Saturday, September 29, 2012

Epiko 32: "Nang Dahil sa Oppa Gangnam Style”



Hindi ako marunong sumayaw. Kahit siguro pakantahin mo ako ng isandaang beses ay gagawin ko kaysa makita akong magkalat sa dance floor. Noong high school ako, inggit na inggit ako sa mga kaklase ko na marunong sumayaw at hinahangaan ng mga babae. Panahon kasi ng mga UMD at Street Boys noon kaya kapag guwapo ka at magaling sumayaw, laglag ang panty ng mga babae sa ‘yo.

Ngunit sa paglipas ng panahon, maraming musika at sayaw ang nauso at dumaan sa mga Pilipino. Ewan ko ba pero siguro hilig nng mga kababayan natin ang sumayaw. Isa itong paraan para maipahayag ang sarili sa nakakarami. Ang iba naman ay naniniwala na bahagi ng lenggwahe ng tao ang pag-indak. Mula sa iba’t-ibang kultura sa iba’t ibang lugar sa mundo, masasabi mo na napaka-inibersal ang sining na ito.

Pero nagbago ang lahat ng dumating si “Psy.” Hindi naman siya guwapo (tulad ko) at magaling sumayaw pero nang dahil sa hindi kapani-paniwalang phenomenon na “Oppa Gangnam Style,” nagbago ang ikot ng mundo (pati na din ang mundo ko). Parang gusto ko palaging sumayaw na tulad niya na hindi nahihiya at tatanga-tanga ang steps.

Pero cool na cool pa din siya.

Hindi kataka-takang napasama siya sa Guiness World of Record na “Most Viewed  and Uploaded Video” na pumalo sa mahigit 300,000,000 viewers (at patuloy na tumataas.) Kahit sino – bata, matanda, lalaki, babae, mayaman, mahirap, sikat man o simpleng tao ay napapaindak sa tuwing maririnig ang kantang iyon. Isang patunay na kahit di ka guwapo at paloko-lokong sumayaw ay pwede kang sumikat.

Parang sakit na mabilis makahawa ang usong-uso na sayaw ngayon. Ika nga nila, “Viral” ang Gangnam phenomenon. Sabi nga sa balita, dalawang minuto lang ang appearance niya sa bawat palabas dahil sa sobrang hectic ng schedule niya.

Ganoon siya kasikat!

Ang galing. Di ba?

Siguro ang yaman na niya. Siguro kahit hindi siya guwapo ay madami siyang chicks. Daig na siguro niya si Pacquiao.

Pero tulad ng “Macarena,” “Livin’ La Vida Loca,” “F4 Hits,” at “Teach Me How to Dougie,” dadating din ang panahon na malalaos din ang sayaw na ito. Depende na lang kung hanggang saan kaya ni Psy na manatili sa lebel ng kasikatan na tinatamasa niya ngayon. Ganito naman palagi ang senaryo – kung gaano kabilis ang pagsikat ay ganoon din kabilis ang pagbagsak ng karera. Salamin ito ng katotohanan na walang permanente sa mundo ng entertainment kundi “pagbabago.”

Abangan natin kung ano ang susunod niyang pasisikatin.

Pero sa ngayon, hayaan muna natin i-enjoy ang sayaw na ito ala Emong style!

Monday, September 24, 2012

Epiko 31: “Bagong Buhay, Bagong Pakikipagsapalaran, Bagong Pamilya”


Bago lang ako sa bayan ng Gen. Trias. Nagdesisyon ako na dito ipagpatuloy ang aking propesyon buhat nang mangyari sa akin ang isang bangungot na bumago sa takbo ng buhay ko. Masasabi ko na isa akong estranghero sa lugar na ‘yon – Walang kakilala, walang kaibigan, walang direksyon ang buhay at higit sa lahat, walang alam na paraan kung paano magsisimulang muli.

Natatandaan ko pa ang unang araw na makaharap ko ang isang paham na si Gng. Aurora Maclang. Kahit na alam ko na nag-iisa ang aking resumé, isinugal ko ito dala ang aking pinakamimithing pagbabago na inaasam ko. Hindi ko din akalain na sa mga sandaling iyon ay tinaggap niya ako sa bagong paaralan na magsisimula sa taong ito. Idagdag mo pa dito ang mga taong nasa likod na pagtatayo ng isang bagong institusyon na sina G. at Gng. Go na tulad ko ay nagsisimula din mangarap na matupad ang isang mithiin hindi lang para sa kanilang sarili kundi din sa nakakarami.

Nang makauwi pagkatapos kong pumirma ng kontrata, napaisip ako… tama ba ang ginawa ko?

Lumipas ang ilang araw, linggo at buwan ng paghihintay, sa wakas ay magsisimula na ang bagong buhay ko… malayo sa aking pamilya, kaibigan at higit sa lahat, malayo sa aking madilim na nakaraan na pilit kong tinatakasan. Habang papalapit ang buwan ng pagsisimula ng klase, marami akong iniisip, marami akong pag-aalinlangan, marami akong kinatatakutan at marami akong pangamba hindi lang sa sarili ko kundi pati sa mga taong makakaharap ko.

Una kong nakilala sina Sir Jay, Ma’m Melanie at Ma’m Lenny doon sa motorcade. Ganun din ang mga magulang, taga-suporta at mga magiging estudyante ko. Sumunod na sina Sir Dennis, Sir Berbs, Kuya Noel, Ate Jessica, Ma’m Jill, Ma’m Noellie at Sir Jim. Noong una ay pinakikiramdaman ko pa sila. Makalipas ang ilang linggo, dumating sina Ma’m Marilyn, Ma’m Cheng at Ma’m Karen. Matapos ang “Eskwelahang Munti,” nakaharap ko na ang iba pa tulad ni Ma’m Shiela, Ma’m Jen, Ma’m Leth at Ma’m Sheila. Nang nakumpleto na ang faculty, medyo kinabahan ako. Paano ko sila haharapin at pakikisamahan?

Ginawa ko ang lahat upang maging totoo sa aking sarili pagdating sa pakikitungo sa kanila. Nalaman ko na hindi sila katulad ng mga naunang tao na nakilala ko. Totoo sila at natural na tao. Bagama’t medyo may mga ugali sila na hindi ko agad nagustuhan, ginawa ko ang lahat upang ilapit ko ang sarili ko sa kanila. Naging matagumpay ang una naming LTS (Leadership Training Seminar) at doon lahat sila ay nakapalagayan ko na ng loob.

Pero may isa pang problema… ang mga magiging estudyante.

Aaminin ko na talagang iba sila sa mga naging estudyante ko sa Silang. Nahirapan akong ilapit ang aking sarili lalo na noong nagsimula na ng klase. Nangangamba ako sa kanila. Hanggang nahuli ko na ang kanilang mga kiliti. Dito na akong nagsimulang makipagsapalaran sa buhay ng isang lisensyadong guro. Hindi ito naging madali sa akin lalo na at sa unang pagkakataon sa aking buhay ay isa akong estranghero. Ngunit dahi sa patnubay ng punong-guro ay unti-unti akong natututo at nahuhubog ang aking sarili bilang isang propesyonal.

Nakakatuwa na makita ang mga bata na nakikinig sa aking mga kwento na puno ng kababalaghan, kalokohan at karanasan na nagtuturo sa kanila ng mga aral ng buhay. Ayokong maranansan nila ang panghihinayang at pagkakatoan na ibinigay sa kanila ng paaralan. Para sa akin, iba pa din ang paraan ko na magbahagi ng aking sarili sa mga bata… ngunit may limitasyon na ito hindi tulad ng dati. Kaya ko nang pigilan ang aking sarili at gawin ang tama. Salamat sa “nakaraan” at natuto ako na ang sarap mabuhay at gawin ang nais mo sa buhay.

Ngunit sadyang may kailangan umalis sa mga iba’t-ibang dahilan tulad ni Ma’m Jen at Ma’m Karen. Ngunit dumating sina Sir Mike, Ma’m Anne at Sir Gilbert. Nagkaroon tuloy kami ng “sitcom” sa faculty room. Masaya ako dahil pkiramdam ko ay may bago akong pamilya na hindi lang sa saya kundi pati sa hirap at problema ay hindi nawawala. Gagawin ko ang lahat na protektahan ang kung anong mayroon ako ngayon dahil hindi ako makakapayag na may sumira sa magandang samahan na mayroon kami… kahit pa ang “nakaraan” ko ang maging balakid.

Bagong paaralan, bagong pakikipagsapalaran, bagong pamilya… ito ang tamang deskripsyon ko sa kung anong mayroong biyaya at pagakakataon na nararanasan ko. Ayokong mawala sila sa akin. Ngauyon ko masasabi na dito sa lugar na ito ako nabibilang… ang aking bagong pamilya na puno ng pakikipagsapalaran sa bagong paaralan.


Friday, September 14, 2012

Epiko 30: "Alam Kong Mali Pero…"

May mga pagkakataon na parang hindi natin alam sa aing sarili ang mga salitang sinasabi natin. Kung minsan pa nga hindi natin alam ang mga salitang lumalabas sa bibig natin kapag kinakausap natin ang isang tao partikular kung tayo ay may espesyal na pagtingin sa kanya.

Sabi nga ni Dr. Margarita Holmes na kilalang sex therapist, may mga pagkakataon na may nasasabi ang isang tao ang isang bagay na parang wala naman kwenta. Pero dahil may nararamdaman kang espesyal sa kanya, maaaring may iba kang dahilan. Kung baga, may sex drive ka din pagdating sa pakikipag-usap sa tao.

Maaaring nangyari na ito sa iyo o baka naman nararanasan mo ito ngayon (tulad ko). Ginagawa mo ang lahat para sa isang tao ngunit hindi mo alam kung pareho ba kayo ng nararamdaman. Espesyal siya sa ‘yo…

Pero ang tanong, “Espesyal ka din ba sa kanya?

Natural sa isang tao ang humingi ng kapalit sa mga bagay na ginagawa niya para sa isang tao – masama man o mabuti. Ngunit dahil mas pabor tayo sa mga bagay na gusto nating matanggap, tayo ay nagkakaroon ng kaunting (o kadalasan, malaking) pagkabigo sa ating sarili dahil hindi natin makuha ang ninananis natin.

Kung sa konsepto ng pag-ibig ang ating sisilipin, iba’t-ibang ang perspektibo ng bawat isa sa atin. Katulad na lamang ng aking nararanasan na tila nagpapaka-tanga ako sa isang tao kahit na alam kong mali at walang kahahantungan. Ewan ko nga din bas a sarili ko pero may isang bagay na nagtutulak sa akin na gawin ang mga bagay na ‘yon. Nagiging magulo ang isip ko at kung minsan para akong masisiraan ng ulo sa kaiisip dahil alam ko na wala naman akong makukuha sa kanya. Parang isang malaking kalokohan ang ginagawa ko na patuloy kong ginagawa.

Brrr…

Pero sa kabilang banda, napakasaya ko kapag nakikita siya at nakakasama. Pakiramdam ko, siya ang taong kukumpleto sa akin. Siya ang dahilan kung bakit kailanagan kong magpatuloy sa buhay. Siya ang dahilan kung may naisusulat ako sa mga nobela at kwento ko. Pantasya man sa paningin ng iba, ito marahil ang dahlia kung bakit pa ako nabubuhay pagkatapos kong masadlak sa isang napakadilim na bahagi ng buhay ko isang taon na ang nakakaraan.

Kung bakit kasi ngayon ko lang siya nakilala…

Sa puntong ito, kahit saaang anggulo mo tingnan, lahat ng ginagawa ko para sa kanya ay mali. Mali ang inilalapit ko ang sarili ko sa kanya. Mali ang ginagawa kong paraan para mapalapit sa kanya. Mali ang mga kilos at salita na sinasabi ko sa kanya. Mali ang mga pakiramdamam ko kapag kasama ko siya. Mali ang pagmasadan ang mga larawan naming na magkasama at isipin ang mga masasayang sandali kahit panandalian lamang Mali na nagseselos ako kapag may nalalaman ako na may nagkakagusto din sa kanya. Mali ang mga iniisip ko kapag naaalala ko siya. Mali ang paraan upang manatili ang nararamdaman ko para sa kanya.

At higit sa lahat… mali ang ibigin ko siya.

Pero nangyari na. At hindi ko na alam kung mapipigilan ko pa ito. Sabi nga ng isang guro na nakasama ko. “Sa simula pa lang, huwag mong i-entertain ang feelings mo para sa kanya dahil masasaktan ka lang. May nagsabi naman sa akin na “Huwag kang gagawa ng mga bagay na magpapaiyak sa sa ‘yo sa huli.” Pero hindi ko mapigilan. Anong Mayroon siya at ako ay nagkakaganito? Anong mayroon ako at patuloy akong umaasa na isang araw ay maramdamaman niya din itong aking dinaramdam?

Alam kong mali.

Alam kong hindi tama.

Alam kong masasaktan ako sa huli.

Pero kung ako ang tatanungin, sigurado ako na mahal ko siya… kahit alam kong mali.

Epiko 29: "Kung Sinong Mahal Mo, Siya’ng Ayaw sa ‘Yo"


May isa akong kwentong ibabahagi sa iyo:

Matagal nang may lihim na pagtingin si Tikyo (hindi tunay na pangalan) kay Duday (malamang na hindi din niya ‘yun tunay na pangalan). Simula ang una silang magkita anim na buwan na ang nakakalipas, espesyal na ang naramdaman niya para sa babae. Nakakangiti siya kahit mag-isa at tila nahuhulog sa roller coaster ang kanyang puso kapag nakikita at nagkakausap sila. Palagi siyang gumagawa ng paraan para mapalapit at magkausap sila. Nagsilbi din siyang inspirasyon at binago nito ng tuluyan ang pagkatao nito.

Hanggang sa mapamahal na siya ng tuluyan dito.

Isang araw, naglakas-loob na ang lalaki na magtapat ng nararamdaman sa babae. Ngunit ito ay naudlot nang malaman niya na may ibang nappupusuan si Duday. Tiniis niya ang napakasakit na nararamdaman at hinayaan ang babae. Ngunit dahil sa nagpupupmuglas ang puso niya, sinabi pa niya ng buong lakas ng loob ang lahat sa babae.  Pero minabuti na lang ng babae na sabihin ang mga salitang ito:

“Alam mo ang bait-bait mo. Okay ka…”

Ang mga salitang ito ang lalong bumasag ng tuluyan sa puso ni Tikoy.

Isa sa mga mahihirap na pakiramdam ay ang kaibigan lang ang tingin sa ‘yo ng taong minamahal mo. Daig mo pa ang pinagsakluban ng langit at lupa sa bigat at tindi ng pighati na pwede mong maranasan.

In short, na-friend zone ka.

Madaming pwedeng ilarawan ang taong na-friend zone. Una, nagiging manhid ito sa positibong pakiramdam tulad ng kahalagahan ng isang pagkikipag-kaibigan. Pangalawa, Namamatay na sa mga inaakala niyang may pakiramdam din ang taong ‘yun tulad ng sa ‘yo pero mali pala. Pangatlo, patuloy na umaasa kahit wala nang pag-asa (kahit nagmumukhang tanga na), Pang-apat, patuloy na naghihintay kahit alam na walang patutunguhan ang ginagawa. Panglima, sa sobrang pagka-torpe, nawawala ang tamang pagkakataon at tiyempo. At ang panghuli, nagiging mangmang siya dahil sa niloloko na niya ang kanyang sarili na manatiling magpantasya kaysa harapin ang katotohanan na hanggang magkaibigan lang kayo.

Minsan ko nang naranansan ang ma- friend zone. Masakit, mapait at higit sa lahat, talong-talo ako dahil nasupapal ako ng isang “jerk” na sumakabilang buhay na. Nakuha ko nga ang best friend ko pero anong nangyari? Nakasal naman ako ng di oras…

Tapos ngayon, nauulit na naman ang kabanatang ito sa kasalukuyan. Mayroon akong isang “girlie” na nagpapasaya sa akin at nagbibigay inspirasyon sa lahat ng aking ginagawa. Di ko nga alam kung bakit ako nagpapakatanga sa kanya. Alam naman niya ang relationship status ko.

Gusto kong sabihin sa kanya ang nararamdaman ko kaso natatakot akong mauwi sa pagiging “friend” lang.

Kung sabagay, sa pagkakaibigan kami nagsimula, ngunit ayoko naman na dito din kami magtapos. Tapos noong nalaman ko na may nanliligaw sa kanya, nakaramadam ako ng selos. Kahit sabihin na magselos lamang nang naaayon sa relationship status, para naman akong sinusuntok ng kaliwa’t-kanan sa mukha.

Hindi na talaga pwede… Kasi alam kong mali.

Pero sa tingin ko, mas mabuti na lang na di niya malaman kahit di ko pa ako sigurado na hanggang friend zone lang kami. Kahit siya ang pinapangarap kong makasama, hindi na pwede. Sapat na maging magkaibigan kami. Ayoko din naman masira kung na man ang meron kami ngayon.

Masakit tanggapin ang katotohanan na “kung sinong mahal mo, siya’ng ayaw sa ‘yo.” (parang ‘yung killer line sa kanta ng Smokey Mountain na pinamagatang “Kahit Habambuhay”) Pero ganun talaga ang buhay eh… May mga bagay o tao na gustuhin mo na maging bahagi ng buhay mo, hindi naman napupunta sa ‘yo. Kahit naman gustuhin mo, hindi maari dahil may mga hadlang na maaaring maging mitsa ng katapusan ninyong dalawa.

Hay…

Kahit siguro ilang beses na akong nagsusulat ng blog, di pa din ako natututo sa mga babaeng nagdaan sa buhay ko. Pero ganoon talaga eh. Simple lang ang dahilan kung bakit – napakasarap kasi ang maging tanga pagdating sa pag-ibig.

Saturday, September 8, 2012

Epiko 28: "Ang Pag-Ibig Na Hugis Oval Field"

Isa sa mga nirerekomenda ng mga dalubhasa sa kalusugan ang magkaroon ng cardiac exercise upang mapanatiling malusog ang pangangatawan partikular na para sa puso. Isa na ditto ang mag-jogging o brisk walking na kung saan mas maa-appreciate mo ito kung sa isang oval field mo ito gagawin. Hindi ako mahilig mag-ehersisyo dahil nakakatamad at ayokong mapagod ang aking sarili. Ngunit dahil sa patuloy na paglobo ng aking katawan ay naisip kong gawin ito kasama ang isang kaibigan tuwing Sabado ng umaga. Kahit mahirap gumising ng maaga, ginagawa ko ito… ngunit hindi para magpapayat.

Sabi nga ni Jessica Zafra sa kanyang librong “Seven and ½” na aksidente kong nabuklat sa isang bookstore, “There are two reasons why we run – one is to escape and the other is to chase. We put ourselves in a hurry to escape and chase something because we tend to be in a circle of emotions which help us to become enlightened in a crazy little thing called love. Love is like an oval field – even though you’re running away or running to chase the one you love, in the end, you still come up in one result. PAIN.”

Sa dalawampu’t siyam na taon ko na sa mundo, marami na akojng naranasan na mukha ng pag-ibig (at kung suki kang mambabasa ng mga blogs ko, malamang maibubulong mo sa sarili mo na “Eto na naman si Julius at mukhang in-love na naman!”) at iisa ang kinahahantungan nito. Ewan ko ba pero sa tingin ko, natural lang siguro sa isang tao na makaranas magmahal at masaktan. Sabi nga ni Ramon Bautista sa kanyang internet advice segment na Ramon Baustista’s Tales From the Friend Zone, Ang tunay na pag-ibig ay hindi sweet at huma-happy ending tulad ng sine. Ang tunay na pag-ibig ay masakit at punong-puno ng pait. At kung naranasan mo ito, isa itong patunay na ganap ka ng tao.”

Sa mga nabanggit ko, nabuo ko ang isang ideya (o mas masasabi kong prinsipyo) pagdating sa pinaka-korning emosyon mayroon ang isang tao. Sa buhay pag-ibig natin na kung saan hinahanap natin ang isang taong kukumpleto sa ating pagkatao, hindi maiwasang may dadaan at sisirain nito an gating puso. Kaya nga minsan, kung hindi natin tatakasan ang isang madilim na kabanat ng buhay natin, hahabulin natin ang isang bagay na gusto natin – ang maging maligaya sa piling ng iba. Ngunit dahil sa mga hindi malamang dahilan at sitwasyon, nauudlot ito dahil sa mga hindi maiiwasang bagay na nagsisilbing harang sa ating hinahabol na pangarap hanggang sa ito’y manatiling isang pangarap na lamang.

Magbibigay ako ng sitwasyon sa pamamagitan ng isang kwento:

May isang lalaki na may madilim na nakaraan sa pag-ibig na nakatagpo ng isang babae na masasabing kumumpleto sa kanyang pagkatao. Masaya sila sa tuwing magkasama ngunit dahil sa kasal na sa iba ang babae, walang magawa ang lalaki kundi ipakita na lang sa babaeng minamahal niya ang lahat ng kanyang nararamdaman. Hindi niya ito kayang sabihin dahil hindi ito magiging madali at higit sa lahat, malaking gulo ito. Kaya nga kahit maraming babae ang nagkakagusto sa kanya, hindi niya ito pinapanasin dahil iisa lang ang mahal nito… na hindi maaring mapunta sa kanya. Pero sa kabila nito, minabuti na lang niya na maging ganoon na lang ang sitwasyon. Ang mahalaga, hindi mawawala sa buhay niya ang babae… kahit masakit.

Sa mga taong praktikal at may malaking disposisyon sa buhay, Isang katangahan ang pag-ibig dahil mapapagod lang ang puso at problema lang ito. Matalino man sila, hindi pa din nila alam ang sakit nito dahil hindi nila ito nararamdaman. Kung baga, hindi nila nae-exercise ang kanilang puso. Aminin natin na takot tayong magmahal kasi takot tayong masaktan.

Ngunit kung di ka masasaktan, paano ka matututo?

Paulit –ulit man ako masaktan sa pag-ibig, hindi ko ito ikinahihiya sapagkat ito ang dahilan kung bakit ako nabubuhay (at kung bakit may blog pa ako na ginagawa.). Mula sa maliliit na hakbang hanggang sa pinakamabilis na takbo patungo sa kaligayahang ninanais ko,  Hindi ko na iniiip kung masasaktan ako. Parang oval firld lang ‘yan. Habang tumatakbo at napapagod ka, lumalambot ang tinatapakan mo at nagiging panatag ka. Paulit-ulit ka man masaktan, madapa, pulikatin o mabalian, isang bagay lang ang dapat mong tandaan – kailangan mong magpatuloy, kailangan mong mabuhay at higit sa lahat, kailangan mong magmahal. Walang tama o mali sa mundo. Ang dapat mo lang gawin ay panindigan mo ang iyong pinili dahil ito ang magpapaligaya sa iyo…

… o kung hindi man, ito ang kukumpleto sa ‘yo bilang tao.