Monday, March 25, 2013

Epiko 56: "Ang Salamangka ni Michelle"

Sa tagal ko nang nakikinig ng mga awitin ng The Beatles, mayroong isang kanta na hindi mawala sa isip ko tungkol sa isang babae - "Michelle" ang pamagat nito at may kakaibang liriko ito dahil nilagyan nina John Lennon at Paul McCartney ng lenggwaheng Pranses para magkaroon ng kakaibang dating. Hanggang ngayon, bentang-benta sa akin ang awiting ito.

Mula sa mga nag-aalab na damdamin ng sinuman sa atin, may mga bagay tayo na gustong sabihin sa ating minamahal ngunit natatakot tayo. Tulad ng salitang "I love you" o "Mahal kita" o "Hindi ko kayang mabuhay kung wala ka," ito ang mga salitang pwedeng bumuo o sumira sa isang espesyal na pagtingin sa isang tao.

Hindi ko din alam kung bakit ako nagsusulat ngayon habang pinapakinggan ang awiting nabanggit ko. Siguro ay mayroon akong naririnig o nakikitang mahalagang mensahe na dapat kong ipabatid sa inyo tungkol sa awiting ito.

Si Michelle ay sumisimbulo sa isang simpleng babae, hindi mahirap mahalin, may katangiang iba sa nakakarami at higit sa lahat, pinapangarap ng bawat kalalakihan na makasama hanggang sa pagtanda. Ngunit siya ay mahina, madaling lokohin at buong pusong nagtitiwala kapag nagmamahal. Sa madaling salita, perpekto... ay hindi pala... higit pa sa perpekto - perpekto sa lahat ng perpektong babae.

Kung makakakilala kayo ng isang Michelle, maaatim mo ba na saktan siya. Ang totoo niyan, minsan sa buhay ko, may nakilala akong "Michelle." Ngunit dahil alam ko na hindi kaya ng konsiyensya ko na saktan at lokohin siya, nanahimik ako at kinimkim ang nararamdaman kong pagmamahal para sa kanya. Ganito talaga kapag nagmamahal ka ng isang Michelle, ayaw mong masira at masaktan siya. Parang TRO lang 'yan na nagsasabi na "Huwag kang aalis. Diyan ka lang. Hindi ka dapat mawala. Steady ka lang. Maghintay ka lang."

Kaya nga tulad ng sinabi sa awitin "I need to make you see what you mean to me. Until I do I'm hoping you will know what I mean." May pagkakataon sa buhay na hindi natin kayang sabihin ang nararamdaman natin bagkus ay ipinadadama na lang natin. Ang problema, paano kung hindi kayo magkatulad ng nararamdaman? Masasaktan ka lang.

Ang awiting Michelle ay nagpapaalala sa atin na may pagkakataon na hindi natin pwedeng ipilit ang kagustuhan natin na mahalin agad tayo. Panahon lang ng makapagsasabi kung kayo ay nakatadhana sa isa't-isa. Kung hindi kayo sa huli, tanggapin mo. May iba nga diyan ay hanggang sa mamatay sila ay may lihim na pagsinta (malamang kakapakinig sa kantang Michelle kaya naging single o taong-grasa). Sapat na alam mo ang nararamdaman mo para sa kanya at alam mo na mahal mo siya. Panahon lang ang makakapagsabi kung magiging masaya o miserable ang buhay mo sa kahihintay sa kanya.

Okay lang ang maghintay basta alam mo sa sarili mo na tama ang ginagawa mo.

No comments:

Post a Comment