Monday, July 25, 2011
Epiko 6: "Kotse o Alak?
Hindi ko alam kung dapat ko pa bang ituloy ang pagtipa ng keyboard…
Malinaw pa sa aking alaala noong una ko siyang nakita isang taon na ang nakakaraan. Sa mga panahong nakakaramdam ako ng matinding kalungkutan at pighati sa aking madilim na kahapon, isang himala ang naganap noong nagkakilala kami. Hindi ko alam kung bakit nakaramdam ako ng sobrang kaligayahan at pagkasabik sa mga araw na magkasama pa kami sa lugar kung saan nasukat ang aming tatag sa propesyon na parehong naming pinili. Saksi ang kalsada at poste ng ilaw na aming nilalampasan kapag pauwi kami, alam ko sa sarili ko na walang katumbas na ligaya ang aking natatamo kapag kasama siya.
Sa medaling salita, siya ang taong nagbalik sa aking mga ngiti na matagal nang nawala.
Kahit alam ko na malaki ang aming pagkakaiba pagdating sa aming paniniwala, ambisyon at pananaw sa buhay, hindi ito naging hadlang sa aming makulay na pagkakaibigan. Sa mga panahon na hindi ko na alam ang aking gagawin, kapag naiisip ko siya ay bigla na lang nagkakaroon ng solusyon ang bawat problema na aking kinakaharap. Hindi maipagkakaila na isa siya sa mga mahahalagang tao sa buhay ko – siya ang taong hangga’t nabubuhay ako ay aking ituturing na kayamanan.
Hindi ko pinalagpas ang mga pagkakataon na tulungan siya sa oras ng kaanyang pangangailangan. Hindi ako nagdalawang-isip na iligtas siya sa mga problemang alam ko na kaya kong ayusin. Minsan nga, nagtataka ako sa aking sarili kung bakit ko ito ginagawa sa kanya. Pero nakakatawang isipin na ginagawa ko ito na walang kahalong kapalit o kondisyon. Isa itong malaking palaisipan sa akin dahil sa buong buhay ko, ngayon ko lang naramdaman ang ganito.
Ngunit dumating din sa punto na nasukat ang aking tunay na nararamdaman sa kanya hanggang sa dumating ang kinatatakutan kong mangyari – ang mahalin siya nang higit pa sa pagiging kaibigan. Nang nagsimula nang tumibok ang puso ko para sa kanya, bigla akong napaisip. Naalala ko ang sinapit ko sa isang taong yumurak sa aking pagkatao at tuluyang sinira ang buhay ko. Nagbalik-tanaw ako at napgtanto ko na mali ang nararamdaman ko.
Kaya nilabanan ko ang damdaming ‘yon hanggang sa unti-unti ko itong tinalo. May mahal siyang iba at ako naman ay matagal nang nakatali sa isang taong una kong minahal. Nararapat lang na pigilan ko ang aking sarili na mangibabaw ang aking makamndong pagnanasa. Mas inisip ko ang kabutihan naming dalawa at ito ay sa pamamagitan ng pagiging tunay at tapat na kaibigan niya. Sa aking palagay, mas mabuti na ganito na lang kami dahil tahimik wala akong iniisip na pwedeng gumulo sa akinng pananahimik. Mas mabuti kung magkaibigan na lang kami dahil alam ko na sa paraan na ‘yon ay hindi siya mawawala sa akin.
Ang nagdaang isang taon para sa amin ay isang malaking aral para sa akin – na mas mahalaga ang pagkakaibigan kaysa sa pag-ibig. Dumadating ang panahon na ang kumukupas ang pag-ibig hanggang sa ito ay mawala. Para lang itong kotse na maganda lang kapag bagong bili. Ngunit ang pagkakaibigan ay higit pa doon – para itong alak na habang tumatagal ay lalong sumasarap. Wala man akong kotse (na Hyundai na kulay itim) o malaking sweldo, mayroon akong isang bagay na kayan kong ibigay at kaya niyang sirain – ang puso ko. Kaya hindi ko siya sasaktan, hindi ko siya huhusgahan at hindi ako maghihintay ng anumang kapalit... ngingiti ako sa kapag masaya siya, ipapaalam ko sa kanya na galit ako at aalalahanin ko siya kapag di ko siya kapiling. Sapat na ito para malaman niya na mahalaga siya sa buhay ko.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment