Sunday, April 1, 2012

Epiko 19: "Dati, Channel 13 Lang ang May Palabas sa .T.V. Tuwing Semana Santa"



Holy Week na naman...

Tradisyon na sa mga sagradong Romano Katoliko na gunitain ang pagsasakripisyo at pagpapakasakit ng ating Panginoon upang matubos ang kasalanan ng sanlibutan. Iba't-ibang aktibidad ang isinasagawa sa buong isang linggo hanggang sa "Linggo ng Pagkabuhay." Masasabi natin na parte ito ng kulturang Pilipino ang senakulo, penitensya. pagpapako sa krus, paghahanap ng anting-anting tuwing Biyernes Santo, at pagpapatuli tuwing Sabado de Gloria (dahil sa paniniwalang hindi madugo ang araw na ito) na hindi na maiaalis sa paglipas ng panahon.

Ngunit sa paglipas ng maraming taon, unti-unti nang nagbago ang pananaw ng Semana Santa sa karamahian sa atin. Malayo na ito sa aking kinagisnang paggunita mula nang magka-isip ako. Wala na ako masyadong nakikitang nag-aayuno sa tuwing Biyernes sa loob ng apatnapung araw ng kwaresma. Gayundin, wala na ding kabataan ang nagno-nobena tuwing hapos sa simbahan Ang pagbasa ng pasyon ay nilapatan na ng "rap" na nagkaroon na matinding pagbatikos mula sa simbahan. Ang Visita Iglesia ay napalitan na ng family outing. Gayundin ang mag istasyon ng T.V. at radyo na noon ay talagang hindi nagpapalabas ng kahit anong programa... maliban sa Channel 13 na nagpapalabas ng "The Last Seven Words" at Ten Commandments.
"
Isang matanda nga ang napabuntong-hininga at napabulong sa sarili na "Nasaan na ang esensya ng Semana Santa?"

Hindi mo masisisi ang takbo ng panahon. Kailangang sumabay ang lahat sa pagbabago. Gayundin, maraming Pilipino ang nag-iba na ng pananaw sa Semana Santa. Ang dating pag-aayuno at pagdarasal ay walang kwenta kung hindi ka naman sumusunod o umaayon sa mga aral na itinuro sa atin ng Panginoon. Normal lang sa isang tao na ibahin ang nakasanayang pag-alala sa mga ginawang pagsakripisyo at pagpapakasakit ng ating Panginoon.

Ang mahalaga, hindi tayo dapat makalimot na alalahanin siya.

Panahon na din ang Semana Santa para isipin natin ang mga ginawa nating pagkakamali sa buhay. Ito marahil ang perpektong pgkakataon upang magmuni-muni at magbulay-bulay kung ano ang ating silbi sa mundong ito. Tama na muna ang makamundong gawain... Umupo ka muna sa isang tabi at manalangin. Kausapin mo ang Panginoon ng buong puso. Huwag mo itong gawin dahil Holy Week ngayon. Gawin mo ito araw-araw at hanggang sa nabubuhay ka pa sa mundong ito.

No comments:

Post a Comment