Mahilig akong maglagay ng mga accessories sa katawan. Noong
kabataan ko, marami akong beads na kwintas at bracelet na sumasalamin sa aking
personalidad. Nakakadagdag din ito ng appeal sa akin at nagbigay sa akin ng
mataas na tiwala sa sarili.
Ngunit sa paglipas ng panahon, nawala na ang mga ito. Tulad
ng mga alaalang punong-puno ng magaganda at masasakit na alaala, ito ay aking pilit
na kinakalimutan. Ngunit hindi maiwasan na may mga bumabalik pa din sa isip ko
sa oras na nag-iisa ako o may mga bagay na nagpapaalaala sa akin.
Ngayon, naisip ko na nais kong gumawa ng bagong mga alaala.
Kailangan ko lang ng isang bagay na magpapaalala sa akin na ito ang gusto kong
gawin. Naisip ko ang isang bagay na sa tingin ko ay perpekto para dito - balabal.
Isa itong maliit na piraso ng tela na pwedeng proteksyon sa
lamig, init at alikabok. Ginagamit din ito upang itago ang sarili sa maraming
tao o kaya ay pantakip sa kahit na anong parte ng katawan. Hindi din ito
nawawala sa uso.
Bukod sa ito ang isa sa mga signature accessories ng aking
paboritong super hero na Kamen Rider, ito na marahil ang bagay na idagdag sa
aking pang-araw-araw na kasuotan. Nais ko nang magkaroon ng isang buhay na
matagal ko nang hinahanap sa buhay ko. Maaaring tulad ako ng isang balabal na
gustong itago ang aking tunay na katauhan sa nakakarami. Pero sa kabilang
banda, nais ko din protektahan ang mga tao na mahahalaga sa akin at magsilbing
init sa mga malalamig at manhid na puso.
Para sa akin, ang balabal din ang simbulo ng katandaan at
pagkakaroon ng malawak na pag-unawa sa mg bagay-bagay sa mundo. Masyado nang
marami ang naranasan ko sa buhay. Ito na din ang magsisilbing paalala na dapat
ko nang harapin ang katotohanan na pilit kong tinatakasan. Pagdating sa
pag-ibig, ito din ang magsisisilbing taklob sa puso kong hindi nadadala sa
pag-ibig na sumira sa aking tunay na pagkatao. Nais kong itago ang puso kong
mapaglaro at mahimlay na ito sa kanyang pananahimik. Hindi ko sinasabi na hindi
na ako iibig pa. Kilala ko ang puso ko. Kailangan nito ng isang harang upang
hindi ito maging mapusok at mapaglaro. Ito marahil ang silbi ng balabal para sa
akin.
Marahil sa oras na makita niyo akong nakabalabal sa isang
lugar, iisipin niyo marahil na nagpapansin o may pinagtataguan akong isang tao.
May malalim akong dahilan kung bakit ko ito isinusuot at malamang na dala ko na
ito hanggang sa aking pagtanda. Hindi ko na iisipin ang mga sasabihin ng mga
tao sa aking paligid kung bakit ako nakasuot nito. Ang importante, makikilala
niyo ako bilang bagong ako sa ganitong bagay.
Hindi masama ang pagbabago sa sarili. Sa oras na makilala mo
na ang iyong sarili, hindi mo na iisipin ang sasabihin ng iba. Ang mahalaga,
natagpuan at kilala mo na ang sarili mo.
No comments:
Post a Comment