Monday, March 19, 2012
Epiko 12: "Panibagong Paglalakbay"
"Tulad ng buhay, walang paglalakbay ang sayang."
May isang kwento akong ibabahagi sa inyo.
May isang lalaki ang naglalakad sa daan. Sari-saring tao ang kanyang nakakasalubong at nakikita.
Sa kanyang paglalakad, isang tanong ang tumatakbo sa kanyang isipan - Ano kaya ang iniisip ng mga tao na nakakasalubong ko?
Hindi sinasadyang may nakita siyang bata na nadapa. Agad niya itong tinulungan na tumayo at pagpagin ang dumi sa kanyang damit. "Ayos ka lang?" tanong niya sa bata.
"Opo. maraming salamat po." at agad na tumakbo ang bata palayo sa kanya.
Makalipas ang ilang minuto, isang matanda ang nakita niya na nahihirapan na tumawid sa kalsada. Agd niya itong tinulungan. Tulad ng bata na una niyang tinulungan, nagpasalamat ito sa kanya.
Sa kanyang paglalakad, sari-saring tao ang kanyang nakasalamuha at natulunugan - may nagtanong sa kanya ng direksyon papuntang palengke, tumulong na bumuhat na mabibigat na bagahe ng babae, nagbigay ng limos sa putol na na paa na pulubi, at kung anu-ano pa. Napakabuti niya. Tila isa siyang anghel na sumasaklolo sa mga taong nangangailangan.
Ngunit linigid sa sa kaalaman ng nakakarami, maadilim ang nakaraan ng lalaki. Nabilanggo na siya minsan dahil sa kasalanang hindi naman karapat-dapat na ibintang sa kanya. Naranasan niya ang maraming hirap at pagsubok sa loob ng rehas. Ngunit dahil sa ikot ng tadhana, nabigyan siya ng panibagong pagkakataon upang magbago. Nang makalabas siya sa piitan, nagsimula siyang maglakad bilang isang tao na tila isinilang muli.
Ngunit tulad ng ibang kalalabas lang ng kulungan, nahihirapan nsiyang makisalamuha sa mga tao sa labas. Nag-aalala siya sa mga iisipin ng tao kapag nalaman kung ano ang nakaraan niya. Ito ang dahilan kung bakit siya nanganganmba.
Sa kanyang paglalakad, napatigil siya sa simbahan. Pumasok siya sa loob at hinanap ang kura paroko upang mangumpisal. Sinabi ng lalaki ang kanyang nakaraan at nangumpisal siya ng puno ng pagsisisi at kapatawaran. Sa mga sandaling ito, nagbalik-loob siya sa Diyos.
"Ano po ang dapat kong gawin?" tanong ng humihikbing lalaki sa pari.
"Magpatuloy ka sa buhay mo. Kailangan mong maglakbay patungo sa landas na tinahak ng Panginoon."
"Ngunit paano ako magpapatuloy? Anong silbi ng paglalakbay ko kung hindi ako tatanggapin ng mga tao sa paligid ko? Wala na akong silbi sa lipunan."
""Mali ka. Tulad ng buhay mo, hindi ito nasayang. Pagsubok ito na iyong nalagpasan. Hindi ka na tulad ng dati. Mas malakas at matatag ka na ngayon. Patunay ito na patuloy kang naglalakbay."
Lumabas ang lalaki sa simbahan na tila magulo ang isip. Sa kanyang paglalakad, hindi niya inaasahan na nahagip siya ng matulin na motorsiklo. Ngunit may isang kamay ang humawak sa kanya at iniiwas siya sa tiyak na disgrasya. Laking gulat niya nang makita niya bata na una niyang tinulungan.
"Mama, ako naman ang sasagip sa 'yo. Hindi dapat masayang ang buhay ng katulad mo."
Lahat tayo ay nasa gitna ng paglalakbay upang mahanap natin ang ating sarili. Madapa man o maligaw tayo ng landas, kailangan nating magpatuloy. Darating ang panahon na ang mga daan na tinahak natin ay mag-uugnay at magiging isa. Hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa sa buhay. Dapat tayong maopatuloy patungo sa hindi matukoy na paroroonan.
Tandaan natin na bawat isa sa atin ay manlalakbay. Sana dumating ang panahon na magkasalubong o mag-krus muli ang mga landas natin.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment