Saturday, February 9, 2013

Epiko 45: "Si Boyet at Si Girlie"


 
 
Isang nakakatawa ngunit may kurot sa puso ang isang kwento ng pag-ibig ang ibabahagi ko sa inyo.

Guwapo, matalino, mabait at talentado – ito si Boyet. Kung ilalarawan siya ay masasabi mo na siya ang perpektong lalaki sa buhay ng kahit sinong kababaihan. Maganda ang reputasyon ng kanyang pamilya at may kaya sa buhay.

Walang mag-aakala na wala siyang pinagdaraanang problema. Ang totoo, isang tao ang kanyang pinoproblema…  Ang maganda, matalino at masipag na si Girlie.

Nagkakilala ang dalawa sa isang eskwelahan. Sa unang tingin pa lang ni Boyet kay Girlie, nahulog na ang loob nito sa kanya.  Naging magkaibigan sila at naging malapit sa isa’t-isa.Nagsimula siyang magpapansin at gumawa ng paraan para makuha ang matamis na “Oo.” Ngunit sadyang mailap si Girlie. Hindi na napansin ni Boyet ang paglipas ng panahon hanggang sa naging propesyonal na manunulat si Boyet at isang guro ng pre-school si Girlie.

Itinuloy pa din ni Boyet ang panlilgaw kay Girlie kahit alam niya na nasa “friendzone” siya. Pinanghawakan niya ang sinabi ng babae na “Siguro ganito na lang muna tayo Boyet… kung okay lang sa ‘yo.”  Tinanggap naman niya iyon at naging classic example ng  “Abangers.” May mga pagkakataon na nalalaman niya na may mga lalaking umaaligid kay Girlie. Nasasaktan siya at nagseselos kahit hindi sila ni Girlie. Kahit na nagchi-chicks paminsan-minsan si Boyet, hindi niya makalimutan at mawala sa isip niya si Girlie. Naging theme song niya ang "Kaibigan Lang Pala" ni Jaramie, "Kailan" at "Kahit Habambuhay" ng Smokey Mountain at "Ang Pusa Mo" ng Pedicab.

Pakiramdam ni Boyet, umaasa siya sa wala. Pakiramdam niya ay para siyang pizza na may bubog na toppings at kapag nakikita niya si Girlie na may kasamang ibang lalaki. Ipinapanalangin niya na sana ay makatapak sila ng Lego pagkatapos maligo. Wasak na wasak si Boyet sa panunuyo kay Girlie. Pakiramdam niya, binabalewala siya nito habang kinakanta ang chorus ng kantang "Ang Pusa Mo." (Pakinggan mo ang kanta para malaman niyoo).

Pero ang totoo, ayaw pumasok sa relasyon ni Girlie sa kadahilanang mahal niya si Boyet. Ayaw niyang masakatan at ayaw niyang masira ang friendship nila. Mahalaga ito para sa kanya. Bukod pa doon ay may madilim na nakaraan si Girlie sa pakikipagrelasyon. Na-trauma siya sa isang guy na hindi nasuklian ang pagmamahal na ibinigay niya na halos ikabaliw at ikamatay niya. Simula noon, wala na siyang sineryosong lalaki. Ngunit nang nakilala niya si Boyet, nagbago ang lahat ngunit takot na takot siyang magmahal at masaktan muli kaya nilagay niya sa “friendzone” si Boyet.

 May pagkakataon na pinagtataguan niya si Boyet at hindi sinasagot ang mga mala-nobelang text nito. Ngunit malakas ang fighting spirit ni Boyet dahil hindi siya sumusuko. Hindi siya nauubusan ng gimik at mga paraan tulad ng pagbibigay ng pan de sal sa umaga kahit na may asong bantay sa bahay at hinahabol siya ng gwardiya o pagyayakag sa mga concert at events na alam niyang tatanggihan ni Girlie. Ngunit may pagkakataon din naman na pinupuri niya si Boyet sa kanyang ginagawa na malamang na nagbibigay ng dahilan kung bakit kailangan magpatuloy si Boyet na mahalin si Girlie. Dinadaan na lang ni Boyet sa biro ang lahat dahil ang gusto niyang mapangiti o mapasaya si Girli Maliit na bagay man ito sa nakakarami ay kayamanan na ito para kay Boyet.

Sa madaling salita, mahal nial ang isa’t-isa. Ngunit sadyang may mga bagay na hindi na dapat ipagpilitan pa.

Ang kwento ng pag-ibig nina Boyet at Girlie ay kwento nating lahat. Dahil mahal natin ang isang tao, hindi tayo sumusuko kahit na anong pagsubok o pahirap ang gawin nila sa atin. Minsan, natatakot tayong masaktan at magmahal kasi ayaw nating mawala ang pinakamahalaga at minamahal na tao sa buhay natin. Ngunit hindi lahat ay katulad ni Boyet. Napapagod din ang nakakarami sa atin at mabilis sumuko. Kung minsan, para tayong si Girle na nagiging makasarili at sarili lang ang iniisip. Ito ang dahilan kung bakit hindi natin matagpuan ang tunay na pag-ibig sa buhay natin.

 Normal lang na maging tanga sa pag-ibig. Ganun talaga eh. Kahit sino pwedeng makaranas nito. Ngunit tandaan niyo na may mas magandang bagay pa bukod sa pag-ibig. Kung gusto mong maging katulad ni Boyet o Girlie, gawin mo. Walang masama doon basta kung ito ang makakapagpasaya sa ‘yo, gawin mo. Ang pag-ibig ay punong-puno ng mga bagay na mahirap ipaliwanang. Sa banadang huli, ikaw ang magdedesisyon.

Bahala ka sa buhay mo.

 

 

No comments:

Post a Comment