May kasabihan sa wikang Ingles na “Happiness comes from
small things. When collected, it’s a treasure”. Minsan sa buhay ng tao, hindi
natin napapansin ang mga maliliit na bagay. ‘Yung simple. ‘Yung totoo. At kapag
ito ay iningatan, ang balik nito ay hindi mo sukat akalain.
October 4, 2013, walang pasok (dahil fiesta ng Malabon sa
Gen. Trias kaya wala ding turo.) Habang papalapit ang second quarter exam (na
isa sa mga mabibigat na gawain bilang isang guro ay magtuos ng mga grado ng
bata) , nakakaramdam ako ng bigat sa aking dibdib. Nakakainis ang dumaang
linggo sa akin. (Hindi ko naman kailangan sabihin ang dahilan kung bakit. Basta
putangina niya). Gusto kong makalanghap ng sariwang hangin at mag-unwind
Nakatanggap ako ng text message kay Girlie (itago natin sa
pangalang Sherry Rose Lacson) at nagyayakag siyang mag-chill, stroll at
siyempre, kumain.World Teachers’ Day kasi. Hindi ako nagdalawang-isip na
pumayag sa alok niya. Sa simula pa lang noong nagkakilala kami (at paulit-ulit
kong isinusulat sa mga nakaraang blog
ko), hindi ko siya tinaggihan at agad na pumunta... kahit tatlong oras ang
biyahe papunta sa aming meeting place sa Karuhatan. Dati kasi dalawa at
kalahating oras lang kaso dahil sa ginawa ng MMDA na centralization ng mga bus
terminal sa Coastal Mall, putangina, kailangan kong maglakad ng papuntang LRT
terminal. Siyempre daan muna ako ng simbahan sa Baclaran para humilng na maging
ligtas ang pagkikita namin. Salamat sa nanay ko, naging habit ko ang magtirik
ng tumpok-tumpok na kandila para sa mga mahal ko sa buhay.
Nang nasa LRT terminal na ako, binibilang ko ang mga minuto
na muli kaming magkikita at lalabas ng “casual friends”. Siguro nga, “happy
crush” lang talaga ang nararamdman ko sa kanya
(na ayon kay Ramon Bautista ay ang pakiramdam mo gusto mo siya pero ayaw
mo pang maging girlfriend). Kapag nakatingin ako sa bintana ng LRT at
pinagmamasdan ang mga gusali, naiisip ko na talagang magkaiba na kami ng mundo
ni Girlie... at magkalayo (putangina, ang layo ng Gen. Trias sa Karuhatan,
Valenzuela City!). Pero natiis ko,
nalampasan ko at pinaghawakan ko ang pangako ko sa kanya na bilang isang
kaibigan (lang pala... Kaibigan lang pala...)
Nagkita na kami sa aming meeting place. As usual, isang
matinding “friend zone hug” ang sumalubong sa akin. Pero okay lang. Wala pa
kaming mapag-desisyonan kung saan pupunta. Siyempre, kwentuhan mina kami habang
kumakain ng aming all-time favorite ube ice cream. Simple lang ang aming
pagkikita ngunit kakaibang saya na nagpipinta sa akin ng hindi maipaliwanang na
ngiti ang aking isinusukli sa kanya. Kahit hindi ko maintindihan ang mga
kinukwento niya, kapag narinig ko lang ang boses niya, siguradong humuhiwalay
na kaluluwa ko. Tapos bigla siyang tatawa at hahampasin ako sa braso...
putangina ‘yun ang pinamasarap na pakiramdam.
Binigyan niya ako ng regalo – ang dalawang volumes ng “The
Best of This Is A Crazy Planets” ni idol Lourd De Veyra. Napakasaya ko at halos
madurog ang mga buto niya nang niyakap ko siya. (siyempre, walang malisya.
Konti lang). Simple man ito sa aningin ng iba, ito ang pinakamagandang regalo
na ibinigay niya sa akin at ituturing kong isa sa mga mahahalagang kayamanan ko
sa mundo.
Sa aming paglabas, isang taxi driver ang tumgol sa harapan
namin. Tinanong niya kami kung saan kami. Sumagot si Girlie “Sa Ortigas po” at
agad kaming sumakay. Ngunit sa aming biyahe, naipit kami sa matinding trapik.
Napabuntong-hininga ang driver na may bakas ng pagkadismaya.
Ngunit dahil isa akong likas na makwento, nagbukas ako ng
usapan sa pamamagitan ng tanong na “Grabe trapik dito manong no?” At ang tanong
na ‘yon ang naging susi sa isang hindi malilimutang karanasan na hinding-hindi
namin malilimutan ni Girlie.
Kahit na hindi ako sanay o bilib sa mga taxi driver na swapang
at namimili ng pasahero o madaya sa metro ng pamasahe, binago ng mga sandaling
iyon ang aking paniniwala. Kung ika-classify ko ang taxi driver ayon kay Lourd
de Veyra, isa siyang “The Singer/The Talker” (magbasa kasi ng libro ni Lourd De
Veyra para hindi ka mukhang tanga). Hindi lang pagmamaneho ang nakokontol niya,
pati ang pag-uusap namin sa loob at mga palitan ng opinyon sa mga nangyayari sa
kasalukuyan tulad ng pork barrel, Zamboanga siege, Megan Young at Miss World, kung
saan galing ang salitang “apir”, kung bading ba talaga si Piolo Pascual, bakit
mukhang talangka ang istraktura ng CCP, at kung anu-ano pa. Grabe, siguro kung
nakatapos lang si Manong taxi ng education, malamang siya ang favorite kong
teacher. Sabayan mo pa ng mga hardcore jokes tulad ng “Ang Tatlong Daga”, Ano
ang ibig sabihin ng abbreviation na “PLDT” (Pekpek Ligo, Dating Titi), Kung
Japayuki ang tawag sa mga Filipinang entertainer sa Japan, ano ang tawag sa mga
Japanese na napunta sa Plipinas? (ang sagot, “Namumuki”), ang salawikain niya
na “Ang hindi lumungon sa pinaggalingan, hinuhuli ng MMDA (or nauuntog)”, at
marami pang iba na nagpasakit sa tiyan namin ni Girlie sa katatawa. Ang lupit
ni Manong. Kung magiging komadyante siya, malamang nasa TV na din siya at
tinatadyakan si Vice Ganda sa mukha habang sinasabi na “Nang dahil sa ‘yo,
bastos nang sumagot ang mga kabataan! Tangina mo!”
Pero ito ang hardcore sa lahat. Nang naubusan na kami ng
pinag-uusapan, nag-request ako na magpatugtog siya ng radyo. Noong una, hindi
namin alam ang kanta pero nang napakinggan na namin ang una at second stanza ng
kanta, alam na namin ang title – “Two Less Lonely People in the World’ ng Air
Supply. Nang dumating na sa chorus part, inawit ko ang unang linya. Sumunod si
Girlie nag idinugtong niya ang second line. Ngunit kami ay nagulat nang
nilakasan ng taxi driver ang volume at kinanta ang natitirang linya ng chorus
na may boses na parang tinitiklop na yero na may lyrics na "Eeen my layp wer
ebreting wasrong, samting faynli wint rayt. Nawders tulis lonli peepoh... tulis
lonli peepooooohhh... inda word tuuuunaaaaayt!" tumawa kami. Ngunit
napansin ko na iba ang tawa ko... ito ang tawa ko noong nag-joke si Girlie
tungkol sa babaeng nawawala ang hairclip tatlong taon na ang nakakaraan.
Napaka-natural na may bahid ng luha at galak.
Napansin ko din si Girlie. Nakita ko uli siyang tumawa at
narinig ang mga halakhak ng isang masayang tao. Tulad ko. Naluluha na din siya
sa kakatawa. Sa hindi malamang dahilan, sumabay kami sa pagkanta ng taxi
driver. Napakasimple at corny ng ginagawa namin pero ang mga sandaling iyon ang
hinding-hindi ko malilimutan. Halos isang oras din ang traffic na ‘yun. Hindi
kami nakaramdam ng inip. Ang mahalaga, enjoy lang kami.
Nagdesisyon na lang kami na ibaba kami sa piakamasarap at
murang kainan. May kasabihan kasi kapag maraming nakaparadang taxi driver sa
isang karinderya, masarap ang pagkain
doon. Ibinaba niya kami sa isang kariderya na puro Chinese food ang pagkain...
at may videoke pa. Ang nakakapagtaka, hindi siya matao. Umubos ako ng ng
tatlong daan sa pagkain (Peking duck,
apat na siopao, anim na order ng siomai, dalawang noodles at tatlong extra rice kasi malakas kumain si Girlie). Napansin
din namin na kumain din si manong kasama ang ibang taxi driver. Ang sarap ng
food trip namin (sira ang diet) kahit simple lang ang pagkain. Maiisip mo pa
din ang sarap ng pagkain ay hindi tugma sa mura nitong presyo. Nang palabas na
kami dahil malapit nang gumabi, nag-offer uli si manong driver na isakay uli
kami pabalik ng Karuhatan.
Mabilis kaming nakarating sa lugar kung saan kami isinakay
kanina. Pagkaabot ng pamasahe, ngumiti sa amin ng taxi driver na kami ang
pinakamasayang pasehero niya at nag-enjoy din siya. Hindi kalakihan ang siningil
sa amin. Isang rpleksyon ng isang Pilipino na nagbibigay ng discount sa kanyang
costumer na napagkatuwaan niya.
Nang pauwi na ako ng Cavite, naisip ko ang mga nangyari na
kahit papaano ay nagbigay ng isang aral sa buhay – simple lang ang buhay, hindi
mo dapat gawing kumplikado. Sa panahon na mabilis ang takbo ng buhay at
komunikasyon, maaaring nakakalimot na din tayo sa mga simpleng bagay na hindi
natin nabibigyan ng importansya. Ika nga ng isang kasabihan na “simplicity is
beauty”, ang ganda ng isang bagay ay hindi nakukuha sa pagkukulay ng buhok,
paglalagay ng braces, pag-gimik sa mga mamahaling tambayan o pagsusuot ng
magagandang damit. Tulad ni Girlie at taxi driver, ang pagbibigay at pakikisama
ng simple ay nagreresulta ng isang maayos at tahimik na isip, puso at kaluluwa
ngunit nagdudulot ng saya na abot hanggang langit.
No comments:
Post a Comment