Tuesday, November 19, 2013

Epiko 73: "Si Emong at si Chi-Chi Part 2"


May kwento akong ibabahagi sa inyo...

Isang gabi, habang nakatingin ako sa kawalan at nakakaramdam ng matinding lungkot at kawalan ng pag-asa, isang text message mula sa hindi inaasahang tao ang aking natanggap.  Sa isang iglap, biglang nawala ang aking lumbay at napalitan ng ngiti na abot hanggang langit. Ang kanyang text message ang naging mitsa ng aming magdamag na usapan. Matagal-tagal na din noong huli namin itong ginawa. Naaalala ko ang unang pagkakataon na naging ganito kami – ang araw na hiningi ko ang number niya dahil gabi na kami nakauwi glaling sa school kung saan kami unang nagkita at nagsama. Naalala ko ang gabing ‘yun, hindi agad ako umuwi kasi nakita ko siyang malungkot at nararamdaman ko na kailangan niya ng kasama. Nilapitan ko siya. Bumalik muli sa aking alaala ang unag beses ko siya nakita – pakiramdam ko ay bumuka ang langit sa pagdating niya habang tumitigil ang oras. Noong una pa lang, alam ko sa sarili ko na may isang tao na magbabago ng aking kapalaran. Hindi ako nakahinga at nakapagsalita noong una.
Naalala ko ang araw na ‘yun na unang gabi na nagkasabay kaming umuwi. Kahit wala nang liwanag ng araw, pakiramdam ko ay punong-puno ng bulaklak at paru-paro ang aming dinadaanan kasabay ng mga anghel na kinakantahan kami mula sa langit. Punong-puno ng tawanan at ngiti ang gabing ‘yun na hindi ko na makakalimutan hanggang sa mamatay ako. Naalala ko din na iyon ang unang pagkakataon na inihatid ko siya kanilang bahay. Walang mapaglagyan ang tuwa at galak ko habang pauwi. Hindi ako makatulog noong gabing ‘yun.
Doon na nagsimula ang unang magdamag na magka-text kami. Sa mga oras na ‘yun, doon ko siya nakilala ng lubusan. Doon ko naramdaman ang isang espesyal na nararamdaman para sa kanya. Simula noon, naging malapit na kami sa isa’t-isa. Nagtutulungan sa mga gawain sa school, nag-uusap ng mga bagay-bagay na aming magustuhan, kumakain ng ice cream, donut at kung anu-ano na gusto niyang pagkain. Masaya ako at ibinalik niya ang ngiti sa aking mukha mula a isang madilim na nakaraan na aking nalampasan dahil sa tulong niya.

Noong umalis na kami sa school upang bumalik sa aming huling semestre ng kolehiyo, hindi naputol ang aming pagkakaibigan. Kahit na malayo ang aming unibersidad (na parehong satellite campus ng CvSU), kahit magkaiba kami ng relihiyon, kahit magkaiba ang aming interes at hilig, at kahit langit at lupa ang aming pagitan, hindi ito naging hadlang upang mapanatili ang aking nararamdaman sa kanya. Kahit noong naka-graduate kami at nag-review ng sabay sa board exam, magkasama pa din kami. Sa unang pagkakataon, naramdaman ko mula sa kanyang pagtitiwala at kaligtasan. Doon ko ipinangako sa sarili ko na hindi k o siya sasaktan at iiwan kahit buhay ko pa ang kapalit.
Hanggang sa umalis siya ng hindi nagpaalam...

Hinanap ko siya na parang mababaliw ako. Pakiramdam ko nawala ang isang tao na kahati ng aking pagkatao. Sinubukan kong magmahal muli ngunit nabigo ako. Akala ko noong una siya ang hihilom sa kanyang pagkawala ngunit mas lalo ko siyang hinanap noong nakalugmok ako sa isang lugar na sinira ang aking pagkatao, binura ang aking dangal, at higit sa lahat, itinuring ako na patay sa loob ng isang buwan. Akala ko habambuhay na ako malulugmok sa impyernong lugar na ‘yon. Ang akala kong babae na aking minahal matapos niya akong iwan ay hindi ako nakuhang ipagtanggol at ipaglaban. Doon ko napatunayan sa sarili ko kung gaano ko siya kailangan sa mga oras na ‘yon at sa oras na malaman niya na ako ay naroon, mag-iiba ang tingin niya sa akin. Nang nakaalis ako sa lugar na ‘yon, maraming tao ang nagsaakripisyo para sa akin kaya nagdesisyon ako na umalis at manirahan sa lugar na pwede kong makalimutan ang isa sa mga madidilim na kabanata ng buhay ko. Sa paraan na ‘yon, pwede ko nang kalimutan nag lahat at sikaping mamuhay ng isang normal na tao.

Doon ay muli siyang nagbalik... isang text mula sa kanya at nabuhay muli ang aking natutulog na pakiramdam sa kanya. Muli ay nagbalik ang aming komunikasyon. Bumalik muli ang ngiti sa aking mukha tulad nang una ko siyang nakita.

Natagpuan ko ang aking bagong buhay sa isang paaralan na tinanggap ako na higit pa sa isang tauhan – isang pamilya na nagbigay sa akin ng bagong pag-asa para ipagpatuloy ang aking buhay. Doon ay naging tapat at nagsikap ako upang matulungan ang mga bata na hindi naiitindihan ang realidad ng buhay. Binalikan kong muli ang babaeng nagbigay ng malking peklat sa aking puso. Binalikan ko siya sa pag-aakala kong maaari ko pang maisalba ang lahat. Ngunit sa bandang huli, iniwan din niya ako.

Sa mga oras na ‘yun na nag-text siya sa akin, nagkaroon muli ng pag-asa ang aking pusong may pighati. Siya ang dahilan kung bakit ko kailangan magpatuloy sa buhay. Siya ang nagbigay-kulay sa buhay ko. Hindi ako nagsisisi sa mga kalungkutan at sakit na aking nararamdaman. Sa halip, nagpapasalamat pa ako dahil sa mga panahon na hindi ko na kayang mabuhay pa, bigala siyang dumadating, nagpaparamdam na tila nagpapaalala na may pag-asa pa. Hanggang nagyon, hindi ako nagsasawang balikan ang aking mga alaala noong nagkasama kami. Sa tuwing uuwi ako ng Silang, bukod sa gusto kong bisitahin ang aking pamilya, binabalikan ko ang ang mga lugar na kung saan nag-iwan siya ng mga masasayang alaala sa akin – mula sa school kung saan kami nag-practice teaching, sa mga kalsada dinadaanan namin sa tuwing  ihahatid ko siya hanggang sa mga pagkain na aming kinakain kapag magkasama kami. Sa tuwing ginagawa ko ‘yon, bumabalik sa aking gunita ang kanyang mukha at tila parang kasama ko siya sa mga sandaling iyon. Ang sarap sa apkiramdam at hindi ako mapapagod na balkan ang mga ‘yon dahil binubura nito sa aking isip ang pagod, hirap, sakit, pighati at takot.

Hanggang sa dinagdagan ko pa ang aming magagandanng alaala noong nagkita kami makalipas ang isang taon. Marami nang nagbago sa aming buhay ngunit ang aking nararamdaman ay hindi nagbago. Sa aming muling pagkikita, gusto ko siyang yakapin ngunit hindi ko magawa. Hindi ko alam kung saan ako kumuha ng lakas para mahawakan siya at kausapin siya ng buong araw. Naaalala ko din ang unang larawan na matino kaming magkasama. Sobrang saya ko na nagkaroon kami nito at itinuturing ko itong isang napakahalagang kayamanan sa buhay ko. Sa tuwing naalala ko ‘yon, lalo akong nananbik sa muli naming pagkikita.

Sa buhay, may mga pagkakataon na may nakikilala tayo ng hindi sinasadya na babago sa ating buhay at kapalaran. May taong darating na handa mong gawin ang lahat para maging masaya kayong dalawa. May darating na tao sa buhay natin na iingatan at aalagaan at ituturing na kayamanan ang inyong pinagsamahan. May isang tao na magtuturo sa ‘yo kung ano ang halaga ng buhay. May taong handa mong ipagtanggol sa malupit na mundo na mayroon tayo. May isang tao na magbibigay ng inspirayon sa ‘yo sa bawat gawain. May mahalagang tao na hindi mo kayang mabuhay kahit wala siya. Ngunit ang pinaka-ugat nito ay may isang tao na nilikha para sa ‘yo upang mabuhay ka ng masaya.

 
 

 

 

 

Thursday, November 7, 2013

Epiko 72: "Isang Pasasalamat"


Mula noong nagsimula ang The Emong Chronicles apat taon na ang nakakaraan, natatandaan ko pa kung ano ang puno’t dulo nito. Mula sa isang malaki at malalim na hukay ng kalungkutan na mayroon ako ay ibinuhos ko ang aking panahon sa pagsusulat upang mailabas ang lahat ng aking sama ng loob at kalungkutan. Ngunit sa paglipas ng mga epiko na aking isinulat, naging isa din itong daan upang maipahayag sa isang napakahalagang tao na aking nakilala na nagligtas sa akin sa kalungkutan na halos ikamatay ko ang aking nararamdaman.

Muli, sa isang hindi  maipaliwanag na sitwasyon sa buhay ko, muli akong nahulog sa matinding depresyon at nakita kong muli ang kamay niya. Naalala ko ang isang episode sa Kamen Rider OOO na kung saan si Hino Eiji, isang tao na wala nang nararamdaman na kasakiman at pagnanasa dahil sa mga nangyari sa kanyang buhay ay nahulog sa matinding kadiliman ng kanyang pagkatao. Si Izuma Hina, isang kaibigan na tinulungan ni Hino Eiji ay napagtanto ang sakit na kanyang nararamdaman. Si Izuma Hina ang nagsilbing lakas at gabay ni Hino Eiji kung kaya siya muling nakatayo. Alam ni Izuma Hina ang ang sakit, hirap at kalungkutan ni Hino Eiji kaya hindi siya umalis sa kanyang tabi.

Marahil ay maihahalintulad ako kay Eiji Hino at si Sherry Rose kay Izuma Hina. Sa mga oras at panahon na hindi ko alam ang gagawin ay bigla na lang siyang lilitaw at sa hindi maipaliwanag na sitwasyon, pakiramdam ko ay lumalakas ang aking loob. Nagkakaroon ako ng tatag ng loob na harapin ang lahat ng mga pagsubok. Parang handa akong masaktan ng paulit-ulit dahil alam ko na nandyan siya at patuloy na pinalalakas ang aking kalooban. Sa hindi ko maipaliwanag na dahilan. Napapangiti ako habang umiiyak an puso ko, tumatawa ako kahit mabigat na ang kalooban ko at lumalaban ako sa mga pagsubok kahit wala na akong pag-asa sa laban. Dalawang beses na niya akong iniligtas. utang ko sa kanya ang lahat ng aking saya. Nagsilbi siyang huling pag-asa ko.

Sa dinami-dami ko nang blog na isinulat para kay Sherry Rose, ito na siguro ang paraan para mapasalamatan ko siya sa mula nang una ko siyang makilala hanggang sa kasalukuyan. Alam ko sa sarili ko na hindi pag-ibig ang nararamdaman ko sa kanya. Sa mga babaeng nakilala at dumaan sa buhay ko, hindi siya ordinaryo. Hindi ko masasabi na higit pa doon ang nararamdaman ko dahil isa lang ang ayokong mangyari – ang mawala siya sa akin. Siya ang dahilan kung bakit ako nakakangiti, nakakatawa, at kung bakit may lakas ako ng loob upang harapin ang araw na dumadaan. Masaya ako na kahit malayo siya sapagkat hindi siya nawala sa akin.  At higit sa lahat, siya ang nagsilbing pag-asa ko... ang aking huling pag-asa.

Friend, Girlie, Che, o kung ano man ang tawag ko sa ‘yo... maraming salamat. Muli ay iniligtas mo ako sa isang madilim na hukay. Salamat sa kamay mo na nagtayo muli sa akin at naging lakas ko upang harapin ang mga araw na darating. Magiging maayos din ang lahat. Basta diyan ka lang at huwag mo ako iiwan... friend, Girlie, Che, o kung ano man ang tawag ko sa ‘yo...