Pag-asa…
Ano ba ang kahalagahan nito sa buhay ng tao?
Marahil naranasan mo nang bumagsak sa isang pagsusulit o di
kaya ay matalo sa isang kumpetisyon. Maaaring may isang tao na mahalaga sa
buhay mo ang nawala o kaya naman ay nagkaroon ka ng matinding krisis sa iyong
buhay na halos ikabaliw o ikasira ng buhay mo at sa mga taong nakapaligid sa
iyo. Malamang naitanong mo sa iyong sarili kung bakit mo nararanasan ang simple
o kumplikadong sitwasyon sa buhay mo. Minasn siguro sa buhay mo ay naranasan
mong maging desperado dahil nakalugmok ka sa problemang kinatatayuan mo.
Ang pagpasok ng taong 2012 para sa akin ay hindi nagging
madali para sa akin. Mahirap magsimula sa sitwasyong nawala ang lahat sa buhay
mo… propesyon, pag-ibig, dangal, pamilya at alaala na mayroon ako ay nawala na
parang bula . Ngunit dahil ang buhay ay isang malaking dagat, kailangan mong
sumabay sa agos ng buhay. Hindi ko hinayaang malugmok ako sa kadiliman na
kinasadlakan ko noong isang taon. Sa paglipas ng mga araw, lingo at buwan na
kung saan pinipilit kong kumawala sa isang bangungot ay nagkaroon ako ng lakas
ng loob mula sa aking mga magulang, kamag-anak, kaibigan at minamahal upang
makapagsimulang muli. Sa madaling salita, hindi ako nawalan ng pag-asa sa
buhay.
Hanggang sa dumating ang bagong landas na aking tinatahak sa
kasalukuyan. Nagpakalayo-layo pang hanapin ang mga bagay na kukumpleto sa aking
pagkatao gayundin ay ituloy ang aking pangarap at magsikap sa aking piniling
desisyon sa buhay. Kahit na maraming pagsubok akong hinarap upang malagpasan
ito, naniniwala ako na may liwanag ng pag-asa akong makikita sa dulo nito.
At hindi ako nagkamali.
Kapiling ang bagong pamilya, trabaho at taong muling
nagpatibok ng puso ko, nagging malakas ako upang unti-unting kumawala sa
bangungot na patuloy na gumagambala sa akin, Sila ang nagsilbing pag-asa ko sa
kabila ng aking madilim na nakaraan. Muli, nagkaroon ng bagong liwanag at
ligaya sa aking buhay. Unti-unting nawala ang pangamba at takot sa puso ko
dahil pinawi ito ng mga bago at magagandang alaala mula sa kanila. Tulad ng
isang himala, ito’y hindi ko maipaliwanag.
Napagtanto ko na may isang bagay ang bumalik sa akin na
inakala ko na nakasama ng aking nakaraang pilit kong kinakalimutan… ang
magbigay pa-asa sa mga taong nasa kadiliman. Bilang isang guro ng makabagong
henerayon, tungkulin ko ang magbigay ng pag-asa sa mga taong naligaw ng landas.
Sa tulong ng Diyos, alam ko na papatnubayan Niya ako kasama ang mga taong
mahahalaga sa akin. Hindi ko na hahayaan na kunin uli ng pagkakataon ang magandang
biyaya na ipinagkaloob sa akin.
Ang taon na ito, na sinasabi ng nakakaramai na “Taong ng
Pagkagunaw” (ito ay ayon sa Mayan Calendar na hindi ko naman pinaniwalaan) ay
nagsilbing bagong simula para akin. May kasabihan nga na “Sa bawat katapusan ay
may panibagong simula.” Ang taon na ito ay nagsilbing paalala sa akin na may
pag-asa ang bawat isa na nagkaroon ng hindi magandang karanasan. Pag-asa sa
pamilyang nagkaroon ng matinding pagsubok na muling makabangon; Pag-asa sa
propesyon na ipagpatuloy dahil sa pangarap at pagsisikap nitong taglay; Pag-asa
na maibalik ang dangal bilang isang tao na kinuha ng masalimuot at bulok na
sistema; Ngunit higit sa lahat, pag-asa na muling magmahal at mahalin ng isang
taong tunay na nagmamalasakit at nagbibigay ng panibagong pag-asa upang
mabuhay.
Manigong bagong taon sa inyong lahat. Nawa’y tulad ko,
patuloy na manalig sa pag-asang gustong makamit sa susunod na taon.
No comments:
Post a Comment