Wednesday, March 28, 2012
Epiko 18: "20 Dahilan ni Emong Kung Bakit Masaya sa Pilipinas"
Sa tinagal-tagal ko nang pagsusulat ng mga blogs, palagi kong ipinapakita sa satiriko o "ironic" na paraan ang mga negatibong imahe ng bansa. Ngunit nang mapanood ko ang video na "20 Reasons Why I Dislike The Philippines" ni Jimmy Sieczka, natauhan ao bigla.
Talaga bang hindi masaya sa bansa natin?
Siguro dahil maraming nakikipagsapalaran sa ibang bansa na kababayan nating OFW kasi hindi sapat ang kita dito. Malaki kasi ang oprtunidad sa ibang bansa hindi tulad dito sa Pilipinas. Sa sinabi ni Mr. Sieczka, maraming nagalit na Pilipino sa katotohanang tinatakasan natin. Nakakahiya lang kasi napuna niya ang baho ng mga Pilipino.
Pero bakit pa din niya gusto sa bansa natin pagkatapos niyang mag-public apology?
Nakita ko na ang baho at lansa ng mga Pilipino. Pero mayroon akong dalawampung dahilan kung bakit masaya sa Pilipinas
1. Nagkalat sa bawat kanto ang sari-sari store na pwedeng bilhan ng tingi-tinging paninda tulad ng sigarilyo, vetsin, candy at kung anu-ano pa. Kahit nga internet patingi na din.
2. Masarap umalis at umuwi ang mga OFW kasi buong barangay ang maghahatid at susundo sa 'yo.
3. Hindi ka iiwan ng pamilya mo kahit matanda ka na hindi tulad sa ibang bansa na sa home for the aged ang bagsak mo pagdating ng 70.
4. Masayahin ang mga Pilipino. Kaya nga stress-free tayo hindi tulad ng mga hapon at Koreano na nagpapakamatay kapag nade-desperado.
5. May "freedom of speech" tayong mga Pilipino. Halimbawa, PUNYETA KA NOYNOY!
6. Tayong mga Pilipino, mahilig kumain. Kahit nga bituka ng manok o kahit anong exotic foods eh game tayo.
7. Gusto natin na makilala tayo sa buong mundo at patunayan ang galing ng lahi natin. tulad ni Manny Pacquiao, Jose Rizal at Bb Gandanghari(?)
8. Magaling ang Pilipino sa pagsasalin ng kantang banyaga... at MANGGAYA.
9. Kahit saan, pwede kang bumili ng alak hindi tulad sa Singapore o sa mga kalapit-bansa natin.
10. May takot sa Diyos ang mga Pilipino. Hindi maikakaila dahil nagkalat ang iba't-ibang relihoyn at sekta sa bansa na nakaktulong sa espiritwal na kalakasan ng mga Pilipino.
11. Mahilig ang mga Pilipino sa mga reality shows na talaga namang nagapapkita na talentado ang mga Pilipino... kahit trying-hard na ang iba.
12. Pagdating sa diskarte sa buhay, numero uno ang Pilipino. Kaya nga kahit saang lupalop ka ng daigdig ay makakakita ka ng Pilipino na matagumpay sa piniling larangan.
13. "Texting Capital" ang Pilipinas. Wala pang nakaka-break ng record na ito.
14. Mahilig sa pagdiriwang o fiesta ang mga Pilipino. Kaya nga binibigyan ng panahaon ng mga ito ang mga reunion, alumni homecoming o simpleng birthday party.
15. Masarap magmahal ang mga Pilipino at Pilipina. Kaya nga mas gusto ng mga foreigner ang Pilipinas kasi "hospitable" at maasikaso tayo sa mga bisita at maha;l sa buhay (Tama ba ako Jimmy Sieczka? Kaya nga ayaw mong umalis dito eh).
16. Kapag nakakita ng malinis na ilog, dagat o sapa ang mga Pilipino, wala siyang pakialam. Basta maliligo siya.
17. Masarap kumain ng nakakamay ang mga Pilipino... lalo na kung kasalo ang buong pamilya.
18. Ang Pilipino kahit saan, pwedeng tumawid... kahit maraming sasakyan.
19. Pamilya ang prayoridad ng mga Pilipino. Hangga't maari, ayaw nilang magkahiwa-hiwalay... kahit matatanda na sila.
20. Kahit alukin mo ng pagkain, laging niyang sasabihin na "Sige, busog pa ako." Senyales ito na mapagkumbaba ang mga Pilipino.
Sa mga sinabi ko, ito ang basehan kung bakit hindi natin maitanggi o maikakaila na gusto natin maging Pilipino. Sana, wala nang iba pang Jimmy Sieczka na magpapaalala sa atin na magbulag-bulagan o magbingi-bingihan sa kanser at masamang gawi ng ating lipunan.
Monday, March 26, 2012
Epiko 17: "Ang Boring ng Buhay Kung Wala Si Miriam"
Sa nakalipas na tatlong buwan habang nililitis si Chief Justice Renato Corona, naging makulay ang impeachment proceedings sa katauhan ng pamosong senator-judge na si Miriam Defensor-Santiago. Kilala siya bilang isa sa mga respetado at matalinong senador sa bansa (at balang araw, sa kasaysayan ng Pilipinas) dahil sa kanyang matatapang at diretso sa puntong tanong sa panig ng depensa at prosekusyon.
Valedictorian mula elemetarya hanggang hayskul, nag-aral ng may nakuhang matataas na marka noong college, nag-aral sa Oxford at Harvard Universtiy ng abugasya. Aba, sinong hindi matatakot na banggain siya? Kapag ginawa mo siyang kalabanin, para mo nang inilagay ang sarili mo sa matinding pagpapahirap ng isip at katawan.
Sa aking panonood ng aking bagong sinusubaybayang telenovela sa T.V. na pinamagatan kong "Agawin Mo Ang Corona", hindi ko mapigilang abangan ang mga sasabihin ni Senator Santiago. Talaga naman maaksyon at makapigil-hininga ang bawat salita na kanyang binibitawan lalo na kapag "binobomba" niya ang dalawang panig na nagbabanggaan.
Pero alam naman natin na maraming naiinis o nagagalit sa kanya dahil sa kanyang mala-machine gun na bibig. Iniisip ko nga na paano kaya kung nanay ko Si Senator Miriam. Siguradong mape-pressure akong mag-aral o kaya ay hindi ko tatangkain na magpagabi sa daan. Ganun siguro ang naramdaman ng kanyang ana na nagbaril sa sarili dahil bagsak siya sa Bar Exams.
Paano naman kaya kung teacher ko si Senator Miriam sa school? Wala sigurong maingay sa klase 'pag nagkataon. Wala din magka-cutting class o kaya mangongopya tuwing may exams. kasi talaga naman kung mahuli ka ay hihiyain ang mabuti o kaya naman ay tatakpan mo ang tainga mo dahil hindi mo matitiis marinig ang mga sasabihin niya at panghihiya sa 'yo. Baka mag-scuba diving ka sa Bermuda Triangle ng wala sa oras.
Paano naman kung boss mo sa trabaho si Senator Miriam? Mukha naman siyang mabait pagdating sa trabaho. 'Yun nga lang, kapag nahuli ang nagloloko, siguradong sisante ka na agad.
Paano ung artista si Senator Miriam? Siguradong madadala sa eksena ang lahat ng mga manonood dahil sa tindi ng impact ng kanyang salita. Walang binatbat ang mga artistang ang alam lang ay pumorma. Baka sampalin niya lang siya ng walang ka-effort-effort.
Paano kung natalo niya si dating Pangulong Fidel V. Ramos sa presidential elections noong 1992? Siguradong bugbog-sarado ang lahat ng mga kriminal at mga mandarambong. Baka nga ipatupad niya ang "Firing Squad Bill" na kung saan siya mismo ang babaril (para sa inyong kaalaman, magaling at asintado sa baril si Senator Miriam)
Pero kung ako ang tatanungin, mabuti na siguro na nasa kasalukuyang estado na lang si Senator Miriam. Big time na siya dahil International Court Judge siya. Ibig sabihin, mas mataas pa ang nakuha niyang katungkulan sa nililitis na Chief Justice ngayon. Mabuti na din ito asi palagi tumataas ang blood pressure niya apag nagagalit. Kung hawak niya ang responsibilidan ng bansa bilang presidente, baka patay na siya ngayon. Mabuti na siguro ito kasi walang naglalakas-loob na kumalaban sa kanya bilang senador dahil lahat ng mga kasama niya sa mataas na kapulungan ay literal na takot sa kanya.
Si Senador Miriam ay may mga katangian na ayaw nating mga Pilipino. Pero sa kanyang paggampan bilang taong nagsisilbi sa bayan, malaking tulong ang ginawa niya upang maunawaan ng mga Pilipino na hindi madali ang pinapakita ng kasalukuyang administrasyon na i-monopolyo ang utak ng mga intelektwal na tao. Hindi lahat ng mga naniniwala sa dilaw na administrasoyn ay kayang hawakan ang mga atulad niya. ahit nga si Presidente NoyNoy Aquino eh takot din sa kanya.
Bagama't maraming nagsasabing marumi ang pulitia sa Pilipinas, mayroon naman itong kulay dahil ay Senator Miriam. Sabi nga niya, "Lie me or hate... I'm just doing my job as a public servant." Hindi ko lubos maisip na kung liberal at matalinong mag-isip ang mga abataan ngayon tulad niya, malamang may pag-asa ang bansa natin na umahon sa kahirapan.
Pero sa ngayon, tingnan natin ang aya pa niyang gawin para sa bayan... lalo na sa impeachment trial ni Chief Justice Corona.
Aminado ako, nag-eenjoy ako sa impeachment hearing ni Corona. Salamat kay Senator Miriam.
Wah!
Epiko 16: "Ang Pagong at Ang Alakdan"
Mayroon akong ikukwento sa inyo.
Isang araw, gustong tumawid ng isang alakdan sa dagat papunta sa isang isla. Ngunit dahil hindi siya marunong lumangoy, humingi siya ng tulong sa pagong na naglalangoy sa dalampasigan.
"Pagong, baka pwede naman akong sumampa sa likod mo para makatawid sa kabilang isla."
"Ayoko!" sabi ng pagong. "Baka saksakan mo ako ng iyong kamandag at mamatay sa gitna ng dagat."
"Bakit ko naman gagawin 'yon? Hindi ako marunong lumangoy. Kapag ginawa ko 'yun, pareho tayong mamamatay. Tanga ka ba?" paliwanag ng alakdan.
Dahil mabait ang pagong, wala siyang nagawa kundi tulungan ang alakdan na tumawid sa dagat. Naisip niya na may punto siya dahil kung gagawin niyang lasunun siya, pareho silang mamamatay.
Ngunit nang malapit na ang dalawa sa pampang, biglang sinaksakan ng alakdan ng lason ang pagong. Agad siyang tumalon sa pampang at pinanood ang pagong na mag-agaw-buhay.
"Bakit kaibigan? Akala ko ba hindi mo ako lalasunun?"
"Pasensya ka na pagong, ito ang pagkatao ko." at umalis ang alakdan papalayo sa pumananw na pagong.
May mga pagkakataon sa buhay ng tao na agad tayong nagtitiwala sa mga taong akala natin ay may mabuting kalooban. Sa pamamagitan ng kanilang matatams na salita at tusong pag-uugali, agad tayong nadadala sa kanilang sinasabi. Ngunit sa bandang huli, sila pa ang magpapahamak sa atin. Normal itong nangyayari sa buhay natin lalo sa sa trabaho, pulitika at iba pang lugar kung saan may relasyon ang tao sa isa't-isa. Ang akala nating kaibigan o kasangga ang siyang magtutulak sa atin sa kapahamakan. Sadyang madaling linlangin ang tao lalo na kung magpapakita ka ng kabaitan at magbibigay ng salita na inaakala mong walang gagawing masama sa iyo.
Iyon ay dahil madali tayong magtiwala.
Pero hindi nating agad makikilala ang isang tao kung hindi tayo magtitiwala. Lubos na mahalaga ang tiwala sa isang tao upang magkaroon ng maayos na relasyon sa isa't-isa. Ngunit kadalasan, ito din ang ginagamit ng mga taong may masasamang budhi upang makamtan ang kanilang pansariling kagustuhan. Ang iba sa kanila ay walang pakialam sa idudulot nitong kaguluhan o kapahamakan sa taong niloko nial.
Isng bagay lang ang malinaw - Nagtitiwala ka pero niloloko ka.
Pero hindi ibig sabihin ay titigil na tayong magtiwala sa ibang tao. Kadalasan, dapat nating maranasan na minsan sa buhay natin ay naloko tayo at natuto sa pagkakamali. Ngunit maging maingat pa din tayo. May kasabihan nga na "nagtatago sa mapuputing balahibo ng tupa ang isang mabangis na lobo." Huwag tayong magpadalos-dalos oo magpadala sa mga matatamis na salita ng pulitko o di kaya naman ay mabuting pakikitungo ng kasama natin sa trabaho. Baka isang araw na lang ay bigla tayong lasunin at masayang ang pinaghirapan natin.
Epiko 15: "Earth Hour... Bow!!"
Natutuwa ako sa ptalastas sa T.V. na kung makiisa ang milyung-milyong tao sa Earth Hour, tatalon siya sa mataas na buliding. May isa naman na nagsabi na kung makikiisa ang lahat sa Earth Hour, magsusuot-babae siya sa pamantasan na kanyang pinapasukan. Nakakatawa man pero isang hamon ito sa bawat isa na makiisa upang tulungan ang naghihingalong planeta para sa kinakabukasan ng sangkatauhan.
Bukod sa mga problema ng bansa pagdating sa pulitika at ekonomiya, isa na siguro sa mga nakaambang panganib na ating hinaharap ay ang hindi mapigilang pagbabago ng panahon. Mahirap mang sabihin pero talaga namang kasalanan ng tao kung bakit tayo nakakaranas ng matinding tag-ulan tuwing summer o maalinsangang panahon sa huling anin na buwan ng taon.
Sa darating na March 31, ilulunsad ang "Earth Hour" na kung saan isang oras na hindi gagamit ng kuryente ang sinuman bilang tulong sa ating mahal na planeta.
Mmmmmmmmmm...
Ano ba ang silbi nito?
Kapag hindi ka gumamit ng kuryente sa loob ng isang oras, makakatulong ka upang mabawasan ang pagkonsumo ng enerhiyang galing sa mga planta ng enerhiya. Ang mga plantang ito ay kumukuha ng lakas mula sa mga "fossol fuels" na galing sa ilalim ng lupa. Ito rin ang dahilan kung bakit natural na nagkakaroon ng maayos na ikot o balanse ng init ang daigdig.
Ano ba ang kayang mong gawin sa loob ng isang oras na hindi gagamit ng kuryente?
Hindi ka naman pwedeng mag-internet o mag-charge ng celphone. Hindi ka din pwedeng manood ng paborito mong teleserye sa T.V. Hindi ka din pwedeng makinig ng radyo o magpatugtog ng malakas kasi masyadong gabi na.
At higit sa lahat, hindi ka pwedeng gumamit ng bumbilya upang lumiwanag ang paligid.
Madilim ang mga oras na 'yun kapag nagkataon.
Pero maliit na oras lang hinihingi ng mundo sa atin. Sa loob ng isang taon, ilang oras ka ba gumagamit ng kuryente? Hindi mo na mabilang di ba? Ngunit hindi mo namamalayan, nakaka-perwisyo ka ng malaki sa daigdig kahit sa maliit na paraan.
Hindi biro ang "Earth Hour". Hindi ito dahil may concert o may artistang nakikisawsaw sa ganitong okasyon. Kung tutuusin, isang oras sa isang araw ay magbigay tayo ng panahon para makatulong sa daigdig. Hindi lang kuryente ang dapat nating tipirin. Pati siguro ang tubig na iniiniom natin o ang hangin na nilalanghap natin ay ating ingatan. Ayusin ang mga basura sa loob at labas ng bahay. Huwag gumamit ng plastic. Matuto tyong mag-recycle at gamitin ang mga bagay na pwede pang pakinabangan.
Pero sadyang makulit ang tao... bingi, bulag at pipi sa problema ng kalikasan. Kaya tuloy sunod-sunod na kalamidad at polusyon ang nararanasan natin. Kawalan ng disiplina at pagmamahal sa kalikasan ang ugat ng lahat ng ito.
At sa tingin ko, isa ka sa mga tinutukoy ko.
Hinahamon ko kayo na maki-isa sa "Earth Hour" ngayong March 31. Kung ako ang tatanungin niyo tungkol sa kaya kong gawin kung sakaling milyung-milyong tao ang lalahok....
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
Hindi ko alam.
Sapat na siguro na magsulat ako ng blog tungkol dito. Sa ganitong paraan, nakatulong ako sa daigdig.
Thursday, March 22, 2012
Epiko 14: "Minsan May Isang Anghel"
Siguro naman naniniwala ka sa anghel. Hindi ko na kailangang ipaliwanang ang detalye tungkol sa may nilalang na may pakpak at halo sa ulo na nagmula sa langit. Mula sa makalumang panahon hanggang sa kasalukuyan, hindi nawala sa paniniwala ng mga tao ang mga anghel na tila sumalamin sa katotohaang totoo ang Diyos dahil sila ang nagsilbing bantay at gabay ng mga tao.
Pero iba ang interpretasyon ko sa anghel. Para sa akin, hindi ako naniniwala sa mga ito.
Hanggang isang araw may isang ganitong klase ng nilalang ang dumating sa buhay ko.
Tulad ng kwento na may ganitong tema, ang anghel ay dumadating sa hindi sinasadyang pagkakataon. Minsan, nagpapakita ito sa taong napili ng tadhana para sa kanya. Nagsisilbi siyang tulay sa mundo ng mga tao at Diyos at kung minsan, nagiging tagapagtanggol o gabay siya sa taong nakatadhana sa kanya. Pero may pagkakataon naman na isang beses lang siya nagpapakita ngunit panghabang-buhay na tumatatak sa gunita.
Ang anghel na tinutukoy ko ay isang tao. Pero ang katangian niya ay hindi nalalayo sa isang anghel. Dumating siya sa buhay ko sa hindi sinasadyang pagkakataon (o kaya mas sabihin natin na dumating siya sa maling pagkakataon). Sa kanyang mga mata na tila bituin na nagbibigay ningning sa madilim na gabi, may bahagi ng pagkatao ko na biglang nagbago sa akin... lalo na pagdating sa pananaw ko sa pag-ibig.
Akala ko noong una, sa mga libro at pelikula ko lang nakikita ang pag-ibig na kayang isugal ang lahat para sa kanyang minamahal. Para sa akin, isa itong malaking kalokohan. Sa aking mga karanasan, una kong iniisip ang sarili ko kapag nagmamahal ako. Sa madaling salita, "Self-centered" o makasarili ako dahil pansariling interes ko lang ang iniisip ko. Kaya nga, natuto akong makipaglaro sa mga babaeng dumaan sa buhay ko at nakita ko na pare-pareho lang sila.
Ngunit iba ang "anghel" na nagturo sa akin ng matinding aral pagdating sa pag-ibig.
Sinabi minsan ng batikan na manunulat na si Rudyard Kipling na "An angel descends from heaven for you to know yourself and your purpose in life." Pero kinontra ito ng sarkastikong T.V. host na si Ron Jeremy na "Angels are damn beings from heaven. Either you will be guided by them or you may get lost in your way to salvation."
Minsan daw kasi, mas naniniwala tayo sa angheldahil tulay sila ng Diyos sa atin.
Tama naman 'yun.
Pero ang anghel na dumating sa akin, itinuro niya na ang pag-ibig ay walang pinipiling edad, estado o pananaw sa buhay. Kapag nagmahal ka ng isang tao, may pagkakataon na tila isang biyaya mula sa lanigt ang dumating na daspat mong ipagpasalamat. Tama man o iali sa paningin ng iba ang inyong nararamdaman sa bawat isa, hangga't hindi kayo bumibitaw sa isa't-isa, nabubuo ang isang paninindigan na may pag-ibig sa mundo na hahamakin ang lahat.
(Grabe! Ang korny ko!)
Pero ganoon talaga ang pag-ibig. Korny ang magmahal. Korny ang ipaglaban mo ang pag-ibig na parang sugal na hindi mo alam kung mananalo o matatalo ka. Korny talaga kapag palagi siyang laman ng isip mo. Korny na nagseselos ka.
Ano naman kung korny?
Siya ang anghel na dumating sa buhay ko. Hindi ko man maipaliwanag ang tungkol sa kanya, hindi ko nakikitang nagmahal ako ng isang anghel. Para sa akin, Sapat na may isang anghel na nagturo sa akin na magmahal ng walang hanggan. Ayoko man aminin na "immature" ako pagdating sa ganitong bagay, siya ang dahilan kung bakit ko kailangang mabuhay sa mundo. Nagmarka na sa aking isip at puso ang ginawa niyang pagbabago sa buhay ko. Sa likod ng pagsubok na hinarap namin, nanatili siya sa akin. Hindi ako natatakot na kahit kaaway ko ang buong mundo, may isa akong tao na dapat ingatasn at protektahan kahit kapalit ang buhay ko. Higit sa lahat, hindi ko pinagsisihan na minahal ko siya higit pa sa buhay ko.
Tuesday, March 20, 2012
Epiko 13: "Ikaw Siguro Si Catherine Tramell"
Sa henerasyon ngayon kung saan maraming mga iba't-ibang pelihula ang lumalabas na may bastos o sekswal na tema, isa sa mga kinikilala at nirerespetong karakter ay si Catherine Tramell.
Malamang nagtatanong kayo kung sino siya. Kilala siya sa pelikulang "Basic Instinct" na ginampanan ni Sharon Stone na kung saan isa siyang manunulat na may kakaibang personalidad. Mula sa kanyang mapaglarong isipan, napapaikot niya ang mga tauhan nang hindi nila alam. Gamit ang kanyang angking ganda at talino, naging makulay at kapana-panabik ang mga pangyayari sa pelikula (bukod sa mga bed scenes na talagang naman underrated).
Sa aking panonood ng pelikulang nabanggit, hindi ko maiwasan humanga sa katauhan ni Catherine Tramell na sumasalamin sa isang taong gusto kontrolin ang mga tao sa kanyang paligid. Bagama't hindi ko masabi na masama siyang babae, hindi siya nalalayo sa mga taong nakapalgid sa atin. Bawat isa sa atin ay may pagnanasa na makontrol ang bawat tao na nasa ating paligid. Natural lang ito dahil likas sa mga tao ang may kagustuhan na maging dominante sa iba - mapa-propesyon man o antas ng pamumuhay.
Ngunit ang kagustuhan ng isang tao maging makapangyarihan ang nagiging sanhi ng kanyang kasamaan. Ito ang ugat ng kasamaan. Ipinakita sa pelikula ang iba't-ibang mukha ng kasakiman, kamunduhan at kasamaan ng tao kapag hindi makontrol ang pagnanasa sa isang bagay.
Ang pagnanasa sa isang bagay ay likas sa tao. Bawat isa sa atin ay mayroon nito. maliit man o malaki, ito ang nagdadala sa atin sa mga bagay na higit pa sa ating inaakala. Ngunit kadalasan, humahantong ito sa nakakatakot na konklusyon at kung minsan, sinisira nito ang isang tao.
Alam mo dapat ang "desires" mo sa buhay dahil kung hindi, baka makita ka nalang na patay sa kama mo ng hubo't-hubad.
Monday, March 19, 2012
Epiko 12: "Panibagong Paglalakbay"
"Tulad ng buhay, walang paglalakbay ang sayang."
May isang kwento akong ibabahagi sa inyo.
May isang lalaki ang naglalakad sa daan. Sari-saring tao ang kanyang nakakasalubong at nakikita.
Sa kanyang paglalakad, isang tanong ang tumatakbo sa kanyang isipan - Ano kaya ang iniisip ng mga tao na nakakasalubong ko?
Hindi sinasadyang may nakita siyang bata na nadapa. Agad niya itong tinulungan na tumayo at pagpagin ang dumi sa kanyang damit. "Ayos ka lang?" tanong niya sa bata.
"Opo. maraming salamat po." at agad na tumakbo ang bata palayo sa kanya.
Makalipas ang ilang minuto, isang matanda ang nakita niya na nahihirapan na tumawid sa kalsada. Agd niya itong tinulungan. Tulad ng bata na una niyang tinulungan, nagpasalamat ito sa kanya.
Sa kanyang paglalakad, sari-saring tao ang kanyang nakasalamuha at natulunugan - may nagtanong sa kanya ng direksyon papuntang palengke, tumulong na bumuhat na mabibigat na bagahe ng babae, nagbigay ng limos sa putol na na paa na pulubi, at kung anu-ano pa. Napakabuti niya. Tila isa siyang anghel na sumasaklolo sa mga taong nangangailangan.
Ngunit linigid sa sa kaalaman ng nakakarami, maadilim ang nakaraan ng lalaki. Nabilanggo na siya minsan dahil sa kasalanang hindi naman karapat-dapat na ibintang sa kanya. Naranasan niya ang maraming hirap at pagsubok sa loob ng rehas. Ngunit dahil sa ikot ng tadhana, nabigyan siya ng panibagong pagkakataon upang magbago. Nang makalabas siya sa piitan, nagsimula siyang maglakad bilang isang tao na tila isinilang muli.
Ngunit tulad ng ibang kalalabas lang ng kulungan, nahihirapan nsiyang makisalamuha sa mga tao sa labas. Nag-aalala siya sa mga iisipin ng tao kapag nalaman kung ano ang nakaraan niya. Ito ang dahilan kung bakit siya nanganganmba.
Sa kanyang paglalakad, napatigil siya sa simbahan. Pumasok siya sa loob at hinanap ang kura paroko upang mangumpisal. Sinabi ng lalaki ang kanyang nakaraan at nangumpisal siya ng puno ng pagsisisi at kapatawaran. Sa mga sandaling ito, nagbalik-loob siya sa Diyos.
"Ano po ang dapat kong gawin?" tanong ng humihikbing lalaki sa pari.
"Magpatuloy ka sa buhay mo. Kailangan mong maglakbay patungo sa landas na tinahak ng Panginoon."
"Ngunit paano ako magpapatuloy? Anong silbi ng paglalakbay ko kung hindi ako tatanggapin ng mga tao sa paligid ko? Wala na akong silbi sa lipunan."
""Mali ka. Tulad ng buhay mo, hindi ito nasayang. Pagsubok ito na iyong nalagpasan. Hindi ka na tulad ng dati. Mas malakas at matatag ka na ngayon. Patunay ito na patuloy kang naglalakbay."
Lumabas ang lalaki sa simbahan na tila magulo ang isip. Sa kanyang paglalakad, hindi niya inaasahan na nahagip siya ng matulin na motorsiklo. Ngunit may isang kamay ang humawak sa kanya at iniiwas siya sa tiyak na disgrasya. Laking gulat niya nang makita niya bata na una niyang tinulungan.
"Mama, ako naman ang sasagip sa 'yo. Hindi dapat masayang ang buhay ng katulad mo."
Lahat tayo ay nasa gitna ng paglalakbay upang mahanap natin ang ating sarili. Madapa man o maligaw tayo ng landas, kailangan nating magpatuloy. Darating ang panahon na ang mga daan na tinahak natin ay mag-uugnay at magiging isa. Hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa sa buhay. Dapat tayong maopatuloy patungo sa hindi matukoy na paroroonan.
Tandaan natin na bawat isa sa atin ay manlalakbay. Sana dumating ang panahon na magkasalubong o mag-krus muli ang mga landas natin.
Friday, March 16, 2012
Epiko 11: "Bata Pa Ako Pagdating sa Pag-ibig"
Siguro naman pamilyar na kayo sa tinatawag nilang "May-December Love Affair" na kung saan malayo ang agwat ng edad ng dalawang magkasintahan o mag-asawa. Positibo man o negatibo ang pananaw ng karamihan dito, ang mahalaga sa sitwasyong ito ay nagmamahalan silang dalawa.
Habang nakasakay ako sa isang bus papunta sa isang mall, napansin ko ang dalawang magkasintahan na nakaupo sa bandang likuran ko. Hindi ko naman sinasadyang napakinggan ang pinag-uusapan ng dalawa tungkol sa kanilang relasyon.
"Paano ko ipapaliwanang sa magulang ko ang sitwasyon natin? Halos labong-tatlong taon ang tanda mo sa akin. Isa pa, hindi boto ang pamilya mo sa akin. Hindi ito matatanggap ng pamilya ko." wika ng babae na tila naiiyak na sa kanyang sinasabi.
"Gagawa ako ng paraan. Itatanan kita. Lalayo tayo. 'Yun ay kung gusto mong sumama sa akin." sagot ng lalaki.
Hindi na mahalaga kung ano ang detalye ng kanilang pag-uusap. Basta ang sitwasyon nila ay hindi pangkaraniwan at alam ko na may alam kayo na ganito din ang kaso. Mahirap aminin pero ito ang reyalidad ng pag-ibig. May kasabihan nga na "Age doesn't matter when you're in love" o kaya "Love knows no boundaries even against all odds." Totoo naman talaga.
Pero ang mahirap sa atin ay hindi ito agad kayang matanggap ng nakakarami. Ganoon talaga ang pag-ibig - kapag tumama sa 'yo, pasensya ka. Dapat mo itong harapin.
Sa mga nasa ganitong sitwasyon, paano mo ba ihaharap ang sarili mo sa isang May-December Love Affair?
Hindi ko alam ang sagot sa tanong na 'yan.
Walang pinipili ang edad pagdating sa pag-ibig. Kahit si Dolphy, Vic Sotto o si Tom Cruise ay nakaranas ng ganitong dilemma. Ayon sa kanila, mahirap i-adjust ang sarili sa mas batang edad na karelasyon dahil masyadong malayo ang timeline, interest at pananaw sa buhay. May nagsasabi na kapagf mas matanda ang karelasyon mo, mas mature siya kaysa sa 'yo. Kapag bata naman, parang nakakabata ng pakiramdman at katawan. Mas nakakadagdag ng sex appeal kung bata ang karelasyon mo.
Wala naman ako sa posisyon na humusga sa dalawang tao na may malayong agwat pagdating sa edad. Wala naman sigurong problema kung nagmamahalan sila. Tulad ng sinabi ko, kapag tinamaan ka ng pag-ibig, pasensya ka. Dapat mo itong harapin.
Ewan ko nga ba sa henerasyon ngayon kung bakit talamak ang ganitong relasyon. Pero sa tingin ko, hindi mo dapat isipin ang sasabihin ng iba tungkol sa taong mas matanda o mas bata sa 'yo - ang dapat mong isipin ay ang sasabihin ng taong mahal mo tungkol sa 'yo. Kung tanggap naman ang pagkatao mo at kung ano ang estado ng buhay mo, hindi ito magiging hadlang sa pagmamahalan niyo. Ang mahalaga mahal ka niya at mahal mo siya.
Sabihin na natin na bata pa ako pagdating sa pag-ibig (kahit na matanda na ako para dito). Pero hindi ko masisi ang mga may May-December Love Affair. Malamang katulad nila, naghahanap din ako ng taong alam ko na tatanggapin ako ng buo at higit sa lahat, mamahalin ako kahit maputi na ang buhok ko.
Hindi edad o estado ang hadlang sa dalawang nagmamahalan kundi ang mga tao at hindi maiiwasang sitwasyon na humahadlang sa kanila.
Basta nagmamahalan sila. Tapos!
Subscribe to:
Posts (Atom)