Tuesday, March 19, 2013

Epiko 50: "Sino Ang May Karapatang Masaktan?"




May kwento ako na ibabahagi sa inyo.

Matagal nang may lihim na pagtingin si Louie kay Janel. Noong una pang nasilayan ng lalaki ang mukha ng babae, alam niya sa kanyang sarili na siya na ang taong kukumpleto sa kanyang buhay. Gumawa siya ng mga paraan para suyuin ang babae. Ngunit tila parang wala sa radar niya si Louie.
Naghihintay siya nang pagkakataon para makahanap ng tiyempo para mapalapit siya kay Janel. Dahil torpe at nag-aabang lang siya, hindi niya naisip kung ano ba ang pagtingin sa kanya ng babae. Nag-assume siya na baka mayroon nang namamagitan sa kanila. Mali ang kanyang akala, sa katunayan, may iniibig siya na mas higit pa kay Louie.
Hanggang isang araw, nalaman niya na may ibang dine-date si Janel. Nasaktan siya. Ngunit tinatanong niya sa kanyang sarili kung bakit niya kailangan maramdaman ito. Mahal niya si Janel, ‘yun nga lang, may ibang mahal ang kanyang sinisinta.

Sa buhay, may mga pagkakataon na  tayo nasasaktan. Ngunit sa hindi maipaliwanang na dahilan, wala tayo sa posisyon para maramdaman ang sakit at pighati. Normal lang ito na maramdaman ng kahit sino. Ang nakamamatay na selos at inggit ay tila isang malakas na sampal na nagbibigay ng mabigat na pakiramdam kahit alam mo na wala kang kasalanan. Karapatan ng bawat isa na magselos. Ngunit tulad nga nang sinabi ni Ramon Bautista sa episode 2 ng Tales From the Friend Zone, “huwag kang magselos kung hindi kayo… magselos lamang nang naayon sa relationship status.”

Pero masakit na hindi masuklian ang espesyal na nararamdaman mo para sa kanya. Ito marahil ang isa sa mga ayaw maramdaman ng sinuman na nagmamahal. Ganyan talaga ang buhay kapag wala ka sa radar ng taong mahal mo. Siguro ay may bagay na talagang hindi pwede… na kahit isiksik natin ang ating sarili sa espesyal na tao sa buhay natin ay wala tayong magagawa kung hindi naman kayo pareho nang nararamdaman. Mabuti pa na sa una pa lang ay alamin mo na agad kaysa unti-unti kang masasaktan at maging taong-grasa.

Sa bandang huli, ikaw lang ang nasaktan at kawawa kasi ikaw lang ang nagmahal. Sa bandang huli din, maiisip mo ang katotohanan na hindi lahat nang nagmamahal ay nagiging masaya. Hindi niyo ito dapat gawin sa inyong sarili sapagkat bawat isa ay may karapatang lumigaya… at ang bagay na ito ay nasa inyong mga kamay. Ang mundo ay punong-puno g mga “random na kaganapan” kaya wala kang magagawa kundi magdesisyon para sa inyong sarili.

Bahala ka sa buhay mo.

No comments:

Post a Comment