Wednesday, May 2, 2012

Epiko 22: "Sige... Lakad!"

Bakit ba tayo naglalakad?

Bago pa naimbento ang gulong at pagpapaamo ng mga domesticated animals tulad ng kabayo at kamelyo noong panahon bago ang kapanganakan ni Kristo, ang paglalakad ang tanging paraan ng transportasyon. Ito ang paraan na ginawa ni Moises para makarating ang mga kawawang Israelita sa lupang pangako. Apatnapung taon ang ginugol sa paglalakad nila gamit lang ang kanilang paa. Sa Pilipinas, ang makasaysayang "Death March" ang nagsilbing mitsa ng ilang buhay at nagpahirap sa mga sundalong Pilipino at Amerikano noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa simpleng sitwasyon, hindi makakarating ang isang tao sa tindahan  kung hindi siya gagamit ng paa para maglakad (ibang usapan na kung naka-wheelchair ka.).

Sa mundo na kung saan pinapagalaw ng gasolina at krudo, ang paglalakad ay hindi maitatangging mahalaga sa bawat isa sa atin. Hindi kumpleto ang nilalang na may paa kung hindi siya nakakalakad. Kahit nga ang may kapansanan, gumagawa ng paraan para makalakad at kahit 'yung hindi makalakad, gumagastos ng malaking halaga para makalakad uli.

Iba't-iba ang interpretasyon natin sa salitang ito. Pero sa nakakarami, isa itong metapora na nagsasaad ng pagsulong o progreso. Abnormal ka kung naglalakad ka ng patalikod. Sa bawat hakbang na 'yong iniyayapak sa lupa ay simbulo ng pagtungtong sa bagong baitang ng pagbabago at pag-unlad.  Ngunit tulad ng literal na kahulugan nito, mabagal ang prosesong ito kumpara sa pagtakbo.

Isang taon na lang at may halalan na naman na mangyayari. Maraming "tatakbo" na kandidato sa iba't-ibang posisyon ng gobyerno. Ang iba sa kanila, tila nagmamadali (tulad ng napanood ko sa T.V. na asawa ng kilalang "nakaligo sa dagat ng basura) na makuha ang atensyon ng masa kaya nagpaparamdam na sa publiko. Sari-saring publicity ang ginagawa ng mga tatakbo para sa halalan. Kung tutuusin, isa sa mga makulay at madugong halalan sa Asya ay ang Pilipinas. Para kasing "circus" bansa natin kasi sari-saring pasikat at pagyayabang ang ginagawa ng mga gustong tumakbo para sa isang partikular na posisyon. Marami ding raket at trabaho ang sumusulpot. Mapa-campaign manager, printing press, tarpaulin at hired killer eh kumikita ng malaki.

Pero sa bandang huli, kung gaano kabilis ang kanilang ginawa sa pangangampanya ay ang mabagal na paglakad ng kanilang panukala na kung minsan ay parang inililista na lang nila sa tubig. Nakakalungkot dahil mabagal na paglakad ng ating pag-unlad tungo sa isang magandang bansa.

Ngunit may kasabihan tayo na "Matuto munang gumapang bago lumakad." May ilan naman na kahit mabagal ang proseso ng paglakad ng panukala ay nagkakaroon ng improvement sa kanilang ginagawa. Ang nakakalungkot lang ay hindi ito agad nararamdaman ng mga kababayan natin. Likas kasi sa atin ang nagmamadali at tumatakbo ng matulin. Kaya kung natitinik tayo ay malalim.

Pero hindi sapat na sila lang ang gumagalaw o lumalakad. Mayroon din tayong responsibilidad para sa ating bansa upang umasenso. Tama na ang "ugaling talangka", "manyana habit", "sistemang kompadre", "red tape" at ningas-kugon" na masamang anino ng Pilipino. Kung gusto natin ng pagbabago, magsimula ka sa isang hakbang. Simulan natin sa ating sarili ang pagbabago (mas masaya pa nga kung may ka-holding hands ka).

Alam natin na malayo pa ang ating lalakarin pero kung hindi tayo gagawa ng hahakbang, walang mangyayari sa ating pinapangarap na bansa. Hindi natin kailangang magmadali. Lahat ay nakukuha sa mahinahon at maayos na paggawa ng hakbang.


No comments:

Post a Comment