Thursday, December 27, 2012

Epiko 43: "Iputok Mo Sa Labas"


 
Malapit nang magtapos ang taong 2012. Excited na ang lahat sa “Year of the Water Snake.” Sari-saring prediksyon na ang lumalabas sa radyo, TV, pahayagan at Internet. Lahat ay excited sa pagpasok sa taong 2013.

Ngunit sa likod ng mga lucky charms, pagpapatupad ng “Sin Tax Bill,” hula at naunsyaming “End of the World” (ayon sa Mayan Calendar), mas patok pa din ang paggamit ng mga Pilipino ng paputok na namana pa natin mula sa mga Intsik. Sabi nga nila, dapat salubungin ang padating na taon na puno ng ingay ay ilaw dahil nagtataboy ito ng masamang espiritu.

Pagdating sa usapang paputok. Mayroon akong kwento na ibabahagi sa inyo.

Natatandaan ko pa noong bisperas ng bagong taon noong 1990, unang beses akong nakahawak ng labintador. Nagpaputok ako at muntik na akong masugatan. Pero hindi ako nadala, bagkus ay inubos ko pa ang isang balot nito. Kinagabihan, kasama ko ang mga kaibigan ko na magpaputok ng binili naming paputok. Isa sa mga kalaro ko (na pumanaw na) ay nagsindi nito na may taklob na basag na porselanang plato. Lahat kami ay naghihintay sa mangyayari. Ngunit hindi pa ito pumuputok Hanggang sa nilapitan ko ito at sinilip kung ano ang nangyari.

At nangyari na ang hindi inaasahan.

Noong mga sandaling iyon, wala akong makita at narindi ang pandinig ko. Para akong na-flashbang” sa Counter Strike. Nang medyo nakakakita na ako ng liwanag. Napansin ko na duguan na ang damit. Ko. Nakita ko na lang ang mga kalaro ko na tumatakbo palayo sa akin. Nagtaka ako. Hanggang sa unti-unti ko nang nalalasahan ang dugo sa akin labi. Doon na ako nakaramdam ng takot at kaba.

Agad akong umuwi sa amin. Wala sa bahay ang mga magulang ko kaya dali-dali akong umakyat sa loob bahay naming. Doon ko na nakita ang sarili ko sa salamain na duguan at sugatan. Ngunit hindi ako umiyak. Napansin ko na may nakatusok sa gitna ng aking kilay – isang mahabang bubog na nakabaon ng malalim. Hindi ko alam kung saan ako humugot ng lakas para hugutin ito.

Natataranta na ako ng mga oras na iyon. Hanggang sa nakita ko ang isang bote ng Eskinol sa may kabinet. Kumuha ako ng bulak at nilagyan ito at ipinahid sa mukha ko. Doon ako napasigaw sa hapdi at sakit (Note: Wala pang Eskinol na “Clear” kaya pati ‘yung tawas na nasa loob nito ay kasama nang naipinahid ko ito sa mukha).

Di nagtagal ay dumating ang mga magulang ko. Nang nakita nila ako, agad nila akong isinugod sa pinakamalapit na ospital. Natatandaan ko na tinahi ang parte ng mukha ko na kng saan binunot ko ang bubog.

Nagsilbing malaking aral ito sa akin. Nang dahil doon, mas nagging maingat ako sa paghawak ng paputok. Kahit hanggang ngayon, pag nagpapaputok ako, sinisigurado ko na walang disgrasya na magaganap… sa loob man o sa labas ng bahay.

Kaya kung maaari, mag-ingat tayo hindi lang tuwing bagong taon kundi sa mga taon na dadating sa ating buhay hindi lang sa paputok kundi sa mga bagay na pwede tayong makadisgrasya.. Tandaan natin na sa pag-iingat nagiging ligtas ang bawat isa at kung ligtas ka, panatag ka. Gumamit ng mga kasangkapan na pwedeng magligtas sa ‘yo sa oras ng kapahamakan. Kung kaya mong iligtas ang iba, tulungan mo sila sa pagbibigay ng mga payo o aral na magagamit nila kapag napapahamak sila.
Ngayong bagong taon, mag-ingat sa paputok. Huwag magpaputok sa loob ng bahay. Iputok mo sa labas.

No comments:

Post a Comment