Marahil naranasan mo nang magmahal ng isang tao na higit pa
sa inaakala mo. Na higit pa sa buhay mo. Na sa paglipas ng panahon, kahit na
hindi na kayo nagkikita ay hindi mo pa din makalimutan. Na para siyang isang
malalim na peklat na habambuhay nang nakamarka sa iyong puso o isang mahapding
kahapon na hindi mo pinagsasawaang balik-balikan dahil sa sakit na nagbibigay
sa iyo ng ngiti at pighati.
Pero may pagkakataon din na hindi namamalayan, sa paglipas
ng panahon ay unti-unting nabubura sa iyong alaala ang isang mapait at matamis
na kahapon kasama ang isang tao na inakala mo na makakasama mo habambuhay. Kung
tutuusin, madaming beses ko nang inakala sa buhay ko na “siya” na talaga ang
tao na makakasama ko sa aking pagtanda – na hindi na ako titingin sa iba at
siya na ang huling tao na mamahalin ko bilang magkasintahan.
Ngunit ang mga iyon ay mga salita lang.
May ikukwento ako sa inyo.
Marahil dumating na sa punto na nais nang pakasalan ni Fred
si Karla. Habang lumalapit ang araw ng kanilang pag-iisang dibdib, aksidenteng
nagkita sina Fred at ang kanyang dating kasintahan bago si Karla, si Selene. Sa
isang restaurant, nag-usap sila. Nagkamustahan, nagpalitan ng kwento, hanggang
sa hindi sinasadyang naungkat ang kanilang nakaraan. Tumawa at ngumiti sila sa
kanilang magagandang alaala at lumuha sa kanilang masasakit at malulungkot na
kabanata ng kanilang pag-iibigan.
Hanggang sa magdesisyon sila na balikan ang lahat sa loob ng
isang gabi. Matapos ang ginawa nila. Naging malinaw sa kanila na natutunan nilang
kalimutan ang mga bagay sa kanila. Ngunit ang mga alaala na mayroon sila ay
hindi na kailnaman mabubura. Kung ang emosyon o pag-ibig man ay lumlipas, ang
mga alaala ay kailanman na mananatili.
Sa isang relasyon, mahalaga ang mga alaala na nagsisilbing
pinto sa kanilang pagsasama. Ito din ang dahilan kung bakit hindi bumibitaw ang
isang nagmamahal dahil mahalaga ang mga alaala na iniwan sa kanya. Kahit na
gusto natinitong kalimutan, hindi ito nagiging madali sapagkat matindi ang
emosyon ang nakapaloob dito.
Ang pag-ibig ay my kalakip na alaala pero ang alaala ay
pwedeng walang kalakip na pag-ibig. Ito ang pagkakaiba ng dalawa. Kung gusto
nating makalimot sa isang mapait na nakaraan, gumawa ka ng mga bagong alaala –
sa piling ng iba. Dahil dito, matatabunan at tuluyang mabubura ang isang alaala
na gusto nating kalimutan. At kung ang pag-ibig mo man ay naglalaho, subukang
balikan ang magagandang alaala na magpapaalala sa tunay mong nararamdaman. Nasa
sa atin kung gusto nating bitawan ang mga alaala na dapat kalimutan. Sa bandang
huli, nasa sa atin ang huling desisyon. Hindi natin kailangang biglain o
pwersahin ang mga sarili natin. Panahon lang makakapagpasya.
Alaala lang ang dahilan kung bakit natin gustong magmahal at
makalimot. Alaala din ang dahilan kung bakit tayo natututo at nagkakamali sa
pagmamahal. At higit sa lahat, alaala ang nagbibigay saysay kung bakit tayo
dapat mabuhay at magmahal.
No comments:
Post a Comment