Monday, March 25, 2013

Epiko 56: "Ang Salamangka ni Michelle"

Sa tagal ko nang nakikinig ng mga awitin ng The Beatles, mayroong isang kanta na hindi mawala sa isip ko tungkol sa isang babae - "Michelle" ang pamagat nito at may kakaibang liriko ito dahil nilagyan nina John Lennon at Paul McCartney ng lenggwaheng Pranses para magkaroon ng kakaibang dating. Hanggang ngayon, bentang-benta sa akin ang awiting ito.

Mula sa mga nag-aalab na damdamin ng sinuman sa atin, may mga bagay tayo na gustong sabihin sa ating minamahal ngunit natatakot tayo. Tulad ng salitang "I love you" o "Mahal kita" o "Hindi ko kayang mabuhay kung wala ka," ito ang mga salitang pwedeng bumuo o sumira sa isang espesyal na pagtingin sa isang tao.

Hindi ko din alam kung bakit ako nagsusulat ngayon habang pinapakinggan ang awiting nabanggit ko. Siguro ay mayroon akong naririnig o nakikitang mahalagang mensahe na dapat kong ipabatid sa inyo tungkol sa awiting ito.

Si Michelle ay sumisimbulo sa isang simpleng babae, hindi mahirap mahalin, may katangiang iba sa nakakarami at higit sa lahat, pinapangarap ng bawat kalalakihan na makasama hanggang sa pagtanda. Ngunit siya ay mahina, madaling lokohin at buong pusong nagtitiwala kapag nagmamahal. Sa madaling salita, perpekto... ay hindi pala... higit pa sa perpekto - perpekto sa lahat ng perpektong babae.

Kung makakakilala kayo ng isang Michelle, maaatim mo ba na saktan siya. Ang totoo niyan, minsan sa buhay ko, may nakilala akong "Michelle." Ngunit dahil alam ko na hindi kaya ng konsiyensya ko na saktan at lokohin siya, nanahimik ako at kinimkim ang nararamdaman kong pagmamahal para sa kanya. Ganito talaga kapag nagmamahal ka ng isang Michelle, ayaw mong masira at masaktan siya. Parang TRO lang 'yan na nagsasabi na "Huwag kang aalis. Diyan ka lang. Hindi ka dapat mawala. Steady ka lang. Maghintay ka lang."

Kaya nga tulad ng sinabi sa awitin "I need to make you see what you mean to me. Until I do I'm hoping you will know what I mean." May pagkakataon sa buhay na hindi natin kayang sabihin ang nararamdaman natin bagkus ay ipinadadama na lang natin. Ang problema, paano kung hindi kayo magkatulad ng nararamdaman? Masasaktan ka lang.

Ang awiting Michelle ay nagpapaalala sa atin na may pagkakataon na hindi natin pwedeng ipilit ang kagustuhan natin na mahalin agad tayo. Panahon lang ng makapagsasabi kung kayo ay nakatadhana sa isa't-isa. Kung hindi kayo sa huli, tanggapin mo. May iba nga diyan ay hanggang sa mamatay sila ay may lihim na pagsinta (malamang kakapakinig sa kantang Michelle kaya naging single o taong-grasa). Sapat na alam mo ang nararamdaman mo para sa kanya at alam mo na mahal mo siya. Panahon lang ang makakapagsabi kung magiging masaya o miserable ang buhay mo sa kahihintay sa kanya.

Okay lang ang maghintay basta alam mo sa sarili mo na tama ang ginagawa mo.

Sunday, March 24, 2013

Epiko 55: "Ako Si Kamen Rider Kabuto"


HYPER CLOCK UP!

Mula nang pinanood at natapos ko ang serye ng Kamen Rider Kabuto noong 2006, hindi lubos maisip na muli ko itong mapapanood. Para sa kaalaman ng nakrarami, ang palabas na ito ang bumuhay sa pagkahumaling ko sa Kamen Rider mula pa noong bata pa ako (akala ko nga si Black ang una, 'yun pala may nauna na pala sa kanya.).

Sa kwento, nilalabanan ni Tendou (Kamen Rider Kabuto) ang mga "Worms" na gumagaya ng alaala at hitsura ng mga tao. Dahil sa angkin niyang galling sa pakikipaglaban at mga kakaiba ngunit kapupulutan ng aral na mga salita, hindi maitatanggi na isa siya sa mga pinakamagaling na Rider na hinahangaan ko.

Isa pa, nakikita ko ang sarili ko sa kanya.

Bilang isang tao na gustong tahakin ang daan patungong langit, iniisip niya palagi ang kapakanan ng nakakarami at hindi ang kanyang sarili. Ang kanyang kapatid at mga kaibigan ang nagsilbing lakas niya upang harapin ang mga kalaban at mapagtagumpayan ito.

Ngunit sa kabilang banda, may madilim din siyang nakaraan. Tulad ko, sa halip na magtago ay ginamit ko ang kahinaan na iyon upang harapin at maging mas malakas dahil naniniwala ako sa sinabi niya  ang taong nakakaalam ng kanyang kahinaan ay siyang tunay na malakas.

Bukod sa magaling siyang magluto at gumawa ng maraming iba't-ibang klase ng bagay, hindi nawawala ang pagiging kalmado at mapagpasensya. Kitang-kita ito sa kanyang pakikipaglaban. At sa bandang huli, nananaig sa puso niya nan busilak at puno ng pag-asa. Niyayakap niya ang pagbabago sa mundo bilang isang pagkakataon upang pagbutihan pa ang kanyang ginagawa.

Si Kamen Rider Kabuto, bagama't kilala ng iilan ay isang mabuting haimbawa para sa mga taong gustong hanapin ang sarili. Ang katulad niya ay isang ehemplo ng taong hindi lang kabutihan at kaligtasan ang nakakarami ang mahalaga kundi ang sarili niya. Tulad niya, nais kong hanapin ang daan papuntang langit na kung saan ay malalampasan ko ang lahat ng balakid, problema o pagsubok sa buhay dahil naniniwala ako na ang araw ay sumusikat sa bawat isa sa atin... at sumisimbulo ito ng pag-asa.

Kahit na hindi ko kayang gumalaw ng kasing-bilis niya at makipaglaban na kasing-galing niya, alam ko na ang mga sinabi niya sa serye ay tatatak sa isip at puso ko magpakailanman. Bawat isa sa atin ay pwedeng maging tulad niya kung gugustuhin natin.

HYPER CLOCK OVER!

Epiko 54: "Ang Swapang na Lobo"


Alam naman natin na lahat ng sobra sa mundo ay nakamamatay. Ngunit dahil sakim ang tao, hindi na nila naiisip ang maaring idulot ng sobrang pagkagahaman sa lahat ng bagay.

Katulad na lang ng kwento na ibabahagi ko sa inyo.

Sa isang bundok, may isang mangangaso na tumutugis ng mga mababangis na hayop sa kagubatan. Isang araw, nakakita siya ng isang oso. Gamit ang kanyang baril ay pinaputukan niya ang oso ang tinamaan sa dibdib.

Ngunit hindi agad namatay ang oso. Bagkus ay sinugod niya ang mangangaso. Kinagat at binali niya ang leeg nito hanggang sa mamatay. Ngunit hindi naglaon dahil sa lalim ng bala na tumagos sa katawan nito. Namatay ang oso hindi kalayuan sa katawan ng patay na mangangaso.

Makalipas ang ilang oras. may isang lobo na gutom na gutom na dumating. Nakita niya ang bangkay ng oso at mangangaso. Inisip ng lobo na napakaswerte niya. Kinain niya ang kalhating parte ng oso ngunit hindi siya nasiyahan. Inisip niya na gusto din niyang kainin ang bangkay ng mangangaso. Lumapit siya at inamoy ito ang kamay. Ang hindi niya alam, nakasuot pa ang daliri ng mangangaso sa gatilyo. Nang nagalaw ito ng lobo ay pumutok ito at tinamaan siya sa ulo. Agad niya itong ikinasawi.

Talagang sakim ang at tao at nagnanasa ng mas higit pa kaysa sa kung anong mayroon siya sa kanyang kamay sa kasalukuyan. Kapangyarihan, pera, impluwensiya at iba pang material na bagay ang nagpapapikot sa mundo ng tao. Ito ang katotohanan na mayroon tayo. Walang kakuntentuhan ang tao. Kaya nga mahirap maabot ang "Self-Actualization" sa Heirarchy of Needs ni Abraham Maslow. Walang katapusan ang kagustuhan ng isang tao - kahit kapalit pa nito ay ang sarili nitong buhay.

Pero kung inyong iisipin, ang pag-kontrol sa sarili ang pinakamabisang paraan para makaiwas sa kahit anong kapahamakan. Kapag sapat lang ang pera, pagkain, pangngailangan at ambisyon ng isang tao, malayo siya sa kapahamakan at mabubuhay ng tahimik at payapa. Pero dahil hindi natatapos ang kagustuhan at pagiging ganid ng isang tao, patuloy ang kaguluhan, pait, sakit at hirap sa buhay.

Mabuhay lamang ng naayon sa balance ng kagustuhan sa buhay. Ang paghahangad sa isang bagay na higit pa sa iyong tinatamasa o hnahanap ang siyang magtutulak sa iyo sa kapahamakan.

Epiko 53: Ang Daldal Mo!"



Mayroon akong kwento na ibabahagi sa inyo.

Sa isang isal ay may nakatirang dalawang mag-asawang agila at isang pagong. Nais nilang pumunta sa kabilang ibayo ng isla. Dahil hindi makalipad ang pagong at mabagal siyang maglakad, humingi siya ng tulong sa dalawang agila.

Nakaisip sila ng paraan. Hawak ng dalawang agila ang magkabilang dulo ng patpat. Sa paglipad nila ay kakagat ang pagong sa gitna ng patpat. Ngunit binalaan nila ang pagong na huwag magsasalita dahil mahuhulog ito at mamamatay dahil mataas at mabilis ang kanilang gagawin na paglipad.

Nagsimulang lumipad ang tatlo. Matayog ang kanilang paglipad sa himapapawid. Nakita ito ng iba pang hayop mula sa baba. Pinagtawanan nila ang tatlong hayop mula sa taas. Sari-saring tanong din ang naririnig ng tatlo kasunod ang pag-aalispusta at tukso sa pagong.

Hanggang sa hindi na napigilian ng pagong ang mga naririnig niya. Nagsimula siyang magsalita "Eh ano naman ngayon?" wika niya. Kasunod nito ay nahulog siya at namatay pagkabagsak sa lupa.

Sa buhay, may mga pagkakataon na hindi natin mapigilan ang ating sarili na makapagsalita kahit na pinipigilan tayo dahil alam nila na mapapahamak tayo sa huli. Ngunit ang emosyon natin ay lubhang makapangyarihan. Mas naiisip natin ang sarili natin ngunit hindi natin naiisisp ang magiging epekto nito sa huli na magiging mitsa ng kapahamakan natin.

Isang halimbawa nito ay ang pagtatago ng sikreto o lihim mula sa ibang tao. Hindi maiwasan na nasasabi natin ito sa iba. Ang resulta, isang malaking gulo at nasirang tiwala at samahan ang mawawala. Hindi man kamatayan ang kapalit, isang pagsisisi na ang konsyensya mo ang magbabayad. Matindi ang mga salita kung makapanakit. Daig pa nito ang matalas na espada na tumatagos sa puso ng nakakarinig... at kung minsan ito ang magdadala sa iyo sa kapahamakan.

Malaya tayong nakakapagsabi ng nararamdaman ngunit isipin din natin ang peligro at babala na nakapaloob dito. Kung tayo ay binigyan ng babala na huwag magsalita, sundin natin ito at pag-isipan ang mga pwedeng mangyari kapag napahamak tayo.

Ang pinakamasakit na kamatayan ay ang kamatayan na nagmula sa iyong mga bibig.

Epiko 52: "Pulitikang BULLSHIT"


Maraming paraan para maiparamdam sa mga tao ang tunay na serbisyo-publiko na walang bahid ng pulitika.

Ngunit patuloy pa din nababahiran ng puliitka ang serbisyo-publiko para sa mamamayan sa maraming paraan.

Siguro nga ay pagod na ang mga tao sa mga pangako at plataporma ng mga kumakandidatong pulitiko sa tuwing mage-eleksyon. Sa maraming lugar ditto sa bana, nararamdaman na ng lahat ang pagbabalik ng "circus" na kung saan lahat ay nasisisyahan, naiinis at nakikinabang.

Sa kasaysayan ng pulitika at eleksyon sa bansa sa nakalipas na pitong dekada, masasabi mo na hindi pa din natututo ang mga tao pagdating sa pagpili ng nararapat sa pwesto para pamunuan ang nakalaang posisyon sa isang nanalong kandidato. Ang pulitika sa atin ay malaking "BULLSHIT" (BUsiness, Loan, Lokohan, Sisihan, Hidwaan, Impluwensya, at Tropahan)

Karamihan sa mga pulitiko ay ginagawa nang negosyo ang pulitika. Kung magkano man ang kinikita nila, hindi ko na 'yon alam. Pero ang alam ko, maraming nagpapatayan sa posisyon sa gobyerno dahil hindi maitatanggi na malaki ang napapakinabangan nito.

Bukod pa sa ginagawang negosyo, matindi din ang ginagawang pagde-deposito nng mga pulitiko particular na ang mga tatakbong muli sa pwesto sa mga tao. Bukod sa pera, kailangan nila itong sinigilin ng "utang na loob" dahil makakadagdag sila sa boto. Ang mga daan, imprastraktura at proyekto ay inaako nila na parang kanila. Pero mag-isip-isip tayo, sino ba ang nagbabayad ng buwis?  Tayo nga ba ang dapat magkaroon ng utang sa kanila? Wala tayong utang na loob sa mga pulitiko.

Kapag malapit na ang eleksyon, samu't-saring gulo, iskandalo at bangayan ang nangyayari na kinasasangkutan ng mga naglalabang kandidato sa pulitika. Grabe ang gulong dulot nito. Ang daming problema ng bansa at nakukuha pa nilang gawin ito. Ngunit dahil eleksyon, patuloy na naloloko ang mga tao sa kanilang ginagawang pag-porma sa mga botante. Sino ba ang niloloko nila?

Tuwing eleksyon din lalabas ang mga maipluwensayng tao na gustong umupo sa pwesto sa gobyerno. Sa bansa, ang maimpluwensya at makapamgyarihan na tao ang nananalo. Sila lang ang ang may arapatan tumakbo sa pwesto... at ito ang masakit na katotohanan. Kaya nga nagkakaroon sila ng madaming kaibigan na hindi nila alam na ginagamit lang sila at nagpapanggap na kaibigan. Pero hindi nila alam, sa bandang huli, sila din ang maglalaban.

Bilang ordinaryong mamamayan, pagod na ako sa ganitong sitwasyon at paulit-ulit itong magpapatuloy dahil bahagi na ito ng kulturang Pilipino. Kung magkaka-civil war lang sana, malamang tapos na ang problemang ito dahil ito lang ang solusyon na nakikita ko na maaring makapagpabago sa nangyayari ngayon.

Muli, maraming paraan para maiparamdam sa mga tao ang tunay na serbisyo-publiko na walang bahid ng pulitika ngunit patuloy pa din nababahiran ng pulitika ang serbisyo-publiko para sa mamamayan sa maraming paraan.



Epiko 51: "Wala Ba Kayong Mga Paa?"



Sa mga sandaling ito, ako'y nahaharap sa isang matinding pagsubok.

Kamakailan sa 2013 Gawad Kalinga Bayani Challenge, nagkaroon ako ng isang matinding pangyayari - natapilok ako at hindi ko maigalaw ang aking kanang paa dahil sa larong "Agawang-Buko." Nahirapan ako sa paglalakad pauwi at lalong lumala ito kinabukasan... tuluyan akong hindi nakalakad ng ayos.

Sa loob ng bahay, ang bawat kilos ko papunta sa kusina, banyo o sala ay isang malaking dagok. Ang hirap maglakad. Habang nararanasan ko ito, napagtanto ko sa aking sarili ang mga panahong nagdaan sa buhay ko. Maraming lugar, karanasan at aral sa buhay ang tila ginamitan ko ng mga paa. Ngunit hindi ko naisip ang importansya ng aking mga paa na kung saan nagdala sa akin kung saan naroon ako ngayon.

Sa buhay natin, mahalaga ang may katuwang tayo sa buhay na kung saan aalala sa atin sa mga pinagdaanan nating problema o pagsubok. Ngunit hindi natin ito lubos maiitindihan kung hindi natin mararanasan ang mag-isa at nakalugmok sa kadiliman na ating nararanasan. Tulad ng mga paa, hindi tayo makakalakad at makakarating sa ating paroroonan. Ito ang katotohanang dapat nating pahalagahan.

Kung anuman ang mayroon tayo, ito ay dahil sa tulong ng mga taong kasama natin na nagging suporta at katuwang sa lahat ng bagay. May mga bagay tayo sa mundo na hindi pa natin lubos na naiintindihan sapagkat walang tao ang magtuturo sa atin kung ano ang kahalagahan nito at aakayin tayo sa gitna ng lahat ng dahilan kung bakit tayo nabubuhay. Ang ating pamilya, kaibigan, iniibig at higit sa sa lahat, ang Diyos ang siyang umaagapay sa atin. Doon mo mauunawaan at mapapagtanto na masarap mabuhay.

Mahirap maglakad ng pilay ang isang paa. Ngunit mas mahirap lumakad kung hindi mo alam ang iyong patutunguhan. Tulad ko, naisip ko na sa mga sandaling bumabagsak at nasusugatan, pilit akong tumatayo at tumutungo sa lugar na kung saan ako pupunta sapagkat nauunawaan ko na kung bakit ko kailangan magpatuloy sa buhay. Dapat tayong matutuong bumangon at lumaban sa buhay dahil malupit at mapanghusga ito sa mga katulad natin na mahina dahil mayroon aagapay at susuporta sa atin.

Tuesday, March 19, 2013

Epiko 50: "Sino Ang May Karapatang Masaktan?"




May kwento ako na ibabahagi sa inyo.

Matagal nang may lihim na pagtingin si Louie kay Janel. Noong una pang nasilayan ng lalaki ang mukha ng babae, alam niya sa kanyang sarili na siya na ang taong kukumpleto sa kanyang buhay. Gumawa siya ng mga paraan para suyuin ang babae. Ngunit tila parang wala sa radar niya si Louie.
Naghihintay siya nang pagkakataon para makahanap ng tiyempo para mapalapit siya kay Janel. Dahil torpe at nag-aabang lang siya, hindi niya naisip kung ano ba ang pagtingin sa kanya ng babae. Nag-assume siya na baka mayroon nang namamagitan sa kanila. Mali ang kanyang akala, sa katunayan, may iniibig siya na mas higit pa kay Louie.
Hanggang isang araw, nalaman niya na may ibang dine-date si Janel. Nasaktan siya. Ngunit tinatanong niya sa kanyang sarili kung bakit niya kailangan maramdaman ito. Mahal niya si Janel, ‘yun nga lang, may ibang mahal ang kanyang sinisinta.

Sa buhay, may mga pagkakataon na  tayo nasasaktan. Ngunit sa hindi maipaliwanang na dahilan, wala tayo sa posisyon para maramdaman ang sakit at pighati. Normal lang ito na maramdaman ng kahit sino. Ang nakamamatay na selos at inggit ay tila isang malakas na sampal na nagbibigay ng mabigat na pakiramdam kahit alam mo na wala kang kasalanan. Karapatan ng bawat isa na magselos. Ngunit tulad nga nang sinabi ni Ramon Bautista sa episode 2 ng Tales From the Friend Zone, “huwag kang magselos kung hindi kayo… magselos lamang nang naayon sa relationship status.”

Pero masakit na hindi masuklian ang espesyal na nararamdaman mo para sa kanya. Ito marahil ang isa sa mga ayaw maramdaman ng sinuman na nagmamahal. Ganyan talaga ang buhay kapag wala ka sa radar ng taong mahal mo. Siguro ay may bagay na talagang hindi pwede… na kahit isiksik natin ang ating sarili sa espesyal na tao sa buhay natin ay wala tayong magagawa kung hindi naman kayo pareho nang nararamdaman. Mabuti pa na sa una pa lang ay alamin mo na agad kaysa unti-unti kang masasaktan at maging taong-grasa.

Sa bandang huli, ikaw lang ang nasaktan at kawawa kasi ikaw lang ang nagmahal. Sa bandang huli din, maiisip mo ang katotohanan na hindi lahat nang nagmamahal ay nagiging masaya. Hindi niyo ito dapat gawin sa inyong sarili sapagkat bawat isa ay may karapatang lumigaya… at ang bagay na ito ay nasa inyong mga kamay. Ang mundo ay punong-puno g mga “random na kaganapan” kaya wala kang magagawa kundi magdesisyon para sa inyong sarili.

Bahala ka sa buhay mo.

Wednesday, March 6, 2013

Epiko 49: "Weird Just Friends"


 
Ang sukatan ng tunay na pagkakaibigan ay nakikita hindi sa tagal ng pagsasama o pagkakakilala.

Marahil isa sa mga misteryo na mayroon tayong mga tao ay ang pagkakaroon ng mga kaibigan. Ngunit hindi natin alam kung ano ang kayang gawin nila sa atin. Mapa-simpleng tropahan o hanggang sa pinakamataas na posisyon sa lipunan, hinding-hindi ka makakaligtas sa mga taong tinatawag mong mga kaibigan. Karamihan sa kanila ay hindi ka gagawan ng kabutihan at sa bandang huli, iiwan ka nila.

Pero may kasabihan nga na “friends come and go, but few should hold on.” Mayroon isang tao na hindi mo lang napapansin na nag-aalala at iniisip ang kabutihan para sa ‘yo. Siya ang taong palaging nasa tabi mo sa oras ng kagipitan. Siya din ang taong pinipilit kang pangitiin at pasayahin dahil bad trip ka. Siya din ang taong hindi ka basta-basta iiwan at lolokohin. Siya ang nagtatago ng iyong sikreto at madilim na nakaraan.  Siya ‘yun – ang tunay mong kaibigan.

Hindi ko alam pero may mga pagkakataon sa buhay na nasusukat ang isang tunay na pagkakaibigan sa sitwasyon na hindi inaasahan. Tulad ng kwento na ibabahagi ko sa ‘yo: Mahigit sampung taon na magkakilala at magkakaibigan sina Rica, Chelsea at Amy. Sa tagal na nga ng kanilang pagiging malapit sa isa’t-isa, alam na nila ang kanilang mga sikreto, pangarap at pananaw sa buhay.

Hanggang sa dumating si Oliver sa buhay nila.

Gusto ni Oliver si Rica, Subalit may lihim na pagtingin si Chelea kay Oliver. Ito ang naging mitsa ng hindi pagkakaunawaan ng dalawa. Naipit sa labanan ng dalawa si Amy. Hindi niya alam kung saan siya papanig. Ayaw niyang masira ang pagkakaibigan nilang tatlo.

Isang araw, kinausap ni Amy si Oliver. Sinabi niya ang sitwasyon ng kanyang dalawang kaibigan. Naunawaan ito ni lalaki at nagdesisyon na layuan ang magkakaibigan.

Makalipas ang tatlong buwan, hindi na lumapit si Oliver sa tatlong magkakaibigan. Ngunit hindi nito naibalik ang dating pagsasama ng tatlo. Lumapit siya kay Oliver upang humingi ng payo. Nasundan ito ng madalas na paglabas at pag-uusap.

Hanggang sa mahulog ang loob nila sa isa’t-isa at naging sila.

Nang nabalitaan ito nina Chelsea at Rica. Abot-langit ang galit nila kay Amy. Hanggang sa tuluyan nang nasira ang kanilang pagkakaibigan.

Anong punto nito?

Sa pagkakaibigan, may mga bagay na dumadating na hindi natin inaasahan. Dahil dito, nasisira ang isang magandang samahan. Kalimitan itong nangyayari kapag may isang tao na magbabago ng nararamdaman ng grupo. Pagdatig sa pag-ibig, maraming masisira. Lahat apektado. Lahat wasak.

Kaya nga ito marahil ang misteryo ng pagkakaibigan. Dahil siguro sa salitang “kaibigan” na naging “ka-ibigan,” may nasisira. Ito naman siguro ang papel ng pag-ibig sa buhay ng tao – ang bumo at sumira. Lahat ng nagmamahalan ay may pag-ibig. Lahat ng naghihiwalay ay dahil hini na sila nagmamahalan. Pag-ibig ang nagpapatakbo ng mundo. Pag-ibig din ang nagpapatigil ng mundo ng sinuman (Kaya nga may kasabihan na tumitigil ang mundo dahil nagmamahal ka.)

Tanging karibal lang ng pag-ibig ay pagkakaibigan. Tandaan, madaling magmahal ng kaibigan ngunit mahirap mahalin ang dati mong kaibigan.