Thursday, August 29, 2013

Epiko 66: "Ulan"


Wala akong ganang magsulat ng blog ngayon dahil sa dami ng aking ginagawa, nawalan na ako ng oras para magsulat sa pitak na ito. Ngunit dahil umuulan, may mga bagay ako na naaalala na gusto ko nang kalimutan.

Ang ulan – kung iyong papansinin ay isang natural na galaw ng kalikasan. Ang tubig mula sa lupa ay unti-unting natutuyo at umaakyat sa langit upang mabuo ang mga ulap na minsan ay nagsisilbing panangga natin sa mainit sa sikat ng araw. Kapag bumigat ito, unti-unti itong babagsak upang maging ulan. Kung ikukumpara ito sa bagyo at sa iba pang mapaminsalang kalamidad, ito ay nagbibigay ginhawa sa tuyot na lupa at sa uhaw na mga halaman na nasa ilalim ng sikat ng araw.

Tulad ng ordinaryong panahon, may ulan din na dumadating sa ating buhay. Ang mga ulan na ito ay mula sa mga pagsubok at problema na ating nararanasan. Sa konteksto ng literatura, ang ulan ay sumisimbulo sa kalungkutan at luha ng isang tao. Ang tubig na mula sa taas ng langit ay nagsisilbing luha ng Diyos na nakikisimpatya sa wasak na wasak na puso at kaluluwa ng isang tao.

Ang ulan din ay isang paalala na ang tao ay marupok. Ang kahinaan ng damdamin ng isang tao na labanan ang isang matinding pagsubok sa buhay ay pwedeng ihalintulad sa mga patak ng ulan na hindi pwedeng maiwasan kapag nasa labas. Kahit may panangga ka dito, mababasa ka pa din ng paghihirap.Hindi ka makakatakas. Hindi ka makakaiwas.

Para sa akin, ang ulan ay sumisimbulo ng isang babae na nagbigay pasakit o pighati sa puso ko. Maaaring ihalintulad ko ang aking mga luha sa mga patak nito na bumubuo ng matinding pinsala sa aking damdamin. Kung sabagay, ilang ulan na din sa buhay ko ang dumaan at nalamapasan ko ang mga ito. Tinuruan ako nito na maging matatag na harapin ang bagong simula sa aking buhay.

Siguro nga na hindi dapat mawala ang ulan sa buhay natin, literal man o hindi ang pagkakabigay natin ng kahulugan dito. Sa bawat patak nito, pinapaalala nito sa atin ang maraming bagay na nagbibigay sa atin ng iba’t-ibang pakiramdam at alaala. Dapat pa nga ay lumabas at magpaulan ka. Damhin mo ang bawat patak nito. Sumayaw ka, umiyak o tumawa, bahala ka. Minsan lang umulan at hindi ito pangmatagalan, sa bandang huli, titila din ito.

No comments:

Post a Comment