Thursday, April 25, 2013

Epiko 58: "Pagbabago"


Pagbabago.

Ito marahil ang bukang-bibig ng lahat ng nag-aasam ng kaginhawaan, kaayusan, kaukulan at kagandahan ng buhay. Ang salitang ito ay hindi na ordinaryo sa atin. Maliit man o malaki ang saklaw nito, ito ay ninanais ng kahit sino man sa atin.

Sa ating mundong ginagalawan, madami tayong gusto na mabago sa atin paligid, pamumuhay, emosyon, pangarap at estado sa buhay. Ayon nga sa kasabihan, “ang tanging permanente sa mundo ay ang pagbabago.” Gusto natin ang pagbabago. Ngunit sa iba, ito ay sisira lamang sa kung anong mayroon sa kasalukuyan.

May isa akong kwento na ibabahagi sa inyo.

May isang mag-aaral ng medisina na nakita at namulat sa isang maling sistema na kung saan hindi niya nagugustuhan ang patakaran ng mga kapitalistang Amerikano sa kanilang bansa. Nag-aral siya, hinubog ang prinsipyong naging susi sa kanyang ideyalismo at hindi nagtagal ay naging lider ng isang gerilya. Hindi siya natakot pumatay alang-alang sa prinsipyo. Kasama ang isang batang abugado (Fidel Castro), napagtagumpayan nila na mapatalsik ang kasalukuyang pamahalaan at naitatag ang isang bagong gobyerno na pabor sa kanyang paniniwala. Wala siyang inisip kundi ang mabuting kapakanan ng kanyang mamamayan at ipinaglalabang konsepto ng bagong pamamahala.

Dahil sa kanyang talino, diskarte, ideyalismo at pananaw, naging banta siya sa mga kapitalistang Amerikano na maaaring makapagpabagsak sa kanilang ekonomiya maging sa kanilang pulitika na naghahari sa halos kalahati ng mga bansa sa mundo. Gumawa sila ng paraan para mapabagsak siya dahil maari siyang magpasiklab ng “Ikatlong Digmaang Pandaigdig”. Inusig, ginipit at sa bandang huli ay pinatay. Ngunit bago siya patayin, sinabi niya ito: “Mamamatay man ang katawan ko ngunit hindi ang paniniwala ko.”

Ang kanyang kamatayan ay naging simbulo ng kabataan na nag-aasam ng pagbabago sa kanyang lipunan bilang isang “rebulusyonaryo.” Sa bawat damit, larawan at mga taong kinikilala ang kanyang kabayanihan at kagitingan, isa siyang alamat, bayani at modelo. Tulad niya, gusto kong sundan ang mga yapak niya.

Ang tinutukoy ko ay si Ernesto “Che” Guevara. Malamang kilala niyo siya bilang isang komunista o sosyalista. Pero para sa akin, siya ang perpektong imahe ng isang taong nag-aasam ng pagbabago.

Pagbabago.

Ito ang inaasam ng lahat. Ngunit itanong mo sa sarili mo, may nagawa ka ba?

Maraming pulitiko ang nagsasabi na magkakaroon ng pagbabago. Pero dahil sa pagkagahaman, nakakalimutan na nila ito at naipasa na sa mga susunod na henerasyon o salinlahi. Kaya nga kung titingnan niyo, walang pagbabago ang nagaganap Bilang isang kabataan, kaya mo bang mag-rebolusyon sa mga dinastiyang nangyayari sa ating pulitika. Sana kasingtapang natin si Che Guevara. Sana madaming Che Guevara sa ating bansa nang sa ganoon ay makuha natin ang pagbabagong inaasam natin.

No comments:

Post a Comment