Isa sa mga nirerekomenda ng mga dalubhasa sa kalusugan ang
magkaroon ng cardiac exercise upang mapanatiling malusog ang pangangatawan
partikular na para sa puso. Isa na ditto ang mag-jogging o brisk walking na
kung saan mas maa-appreciate mo ito kung sa isang oval field mo ito gagawin.
Hindi ako mahilig mag-ehersisyo dahil nakakatamad at ayokong mapagod ang aking
sarili. Ngunit dahil sa patuloy na paglobo ng aking katawan ay naisip kong
gawin ito kasama ang isang kaibigan tuwing Sabado ng umaga. Kahit mahirap
gumising ng maaga, ginagawa ko ito… ngunit hindi para magpapayat.
Sabi nga ni Jessica Zafra sa kanyang librong “Seven and ½”
na aksidente kong nabuklat sa isang bookstore, “There are two reasons why we
run – one is to escape and the other is to chase. We put ourselves in a hurry
to escape and chase something because we tend to be in a circle of emotions
which help us to become enlightened in a crazy little thing called love. Love
is like an oval field – even though you’re running away or running to chase the
one you love, in the end, you still come up in one result. PAIN.”
Sa dalawampu’t siyam na taon ko na sa mundo, marami na
akojng naranasan na mukha ng pag-ibig (at kung suki kang mambabasa ng mga blogs
ko, malamang maibubulong mo sa sarili mo na “Eto na naman si Julius at mukhang
in-love na naman!”) at iisa ang kinahahantungan nito. Ewan ko ba pero sa tingin
ko, natural lang siguro sa isang tao na makaranas magmahal at masaktan. Sabi
nga ni Ramon Bautista sa kanyang internet advice segment na Ramon Baustista’s Tales From the Friend Zone,
Ang tunay na pag-ibig ay hindi sweet at huma-happy ending tulad ng sine. Ang
tunay na pag-ibig ay masakit at punong-puno ng pait. At kung naranasan mo ito,
isa itong patunay na ganap ka ng tao.”
Sa mga nabanggit ko, nabuo ko ang isang ideya (o mas
masasabi kong prinsipyo) pagdating sa pinaka-korning emosyon mayroon ang isang
tao. Sa buhay pag-ibig natin na kung saan hinahanap natin ang isang taong
kukumpleto sa ating pagkatao, hindi maiwasang may dadaan at sisirain nito an
gating puso. Kaya nga minsan, kung hindi natin tatakasan ang isang madilim na
kabanat ng buhay natin, hahabulin natin ang isang bagay na gusto natin – ang
maging maligaya sa piling ng iba. Ngunit dahil sa mga hindi malamang dahilan at
sitwasyon, nauudlot ito dahil sa mga hindi maiiwasang bagay na nagsisilbing
harang sa ating hinahabol na pangarap hanggang sa ito’y manatiling isang
pangarap na lamang.
Magbibigay ako ng sitwasyon sa pamamagitan ng isang kwento:
May isang lalaki na may madilim na nakaraan sa pag-ibig na
nakatagpo ng isang babae na masasabing kumumpleto sa kanyang pagkatao. Masaya
sila sa tuwing magkasama ngunit dahil sa kasal na sa iba ang babae, walang
magawa ang lalaki kundi ipakita na lang sa babaeng minamahal niya ang lahat ng
kanyang nararamdaman. Hindi niya ito kayang sabihin dahil hindi ito magiging
madali at higit sa lahat, malaking gulo ito. Kaya nga kahit maraming babae ang
nagkakagusto sa kanya, hindi niya ito pinapanasin dahil iisa lang ang mahal nito…
na hindi maaring mapunta sa kanya. Pero sa kabila nito, minabuti na lang niya
na maging ganoon na lang ang sitwasyon. Ang mahalaga, hindi mawawala sa buhay
niya ang babae… kahit masakit.
Sa mga taong praktikal at may malaking disposisyon sa buhay,
Isang katangahan ang pag-ibig dahil mapapagod lang ang puso at problema lang
ito. Matalino man sila, hindi pa din nila alam ang sakit nito dahil hindi nila
ito nararamdaman. Kung baga, hindi nila nae-exercise ang kanilang puso. Aminin
natin na takot tayong magmahal kasi takot tayong masaktan.
Ngunit kung di ka masasaktan, paano ka matututo?
Paulit –ulit man ako masaktan sa pag-ibig, hindi ko ito
ikinahihiya sapagkat ito ang dahilan kung bakit ako nabubuhay (at kung bakit
may blog pa ako na ginagawa.). Mula sa maliliit na hakbang hanggang sa
pinakamabilis na takbo patungo sa kaligayahang ninanais ko, Hindi ko na iniiip kung masasaktan ako.
Parang oval firld lang ‘yan. Habang tumatakbo at napapagod ka, lumalambot ang
tinatapakan mo at nagiging panatag ka. Paulit-ulit ka man masaktan, madapa,
pulikatin o mabalian, isang bagay lang ang dapat mong tandaan – kailangan mong
magpatuloy, kailangan mong mabuhay at higit sa lahat, kailangan mong magmahal.
Walang tama o mali
sa mundo. Ang dapat mo lang gawin ay panindigan mo ang iyong pinili dahil ito
ang magpapaligaya sa iyo…
… o kung hindi man, ito ang kukumpleto sa ‘yo bilang tao.
No comments:
Post a Comment