Bago lang ako sa bayan ng Gen. Trias. Nagdesisyon ako na
dito ipagpatuloy ang aking propesyon buhat nang mangyari sa akin ang isang
bangungot na bumago sa takbo ng buhay ko. Masasabi ko na isa akong estranghero
sa lugar na ‘yon – Walang kakilala, walang kaibigan, walang direksyon ang buhay
at higit sa lahat, walang alam na paraan kung paano magsisimulang muli.
Natatandaan ko pa ang unang araw na makaharap ko ang isang
paham na si Gng. Aurora Maclang. Kahit na alam ko na nag-iisa ang aking resumé,
isinugal ko ito dala ang aking pinakamimithing pagbabago na inaasam ko. Hindi
ko din akalain na sa mga sandaling iyon ay tinaggap niya ako sa bagong paaralan
na magsisimula sa taong ito. Idagdag mo pa dito ang mga taong nasa likod na
pagtatayo ng isang bagong institusyon na sina G. at Gng. Go na tulad ko ay
nagsisimula din mangarap na matupad ang isang mithiin hindi lang para sa
kanilang sarili kundi din sa nakakarami.
Nang makauwi pagkatapos kong pumirma ng kontrata, napaisip
ako… tama ba ang ginawa ko?
Lumipas ang ilang araw, linggo at buwan ng paghihintay, sa
wakas ay magsisimula na ang bagong buhay ko… malayo sa aking pamilya, kaibigan
at higit sa lahat, malayo sa aking madilim na nakaraan na pilit kong
tinatakasan. Habang papalapit ang buwan ng pagsisimula ng klase, marami akong
iniisip, marami akong pag-aalinlangan, marami akong kinatatakutan at marami
akong pangamba hindi lang sa sarili ko kundi pati sa mga taong makakaharap ko.
Una kong nakilala sina Sir Jay, Ma’m Melanie at Ma’m Lenny doon
sa motorcade. Ganun din ang mga magulang, taga-suporta at mga magiging
estudyante ko. Sumunod na sina Sir Dennis, Sir Berbs, Kuya Noel, Ate Jessica,
Ma’m Jill, Ma’m Noellie at Sir Jim. Noong una ay pinakikiramdaman ko pa sila.
Makalipas ang ilang linggo, dumating sina Ma’m Marilyn, Ma’m Cheng at Ma’m
Karen. Matapos ang “Eskwelahang Munti,” nakaharap ko na ang iba pa tulad ni
Ma’m Shiela, Ma’m Jen, Ma’m Leth at Ma’m Sheila. Nang nakumpleto na ang
faculty, medyo kinabahan ako. Paano ko sila haharapin at pakikisamahan?
Ginawa ko ang lahat upang maging totoo sa aking sarili
pagdating sa pakikitungo sa kanila. Nalaman ko na hindi sila katulad ng mga
naunang tao na nakilala ko. Totoo sila at natural na tao. Bagama’t medyo may
mga ugali sila na hindi ko agad nagustuhan, ginawa ko ang lahat upang ilapit ko
ang sarili ko sa kanila. Naging matagumpay ang una naming LTS (Leadership
Training Seminar) at doon lahat sila ay nakapalagayan ko na ng loob.
Pero may isa pang problema… ang mga magiging estudyante.
Aaminin ko na talagang iba sila sa mga naging estudyante ko
sa Silang. Nahirapan akong ilapit ang aking sarili lalo na noong nagsimula na
ng klase. Nangangamba ako sa kanila. Hanggang nahuli ko na ang kanilang mga
kiliti. Dito na akong nagsimulang makipagsapalaran sa buhay ng isang
lisensyadong guro. Hindi ito naging madali sa akin lalo na at sa unang
pagkakataon sa aking buhay ay isa akong estranghero. Ngunit dahi sa patnubay ng
punong-guro ay unti-unti akong natututo at nahuhubog ang aking sarili bilang
isang propesyonal.
Nakakatuwa na makita ang mga bata na nakikinig sa aking mga
kwento na puno ng kababalaghan, kalokohan at karanasan na nagtuturo sa kanila
ng mga aral ng buhay. Ayokong maranansan nila ang panghihinayang at pagkakatoan
na ibinigay sa kanila ng paaralan. Para sa akin, iba pa din ang paraan ko na
magbahagi ng aking sarili sa mga bata… ngunit may limitasyon na ito hindi tulad
ng dati. Kaya ko nang pigilan ang aking sarili at gawin ang tama. Salamat sa
“nakaraan” at natuto ako na ang sarap mabuhay at gawin ang nais mo sa buhay.
Ngunit sadyang may kailangan umalis sa mga iba’t-ibang
dahilan tulad ni Ma’m Jen at Ma’m Karen. Ngunit dumating sina Sir Mike, Ma’m
Anne at Sir Gilbert. Nagkaroon tuloy kami ng “sitcom” sa faculty room. Masaya
ako dahil pkiramdam ko ay may bago akong pamilya na hindi lang sa saya kundi
pati sa hirap at problema ay hindi nawawala. Gagawin ko ang lahat na
protektahan ang kung anong mayroon ako ngayon dahil hindi ako makakapayag na
may sumira sa magandang samahan na mayroon kami… kahit pa ang “nakaraan” ko ang
maging balakid.
Bagong paaralan, bagong pakikipagsapalaran, bagong pamilya…
ito ang tamang deskripsyon ko sa kung anong mayroong biyaya at pagakakataon na
nararanasan ko. Ayokong mawala sila sa akin. Ngauyon ko masasabi na dito sa
lugar na ito ako nabibilang… ang aking bagong pamilya na puno ng
pakikipagsapalaran sa bagong paaralan.
No comments:
Post a Comment