Monday, March 26, 2012
Epiko 16: "Ang Pagong at Ang Alakdan"
Mayroon akong ikukwento sa inyo.
Isang araw, gustong tumawid ng isang alakdan sa dagat papunta sa isang isla. Ngunit dahil hindi siya marunong lumangoy, humingi siya ng tulong sa pagong na naglalangoy sa dalampasigan.
"Pagong, baka pwede naman akong sumampa sa likod mo para makatawid sa kabilang isla."
"Ayoko!" sabi ng pagong. "Baka saksakan mo ako ng iyong kamandag at mamatay sa gitna ng dagat."
"Bakit ko naman gagawin 'yon? Hindi ako marunong lumangoy. Kapag ginawa ko 'yun, pareho tayong mamamatay. Tanga ka ba?" paliwanag ng alakdan.
Dahil mabait ang pagong, wala siyang nagawa kundi tulungan ang alakdan na tumawid sa dagat. Naisip niya na may punto siya dahil kung gagawin niyang lasunun siya, pareho silang mamamatay.
Ngunit nang malapit na ang dalawa sa pampang, biglang sinaksakan ng alakdan ng lason ang pagong. Agad siyang tumalon sa pampang at pinanood ang pagong na mag-agaw-buhay.
"Bakit kaibigan? Akala ko ba hindi mo ako lalasunun?"
"Pasensya ka na pagong, ito ang pagkatao ko." at umalis ang alakdan papalayo sa pumananw na pagong.
May mga pagkakataon sa buhay ng tao na agad tayong nagtitiwala sa mga taong akala natin ay may mabuting kalooban. Sa pamamagitan ng kanilang matatams na salita at tusong pag-uugali, agad tayong nadadala sa kanilang sinasabi. Ngunit sa bandang huli, sila pa ang magpapahamak sa atin. Normal itong nangyayari sa buhay natin lalo sa sa trabaho, pulitika at iba pang lugar kung saan may relasyon ang tao sa isa't-isa. Ang akala nating kaibigan o kasangga ang siyang magtutulak sa atin sa kapahamakan. Sadyang madaling linlangin ang tao lalo na kung magpapakita ka ng kabaitan at magbibigay ng salita na inaakala mong walang gagawing masama sa iyo.
Iyon ay dahil madali tayong magtiwala.
Pero hindi nating agad makikilala ang isang tao kung hindi tayo magtitiwala. Lubos na mahalaga ang tiwala sa isang tao upang magkaroon ng maayos na relasyon sa isa't-isa. Ngunit kadalasan, ito din ang ginagamit ng mga taong may masasamang budhi upang makamtan ang kanilang pansariling kagustuhan. Ang iba sa kanila ay walang pakialam sa idudulot nitong kaguluhan o kapahamakan sa taong niloko nial.
Isng bagay lang ang malinaw - Nagtitiwala ka pero niloloko ka.
Pero hindi ibig sabihin ay titigil na tayong magtiwala sa ibang tao. Kadalasan, dapat nating maranasan na minsan sa buhay natin ay naloko tayo at natuto sa pagkakamali. Ngunit maging maingat pa din tayo. May kasabihan nga na "nagtatago sa mapuputing balahibo ng tupa ang isang mabangis na lobo." Huwag tayong magpadalos-dalos oo magpadala sa mga matatamis na salita ng pulitko o di kaya naman ay mabuting pakikitungo ng kasama natin sa trabaho. Baka isang araw na lang ay bigla tayong lasunin at masayang ang pinaghirapan natin.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment