Wednesday, March 6, 2013

Epiko 49: "Weird Just Friends"


 
Ang sukatan ng tunay na pagkakaibigan ay nakikita hindi sa tagal ng pagsasama o pagkakakilala.

Marahil isa sa mga misteryo na mayroon tayong mga tao ay ang pagkakaroon ng mga kaibigan. Ngunit hindi natin alam kung ano ang kayang gawin nila sa atin. Mapa-simpleng tropahan o hanggang sa pinakamataas na posisyon sa lipunan, hinding-hindi ka makakaligtas sa mga taong tinatawag mong mga kaibigan. Karamihan sa kanila ay hindi ka gagawan ng kabutihan at sa bandang huli, iiwan ka nila.

Pero may kasabihan nga na “friends come and go, but few should hold on.” Mayroon isang tao na hindi mo lang napapansin na nag-aalala at iniisip ang kabutihan para sa ‘yo. Siya ang taong palaging nasa tabi mo sa oras ng kagipitan. Siya din ang taong pinipilit kang pangitiin at pasayahin dahil bad trip ka. Siya din ang taong hindi ka basta-basta iiwan at lolokohin. Siya ang nagtatago ng iyong sikreto at madilim na nakaraan.  Siya ‘yun – ang tunay mong kaibigan.

Hindi ko alam pero may mga pagkakataon sa buhay na nasusukat ang isang tunay na pagkakaibigan sa sitwasyon na hindi inaasahan. Tulad ng kwento na ibabahagi ko sa ‘yo: Mahigit sampung taon na magkakilala at magkakaibigan sina Rica, Chelsea at Amy. Sa tagal na nga ng kanilang pagiging malapit sa isa’t-isa, alam na nila ang kanilang mga sikreto, pangarap at pananaw sa buhay.

Hanggang sa dumating si Oliver sa buhay nila.

Gusto ni Oliver si Rica, Subalit may lihim na pagtingin si Chelea kay Oliver. Ito ang naging mitsa ng hindi pagkakaunawaan ng dalawa. Naipit sa labanan ng dalawa si Amy. Hindi niya alam kung saan siya papanig. Ayaw niyang masira ang pagkakaibigan nilang tatlo.

Isang araw, kinausap ni Amy si Oliver. Sinabi niya ang sitwasyon ng kanyang dalawang kaibigan. Naunawaan ito ni lalaki at nagdesisyon na layuan ang magkakaibigan.

Makalipas ang tatlong buwan, hindi na lumapit si Oliver sa tatlong magkakaibigan. Ngunit hindi nito naibalik ang dating pagsasama ng tatlo. Lumapit siya kay Oliver upang humingi ng payo. Nasundan ito ng madalas na paglabas at pag-uusap.

Hanggang sa mahulog ang loob nila sa isa’t-isa at naging sila.

Nang nabalitaan ito nina Chelsea at Rica. Abot-langit ang galit nila kay Amy. Hanggang sa tuluyan nang nasira ang kanilang pagkakaibigan.

Anong punto nito?

Sa pagkakaibigan, may mga bagay na dumadating na hindi natin inaasahan. Dahil dito, nasisira ang isang magandang samahan. Kalimitan itong nangyayari kapag may isang tao na magbabago ng nararamdaman ng grupo. Pagdatig sa pag-ibig, maraming masisira. Lahat apektado. Lahat wasak.

Kaya nga ito marahil ang misteryo ng pagkakaibigan. Dahil siguro sa salitang “kaibigan” na naging “ka-ibigan,” may nasisira. Ito naman siguro ang papel ng pag-ibig sa buhay ng tao – ang bumo at sumira. Lahat ng nagmamahalan ay may pag-ibig. Lahat ng naghihiwalay ay dahil hini na sila nagmamahalan. Pag-ibig ang nagpapatakbo ng mundo. Pag-ibig din ang nagpapatigil ng mundo ng sinuman (Kaya nga may kasabihan na tumitigil ang mundo dahil nagmamahal ka.)

Tanging karibal lang ng pag-ibig ay pagkakaibigan. Tandaan, madaling magmahal ng kaibigan ngunit mahirap mahalin ang dati mong kaibigan.

 

 

No comments:

Post a Comment