Sunday, May 12, 2013
Epiko 61: "Ang Aking Pinakaiingatang Kayamanan"
Minsan lang ako umuwi sa aking bayan sa Silang. Mula noong lumipat ako sa bayan ng General Trias, nag-iba na ang buhay ko - bagong trabaho, bagong kaibigan, at higit sa lahat, bagong buhay.
Sa tuwing umuuwi ako sa Silang, may tatlong bagay akong ginagawa. Una, binibisita ko ang aking mga magulang, ang aking alagang aso, at ang aking ibang kamag-anak na nangungulila sa aking pag-alis. Pangalawa, nililibot ko ang aming bayan upang tingnan ang mga pagbabago na unti-unting nagaganap gayundin ang mga kakilala at kaibigan na aking kinakamusta
Ngunit ang pangatlo ang pinaka-espesyal at katangi-tangi sa lahat.
Sa mga sandaling palubog na ang araw, sakay ng bisikleta, sisimulan kong baybayin ang kalsada papunta sa Munting Ilog National High School - Silang West Annex na nasa may Mary Ann Village. Sa sandaling makarating ako sa nabanggit na eskwelahan, dudungaw ako sa tarangkahan nito. Sa isang kisapmata, magbababalik ang isang espesyal na alaala tatlong taon na ang nakakaraan. Sa aking gunita, magbabalik ang mga pangyayaring itinuturing ko na isa sa pinakamahalagang bahagi ng buhay ko - ang araw na nakilala ko ang isang espesyal na kaibigan na si Sherry Rose Lacson. Mula sa una naming pagkikita, unti-unti nitong ipipinta sa aking mukha ang isang ngiti na kailanman ay wala pang nakakakita - isang ngiti na hindi ko maipaliwanag dahil sa halu-halong emosyon.
Bababa ako sa aking bisikleta at aakayin ko ito sa paglakad. Babalik uli sa isip ko ang mga panahon na magkasabay kaming umuuwi dala ang mga gamit niya at nag-uusap. Ang kanyang ngiti at halakhak ang tangi ko lang na naririnig sa aking isip habang mabagal na naglalakad. Malinaw pa sa aking gunita ang aming pinag-usapan at biruan habang tinatahak ang madilim na daan. Sa kalye P. Montoya ay liliko ako sa E. Asuncion na kung saan muli kong mararamdaman ang mga hampas at tapik niya sa tuwing nakakita siya ng ipis sa daan o kapag nagbibiruan kami. Pagliko sa kalye E. Gonzales, mapapahinto ako sa kapilya ng Iglesia ni Kristo na nagsilbing tahanan niya. Mga isang minuto ako titigil sa harap ng gate ng kapilya at unti-unting magbabalik ang imahe niya na kung saan siya ay kumakaway sa akin ng pamamaalam.
Dito na magsisimulang bumuhos ang luha ko.
Muli, sasakay ako ng bisikleta at iikutin ang mga kalye na minsan namin nilakaran na magkasama, bibili ng pagkain na paborito namin kainin at hihinto sa mga lugar na minsan namin tinigilan. Sa aking pag-uwi, nagiging sariwa uli ang mga panahon na kasama ko siya. Mula nang lumisan siya sa bayan na ito, isang espesyal na alaala ang iniwan niya sa akin na habambuhay kong itatago.
Bawat isa sa atin ay may alaalang iniingatan mula sa isang espesyal na tao. Bagama't marami akong masasama at gustong kalimutan na alaala sa Silang, ang alaala ni Sherry Rose ay hinding-hindi ko pagsasawaang balikan. Kailanman ay hindi ko siya kinalimutan, hindi siya nawalan ng lugar sa puso ko at higit sa lahat, hindi ko ipagpapalit sa kahit anong kayamanan sa mundo ang aming alaala na patuloy pa naming pinagpapatuloy at binibigyang halaga. Magkaiba man kami ng buhay, paniniwala at pangarap, para sa akin, siya ang taong hinding-hindi ko kakalimutan at ituturing na pinakamahalagang kayamanan na mayroon ako habang nabubuhay sa mundo.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment