Thursday, April 28, 2011

Epiko 2: “Lahat Tayo ay May Pope John Paul II sa Sarili”



Sa darating na unang araw ng Mayo ay babasbasan na si Pope John Paul II bilang isang banal sa pamamagitan ng proseso ng “beatification” na kung saan ay pwede nang dasalan ang naturang namayapang Santo Papa na magsisilbing tulay sa pagitan ng tao at Diyos. Ito na din ang huling hakbang upang siya ay maging ganap na santo para sa aming mga Romano Katoliko.

Kinalakihan ko na si Pope John Paul II. Hindi lang ako makapaniwala na sa mabilis na panahon pagkatapos niyang sumakabilang-buhay ay mararating niya ang estado ng pagiging banal. Hindi naman maitatanggi ang naiambag niya sa sangkatauhan pagdating sa relihiyon, kapayapaan impluwensiya sa mga bansang kanyang pinuntahan. ang kanyang karisma at pagiging malapit sa tao ay isang matibay na ebidensiya na malapit ang Diyos sa atin.

Ngunit paano ba ang maging banal? Dapat ba ay palagi kang nagdarasal, sumisimba, naglilingkod sa simbahan, nag-aabuloy ng malaki at nagkakawang-gawa? Panno kung hindi ka madasalin, palasimba, may malaking responsibilidad sa pamilya o gobyerno o di kaya ay wala kang yaman na malaki? May pag-asa ka pa bang maging banal?
Mula sa panahon na kung saan ang mga Kristiyano ay inuusig, maraming mga Santo at mga banal ang isinikripisyo ang kanilang materyal na bagay o nagbuwis ng kanilang buhay bilang martir lingkod ng simbahan o martir. Pero mapapansin ang iisa nilang gawain, ang manalangin ng taos-puso at ipinagkakatiwala nila ang kanilang buhay sa Diyos bilang instrumento Niya sa mga tao upang sila ay mapalapit. Ang bawat sakripisyo, pawis at dugo na ay kanilang iniaalay sa Diyos upang magawa nila ng tama at maayos ang kanilang misyon o tungkulin. Higit sa lahat, ikinakalat niya ang pinakamahalagang utos ng Panginoon na “At ang umiibig sa Kanya ng buong puso, buong isip, at buong lakas, at ang umiibig sa kanyang kapwa gaya ng kanyang sarili ay higit na mahalaga kaysa magdala ng lahat ng handog na susunugin, at iba pang mga hain” (Marcos 12:13)

Isang malaking himala ang ginawa ni Pope John Paul sa mga Pilipino. Sa mga panahon ng krisis, problema at kalamidad, hindi siya nakakalimot na ipinalangin tayo at kapag sinuswerte ay binibisita tayo sa bansa na bihira sa mga nagdaang Santo Papa. ‘Yun nga lang, may mga kritiko at mga nagtangka din sa kanyang buhay. Ngunit hindi siya nagtanim ng sama ng loob sa mga ito. Bagkus ay siya pa ang lumalapit sa mga ito upang kausapin at makipagkasundo sa pangalan ng Diyos. May mga testimonya sa bawat sulok ng daigdig na malaki ang ginawang impluwensiya at pagbabago ang ginawa ng Santo Papa sa kanilang buhay na naging pundasyon ng kanilang matibay na pananampalataya at pananalig sa Diyos.

Simple lang ang tinutumbok ko – maging mabuting halimbawa si Pope John Paul II sa mga taong nakaklimot na sa kanilang sarili na mapalapit sa Diyos. Siya nawa ang tularan ng mga taong may kapangyarihan at katungkulan ng kababaang-loob at pagmamalasakit sa kapwa. Siya nawa ang maging ehemplo ng modernong kabataan sa mabuting asal at wastong pag-uugali. Siya nawa ang maging liwanag sa mga taong nawawalan ng pag-asa at hindi nagtitiwala sa Diyos. Maging instrumento siya ng pagkakaisa at kapayapaan ng buong mundo sa gitna ng krisis na kinakaharap ng bawat bansa. Higit sa lahat, maging paalala siya na kahit tayo ay tao lang, may magagawa tayo para maging malapit at magkaroon ng matibay na pananampalataya sa Diyos at sa ating kapwa tulad ni Kristo na nagsakripisyo din para mailigtas tayo.

Mahalaga ang araw na pagbabasbas upang maging banal si Pope John Paul II para sa akin. Siya ang aking inspirasyon at mabuting halimbawa sa pagiging malapit sa Diyos at gumawa ng kabutihan para sa nakakarami. Hindi lahat ng tao ay pwedeng maging santo o banal tulad niya ngunit lahat tayo ay may pagkakataon para maging malapit sa Diyos sa pamamagitan ng taimtim na panalangin at gumawa ng mga bagay at utos na naayon sa Kanyang ninanais. Lahat tayo (maging si Pope John Paul II) ay kasangkapan ng Diyos upang gumawa ng kabutihan sa ating kapawa at sa lahat ng nabubuhay sa mundo kaya dapat tayong umayon at gawin ang kanyang ninanais na taos sa puso at walang halong pakitang-tao.

Lahat tayo ay may Pope John Paul II sa ating pagkatao. Ang dapat lang nating gawin ay ilabas natin ito.

No comments:

Post a Comment