Walong taon na ang nakakalipas nang una kaming nagkita sa boardinghouse ko. Papasok ako sa klase noon at nang manalamin ako para ayusin ang sarili ko ay nakita ko siya na nakatayo sa likod ko na basang-basa ng ulan. Kahit hindi ko pa siya kilala, agad kong pinahiram sa kanya ang bagong laba kong damit at kumot. Sa unang pagkakataon, pinagtimpla ko ng kape at inasikaso ang isang babae. Baka kasi magkasakit siya.
Hindi ko akalain na ito na pala ang sandaling nagpabago sa buhay ko.
Siya si Nancy. Classmate siya ng isa kong kasama sa boardinghouse na noong panahon na 'yon ay kumukuha ng kursong Mass Communication. Makalipas ang ilang linggo noong una kaming magkakilala, naging magkaibigan kami. Palagi na siyang tumatambay sa boardinghouse ko kasama ang mga kaibigan at classmate niya. Nagkaroon ng buhay ag boring at nakakatamad na bahay-tuluyan namin dahil palagi na kamung may bisita.
Isang araw, dumating siya sa boardinghouse habang gumagawa ako ng tula na ipapasa sa professor ko. Hindi ko akalain na nabasa niya ito habang pinagtitimpla uli siya ng kape. Hindi ko akalain na nagustuhan niya ang ginawa ko. Ang totoo kasi niyan, habang ginagawa ko 'yun, iniisip ko siya.
"Ang galing! Sige, magsulat ka pa!" wika niya sa akin. Simula noong araw na 'yon, kapag wala akong ginagawa o kaya ay nag-iisa, nagsusulat ako ng tula. Hindi ko namamalayan na madami na pala akong nagagawa. Kapag nakatapos ako ng isa, pinababasa ko sa kanya. Hindi maiiwasan na may pangit siya na nababasa pero dahil mahinahon siyang magsalita, natatanggap ko 'yun at pinagbubutihan ko pa.
Ang pagsusulat ng tula ay napunta sa paggawa ng nobela, piyesa ng teatro, maikling kwento at iba pang anyo ng pagsulat... mapa-English man o Filipino. Nagsususlat na ako dati mula pa noong highschool pero iba ang pakiramdam ngayon kaysa dati. Mas intense at mas buhay na buhay ang bawat sulat na tila nakakabuo ka ng imahe sa isip. Ito ay dahil kay Nancy.
May nagtanong sa akin na kasama sa boardinghouse na "In-love ka ba kay Nancy?" Hindi ako nakasagot agad. Doon ko nalaman na marami palang nanliligaw sa kanya sa school. Pero wala siyang sinagot at nagustuhan Noong mga panahon na 'yon, marami ang nagsasabi na "heartbreaker" o nagbibilang ng lalaking paiiyakin ang babaeng 'yon. Binalaan nila ako na huwag ko siyang ligawan. Pero ang totoo, wala talaga akong balak na ligawan siya. Gusto ko lang na mabasa niya ang mga sinusulat ko. 'Yun lang.
Isang araw, niyakag ako ni Nancy na kumain sa labas. As usual, may kape. Pero sabi niya sa akin, gusto niya na ako ang magtimpla nito. kaya kahit kakaiba, bumili ako ng kape at asukal sa isang tindahan at humingi ng mainit na tubig at tsaka nagtimpla ng kape para sa kanya. Ewna ko ba sa kanya pero gustong-gusto niya ang kape na ako ang nagtimpla.
"Alam mo ba na ang pagsusulat ay parang pagtitimpla ng kape? Kasi madali para sa isang tao na makilala ang kanyang pagkatao kapag natikman mo kung paano siya gumawa nito. Tulad mo, naglalaban ang lasa ng kape at asukal kapag ikaw ang gumawa. Katuald din ng mga sinulat mo na pantay ang mga elemento na kailangan ng istorya at mga tula mo na may dalawang mukha at kahulugan. Iniisip ko tuloy kung paano ka mag-isip at paano maglaban ang mga ideya mo kapag nagsusulat ka."
Hindi ako nakasalita ng mga sandaling 'yon. Hindi ko inasahan na maririnig ko 'yun sa kanya.
"Ituloy mo ang pagsusulat. Malayo ang mararating mo kapag ginawa mo 'yun. Alam ko na magtatagumpay ka. Marami ka pang matututunan sa buhay." dugtong niya habang humihigop ng kape.
Simula noon, naging parte na ng buhay ko ang pagsusulat. Dahil sa kanya, nakita ko kung ano talaga ang gusto kong gawin at masaya ako dito. Alam ko kasi na a babasahin niya ang mga ginawa ko.
Ngunit umalis siya ng unibersidad kasabay ng pag-alis ko sa mundo ng medisina. Nabalitaan ko na lang na pinili niya ang daan upang maging lingkod ng Diyos. Umalis siya ng bansa at nanaitli sa Bangladesh ng maraming taon.
Nawalan man kami ng komunikasyon, tuloy pa din ang aking pagsusulat. Akala nga ng iba eh mahal ko siya. Pero ang totoo, siya ang dahilan kung bakit minahal ko ang pagsusulat.
At dahil dito, hindi ko nagawang magpasalamat sa kanya sa kanyang ginawa sa akin.
Minsan sinabi mo sa akin na "Kung alam mo ang dahilan kung bakit mo ako sinusulatan, alam mo din ang dahilan kung bakit ka nagsusulat para sa iba." Huwag kang mag-alala, magpapatuloy akong magsulat pero hindi na para sa 'yo... kundi para sa lahat. Kung hindi ko kayang magsulat muli para sa 'yo, magsusulat ako para sa lahat.
Para sa 'yo ang blog na ito Nancy. Maraming salamat.
No comments:
Post a Comment