Monday, May 2, 2011
Epiko 3: "Buhay Pa Ba Si Bin Laden?"
Ang buong Estados Unidos (pati ang mga kaalyadong bansa nito) ay nagdiriwang sa kumpirmasyon ni Presidente Obama na nasupil nila ang kilalang pinuno ng Al Qaeda na si Osama Bin Laden. Buong tapang niyang sinabi na ang terorismo sa buong daigdig ay unti-unti nang nawawala dahil wala na ang kinikilalang simbulo nito. Walang paglagyan ng tuwa ang mga biktima at ang hukbong sandatahan sa sinasabing isa sa mga kinikilalang malaking tagumpay ng administrasyon ni Obama.
Ngunit may malaki pang problema. Kahit ang ugat o puno ng isang ideolohiya tulad ng kay Bin Laden ay may binhing nakatanim na maaaring yumabong at maging mas matindi pa kaysa sa puno nito. Ito ang pinaghahandaan ngayon ng mga bansang kontra kay Bin Laden na maaaring pagbuhusan ng galit nito. Kahit na ang teorya ko na ang dahilan ng mga kaguluhan sa mga bansa sa Gitnang-Silanagan ay plano ng Estados Unidos para gawing liberal ang pag-iisip ng mga tao para sirain ang koneksyon ng kaalyadong bansa upang palabasin si Bin Laden, isa din itong uri din ng terorismo.
Pero ang isyu sa nangyaring ito ay ang patuloy na terorismo sa ating bansa at sa daigdig. Kahit pa siguro noong panahon na nagkaroon ng unang sibilisasyon ay may umuusbong na ganitong klaseng gawain. Kahit sa simpleng pamimirata sa dagat hanggang sa malawakang digmaang pandaigdig, umuusbong ang takot at paghihirap mula sa ibang paniniwala at ideyolohiya (tulad nina Hitler, Mussolini, Pol Pot, Marcos at Kohmeini). Sa ating henerasyon, si Bin Laden ay maihahalintulad na sa mga pinuno na nagmarka na sa kasaysayan.
Pero kahit wala na si Bin Laden, patuloy pa din ang paghahasik ng terorismo. Kahit mahirap intindihin ang kanilang paniniwala at kanilang paraan, isa lang ang dahilan nito - ang pagiging uhaw sa kapangyarihan. Kaya huwag kang magtaka na may makasalubong kang tao na may Bin Laden collectibles (T-Shirt, Bling-bling at kahit theme ng laptop) pagdating ng panahon dahil magiging imahe din siya ng kapangyarihan, tapang at kadakilaan (sa panig ng mga loyalista at tagasunod niya.)
Kung tutuusin, lahat tayo ay may "Bin Laden side" na hindi natin maiaalis. Gusto nating maging malakas at kung minsan, dinadaan natin sa takot o paggawa ng masama para matalo ang ating kalaban o kinaiinggitan natin. Normal lang ito dahil gusto natin bilang tao na maging dominante sa lahat.
Pero sana dumating ang panahon na hindi lang natin natatalo ang terorismo sa SF o sa Yuri's Revenge. Kung isasaisip natin at gagawin ang maga hakbang upang magkaroon ng simple o pangmatagalang kapayapaan, alisin na natin "Bin Laden side" natin. Ang pagbibigay-halaga sa buhay at pagbabahagi ng kaisipang mapayapa ang susi upang tuluyan nang mawala ang terorismo hindi lang sa mundo kundi sa puso ng bawaat isa sa atin.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment