Wednesday, October 31, 2012

Epiko 37: "Nakaka-miss Ang Suman Kapag Undas"

Natatandaan ko pa noong bata pa ako na tuwing sasapit ang huling araw ng Oktubre at unang araw ng Nobyembre...

Pumupunta ako sa bahay ng lola ko. Abala ang mga tita ko sa paggawa ng suman, biko at iba't-ibang klase ng kakanin samantalang ang mga tito ko kasama ng mga iba kong pinsan ay nagkukwentuhan tungkol sa mga kababalaghan. Sa gitna ng aming pag-uusap ay dadating ang mga kabataan para "mangaluluwa," isang tradisyon na kung saan mag-aalay sila ng kanta. Sa halip na pera ang ibayad, suman, biko, puto o kahit na anong klase ng kakanin ang kanilang tatanggapin. Ayon sa kasabihan, kapag hindi mo binigyan ang mga taong "nangangaluluwa," may isang bagay ang mawawala sa iyo.

Kinabukasan, umaga pa lang ay nasa sementeryo na kami. Maghapon kami doon. Pinag-uusapan lang ang mga panahon na buhay pa ang mga kaanak namin na nasa nitso. Siyempre, baon namin ang suman at iba pang kakanin. Masaya at punong-puno ng alaala ang mga panahon na 'yon.

Ngunit sa paglipas ng panahon, halos nabura na sa tradisyon namin ang paghahain ng suman tuwing Undas. Sa halip, napalitan ito ng "trick or treat", Halloween Party at kong anu-ano pang pagdiriwang. Malaki ang nagagastos pagdating sa costume, pagkain at mga palamuti. Grabe! Nang umuwi ako ng Silang, akala ko may shooting ng music video ni Michael Jackson na "Thriller" sa dami ng mga nakasuot ng nakakatawa (hindi sila mukhang nakakatakot) at burarang costume.

Minsan ko silang tinanong na "May suman ba sa inyo?" Ang sabi nila "Wala." Medyo nalungkot ako dahil nawawala na ang tunay na tradisyon na pagdiriwang ng Undas. Sa halip na magdasal para sa mga kaluluwa ng mga namayapa, mas abala pa sila sa Halloween Party at kung pumunta man sila ng sementeryo, saglit na saglit lang at puro payabanagan ang usapan.

Hindi ba dapat mas maalala ang araw na ito para sa mga namayapa at hindi para sa mga nakakatakot nakakasindak na imahe ng kababalaghan?

Tulad ng Pasko, Bagong Taon, Rizal Day, Todos Los Santos at kung anu-ano pang holiday na kulay pula sa kalendaryo, isipin natin ang kahalagahan ng okasyon na ito. Minsan nating nakapiling ang mga mahal natin sa buhay na namayapa kaya ilaan natin ito sa kanila. Tulad ng suman, nakadikit pa din sa ating gunita ang mga masasakit na sandali noong sila ay pumanaw. Ngunit dahil may asukal, matamis ang iniwan nilang paalala sa atin na tayo ay tao lang... babalik at babalik sa ating pinanggalingan.


No comments:

Post a Comment