Wednesday, May 4, 2011
Epiko 4: "Ang Hamon Sa Mga Makabagong Guro"
Patuloy ang paglobo ng populasyon ng mga bagong estudyante ngayong taon na ito. Ayon sa DepEd, mahigit limang milyong mag-aaral ang inaasahan nilang papasok mula sa elementerya hanggang sa hayskul sa buong bansa. Isa lang ang indikasyon nito – isa na namang dagok ito sa mga bagong guro at administrasyon ng mga pampubliko at pribadong paaralan na hindi matapos-tapos.
Pareho pa din ang mga problema – kulang sa silid-aralan, guro, libro, computer at mga gamit sa pagtuturo na mahahalaga upang maipasa sa sususnod na henerasyon ang mga krunungan na maaaring maging solusyon sa matinding hirap ng bansa. Kahit na sabihin na natin na kulang ang ginagawang hakbang ng pamahalaan, hindi maikakaila na isa na itong matinding sakit ng lipunan natin. Ngunit ang mas nakakaalarma sa likod ng mga nangyayaring mabilis na pag-usad ng teknolohiya at siyensiya ay ang mabilis na pagbulusok pababa ng metalidad, moralidad at kagandahang-asal ng mga estudyante sa kasalukuyan.
Hindi ka ba naalarma?
Kahit na sabihing sa tahanan nagsisimula ang paghubog ng mga magulang sa kanilang mga anak ng wastong pag-uugali at kagandahang-asal, malaki pa din ang nagagawa ng kapaligiran upang maimpluwensiya ang kanilang murang pag-iisip. Sa pakikihalubilo sa mga tao sa labas at sa mga napapanood, naririnig at nakikita sa iba’t-ibang klase ng mass media, nagkakaroon ng ibang oryentasyon ang isang bata sa kanilang kapaligiran na maaring bumago sa pag-iisip ng kahit sino upang matanggap siya ng lipunan. Masyadong malalim ito kung pag-uusapan sa sosyalismong aspeto.
Ngunit ang isyung ito ay naka-sentro sa mga guro. Kung ihahanbing sa mga makalumang guro ang panahon ngayon, nawala na ang disiplina at respeto sa guro ngayon dahil nagkaroon ng mahigpit na batas para sa mga gurong gumagawa ng “corporal punishment” o pananakit o pagpapahirap bilang isang uri ng disiplina. Pero sa katulad ko na lumaki sa gaitong uri ng disiplina, nakita ko sa sarili ko na may iba pang paraan para sa pagdidisiplina sa mga bata.
Kulang ang mga guro sa mga karanasan na nagpapakita ng totoong aral ng buhay. Mas naka-depende kasi sila sa libro at sa mga impormasyon na maaring mapag-aralan sa isang upuan lang. Ngunit iba kapag may karanasan ang isang guro na dating basag-ulo, naglayas, nagka-bisyo o naging tindero noong estudyante pa siya. Mas naiintindihan nila ang sitwasyon ng mga kabataan ngayon dahil minsan sila ay nagdaan sa ganitong yugto ng kanilang buhay. Mas madaling ipaunawa sa mga bata ang kagandahang-asal at wastong pag-uugali kung totoo itong naranasan ng isang nagtuturo. Ang mga karanasan niya ang magsisilbing gabay upang makahugot ng isang aral na habambuhay na dadalhin ng mga mag-aaral.
Mahalagang mahubog ang mga kabataan ngayon sa wastong pag-uugali at tamang asal sapagkat ito ang magsisilbing binhi upang magkaroon sila ng magandang papel sa lipunan. Malaki ang papel ng mga guro dito dahil sila ang mas nakakapilng ng mga bata ng mas matagal at may malaki silang impluwensiya sa kanilang murang pag-iisip. Mas makakabuti kung makikipagtulungan sila sa mga aulabng ng sa ganito ay nasa tamang landas ang tinatahak ng bata.
Mahirap ituro ang tamang asal at wastong pag-uugali pero mas mahirap kung hindi ito itinuro ng isang guro sa kanyang mga estudyante na lalong magpapalala sa sitwasyon ng ating bansa sa hinaharap.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment