Monday, July 18, 2011
Epiko 5: "Bulag Ba O Nagbubulag-Bulagan?"
Makalipas ang halos dalawang buwan ng paghahanap ng trabaho bilang isang guro, nakatagpo ako ng isang paaralan na kung saan itinuturing kong bagong tahanan. Hidi ko alam kung ano ang pumasok sa isip ko noong una kong tinanggap ang trabaho dahil alam ko sa aking sarili na hindi pa ako handa sa totoong laban sa loob ng silid-aralan.
Halos isumpa ko ang pampublikong paaralan sa bayan namin dahil alam ko sa sarili ko na may kapasidad akong magturo at maibahagi sa aking mga dati kong mag-aaral ang mga hindi ko pa natapos. Pero dahil may bahid pulitika at may kamay na kasingdumi ng imburnal ang sistema ng pampublikong paaralan, mas minarapat kong humanap na lang ng iba. Hindi na mahalaga sa akin kung magkano ang sweldo o kaya ay malaking benepisyo ang naghihintay sa akin. Mas inaalala ko ang mga kabataan sa susunod na henerasyon na patuloy pa din na nasa loob ng sistemang halos isuka na ng lipunan. Masakit man sa aking kalooban, mukhang di ko na magagawang tuparin ang pangako ko sa kanila na babalikan ko sila.
Ngunit may plano ang Diyos para sa akin. Siguro ay pinili niya ang lugar na kung saan naroon ako – ang Dorothy-James Academy of the Philippines (DJAP) upang gawin ang mga tungkulin ko bilang isang guro. Sa unang tapak ko sa lugar na ‘yon, nagagam-agam ngunit napalitan ito nang nakilala ko na ang mga guro at estudyante sa loob. Bagama’t kaunti lang sila, hindi sila nalalayo sa mga nahawakan kong mag-aaral dati – para silang mixed nuts na kung saan nagkakasundo ang kanilang interes, personalidad at ugali. Idagdag mo pa ang mga guro na masasabi ko na sa sobrang bait ay mahahalikan ko ng todo. Nagapapasalamat ako sa kanila dahil naniwala sila sa aking kakayahan at katangian.
Katulad din ng mga ordianryong kabataan na nag-aaral, may ga dahilan sila kung bakit sila naroon. Pero bilang isang guro, higit pa ang gusto kong matutunan nila sa akin bukod sa mga aralin na itinuturo ko. Nais ko silang maging bahagi ng pagbabago sa lipunan na kung saan sila ay may magagawa upang baguhin ito. Sa pamamagitan ng pagpapakita sa kanila kung ano ang nasa labas ng paaralan, matututunan nila na ang edukasyon ay hindi lang nasa loob ng klase. Alam ko na marami pa silang matututunan kung iisipin nila na nag-aaral sila upang magkaroon ng puwang sa lipunan ant amging susi sa pagbabago na inaasam ng lahat. Hindi ko sila ginagawang akitbista kundi nililinang ko ang kanilang liberal na pag-iisip na kung saan higit pa sa asignatura ang kanilang pwedeng ibahagi sa nakakarami.
Kaunti lang sila – ngunit hindi ibig sabihin nito ay wala sialng magagawa. Ang tulad nila ay isang dakot na pulbura na pwedeng lumikha ng ingay o pagsabog na mabibigyang-pansin ng lahat kapag ginawang paputok at sinindihan. Hindi tulad na isang bulok na kamatis na nasa loob ng kaing na puro sariwa ang laman na kapag naihalo ay mahahawa ang iba. Ganito din ang sistema sa pampublikong paaralan sa kasalukuyang panahon – puro bulok ang nasa posisyon na ang tanging iniisip ay nag kanilang ambisyong yumaman (mamatay na ang yumaman sa pagtuturo!) at binabalewala ang kagustuhan ng mga mag-aaral na matutuo at makilala ang sarili. Nakakahinayang lang dahil nakikita ko ngayon na ang mga dati kong mag-aaral ay nakakaranas nito. Ngunti di ako nagsisisi dahil minsan sa buhay nila, naramdaman nila kung ano at sino ang totoong guro nila.
Nawa’y isang hamon ito sa mga mag-aaral, guro at mga nasa posisyon na humahawak sa pampublikong paaralan na mas isipin muna ang kahihinatnan ng mga mag-aaral bago ang pansariling interes. Makonsiyensya sana sila dahil kinabukasan ng bansa ang kanilang sinisira. Mas nanaisin ko pang makita silang bulag kaysa nagbubulag-bulagan sa mga problemang kinakaharap ng sistema ng edukasyon ng bayan.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment