Tuesday, February 19, 2013

Epiko 48: "Aba! Tumulong Ka!"



Sa dinami-dami ng mga problema ng ating lipunan, mukhang nakakalimutan na ng ating mga kabataan sa kasalukuyang henerasyon ang makialam sa mga isyu n gating lipunan. Oo. Dahil sa DOTA, Facebook, Twitter, online games at mga walang kakwenta-kwentang mga kanta ng mga papogi at pa-cute na singer, nakalimutan na ng mga kabataan ang tunay na problema.

Sa DOTA, kapag nanalo ka, ang saya mo, kung ano-ano pa ang natutunan mong lenggwahe. Ngunit hindi mo baa lam kung sino ang tunay na Scourge at Sentinel sa lipunan?

Puro ka Facebook at Twitter. May pakialam ka sa mga tao sa paligid mo at nagpo-post ng mga picture at video ng mga kung-ano-ano. Parang pakiramdam mo ay ikaw ang iniikutan ng mundo. Pero ikaw, may magagawa ba ang mga likes at followers mo sa milyun-milyong Pilipino na nagugutom at uhaw sa hustisya? Mas malaki ang mundo sa labas kaysa sa mundo ng internet. Puro lang iyan impormasyon, walang karanasan – karanasan ang na tunay na guro ng ating lipunan hindi ang internet.

Palagi kang nakikinig at nanonood ng mga kanta lalo na ng mga sikat. Wala silang pakialam sa iyo. Wala sialng pakialam kung pinapanood mo sila at ginagaya ang mga estilo ng pananamit. Nakukuha mong tiisin ang kalam ng iyong sikmura para lang makasabay sa uso. Pero ang totoo, hindi ka nila pinahahalagahan.

Tapos kung magreklamo ay parang sila ang hari. Na kanila ang lahat ng mga bagay sa mundo.

May nagawa ka ba?

May ginawa ka ba?

May itinulong ka ba?

Tumulong ka ba?

Hay! Ang kabataan nga naman ngayon.

Hindi ko alam kung bakit sa panahon ngayon ay tila wala nang alam ang mga kabataan sa kanilang paligid. Hindi na sila nakikialam at nagbabantay sa lipunan na kanilang ginagalawan. Marahil ay isa sa mga malalaking problema ay ang mga taong magtuturo sa kanila na maging mapagmatyag  para magsuri sa nangyayari sa lipunan.

Nakakalungkot din isipin na wala na ding pakialam ang mga guro sa ating lipunan. Magaling man sila magturo ng subject na hawak nila, pero wala na din silang pakialam sa nangyayari sa lipunan. Nakakaawa naman si Ma’m kasi para na siyang naglalakad na textbook. Subukan kaya nila na ipasok sa kanilang subject ang nangyayari sa lipunana. Ang kaso, may oras pa ba sila at interesado pa ba ang estudyante sa mga ganitong bagay?

Nagtatapos ang blog ko na hindi tumalakay sa pag-ibig at sa mabuti at masamang epekto nito. Bagkus, isang sensitibong isyu ang nagiging malaking problema ng lipunan. Makialam ka at magsuri sa paligid na ginagalawan mo.

Hindi habambuhay ay alipin o rebelde tayo ng pag-ibig. Kailangang gumising sila sa pantasya ng buhay at makialam o magmasid sa lipunan. May mas matinding problema ang lipunan natin kaysa kung magkano ang ibabayad mo sa pustahan o DOTA o kaya pang-internet mo. Ubusin mo ang oras sa pagbabasa ng dyaryo o panonood ng balita kaysa sa panonood ng mga gameshows o music videos ng mga artistang walang pakialam sa 'yo. Dapat kang makialam at kung may reklamo ka…
 
Aba! Tumulong ka!

 

Thursday, February 14, 2013

Epiko 47: "Ang Kwento ng Dalawang Babaeng Nalulunod"


Masakit magamahal at iwan ng isang minamahal. Ngunit mas higit na mas masakit kapag alam niyo na nagmamahal kayo at hindi masuklian nag pagmamahal na inialay niyo sa kanya.

Nire-reciprocate ang pag-ibig. Hindi lang ikaw ang dapat tumatanggap o nagbibigay. Dapat pareho mo itong ginagawa sa isang tao. Dahil kung hindi, mas masakit ito sa damdamin.

May kasabihan sa Ingles na “Shame on you if you fool me once, shame on me if you fool me twice.” Pero talagang may mga tanga lang talaga pagdating sa pag-ibig. Kahit ilang beses na silang niloloko, nagpapaloko pa din dahil nagbubulagan sa katotothanan na walang .

Pero may isang pangyayari sa buhay natin na gigising sa  atin sa katotohanan at matatauhan sa mga kabaliwan na ginawa natin.

Tulad ng isang kwento na ibabahagi sa inyo.

Matagal nang niloloko ni Gene ang kanyang boyfriend na si Alvin. Dahil sa sikat at mataas na ang narrating ng babae bilang isang modelo. Nabulag siya sa kasikatan na naging sanhi upang kalimtan at ipagpalit sa iba si Alvin. Ilang beses na naghiwalay at nagkabalikan ang dalawa ngunit di pa din nagbabago ang kanilang sitwasyon. Patuloy na namamalimos ng atensyon ang lalaki sa kabila ng sakripisyo na ginawa at pagtalikod sa mga taong nagmamahal sa kanya. Hanggang sa madiskubre niya ang katotohanan. Ngunit nagbubulag-bulagan siya sa at paulit-ulit niyang sinasaksak sa puso niya na mahal pa siya ni Gene. Ngunit ang totoo, wala na talagang nararamdaman ang babae sa kanya kahit katiting.

Heto si Malen. Ang dating ginawang panakip-butas ni Alvin kay Gene. Alam niya ang nangyayari sa buhay ni Alvin. Gusto niya itong iligtas sa panlolokong ginagawa ni Gene.  Kahit na magkaibigan na lang sila, hindi siya nawala sa tabi ni Alvin. Mahal na mahal niya ito at sa tuwing nakikitang malungkot o umiiyak si Alvin dahil kay Gene, nahahati ang puso nito sa maraming bahagi. Ang kanyang tanging dasal ay magising si Alvin sa katotohanan.

Isang gabi, nalaman ni Alvin ang buong katotohanan tungkol sa bagong boyfriend ni Gene. Puro kasinungalingan ang narinig niya sa babae at nahahalata na din nya na lumalayo sa sa kanya si Gene. Nawala sa sarili si Alvin hanggang sa nagdesisyon siya na wakasan niya ang buhay niya. Uminom siya ng lason, nagdilim ang kanyang paningin at nawalan ng malay.

Nang nagising si Alvin, akala niya patay na siya. Nalaman niya na isinugod siya sa ospital ni Malen kasama ang isang kaibigan. Sa pangyayaring iyon, napaisip ng malalim si Alvin. Tinanong niya sa kanyang sarili kung bakit niya ito nagawa. Umiyak siya ng puno ng pagsisi at galit sa sarili. Isang malaking kamalian ang nagawa niya sa buhay niya.

Hanggang sa nagdesisyon na siya na tapusin na ng tuluyan ang lahat sa kanila ni Gene. Tumatawag siya sa celphone ngunit di siya sumasagot. Siguro ay nagdesisyon na din si Gene at sumuko na kay Alvin matapos na mabalitaan ang nangyari sa kanila. Doon pa lang, alam na ni Alvin kung kanino niya dapat ilaan ang puso niyang uhaw sa pagmamahal.

Ika-14 ng Pebrero, taong kasalukuyan, Lumapit si Alvin kay Malen upang humingi ng tawad sa mga kasalanang ginawa niya. Ngunit naunahan siya ng babae. Kasama ang mga tao sa paligid, lumuhod ang babae sa kanya, nagbigay ng rosas at lumuha at sinabing “Tanggapin mo ang rosas na ito tulad ng pagtanggap mong muli sa akin.” Buo na ang desisyon ni Malen na lunukin ang kanyang pride para kay Alvin.

Lumapit si Alvin, itinayo si Malen na humahagulgol, niyakap at binulong sa kanya ang mga sumusunod pangungusap.

“Noong nag-aagaw buhay ako, dalawang tao ang nakita ko sa panaginip ko. Pareho silang nalulunod. Hindi ko alam kung sino ang ililgtas ko. Sumisigaw ang isa na iligtas ko siya. Ngunit ang isa ay sumisigaw na iligtas ko ang isang babae. Alam mo, iniligtas ko ang babaeng nagsasabing iligtas ko ‘yung isang babaeng nalulunod.

“Bakit?” tanong ni Malen.

“Kailanaman hindi ka sumuko sa akin. Kahit alam mo na nahihirapan ako, hindi mo ako iniwan. Nasakatan ka, nagtiis at higit sa lahat, minahal mo ako kung ano ako, kung sino ako, kung ano ang nakaraan ko, at kung ano ang mga pagkakamali at kahinaan. Naging tanga ako kahit na alam ko na nasasaktan ka sa akin dahil minamahal ko ang isang tao na hindi masuklian ang pagmamahal ko sa kanya. Pero iba ka, hindi mo iniisip ang sarili mo.”

Lumuhod si Alvin kay Malen. Umiiyak at punong-puno ng pagsisisi at sinabi ito. “Can you be my Valentine… for life?”

At ang sumunod na pangyayari ay umukit na sa kasaysayan ng paaralan.
"Ikaw ang babaeng nalulunod na iniligtas ko. Sa pagkakataong ito, ikaw naman ang ililigtas sa kalungkutan at sakit na pinapasan mo nang dahil sa akin." wika ni Alvin.

Sa buhay, natatauhan o naliliwanagan tayo sa isang katotohan kapag may isang tao na nagpamulat sa atin ditto. Sa kaso ni Malen at Alvin, hindi ito nalalayo sa kwento ng bawat isa sa atin. Nagmamahal tayo ngunit may pagkakataon na nagmamahal din sila ng iba. Gayundin, may nagmamahala din sa atin na iba na mas nakakahigit kaysa sa una. Ito ay isang kwento ng kaliwanagan sa mga bagay-bagay tungkol sa pag-ibig na dapat nating isabuhay.

Kung magmamahal ka, okay lang na magmukhang tanga… dahil mayroon lang sa paligid na nagpapakatanga sa ‘yo… At siya ang tunay na nagmamahal sa ‘yo.

Tuesday, February 12, 2013

Epiko 46: "Ang Bababeng Hindi Naniniwala Sa Valentine's Day"



Hindi ko pa din makalimutan ang araw na ‘yun.

Tatlong taon na ang nakakalipas, Valentine’s Day noon. Tapos na ang klase ko ng mga oras na iyon. Hindi ko alam pero sa tuwing nakakasalubong ako nang dalawang magkasintahan ay naiisip ko na pinagpala ang araw na ito. Ang okasyon na ito ay nagpapaalaala sa atin ng kahalagahan ng pag-ibig sa bawat isa sa atin. Dahil dito, nagiging masaya, at mahalaga ang araw na ito.

Sa aking pagmumuni-muni, isang mensahe sa aking celphone ang natanggap ko – mula sa isang babae na nakalaimutan ko na “hindi” naniniwala sa espesyal na okasyon na ito.

Eksakto na wala kaming pasok dalawa, tinanong ko siya na kung pwede ko  siyang dalawin sa bahay nila. Pumayag naman siya. Nang nasa kanila na ako, naisip ko na yakagin siyang lumabas at maglakad-lakad.

Sa aming paglalalakad, tinanong ko siya kung naniniwala siya sa Valentine’s Day. Sabi niya, hindi naman pinaniniwalaan ng kanilang relihiyon ang ganitong klaseng okasyon. Medyo nalungkot ako sa sinabi niya. Pero naging isang hamon ito sa akin na kung paano ko ipapadama sa kanya ang kahalagahan ng araw na ito.

Gumala kami. Kumain, naglakad-lakad sa tyangge at nagkwentuhan. Ginawa kong masaya ang bawat sandali na magkasama sa kami. Hinayaan kong lumipas ang bawat oras na makasama siya at gumawa ng isang di makakalimutang alaala na umukit sa aming puso. Sa pagkakataon na ‘yon, pinaranas ko sa kanya ang kahalagahan ng Valentine’s Day. Doon niya napagtanto na isa itong mahalagang pagdiriwang sa dalawang taong namamahalan at kung paano ipadarama ang pagmamahal ng isang tao na di naniniwala sa araw ng mga puso. Niregaluhan ko siya ng bracelet, tanda ng aming samahan. Sinabi iko sa kanya ang dahilan kung bakit mahalaga ang February 14 sa nakakarami sa atin

Nang pauwi na kami, naisip ko na ito ang pinakamasayang Valentine’s Day ko sa piling ng isang taong hindi naniniwala dito. Ang maipadama sa kanya ang kahalagahan ng araw na ito ay hindi matatawaran ng chocolates, bulaklak at mamahaling regalo. Ang mga sandali na kasama ko siya isang alaala na di ko na malilimutan. Kahit na malayo na siya at hindi na kami nagkikita, alam ko sa sarili ko na may nagawa ako - ang maipadama ko sa kanya ang tunay na diwa ng Valentine's Day.

Ang pag-ibig, tulad ng sinabi ni San Valentino ay pagbabahagi ng kabutihan at katapatan ng kalooban. Walang taong hindi nakadama ng pag-ibig. Tayong lahat ay minamahal at nagmamahat ng kapamilya. Ngunit higit sa lahat, ang Diyos ang nag-iisang nakakaunawa sa atin kapag tinalikuran na nila tayo.

Happy Valentine's Day sa ating lahat. Maging maligaya nawa kayo sa piling ng mga nagmamahal, minamahal at mamahalin niyo.


 

Saturday, February 9, 2013

Epiko 45: "Si Boyet at Si Girlie"


 
 
Isang nakakatawa ngunit may kurot sa puso ang isang kwento ng pag-ibig ang ibabahagi ko sa inyo.

Guwapo, matalino, mabait at talentado – ito si Boyet. Kung ilalarawan siya ay masasabi mo na siya ang perpektong lalaki sa buhay ng kahit sinong kababaihan. Maganda ang reputasyon ng kanyang pamilya at may kaya sa buhay.

Walang mag-aakala na wala siyang pinagdaraanang problema. Ang totoo, isang tao ang kanyang pinoproblema…  Ang maganda, matalino at masipag na si Girlie.

Nagkakilala ang dalawa sa isang eskwelahan. Sa unang tingin pa lang ni Boyet kay Girlie, nahulog na ang loob nito sa kanya.  Naging magkaibigan sila at naging malapit sa isa’t-isa.Nagsimula siyang magpapansin at gumawa ng paraan para makuha ang matamis na “Oo.” Ngunit sadyang mailap si Girlie. Hindi na napansin ni Boyet ang paglipas ng panahon hanggang sa naging propesyonal na manunulat si Boyet at isang guro ng pre-school si Girlie.

Itinuloy pa din ni Boyet ang panlilgaw kay Girlie kahit alam niya na nasa “friendzone” siya. Pinanghawakan niya ang sinabi ng babae na “Siguro ganito na lang muna tayo Boyet… kung okay lang sa ‘yo.”  Tinanggap naman niya iyon at naging classic example ng  “Abangers.” May mga pagkakataon na nalalaman niya na may mga lalaking umaaligid kay Girlie. Nasasaktan siya at nagseselos kahit hindi sila ni Girlie. Kahit na nagchi-chicks paminsan-minsan si Boyet, hindi niya makalimutan at mawala sa isip niya si Girlie. Naging theme song niya ang "Kaibigan Lang Pala" ni Jaramie, "Kailan" at "Kahit Habambuhay" ng Smokey Mountain at "Ang Pusa Mo" ng Pedicab.

Pakiramdam ni Boyet, umaasa siya sa wala. Pakiramdam niya ay para siyang pizza na may bubog na toppings at kapag nakikita niya si Girlie na may kasamang ibang lalaki. Ipinapanalangin niya na sana ay makatapak sila ng Lego pagkatapos maligo. Wasak na wasak si Boyet sa panunuyo kay Girlie. Pakiramdam niya, binabalewala siya nito habang kinakanta ang chorus ng kantang "Ang Pusa Mo." (Pakinggan mo ang kanta para malaman niyoo).

Pero ang totoo, ayaw pumasok sa relasyon ni Girlie sa kadahilanang mahal niya si Boyet. Ayaw niyang masakatan at ayaw niyang masira ang friendship nila. Mahalaga ito para sa kanya. Bukod pa doon ay may madilim na nakaraan si Girlie sa pakikipagrelasyon. Na-trauma siya sa isang guy na hindi nasuklian ang pagmamahal na ibinigay niya na halos ikabaliw at ikamatay niya. Simula noon, wala na siyang sineryosong lalaki. Ngunit nang nakilala niya si Boyet, nagbago ang lahat ngunit takot na takot siyang magmahal at masaktan muli kaya nilagay niya sa “friendzone” si Boyet.

 May pagkakataon na pinagtataguan niya si Boyet at hindi sinasagot ang mga mala-nobelang text nito. Ngunit malakas ang fighting spirit ni Boyet dahil hindi siya sumusuko. Hindi siya nauubusan ng gimik at mga paraan tulad ng pagbibigay ng pan de sal sa umaga kahit na may asong bantay sa bahay at hinahabol siya ng gwardiya o pagyayakag sa mga concert at events na alam niyang tatanggihan ni Girlie. Ngunit may pagkakataon din naman na pinupuri niya si Boyet sa kanyang ginagawa na malamang na nagbibigay ng dahilan kung bakit kailangan magpatuloy si Boyet na mahalin si Girlie. Dinadaan na lang ni Boyet sa biro ang lahat dahil ang gusto niyang mapangiti o mapasaya si Girli Maliit na bagay man ito sa nakakarami ay kayamanan na ito para kay Boyet.

Sa madaling salita, mahal nial ang isa’t-isa. Ngunit sadyang may mga bagay na hindi na dapat ipagpilitan pa.

Ang kwento ng pag-ibig nina Boyet at Girlie ay kwento nating lahat. Dahil mahal natin ang isang tao, hindi tayo sumusuko kahit na anong pagsubok o pahirap ang gawin nila sa atin. Minsan, natatakot tayong masaktan at magmahal kasi ayaw nating mawala ang pinakamahalaga at minamahal na tao sa buhay natin. Ngunit hindi lahat ay katulad ni Boyet. Napapagod din ang nakakarami sa atin at mabilis sumuko. Kung minsan, para tayong si Girle na nagiging makasarili at sarili lang ang iniisip. Ito ang dahilan kung bakit hindi natin matagpuan ang tunay na pag-ibig sa buhay natin.

 Normal lang na maging tanga sa pag-ibig. Ganun talaga eh. Kahit sino pwedeng makaranas nito. Ngunit tandaan niyo na may mas magandang bagay pa bukod sa pag-ibig. Kung gusto mong maging katulad ni Boyet o Girlie, gawin mo. Walang masama doon basta kung ito ang makakapagpasaya sa ‘yo, gawin mo. Ang pag-ibig ay punong-puno ng mga bagay na mahirap ipaliwanang. Sa banadang huli, ikaw ang magdedesisyon.

Bahala ka sa buhay mo.