Thursday, December 27, 2012

Epiko 43: "Iputok Mo Sa Labas"


 
Malapit nang magtapos ang taong 2012. Excited na ang lahat sa “Year of the Water Snake.” Sari-saring prediksyon na ang lumalabas sa radyo, TV, pahayagan at Internet. Lahat ay excited sa pagpasok sa taong 2013.

Ngunit sa likod ng mga lucky charms, pagpapatupad ng “Sin Tax Bill,” hula at naunsyaming “End of the World” (ayon sa Mayan Calendar), mas patok pa din ang paggamit ng mga Pilipino ng paputok na namana pa natin mula sa mga Intsik. Sabi nga nila, dapat salubungin ang padating na taon na puno ng ingay ay ilaw dahil nagtataboy ito ng masamang espiritu.

Pagdating sa usapang paputok. Mayroon akong kwento na ibabahagi sa inyo.

Natatandaan ko pa noong bisperas ng bagong taon noong 1990, unang beses akong nakahawak ng labintador. Nagpaputok ako at muntik na akong masugatan. Pero hindi ako nadala, bagkus ay inubos ko pa ang isang balot nito. Kinagabihan, kasama ko ang mga kaibigan ko na magpaputok ng binili naming paputok. Isa sa mga kalaro ko (na pumanaw na) ay nagsindi nito na may taklob na basag na porselanang plato. Lahat kami ay naghihintay sa mangyayari. Ngunit hindi pa ito pumuputok Hanggang sa nilapitan ko ito at sinilip kung ano ang nangyari.

At nangyari na ang hindi inaasahan.

Noong mga sandaling iyon, wala akong makita at narindi ang pandinig ko. Para akong na-flashbang” sa Counter Strike. Nang medyo nakakakita na ako ng liwanag. Napansin ko na duguan na ang damit. Ko. Nakita ko na lang ang mga kalaro ko na tumatakbo palayo sa akin. Nagtaka ako. Hanggang sa unti-unti ko nang nalalasahan ang dugo sa akin labi. Doon na ako nakaramdam ng takot at kaba.

Agad akong umuwi sa amin. Wala sa bahay ang mga magulang ko kaya dali-dali akong umakyat sa loob bahay naming. Doon ko na nakita ang sarili ko sa salamain na duguan at sugatan. Ngunit hindi ako umiyak. Napansin ko na may nakatusok sa gitna ng aking kilay – isang mahabang bubog na nakabaon ng malalim. Hindi ko alam kung saan ako humugot ng lakas para hugutin ito.

Natataranta na ako ng mga oras na iyon. Hanggang sa nakita ko ang isang bote ng Eskinol sa may kabinet. Kumuha ako ng bulak at nilagyan ito at ipinahid sa mukha ko. Doon ako napasigaw sa hapdi at sakit (Note: Wala pang Eskinol na “Clear” kaya pati ‘yung tawas na nasa loob nito ay kasama nang naipinahid ko ito sa mukha).

Di nagtagal ay dumating ang mga magulang ko. Nang nakita nila ako, agad nila akong isinugod sa pinakamalapit na ospital. Natatandaan ko na tinahi ang parte ng mukha ko na kng saan binunot ko ang bubog.

Nagsilbing malaking aral ito sa akin. Nang dahil doon, mas nagging maingat ako sa paghawak ng paputok. Kahit hanggang ngayon, pag nagpapaputok ako, sinisigurado ko na walang disgrasya na magaganap… sa loob man o sa labas ng bahay.

Kaya kung maaari, mag-ingat tayo hindi lang tuwing bagong taon kundi sa mga taon na dadating sa ating buhay hindi lang sa paputok kundi sa mga bagay na pwede tayong makadisgrasya.. Tandaan natin na sa pag-iingat nagiging ligtas ang bawat isa at kung ligtas ka, panatag ka. Gumamit ng mga kasangkapan na pwedeng magligtas sa ‘yo sa oras ng kapahamakan. Kung kaya mong iligtas ang iba, tulungan mo sila sa pagbibigay ng mga payo o aral na magagamit nila kapag napapahamak sila.
Ngayong bagong taon, mag-ingat sa paputok. Huwag magpaputok sa loob ng bahay. Iputok mo sa labas.

Wednesday, December 26, 2012

Epiko 42: "Ang Hirap Isulat Ang Love Story Namin"


“Ehmergehrd! Ang hirap!”

Kanina ko pa gustong isulat ang isang kwento ng isang kahanga-hangang babae na nakilala ko ngayong taon na ito sa lugar na kung saan nakita ko ang kapanatagan at katahimikan ng buhay. Ngunit nagiging maingat ako sa mga salita na gagamitin ko sa kadahilanang masyado siyang sensitibo sa mga bagay na gusto kong sabihin. Sabihin na natin na nasa kanya ang isang katangian ng isang tunay na babae – sumpungin (o sa salitang balbal, “topakin.”)

Natatandaan ko pa ang una naming pagkikita: Agad kong napansin ang kanyang punto at tono ng pananalita… malambing na tila musika sa aking pandinig ngunit nakakabingi dahil marami siyang tanong na gusto kong sagutin. Hindi ko naman talaga siya pinapansin o talagang hindi siya papansinin. Ngunit kung titigan mo siya, makikita mo ang isang nakatagong kagandahan sa kanyang mga ngiti. Pero kapag kumanta na siya, parang matutupad ang sinasabi ng Mayan Calendar dahil sa boses niya na gugunaw ng mundo (sa madaling salita, mahilig siyang kumanta pero parang distorted ng bass ang boses niya).

Sa dinami-dami kong blogs na isinulat para sa mga particular na babaeng nagdaan sa buhay ko, ngayon lang ako nahirapan ng ganito. Ang hirap niyang ilarawan bilang isang babae. Hindi naman siya maganda, matangkad, matangos ang ilong at iba pang katangian na hinahanap ko sa isang babae. Iba siya sa lahat ng babaeng nakilala ko. Para bang pagsisihan mo ng malaki kapag sinaktan mo siya at pinaiyak. Noong una, ayokong tanggapin ang mga bagay tungkol sa kanya na pumapasok sa aking isip.Dumating sa punto na inilapit ko na ang sarili ko sa kanya upang malaman ko ang tunay niyang nararamdaman para sa akin. Ngunit talagang matibay ang pana ni kupido at tumagos sa puso ko at sa pagkakataong ito hindi ko pa nararanasan ang makaramdam sa isang babae na tulad nito.

Nasundan ito ng mga paglabas at paggala sa mga lugar na gusto namin puntahan. Kahit na medyo nakakailang kasi may kasama kami, alam ko na pareho kaming masaya dahil magkasama kami. Isang bagay din ang gustong-gusto ko sa kanya – Iyon ay kapag kinukunan ko siya ng larawan. Hindi ko alam sa sarili ko pero gustong-gusto ko siyang kunan ng larawan. Sa mga ngiti niya na nakukunan ko, isang saglit sa buhay niya ang nakukuha ko na nagiging isang kayamanan na walang katumbas na halaga.

Mahirap talagang isulat ang mga ginawa namin sa isa’t-isa. Parang isang magic na mahirap paniwalaan dahil may daya. Ngunit ang ngiti at saya na ibinigay niya sa akin ay hindi biro… kundi isang himala.

Hanggang sa minahal ko na siya ng tuluyan. Bagay na nagging dahilan upang maghilom ang sugat ng aking madilim na nakaraan.

Nais ko siyang pasalamatan sa mga bagay na ginawa niya sa akin (kahit wala siyang ideya. Malaking pagbabago ang ginawa niya sa buhay ko.). Nagsilbi siyang “pag-asa” sa puso kong luhaan, sugatan at hindi na mapakinabangan. Napatunayan ko na higit sa pagmamahal ang naramdaman ko sa kanya. Kaya nga hindi ko siya sasaktan, babaguhin at ikukumpara sa iba. Pakiramdam ko, para akong nagmahal sa unang pagkakaton na di nakaranas ng sakit at luha ng pag-ibig.

Kung anuman na mayroon kami ngayon, ito ay lubos kong ipinagpapasalamat. Walang sinuman ang pwedeng manakit o magpaluha sa kanya dahil kapag nangyari ‘yon, uubusin ko ang ngipin ng taong dumurog sa puso niya. Dahil sa kanya, tuluyan ko nang nakalimutan ang pait, sakit at dalamahati ng nakaraang taon sa piling ng isang babae na hindi nakayang ipaglaban at ipagtanggol ang pagmamahal na ibinigay ko sa kanya. Ngayon, sigurado na ako sa sarili ko na “siya” na talaga. Siya ang dahilan kung bakit ko kailangang magmahal muli na tila hindi nasaktan o nakaranas ng matinding pighati.

Ang dahilan? Mahal ko siya. Hindi ito ordinaryong pagmamahal. Mahal ko siya sa hindi mabilang na dahilan. Mahal ko siya sa hindi maipaliwanag na pakiramdam. Mahal ko siya dahil siya ang pag-asang hinahanap ko  para magpatuloy sa buhay. At higit sa lahat, mahal ko siya dahil siya ang tinitibok ng puso ko.

Tuesday, December 25, 2012

Epiko 41: "Pag-asa"


Pag-asa…

Ano ba ang kahalagahan nito sa buhay ng tao?

Marahil naranasan mo nang bumagsak sa isang pagsusulit o di kaya ay matalo sa isang kumpetisyon. Maaaring may isang tao na mahalaga sa buhay mo ang nawala o kaya naman ay nagkaroon ka ng matinding krisis sa iyong buhay na halos ikabaliw o ikasira ng buhay mo at sa mga taong nakapaligid sa iyo. Malamang naitanong mo sa iyong sarili kung bakit mo nararanasan ang simple o kumplikadong sitwasyon sa buhay mo. Minasn siguro sa buhay mo ay naranasan mong maging desperado dahil nakalugmok ka sa problemang kinatatayuan mo.

Ang pagpasok ng taong 2012 para sa akin ay hindi nagging madali para sa akin. Mahirap magsimula sa sitwasyong nawala ang lahat sa buhay mo… propesyon, pag-ibig, dangal, pamilya at alaala na mayroon ako ay nawala na parang bula . Ngunit dahil ang buhay ay isang malaking dagat, kailangan mong sumabay sa agos ng buhay. Hindi ko hinayaang malugmok ako sa kadiliman na kinasadlakan ko noong isang taon. Sa paglipas ng mga araw, lingo at buwan na kung saan pinipilit kong kumawala sa isang bangungot ay nagkaroon ako ng lakas ng loob mula sa aking mga magulang, kamag-anak, kaibigan at minamahal upang makapagsimulang muli. Sa madaling salita, hindi ako nawalan ng pag-asa sa buhay.

Hanggang sa dumating ang bagong landas na aking tinatahak sa kasalukuyan. Nagpakalayo-layo pang hanapin ang mga bagay na kukumpleto sa aking pagkatao gayundin ay ituloy ang aking pangarap at magsikap sa aking piniling desisyon sa buhay. Kahit na maraming pagsubok akong hinarap upang malagpasan ito, naniniwala ako na may liwanag ng pag-asa akong makikita sa dulo nito.

At hindi ako nagkamali.

Kapiling ang bagong pamilya, trabaho at taong muling nagpatibok ng puso ko, nagging malakas ako upang unti-unting kumawala sa bangungot na patuloy na gumagambala sa akin, Sila ang nagsilbing pag-asa ko sa kabila ng aking madilim na nakaraan. Muli, nagkaroon ng bagong liwanag at ligaya sa aking buhay. Unti-unting nawala ang pangamba at takot sa puso ko dahil pinawi ito ng mga bago at magagandang alaala mula sa kanila. Tulad ng isang himala, ito’y hindi ko maipaliwanag.

Napagtanto ko na may isang bagay ang bumalik sa akin na inakala ko na nakasama ng aking nakaraang pilit kong kinakalimutan… ang magbigay pa-asa sa mga taong nasa kadiliman. Bilang isang guro ng makabagong henerayon, tungkulin ko ang magbigay ng pag-asa sa mga taong naligaw ng landas. Sa tulong ng Diyos, alam ko na papatnubayan Niya ako kasama ang mga taong mahahalaga sa akin. Hindi ko na hahayaan na kunin uli ng pagkakataon ang magandang biyaya na ipinagkaloob sa akin.

Ang taon na ito, na sinasabi ng nakakaramai na “Taong ng Pagkagunaw” (ito ay ayon sa Mayan Calendar na hindi ko naman pinaniwalaan) ay nagsilbing bagong simula para akin. May kasabihan nga na “Sa bawat katapusan ay may panibagong simula.” Ang taon na ito ay nagsilbing paalala sa akin na may pag-asa ang bawat isa na nagkaroon ng hindi magandang karanasan. Pag-asa sa pamilyang nagkaroon ng matinding pagsubok na muling makabangon; Pag-asa sa propesyon na ipagpatuloy dahil sa pangarap at pagsisikap nitong taglay; Pag-asa na maibalik ang dangal bilang isang tao na kinuha ng masalimuot at bulok na sistema; Ngunit higit sa lahat, pag-asa na muling magmahal at mahalin ng isang taong tunay na nagmamalasakit at nagbibigay ng panibagong pag-asa upang mabuhay.

Manigong bagong taon sa inyong lahat. Nawa’y tulad ko, patuloy na manalig sa pag-asang gustong makamit sa susunod na taon.

Thursday, December 13, 2012

Epiko 40: "Si Emong at si Chi-Chi Part 2"


Sa buhay, may mga bagay na hindi natin maintindihan. Tulad ng pag-ikot ng mundo sa araw, pa-usbong ng unang sibol ng palay, pag-utot, at pagkakaroon ng isang natatanging pag-ibig, lahat ng bagay sa mundo ay punong-puno ng misteryo.

Bagama’t sa likod ng mga misteryong ito, lahat tayo ay naghahangad ng kasagutan sa mga tanong sa ating naliligaw na kamalayan. Pero minsan, mas gugustuhin na lang ng ilan na huwag na lang alamin kung bakit.

Basta ‘yun… Alaman na.

Katulad na lang ng isang tao na minsan naging laman ng blogs ko dalawang taon na ang nakakaraan. Nang makilala ko siya, naisip ko na napaka-swerte kong tao. Ewan ko ba pero hindi ko maiwasan na ngumiti at maging masaya sa tuwing naiisip at naaalala ko siya. Kahit ako nga ay nagtataka din sa sarili ko kung bakit.

Sa halos isang taon na nakasama ko siya, naramdaman ko na pwede ka naman palang maging masaya sa isang tao at panatilihin ang magandang samahan. Sa kanya ako nakaramdam ng walang malisya, pagnanasa at pagdadamot. Halos nasa tabi niya ako kahit na anong mangyari at handang gawin ang lahat hangga’t makakaya ko. Hindi ako naging madamot sa kanya. Gusto ko lang iparamdam sa kanya kung gaano siya kahalaga sa akin.

Hanggang sa umalis na siya ng tuluyan at hindi nagpaalam sa akin. Pakiramdam ko, nawalan ako ng mahalagang tao sa buhay ko. Sobrang lungkot ko nang nawala siya.

Hindi ko kasi nasabi sa kanya ang mga bagay na gusto kong sabihin.

Pero hindi ako sumuko na hanapin at panatilihin ang aming komunikasyon at pagkakaibigan. Minsan lang dumating ang isang katulad niya. Ayoko siyang mawala sa akin.

Pero dahil kailangang labanan ang maling damdamin, pinilit kopng kinalimutan siya.

Lumipas ang isang taon, napakadaming nangyari sa buhay ko. Masasabi ko na talagang nalampasan ko ang pinakamatinding pagsubok na nagdaan sa buhay ko – ang mag-move on sa kanya.

Pero eto na naman siya. Hindi ko alam kung bakit ako nagkakaganito kapag nakaka-text siya. Napansin ko din na noong nagsisismula ang blog na ito ay isa siya sa mga naging dahilan kung bakit ko kailangang magsulat muli.

Tulad ng paligi niyang ginagawa, ibinabalik niya sa akin ang mga ngiti na nawawala sa akin.

Okay lang sana na maging “boyfriend sagigilid” niya kaso parang ayoko na din. Ayokong masira kung anon a mayroon kami ngayon. Mahalaga siya sa akin kahit minsan ay hindi niya ako pinahahalagahan.

Hinihintay ko ang muli naming pagkikita… kaso di ko alam kung saan, kalian at paano. Pero mas mabuti na din ang ganito. Ang mahalaga, hindi siya nawala sa akin.

Ngayon, naiitindihan ko na kung bakit… siya na nga siguro ang dahilan kung bakit ako nagsusulat at patuloy na magsusulat.

Hay naku… Trending ka na naman sa puso ko.

 

 

 

 

 

 

Epiko 39: "Sa Sobrang Galit Ko Sa 'yo, Isinumpa Kita Na Maging Taong Grasa Ka"

“May mga bagay sa ating buhay na mahirap ipaliwanag. Kung minsan, may mga dumadating na bigla na lang aalis kasunod ng pagdating ng isang hindi inaasahang pagkakataon. Hindi natin alam kung anong bagay ang naghihintay sa atin na kayang ibigay ng tadhana. Kung sabagay, ganito talaga ang buhay ng tao – punong-puno ng mga hindi maipaliwanag na pangyayari.

 
Naalala ko tuloy ang isang pangyayari sa buhay ko. Noong bata pa ako, mayroon akong isang kalaro na nakasamaan ko ng loob. Galit na galit ako at ayoko siyang kausapin at lapitan. Ang ginawa ko, gumawa ako ng guhit sa pagitan namin. Sinabi ko sa kanya ‘Huwag kang lalapit…’

Hindi siya nakinig sa akin. Bagkus ay niyakap niya ako at humingi ng tawad.

Sa aking paglalakbay sa daan na gusto kong marating bilang isang guro at manunulat, maraming tao ang naglakas-loob na gumawa ng mga bagay na nagbigay ng kasiyahan at dalamahati. Masasabi ko binigyan nila ng kulay ang aking pagkatao sa paraan na hindi nila nalalaman. Tumawid sila linya at sinubukang sumugal na kilalanin ako.

Ngunit sa banding huli, iniwan din ako – sinaktan, pinaglaruan, ginamit, at higit sa lahat, niloko ako.

Tsk! Hindi na ako natuto at nadadala…

Ngunit hindi ako sumuko. Nananatili akong matatag at patuloy na hinanap ang dahilan kung bakit ko kailangang mabuhay. Dito ko napagtanto na masarap palang masaktan kapag nagmahal ka. Minsan nga lang, para kang papatayin nito sa sobrang sakit. Ngunit sa likod nito ay isang napakahalagang aral na hindi maituturo sa isang paaralan o institusyon.

No pain, no gain sabi nga ng iba.

Sa kasalukuyan, muli akong nagsisimula. Hindi naman magkakaroon ng simula kung walang natapos. Walang permanente sa mundo kundi pagbabago. Walang mahalaga sa mundo kundi ang pagbibigay ng halaga sa mga bagay na mayroon tayo. Walang masasaktan kung walang mananakit. Walang iiyak kung walang magpapaiyak. Walang manloloko kung walang magpapaloko. Hindi lang isa ang nagmamahal – dapat may kabigayan ito nang sa ganoon ay maranasan natin ang sarap at sakit ng pagmamahal.

 

Sa taong muling nangwasak sa puso ko, marami akong gustong sabihin sa ‘yo…

Marami.

Pero pinili ko na lang ang pinakamadali at pinakamasakit na paraan – Ito ay ang palitan ng galit, poot at paghihiganti ang puso kong nagluluksa at nangungulila sa ‘yo. Ito lang ang tanging paraan para makalimutan ka. Pero nagpapasalamat ako dahil napatunayan ko sa sarili ko na kaya kong gawin ang imposible para sa ‘yo. Pero sinayang mo dahil nanaig ang isip mo na gawin ang nararapat. Hindi kita masisisi… Desisyon mo ‘yan at may sarili kang isip.

Kasunod nito ay papalitan na kita sa puso ko ng isang taong alam ko na tinaggap ang buo kong pagkatao at minahal ako nang walang hinihiling na kapalit. Kung kontinente nga naghihiwalay, tao pa kaya? Dadating din ang panahon na ibabalik ng tadhan ang ginawa mo sa akin at mananatili itong sumpa sa ‘yo dahil ginawa mo sa akin. Pero sa kaso ko, hindi masasayang ang nalalabing pagmamahal na mayroon ako. Para sa kanya ito. Malas mo lang dahil sinayang mo ang mga ganitong pagkakataon. Ipapamukha ko sa ‘yo na mali ang ginawa mong pakikipaghiwalay sa akin.

Sa kabila nito, hindi ko makakalimutan ang pinakahuling sandali na nag-isa ang ating, isip, puso, katawan at kaluluwa. Walang kapalit ang ginawa mo sa mga sandaling ‘yon. Isa itong masayang panaginip na patuloy na babangungutin ka hanggang sa huli mong hininga at pagsisihan mo ng habambuhay... Magiging "taong-grasa" ka tatlong taon simula ngayon.

Pagsisihan mo ng habambuhay…

Pagsisihan mo habambuhay…

Pagsisihan habambuhay…
 

 

 

Tuesday, December 4, 2012

Epiko 38: "Selos"














Selos.
Isang pakiramdam na ayaw mong maramdaman,
Kahit minsan ang sarili’y di maintindihan
Lalo na kapag nakikita siya na may kasamang ibang Adan.
Ngunit natatakot ka na kanya itong malaman.

Selos?
Ito ba’y normal o isang sakit?
May mga oras na ikaw na lang ay mapapapikit
Lalo na kapag nagtitinginan sila ng malagkit
Kaya huwag mo akong tanungin kung bakit

Selos…
Mahirap ipadama kung ikaw ay torpe,
Ni hindi mo nga kayang yayain siyang mag-sine.
Pero bakit biglang natotorete;
Habang inihahatid siya ng putting kotse.

Selos…
Ika nga ng isang kanta;
“Ang bigat ng ‘yong dala,
Hindi ako ang may sala.”

Selos!
Walang gamot sa ganyang sakit,
Isang emosyon na puno ng pait,
Ngunit nilalaban pa ding pilit;
Umaasang ang puso mo’y makakamit.

Selos.
Sa ‘yo ay hindi ako magpapatalo
Hindi ako titigil kung ikaw ay nakikipaglaro,
Hangga’t kaya kong tiisin at ito’y itago,
Ang pag-ibig ko sa ‘yo’y di magbabago.