Friday, September 14, 2012

Epiko 30: "Alam Kong Mali Pero…"

May mga pagkakataon na parang hindi natin alam sa aing sarili ang mga salitang sinasabi natin. Kung minsan pa nga hindi natin alam ang mga salitang lumalabas sa bibig natin kapag kinakausap natin ang isang tao partikular kung tayo ay may espesyal na pagtingin sa kanya.

Sabi nga ni Dr. Margarita Holmes na kilalang sex therapist, may mga pagkakataon na may nasasabi ang isang tao ang isang bagay na parang wala naman kwenta. Pero dahil may nararamdaman kang espesyal sa kanya, maaaring may iba kang dahilan. Kung baga, may sex drive ka din pagdating sa pakikipag-usap sa tao.

Maaaring nangyari na ito sa iyo o baka naman nararanasan mo ito ngayon (tulad ko). Ginagawa mo ang lahat para sa isang tao ngunit hindi mo alam kung pareho ba kayo ng nararamdaman. Espesyal siya sa ‘yo…

Pero ang tanong, “Espesyal ka din ba sa kanya?

Natural sa isang tao ang humingi ng kapalit sa mga bagay na ginagawa niya para sa isang tao – masama man o mabuti. Ngunit dahil mas pabor tayo sa mga bagay na gusto nating matanggap, tayo ay nagkakaroon ng kaunting (o kadalasan, malaking) pagkabigo sa ating sarili dahil hindi natin makuha ang ninananis natin.

Kung sa konsepto ng pag-ibig ang ating sisilipin, iba’t-ibang ang perspektibo ng bawat isa sa atin. Katulad na lamang ng aking nararanasan na tila nagpapaka-tanga ako sa isang tao kahit na alam kong mali at walang kahahantungan. Ewan ko nga din bas a sarili ko pero may isang bagay na nagtutulak sa akin na gawin ang mga bagay na ‘yon. Nagiging magulo ang isip ko at kung minsan para akong masisiraan ng ulo sa kaiisip dahil alam ko na wala naman akong makukuha sa kanya. Parang isang malaking kalokohan ang ginagawa ko na patuloy kong ginagawa.

Brrr…

Pero sa kabilang banda, napakasaya ko kapag nakikita siya at nakakasama. Pakiramdam ko, siya ang taong kukumpleto sa akin. Siya ang dahilan kung bakit kailanagan kong magpatuloy sa buhay. Siya ang dahilan kung may naisusulat ako sa mga nobela at kwento ko. Pantasya man sa paningin ng iba, ito marahil ang dahlia kung bakit pa ako nabubuhay pagkatapos kong masadlak sa isang napakadilim na bahagi ng buhay ko isang taon na ang nakakaraan.

Kung bakit kasi ngayon ko lang siya nakilala…

Sa puntong ito, kahit saaang anggulo mo tingnan, lahat ng ginagawa ko para sa kanya ay mali. Mali ang inilalapit ko ang sarili ko sa kanya. Mali ang ginagawa kong paraan para mapalapit sa kanya. Mali ang mga kilos at salita na sinasabi ko sa kanya. Mali ang mga pakiramdamam ko kapag kasama ko siya. Mali ang pagmasadan ang mga larawan naming na magkasama at isipin ang mga masasayang sandali kahit panandalian lamang Mali na nagseselos ako kapag may nalalaman ako na may nagkakagusto din sa kanya. Mali ang mga iniisip ko kapag naaalala ko siya. Mali ang paraan upang manatili ang nararamdaman ko para sa kanya.

At higit sa lahat… mali ang ibigin ko siya.

Pero nangyari na. At hindi ko na alam kung mapipigilan ko pa ito. Sabi nga ng isang guro na nakasama ko. “Sa simula pa lang, huwag mong i-entertain ang feelings mo para sa kanya dahil masasaktan ka lang. May nagsabi naman sa akin na “Huwag kang gagawa ng mga bagay na magpapaiyak sa sa ‘yo sa huli.” Pero hindi ko mapigilan. Anong Mayroon siya at ako ay nagkakaganito? Anong mayroon ako at patuloy akong umaasa na isang araw ay maramdamaman niya din itong aking dinaramdam?

Alam kong mali.

Alam kong hindi tama.

Alam kong masasaktan ako sa huli.

Pero kung ako ang tatanungin, sigurado ako na mahal ko siya… kahit alam kong mali.

No comments:

Post a Comment