

Ano nga ba talaga ang sining at kailan nagiging sining ang gawa ng isang tao?

Tulad ng sinabi ko kanina, hindi natin alam ang eksaktong interpretasyon nito sa bawat isang tao. Iba-iba ang pakuhulugan nito. Iba-iba din ang opinyon dito. Iba-iba din ang nakakaintindi dito.
Pero maiba ako ng tanong, may sining ka ba sa katawan?

Hindi ako tumutukoy sa kung ano ang estilo ng iyong pananamit, ang hilig mong musika o talento mo sa pagguhit, pagkanta, pagsayaw o pagsulat. Ang tinutukoy ko ay kung paano mo nabibigyang-halaga o pagpapahalaga sa isang ekspresyon ng tao sa pamamagitan ng siniing. Hindi ko din alam kung ano ang isasagot dito. Kahit na inaamin ko na may sining ako sa katawan, hindi ko pa din lubos na mainitndihan ang mga paintings nina Picasso at Van Gogh gayundin ang mga musika nina Beethoven at Mozart pati ang mga tula nina Pablo Neruda at Leo Tolstoy. Pero ang alam ko sa sarili ko na gusto ko ang mga lyrics na ginawa ni Daniel Johns at Joey Ayala, song arrangement ng Radioactive Sago Projects, Pinikpikan at mga nobela F. Sionil Jose.

Tulad ng sinabi ko kanina, muli, hindi natin alam ang eksaktong interpretasyon nito sa bawat isang tao. Iba-iba ang pakuhulugan nito. Iba-iba din ang opinyon dito. Iba-iba din ang nakakaintindi dito.
Alam ko na may sining sa katawang ang bawat isa. Nasa sa atin lang kung paano natin ito ipapakita sa maraming tao upang mabago ang kanilang perspejtibo sa buhay. Gamitin natin ang sining upang tulungan an gating bansa. Imulat sila sa hindi maipaliwanag na elemento nito. Ibahagi sa mga taong pwedeng pumuna o pumuri dito.

Ang mundo ay isang malaking entablado o canvass. Marami tayong pwedeng gawin. Huwag kang matakot. Ito ay likas lang sa mga mapanlikhang-isip na mayroon tayo. Dapat lang natin itong ipakita, ibahagi, ipagmalaki at higit sa lahat, pagyamanin.

Tandaan ang kasabihan, ang taong walang sining sa katawan ay taong walang kaluluwa.

 

 

Thursday, April 25, 2013

Epiko 59: "Makakalimot Ka Din... Sana"


 
Marahil naranasan mo nang magmahal ng isang tao na higit pa sa inaakala mo. Na higit pa sa buhay mo. Na sa paglipas ng panahon, kahit na hindi na kayo nagkikita ay hindi mo pa din makalimutan. Na para siyang isang malalim na peklat na habambuhay nang nakamarka sa iyong puso o isang mahapding kahapon na hindi mo pinagsasawaang balik-balikan dahil sa sakit na nagbibigay sa iyo ng ngiti at pighati.

Pero may pagkakataon din na hindi namamalayan, sa paglipas ng panahon ay unti-unting nabubura sa iyong alaala ang isang mapait at matamis na kahapon kasama ang isang tao na inakala mo na makakasama mo habambuhay. Kung tutuusin, madaming beses ko nang inakala sa buhay ko na “siya” na talaga ang tao na makakasama ko sa aking pagtanda – na hindi na ako titingin sa iba at siya na ang huling tao na mamahalin ko bilang magkasintahan.

Ngunit ang mga iyon ay mga salita lang.

May ikukwento ako sa inyo.

Marahil dumating na sa punto na nais nang pakasalan ni Fred si Karla. Habang lumalapit ang araw ng kanilang pag-iisang dibdib, aksidenteng nagkita sina Fred at ang kanyang dating kasintahan bago si Karla, si Selene. Sa isang restaurant, nag-usap sila. Nagkamustahan, nagpalitan ng kwento, hanggang sa hindi sinasadyang naungkat ang kanilang nakaraan. Tumawa at ngumiti sila sa kanilang magagandang alaala at lumuha sa kanilang masasakit at malulungkot na kabanata ng kanilang pag-iibigan.

Hanggang sa magdesisyon sila na balikan ang lahat sa loob ng isang gabi. Matapos ang ginawa nila. Naging malinaw sa kanila na natutunan nilang kalimutan ang mga bagay sa kanila. Ngunit ang mga alaala na mayroon sila ay hindi na kailnaman mabubura. Kung ang emosyon o pag-ibig man ay lumlipas, ang mga alaala ay kailanman na mananatili.

Sa isang relasyon, mahalaga ang mga alaala na nagsisilbing pinto sa kanilang pagsasama. Ito din ang dahilan kung bakit hindi bumibitaw ang isang nagmamahal dahil mahalaga ang mga alaala na iniwan sa kanya. Kahit na gusto natinitong kalimutan, hindi ito nagiging madali sapagkat matindi ang emosyon ang nakapaloob dito.

Ang pag-ibig ay my kalakip na alaala pero ang alaala ay pwedeng walang kalakip na pag-ibig. Ito ang pagkakaiba ng dalawa. Kung gusto nating makalimot sa isang mapait na nakaraan, gumawa ka ng mga bagong alaala – sa piling ng iba. Dahil dito, matatabunan at tuluyang mabubura ang isang alaala na gusto nating kalimutan. At kung ang pag-ibig mo man ay naglalaho, subukang balikan ang magagandang alaala na magpapaalala sa tunay mong nararamdaman. Nasa sa atin kung gusto nating bitawan ang mga alaala na dapat kalimutan. Sa bandang huli, nasa sa atin ang huling desisyon. Hindi natin kailangang biglain o pwersahin ang mga sarili natin. Panahon lang makakapagpasya.

Alaala lang ang dahilan kung bakit natin gustong magmahal at makalimot. Alaala din ang dahilan kung bakit tayo natututo at nagkakamali sa pagmamahal. At higit sa lahat, alaala ang nagbibigay saysay kung bakit tayo dapat mabuhay at magmahal.

Epiko 58: "Pagbabago"


Pagbabago.

Ito marahil ang bukang-bibig ng lahat ng nag-aasam ng kaginhawaan, kaayusan, kaukulan at kagandahan ng buhay. Ang salitang ito ay hindi na ordinaryo sa atin. Maliit man o malaki ang saklaw nito, ito ay ninanais ng kahit sino man sa atin.

Sa ating mundong ginagalawan, madami tayong gusto na mabago sa atin paligid, pamumuhay, emosyon, pangarap at estado sa buhay. Ayon nga sa kasabihan, “ang tanging permanente sa mundo ay ang pagbabago.” Gusto natin ang pagbabago. Ngunit sa iba, ito ay sisira lamang sa kung anong mayroon sa kasalukuyan.

May isa akong kwento na ibabahagi sa inyo.

May isang mag-aaral ng medisina na nakita at namulat sa isang maling sistema na kung saan hindi niya nagugustuhan ang patakaran ng mga kapitalistang Amerikano sa kanilang bansa. Nag-aral siya, hinubog ang prinsipyong naging susi sa kanyang ideyalismo at hindi nagtagal ay naging lider ng isang gerilya. Hindi siya natakot pumatay alang-alang sa prinsipyo. Kasama ang isang batang abugado (Fidel Castro), napagtagumpayan nila na mapatalsik ang kasalukuyang pamahalaan at naitatag ang isang bagong gobyerno na pabor sa kanyang paniniwala. Wala siyang inisip kundi ang mabuting kapakanan ng kanyang mamamayan at ipinaglalabang konsepto ng bagong pamamahala.

Dahil sa kanyang talino, diskarte, ideyalismo at pananaw, naging banta siya sa mga kapitalistang Amerikano na maaaring makapagpabagsak sa kanilang ekonomiya maging sa kanilang pulitika na naghahari sa halos kalahati ng mga bansa sa mundo. Gumawa sila ng paraan para mapabagsak siya dahil maari siyang magpasiklab ng “Ikatlong Digmaang Pandaigdig”. Inusig, ginipit at sa bandang huli ay pinatay. Ngunit bago siya patayin, sinabi niya ito: “Mamamatay man ang katawan ko ngunit hindi ang paniniwala ko.”

Ang kanyang kamatayan ay naging simbulo ng kabataan na nag-aasam ng pagbabago sa kanyang lipunan bilang isang “rebulusyonaryo.” Sa bawat damit, larawan at mga taong kinikilala ang kanyang kabayanihan at kagitingan, isa siyang alamat, bayani at modelo. Tulad niya, gusto kong sundan ang mga yapak niya.

Ang tinutukoy ko ay si Ernesto “Che” Guevara. Malamang kilala niyo siya bilang isang komunista o sosyalista. Pero para sa akin, siya ang perpektong imahe ng isang taong nag-aasam ng pagbabago.

Pagbabago.

Ito ang inaasam ng lahat. Ngunit itanong mo sa sarili mo, may nagawa ka ba?

Maraming pulitiko ang nagsasabi na magkakaroon ng pagbabago. Pero dahil sa pagkagahaman, nakakalimutan na nila ito at naipasa na sa mga susunod na henerasyon o salinlahi. Kaya nga kung titingnan niyo, walang pagbabago ang nagaganap Bilang isang kabataan, kaya mo bang mag-rebolusyon sa mga dinastiyang nangyayari sa ating pulitika. Sana kasingtapang natin si Che Guevara. Sana madaming Che Guevara sa ating bansa nang sa ganoon ay makuha natin ang pagbabagong inaasam natin.

Tuesday, April 16, 2013

Epiko 33: Mag-Isip Ka Nga!


Sa panahon na umiiral ang mabilis, mura at komportableng pakikipag-komunikasyon, nararamdaman na natin ang kaibahan ng buhay noon at ngayon. Bilang isang tao na nabuhay sa dekadang otsenta, nagkaisip sa dekada nobenta at naging tunay na tao sa dekada natin sa kasalukuyan. Masasabi ko na ang laki ng pinagbago ng lahat. Kamakailan lang ay laman ng lahat ng pahayagan, balita sa radyo at telebisyon ang  Republic Act No. 10175 o ang “Cybercrime Act.” (kung tutuusin ay talagang binasa koi to para maintindihan ko ang ikinapuputok ng butse ng nakakarami.) Tulad ng nakasanayan, dapat akong magsalita sapagkat baka ito na ang huli kong blog kapag nagkataon.

Ayon sa Republic Act No. 10175 Chapter II, SEC  6:  Cyber-squatting. – The acquisition of a domain name over the internet in bad faith to profit, mislead, destroy reputation, and deprive others from registering the same, if such a domain name is: (i) Similar, identical, or confusingly similar to an existing trademark registered with the appropriate government agency at the time of the domain name registration: (ii) Identical or in any way similar with the name of a person other than the registrant, in case of a personal name; and (iii) Acquired without right or with intellectual property interests in it.

Mmmmmm… Naintindihan mo ba? Eto naman… subukan mong intindihin.

SEC. 16. Custody of Computer Data. — All computer data, including content and traffic data, examined under a proper warrant shall, within forty-eight (48) hours after the expiration of the period fixed therein, be deposited with the court in a sealed package, and shall be accompanied by an affidavit of the law enforcement authority executing it stating the dates and times covered by the examination, and the law enforcement authority who may access the deposit, among other relevant data. The law enforcement authority shall also certify that no duplicates or copies of the whole or any part thereof have been made, or if made, that all such duplicates or copies are included in the package deposited with the court. The package so deposited shall not be opened, or the recordings replayed, or used in evidence, or then contents revealed, except upon order of the court, which shall not be granted except upon motion, with due notice and opportunity to be heard to the person or persons whose conversation or communications have been recorded.  SEC. 17. Destruction of Computer Data. — Upon expiration of the periods as provided in Sections 13 and 15, service providers and law enforcement authorities, as the case may be, shall immediately and completely destroy the computer data subject of a preservation and examination. SEC. 18. Exclusionary Rule. — Any evidence procured without a valid warrant or beyond the authority of the same shall be inadmissible for any proceeding before any court or tribunal. SEC. 19. Restricting or Blocking Access to Computer Data. — When a computer data is prima facie found to be in violation of the provisions of this Act, the DOJ shall issue an order to restrict or block access to such computer data. SEC. 20. Noncompliance. — Failure to comply with the provisions of Chapter IV hereof specifically the orders from law enforcement authorities shall be punished as a violation of Presidential Decree No. 1829 with imprisonment of prision correctional in its maximum period or a fine of One hundred thousand pesos (Php100,000.00) or both, for each and every noncompliance with an order issued by law enforcement authorities.

Tapos ngayon paba-black profile picture ka sa facebook? Kung tutuusin maganda ang panukala. Kaso para sa mga umeepal ng maaga sa eleksyon, “big deal” ito sa kanlia dahil malamang ay pagti-tripan na naman sila ng mga netizens. Kung sa ordinaryong tao, wala itong epekto. Pero sa mga katulad namin na malayang nakakagawa ng mga bagay sa internet, malaking problema ito sa amin. Kung mangungurakot o gusto niyong gawing business ang pulitika, huwag kayong mandamay ng mga katulad naming na malayang nagagawa ang lahat sa internet. Hinahayaan namin kayong gawin ang trabaho niyong magpalaki ng tiyan… kaya hayaan niyo kaming babuyin naming kayo sa paraan na kaya namin. Hindi naman siguro masama kung ipadama mo na tutol ka sa panukalang ito.