Wednesday, December 26, 2012

Epiko 42: "Ang Hirap Isulat Ang Love Story Namin"


“Ehmergehrd! Ang hirap!”

Kanina ko pa gustong isulat ang isang kwento ng isang kahanga-hangang babae na nakilala ko ngayong taon na ito sa lugar na kung saan nakita ko ang kapanatagan at katahimikan ng buhay. Ngunit nagiging maingat ako sa mga salita na gagamitin ko sa kadahilanang masyado siyang sensitibo sa mga bagay na gusto kong sabihin. Sabihin na natin na nasa kanya ang isang katangian ng isang tunay na babae – sumpungin (o sa salitang balbal, “topakin.”)

Natatandaan ko pa ang una naming pagkikita: Agad kong napansin ang kanyang punto at tono ng pananalita… malambing na tila musika sa aking pandinig ngunit nakakabingi dahil marami siyang tanong na gusto kong sagutin. Hindi ko naman talaga siya pinapansin o talagang hindi siya papansinin. Ngunit kung titigan mo siya, makikita mo ang isang nakatagong kagandahan sa kanyang mga ngiti. Pero kapag kumanta na siya, parang matutupad ang sinasabi ng Mayan Calendar dahil sa boses niya na gugunaw ng mundo (sa madaling salita, mahilig siyang kumanta pero parang distorted ng bass ang boses niya).

Sa dinami-dami kong blogs na isinulat para sa mga particular na babaeng nagdaan sa buhay ko, ngayon lang ako nahirapan ng ganito. Ang hirap niyang ilarawan bilang isang babae. Hindi naman siya maganda, matangkad, matangos ang ilong at iba pang katangian na hinahanap ko sa isang babae. Iba siya sa lahat ng babaeng nakilala ko. Para bang pagsisihan mo ng malaki kapag sinaktan mo siya at pinaiyak. Noong una, ayokong tanggapin ang mga bagay tungkol sa kanya na pumapasok sa aking isip.Dumating sa punto na inilapit ko na ang sarili ko sa kanya upang malaman ko ang tunay niyang nararamdaman para sa akin. Ngunit talagang matibay ang pana ni kupido at tumagos sa puso ko at sa pagkakataong ito hindi ko pa nararanasan ang makaramdam sa isang babae na tulad nito.

Nasundan ito ng mga paglabas at paggala sa mga lugar na gusto namin puntahan. Kahit na medyo nakakailang kasi may kasama kami, alam ko na pareho kaming masaya dahil magkasama kami. Isang bagay din ang gustong-gusto ko sa kanya – Iyon ay kapag kinukunan ko siya ng larawan. Hindi ko alam sa sarili ko pero gustong-gusto ko siyang kunan ng larawan. Sa mga ngiti niya na nakukunan ko, isang saglit sa buhay niya ang nakukuha ko na nagiging isang kayamanan na walang katumbas na halaga.

Mahirap talagang isulat ang mga ginawa namin sa isa’t-isa. Parang isang magic na mahirap paniwalaan dahil may daya. Ngunit ang ngiti at saya na ibinigay niya sa akin ay hindi biro… kundi isang himala.

Hanggang sa minahal ko na siya ng tuluyan. Bagay na nagging dahilan upang maghilom ang sugat ng aking madilim na nakaraan.

Nais ko siyang pasalamatan sa mga bagay na ginawa niya sa akin (kahit wala siyang ideya. Malaking pagbabago ang ginawa niya sa buhay ko.). Nagsilbi siyang “pag-asa” sa puso kong luhaan, sugatan at hindi na mapakinabangan. Napatunayan ko na higit sa pagmamahal ang naramdaman ko sa kanya. Kaya nga hindi ko siya sasaktan, babaguhin at ikukumpara sa iba. Pakiramdam ko, para akong nagmahal sa unang pagkakaton na di nakaranas ng sakit at luha ng pag-ibig.

Kung anuman na mayroon kami ngayon, ito ay lubos kong ipinagpapasalamat. Walang sinuman ang pwedeng manakit o magpaluha sa kanya dahil kapag nangyari ‘yon, uubusin ko ang ngipin ng taong dumurog sa puso niya. Dahil sa kanya, tuluyan ko nang nakalimutan ang pait, sakit at dalamahati ng nakaraang taon sa piling ng isang babae na hindi nakayang ipaglaban at ipagtanggol ang pagmamahal na ibinigay ko sa kanya. Ngayon, sigurado na ako sa sarili ko na “siya” na talaga. Siya ang dahilan kung bakit ko kailangang magmahal muli na tila hindi nasaktan o nakaranas ng matinding pighati.

Ang dahilan? Mahal ko siya. Hindi ito ordinaryong pagmamahal. Mahal ko siya sa hindi mabilang na dahilan. Mahal ko siya sa hindi maipaliwanag na pakiramdam. Mahal ko siya dahil siya ang pag-asang hinahanap ko  para magpatuloy sa buhay. At higit sa lahat, mahal ko siya dahil siya ang tinitibok ng puso ko.

No comments:

Post a Comment