Friday, March 16, 2012
Epiko 11: "Bata Pa Ako Pagdating sa Pag-ibig"
Siguro naman pamilyar na kayo sa tinatawag nilang "May-December Love Affair" na kung saan malayo ang agwat ng edad ng dalawang magkasintahan o mag-asawa. Positibo man o negatibo ang pananaw ng karamihan dito, ang mahalaga sa sitwasyong ito ay nagmamahalan silang dalawa.
Habang nakasakay ako sa isang bus papunta sa isang mall, napansin ko ang dalawang magkasintahan na nakaupo sa bandang likuran ko. Hindi ko naman sinasadyang napakinggan ang pinag-uusapan ng dalawa tungkol sa kanilang relasyon.
"Paano ko ipapaliwanang sa magulang ko ang sitwasyon natin? Halos labong-tatlong taon ang tanda mo sa akin. Isa pa, hindi boto ang pamilya mo sa akin. Hindi ito matatanggap ng pamilya ko." wika ng babae na tila naiiyak na sa kanyang sinasabi.
"Gagawa ako ng paraan. Itatanan kita. Lalayo tayo. 'Yun ay kung gusto mong sumama sa akin." sagot ng lalaki.
Hindi na mahalaga kung ano ang detalye ng kanilang pag-uusap. Basta ang sitwasyon nila ay hindi pangkaraniwan at alam ko na may alam kayo na ganito din ang kaso. Mahirap aminin pero ito ang reyalidad ng pag-ibig. May kasabihan nga na "Age doesn't matter when you're in love" o kaya "Love knows no boundaries even against all odds." Totoo naman talaga.
Pero ang mahirap sa atin ay hindi ito agad kayang matanggap ng nakakarami. Ganoon talaga ang pag-ibig - kapag tumama sa 'yo, pasensya ka. Dapat mo itong harapin.
Sa mga nasa ganitong sitwasyon, paano mo ba ihaharap ang sarili mo sa isang May-December Love Affair?
Hindi ko alam ang sagot sa tanong na 'yan.
Walang pinipili ang edad pagdating sa pag-ibig. Kahit si Dolphy, Vic Sotto o si Tom Cruise ay nakaranas ng ganitong dilemma. Ayon sa kanila, mahirap i-adjust ang sarili sa mas batang edad na karelasyon dahil masyadong malayo ang timeline, interest at pananaw sa buhay. May nagsasabi na kapagf mas matanda ang karelasyon mo, mas mature siya kaysa sa 'yo. Kapag bata naman, parang nakakabata ng pakiramdman at katawan. Mas nakakadagdag ng sex appeal kung bata ang karelasyon mo.
Wala naman ako sa posisyon na humusga sa dalawang tao na may malayong agwat pagdating sa edad. Wala naman sigurong problema kung nagmamahalan sila. Tulad ng sinabi ko, kapag tinamaan ka ng pag-ibig, pasensya ka. Dapat mo itong harapin.
Ewan ko nga ba sa henerasyon ngayon kung bakit talamak ang ganitong relasyon. Pero sa tingin ko, hindi mo dapat isipin ang sasabihin ng iba tungkol sa taong mas matanda o mas bata sa 'yo - ang dapat mong isipin ay ang sasabihin ng taong mahal mo tungkol sa 'yo. Kung tanggap naman ang pagkatao mo at kung ano ang estado ng buhay mo, hindi ito magiging hadlang sa pagmamahalan niyo. Ang mahalaga mahal ka niya at mahal mo siya.
Sabihin na natin na bata pa ako pagdating sa pag-ibig (kahit na matanda na ako para dito). Pero hindi ko masisi ang mga may May-December Love Affair. Malamang katulad nila, naghahanap din ako ng taong alam ko na tatanggapin ako ng buo at higit sa lahat, mamahalin ako kahit maputi na ang buhok ko.
Hindi edad o estado ang hadlang sa dalawang nagmamahalan kundi ang mga tao at hindi maiiwasang sitwasyon na humahadlang sa kanila.
Basta nagmamahalan sila. Tapos!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment