Monday, April 30, 2012
Epiko 21: "Kontratasismo"
Kontrata
Isa itong kasulatan na kung saan nagkakaroon ng kasunduan ang dalawang panig tungkol sa mga kundisyon at patakaran para magkaroon ng magandang transakyon pagdating sa trabaho o negosyo. Mahalaga ang kasulatang ito dahil magkakaroon ng pagkakaintindihan ang magkabilang panig at kung hindi man, ito ang magiging batayan para sampahan o putulin ang ugnayan ng dalawang tao.
Sa aking karanasan bilang isang "contractual employee," nakikita ko malaki ang epekto ng kontraktwalisasyon. Una, hindi nagkakaroon ang nakakaraming Pilipino ng permaneteng trabaho. Kung tutuusin nga, ang pangunahing pangangailangan ng mga kababayan natin ay trabaho. Ngunit dahil mabigat sa bulsa ang pagre-regular ng isang empleyado (lalo na pagdating sa benepisyo), mas praktikal para sa mga mamumuhunan ang magkaroon ng lima o anim na buwan na nagtatrabahong empleyado. 80% ng manggawang Pilipino ang nasa ilalim ng pansamantalang kontrata para makatawid sa pang-araw-araw na pamumuhay.
Pangalawa, pagdating sa sikolohiyal na aspeto, malaki ang epekto ng kontraktwalisasyon sa "mindset" ng mga Pilipino. Ayon sa pag-aaral ng University of the Philippines - College of Psychology, isa ito sa mga dahilan sa hindi pagseryoyso sa trabaho (Ano pa kasi ang saysay mo sa isang trabaho kung hindi ka naman magtatagal di ba?), nawawalan ng pagkakataon na mag-ipon o mag-negosyo, at nakakababa ng kumpyansa sa sarili (Hindi naman kasi ikaw ang makikinabang ng matagalan dahil may kontrata ka).
Sa kasalukuyan, isinusulong sa kamara ang isang batas upang itigil ang kontraktwalisasyon sa mga kumpanya at ahensya ng pamahalaan. Ngunit maraming mamumuhunan at tutol dito sa kadahilanang hindi ito praktikal na aksyon upang mapabuti ang antas ng kanilang negosyo o pinuhunan. Ngunit sa kabilang banda, marami pa din sa mga kababayan natin ang tila naghahanap ng karayom sa isang ektaryang damuhan upang makahanap ng trabaho - kahit alam nila na ito ay pansamantala lamang. Napakaswerte mo kung nasa gobyerno ka dahil bukod sa nagpapalaki ka ng dragon sa tiyan habang walang ginagawa, madadagdagan pa ang sweldo mo.
Kaya nga taon-taon kapag dumadating ang unang araw ng Mayo, nagsasama-sama ang mga manggagawang handang ibuwis ang buhay para sa matagalang pagbabago. Halos mamatay na nga sila para ilaban ang P125.00 na dagdag sweldo sa mga pribadong sektor. Gusto nilang buwagin ang kontraktwalisasyon - ang sinasabing praktikal na paraan ng mga mamumuhunan. Ngunit wala pa din nangyayari. Praktikal kasi ang mga Pilipino kaya nga lahat ay ginagawa niyang praktikal - kahit na malaki ang naghihirap. Kung may kontrata lang sana ang buhay ng tao, baka marami na ang nag-endo (end of contract) o AWOL (absence without leave).
Ang Araw ng Paggawa ay nagpapaalala sa atin na may malaking kanser sa lipunan natin lalo na pagdating sa trabaho. Nasa sa 'yo kung paano ito gagamutin o hahanapan ng lunas. Habang nagta-trabaho ka na may "regular" ang sahod, maliwanag sana ang isip mo tungkol sa isyu na ito. Dahil kung hindi, praktikal ka din tulad ng naghaharing uri sa gobyerno at ekonomiya na ang tanging gamit lang para masukol ang masa ay isang pirasong papel na may pirma.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment