Thursday, November 7, 2013

Epiko 72: "Isang Pasasalamat"


Mula noong nagsimula ang The Emong Chronicles apat taon na ang nakakaraan, natatandaan ko pa kung ano ang puno’t dulo nito. Mula sa isang malaki at malalim na hukay ng kalungkutan na mayroon ako ay ibinuhos ko ang aking panahon sa pagsusulat upang mailabas ang lahat ng aking sama ng loob at kalungkutan. Ngunit sa paglipas ng mga epiko na aking isinulat, naging isa din itong daan upang maipahayag sa isang napakahalagang tao na aking nakilala na nagligtas sa akin sa kalungkutan na halos ikamatay ko ang aking nararamdaman.

Muli, sa isang hindi  maipaliwanag na sitwasyon sa buhay ko, muli akong nahulog sa matinding depresyon at nakita kong muli ang kamay niya. Naalala ko ang isang episode sa Kamen Rider OOO na kung saan si Hino Eiji, isang tao na wala nang nararamdaman na kasakiman at pagnanasa dahil sa mga nangyari sa kanyang buhay ay nahulog sa matinding kadiliman ng kanyang pagkatao. Si Izuma Hina, isang kaibigan na tinulungan ni Hino Eiji ay napagtanto ang sakit na kanyang nararamdaman. Si Izuma Hina ang nagsilbing lakas at gabay ni Hino Eiji kung kaya siya muling nakatayo. Alam ni Izuma Hina ang ang sakit, hirap at kalungkutan ni Hino Eiji kaya hindi siya umalis sa kanyang tabi.

Marahil ay maihahalintulad ako kay Eiji Hino at si Sherry Rose kay Izuma Hina. Sa mga oras at panahon na hindi ko alam ang gagawin ay bigla na lang siyang lilitaw at sa hindi maipaliwanag na sitwasyon, pakiramdam ko ay lumalakas ang aking loob. Nagkakaroon ako ng tatag ng loob na harapin ang lahat ng mga pagsubok. Parang handa akong masaktan ng paulit-ulit dahil alam ko na nandyan siya at patuloy na pinalalakas ang aking kalooban. Sa hindi ko maipaliwanag na dahilan. Napapangiti ako habang umiiyak an puso ko, tumatawa ako kahit mabigat na ang kalooban ko at lumalaban ako sa mga pagsubok kahit wala na akong pag-asa sa laban. Dalawang beses na niya akong iniligtas. utang ko sa kanya ang lahat ng aking saya. Nagsilbi siyang huling pag-asa ko.

Sa dinami-dami ko nang blog na isinulat para kay Sherry Rose, ito na siguro ang paraan para mapasalamatan ko siya sa mula nang una ko siyang makilala hanggang sa kasalukuyan. Alam ko sa sarili ko na hindi pag-ibig ang nararamdaman ko sa kanya. Sa mga babaeng nakilala at dumaan sa buhay ko, hindi siya ordinaryo. Hindi ko masasabi na higit pa doon ang nararamdaman ko dahil isa lang ang ayokong mangyari – ang mawala siya sa akin. Siya ang dahilan kung bakit ako nakakangiti, nakakatawa, at kung bakit may lakas ako ng loob upang harapin ang araw na dumadaan. Masaya ako na kahit malayo siya sapagkat hindi siya nawala sa akin.  At higit sa lahat, siya ang nagsilbing pag-asa ko... ang aking huling pag-asa.

Friend, Girlie, Che, o kung ano man ang tawag ko sa ‘yo... maraming salamat. Muli ay iniligtas mo ako sa isang madilim na hukay. Salamat sa kamay mo na nagtayo muli sa akin at naging lakas ko upang harapin ang mga araw na darating. Magiging maayos din ang lahat. Basta diyan ka lang at huwag mo ako iiwan... friend, Girlie, Che, o kung ano man ang tawag ko sa ‘yo...

No comments:

Post a Comment