Friday, May 31, 2013

Epiko 62: "Habang Tumatagal, Lumalala, Laging Nagwawala"



Sa mga oras na ‘to, hindi ko pa din matapos ang binabasa kong libro na “The Pretenders” ni F. Sionil Jose. Sa aking pagbabasa ay tumatak sa akin ang bida ng kwento na si Tony. Kahit papaano, nararamdaman ko ang karakter niya habang nagbabasa ng isa sa mga kilalang libro ng National Artist for Literature. Marahil ay katulad din niya ako na nagpapanggap sa mga tao sa paligid niya upang matupad nag kanyang mitihiin. Pero sa huli, maiisip niya na ang katotohanan ay hindi matatakasan.

Siguro nga ay nabubuhay tayo sa katotohanan na masaklap, malupit at hindi patas. Kaya nga mayroon tayong delusyon sa ating mga pag-iisip. Kung ang katotohan ang nagbibigay linaw sa ating pagkatao, ang mga delusyon namn natin ang nagbibigay pag-asa sa atin para mabuhay. Malamang nabubuhay ka sa pantasya na ikaw ay isang milyonaryo o sikat na artista o isang bayani na may kakaibang kapangyarihan. Normal lang ito sapagkat mga tao at may kanya-kanyang delusyon.

Ngunit paano kung ang delusyon mo ay nagkaroon ng koneksyon sa katotohanan? Ano ang gagawin mo? Ano ang pipiliin mo? Saan mo gustong mabuhay?

Bilang isang manunulat, 90% ng buhay ko ay nabubuhay sa delusyon dahil halos lahat ng isinusulat kong kwento ay galing doon. Ngunit nalalabing 10% porsyeto ng aking pagkatao sa katotohanan ang hindi ko maaaring ipagpalit sa delusyon na mayroon ako. Iba pa din kapag alam mo ang katotohanan na nangyayari sa buhay, pag-ibig at lipunan na aking ginagalawan. Mas ramdam ko ang pagiging tao. Ngunit dahil sa delusyon na mayroon ako, naiisip ko ang mga bagay na imposible na maaring magkatotoo at mga pangarap na kaya ko pang gawin. Pipiliiin kong mabuhay sa katotohanan na may delusyon aong pinanghahawakan kaysa sa delusyon na hindi naman pwedeng maging katotohanan. Masakit man itong tanggapin, ito ang pinagmumulan ng aking lakas para magpatuloy sa buhay.

Delusyon ang bagay kung bakit tayo nagkakaroon ng pangarap patungo sa katotohanan. Huwag nating kalimutan na kaya tayo may utak ay hindi lang para gamitin sa pag-iisip at mangatwiran. Ginagamit din natin ang ating utak para maging isang tao na may delusyon na maabot ang lahat ng ating minimithi.
Kailangan bang mabaliw para magkaroon ng matinding delusyon?


Sa tingin ko, hindi. 

Mas baliw ang walang delusyon sa katawan.

No comments:

Post a Comment