Friday, August 30, 2013

Epiko 67: "Digmaang Sibil ang Solusyon"

Hindi ako nabigla sa paglabas ng isang tao na maglalakas-loob na kasabwat siya sa isang matindinding eskandalo sa kasaysayan ng pulitika sa Pilipinas. Malaking pera ang pinag-uusapan dito... at hindi lang basta malaking pera – pera ito ng na mla sa mga Pilipino.

Si Gng. Napoles ay isa sa mga (sabihin na natin) Pilipino na may malaking impluwensya sa mga pulitiko na may pansariling interes na makakuha ng “pork” o pera. Ngayong sumuko na siya at mukhang galit-na galit ang mga kaibigan niya sa pulitika dahil alam na nila na mapapahamak sila.

Kung iyong susuriin, bakit may mga tao na handang maglabas ng malaking pera at mamatay  makuha lang ang isang pwesto sa kamara o senado? Ano ba talaga ang makukuha nila kapag sila ay nakaupo na?

Kahit hindi mo naman sagutin, alam mo kung bakit.

Nakaktawa lang na isipin na ang pulitika sa Pilipinas ay ila isang malaking “negosyo” Hindi sapat ang kapangyarihan upang mapasunod ang mga tao. Kailangan mo nang pera para maging makapangyarihan ka. At dahil malaki ang pera na pwedeng makuha dahil sa “pork barrel”, gagawa at gagawa sila ng paraan para makuha ang pera ‘yon hindi lang para maging makapangyarihan sila kundi pati na din sa kanilang personal na interes. Sa likod ng kanilang personal na ineres ay may isang “Napoles” na nakikinabang habang ang nakakarami ay nagrereklamo tungkol sa kanilang mga sirang kalsada, kulang na silid aralan, mga bagong trabaho at proyekto mula sa pamahalaan para maging maginhawa ang kanilang pamumuhay.

Sabi nga sa kasabihan, may hangganan din ang lahat. Marami nang mga Pilipino ang tila natauhan at naging mapagmatyag sa ginagawa ng kanilang mga pinuno na nakupo sa pwesto. Noong nakaraang Agosto 26, pinatunayan na ng marami sa atin na dapat kolektibo tayong kumilos at magsalita ukol sa isyu na lahat tayo ay apektado. Kailangan din natin ng iba pang “Napoles” para isiwalat ang iba at magbayad sa kanilang ginawang paglulustay sa bansa.

Kaduda-duda man ang pagalabas ni Napoles sa mga panahon na ito, iisa alang ang malinaw – nagising na ang Pilipino sa mga ginagawa ng ating mga pulitiko. At ang mga pulitiko? Siguro ay nag-iisip-isip na sila sa kanilang ginagawa. Kung bibigyan lang ako ng pagkakataon, civil war lang solusyon kung hindi maaayos ang isyu na mayroon tayo.

Ano nga ba ang civil war?

Sa malinaw at simpleng perspektibo, parang paglilinis lang ito ng bubong ng bahay na kung saan nagmumula ang lahat ng kalat at dumi. Dahil kung lilinisin lang natin ang mababang parte ng bahay, patuloy na madudumihan ito sapagkat ang mga dumi mula sa bubong ay baba at kakalat sa paligid. Gayundin ang civil war. Sa pamamagitan ng digmaang sibil, malilinis at mawawala ang mga tao sa gobyerna na nagpapadumi sa ating lipunan. Ang paraan na paglilinis nito ay medyo madugo at maraming tao ang mamamatay. Ngunit ganito talaga ang patakaran ng buhay sa mundo, sa bawat tagumpay ay kailangan may magsakripisyo sa ikabubuti ng lahat.

Alam ko na taliwas ito sa inyong paniniwala pagdating sa demokrasya na mayroon tayo. Ngunit dahil mahilig tayo sa mabilisang solusyon at pagod nang magsalita sa mga nagbibingi-bingihang pulitiko na imbes na tulungan ay ninanakawan pa tayo, civil war ang sagot.

Thursday, August 29, 2013

Epiko 66: "Ulan"


Wala akong ganang magsulat ng blog ngayon dahil sa dami ng aking ginagawa, nawalan na ako ng oras para magsulat sa pitak na ito. Ngunit dahil umuulan, may mga bagay ako na naaalala na gusto ko nang kalimutan.

Ang ulan – kung iyong papansinin ay isang natural na galaw ng kalikasan. Ang tubig mula sa lupa ay unti-unting natutuyo at umaakyat sa langit upang mabuo ang mga ulap na minsan ay nagsisilbing panangga natin sa mainit sa sikat ng araw. Kapag bumigat ito, unti-unti itong babagsak upang maging ulan. Kung ikukumpara ito sa bagyo at sa iba pang mapaminsalang kalamidad, ito ay nagbibigay ginhawa sa tuyot na lupa at sa uhaw na mga halaman na nasa ilalim ng sikat ng araw.

Tulad ng ordinaryong panahon, may ulan din na dumadating sa ating buhay. Ang mga ulan na ito ay mula sa mga pagsubok at problema na ating nararanasan. Sa konteksto ng literatura, ang ulan ay sumisimbulo sa kalungkutan at luha ng isang tao. Ang tubig na mula sa taas ng langit ay nagsisilbing luha ng Diyos na nakikisimpatya sa wasak na wasak na puso at kaluluwa ng isang tao.

Ang ulan din ay isang paalala na ang tao ay marupok. Ang kahinaan ng damdamin ng isang tao na labanan ang isang matinding pagsubok sa buhay ay pwedeng ihalintulad sa mga patak ng ulan na hindi pwedeng maiwasan kapag nasa labas. Kahit may panangga ka dito, mababasa ka pa din ng paghihirap.Hindi ka makakatakas. Hindi ka makakaiwas.

Para sa akin, ang ulan ay sumisimbulo ng isang babae na nagbigay pasakit o pighati sa puso ko. Maaaring ihalintulad ko ang aking mga luha sa mga patak nito na bumubuo ng matinding pinsala sa aking damdamin. Kung sabagay, ilang ulan na din sa buhay ko ang dumaan at nalamapasan ko ang mga ito. Tinuruan ako nito na maging matatag na harapin ang bagong simula sa aking buhay.

Siguro nga na hindi dapat mawala ang ulan sa buhay natin, literal man o hindi ang pagkakabigay natin ng kahulugan dito. Sa bawat patak nito, pinapaalala nito sa atin ang maraming bagay na nagbibigay sa atin ng iba’t-ibang pakiramdam at alaala. Dapat pa nga ay lumabas at magpaulan ka. Damhin mo ang bawat patak nito. Sumayaw ka, umiyak o tumawa, bahala ka. Minsan lang umulan at hindi ito pangmatagalan, sa bandang huli, titila din ito.

Monday, August 26, 2013

Epiko 65: "Balabal"



Mahilig akong maglagay ng mga accessories sa katawan. Noong kabataan ko, marami akong beads na kwintas at bracelet na sumasalamin sa aking personalidad. Nakakadagdag din ito ng appeal sa akin at nagbigay sa akin ng mataas na tiwala sa sarili.

Ngunit sa paglipas ng panahon, nawala na ang mga ito. Tulad ng mga alaalang punong-puno ng magaganda at masasakit na alaala, ito ay aking pilit na kinakalimutan. Ngunit hindi maiwasan na may mga bumabalik pa din sa isip ko sa oras na nag-iisa ako o may mga bagay na nagpapaalaala sa akin.

Ngayon, naisip ko na nais kong gumawa ng bagong mga alaala. Kailangan ko lang ng isang bagay na magpapaalala sa akin na ito ang gusto kong gawin. Naisip ko ang isang bagay na sa tingin ko ay perpekto para dito - balabal.

Isa itong maliit na piraso ng tela na pwedeng proteksyon sa lamig, init at alikabok. Ginagamit din ito upang itago ang sarili sa maraming tao o kaya ay pantakip sa kahit na anong parte ng katawan. Hindi din ito nawawala sa uso.

Bukod sa ito ang isa sa mga signature accessories ng aking paboritong super hero na Kamen Rider, ito na marahil ang bagay na idagdag sa aking pang-araw-araw na kasuotan. Nais ko nang magkaroon ng isang buhay na matagal ko nang hinahanap sa buhay ko. Maaaring tulad ako ng isang balabal na gustong itago ang aking tunay na katauhan sa nakakarami. Pero sa kabilang banda, nais ko din protektahan ang mga tao na mahahalaga sa akin at magsilbing init sa mga malalamig at  manhid na puso.

Para sa akin, ang balabal din ang simbulo ng katandaan at pagkakaroon ng malawak na pag-unawa sa mg bagay-bagay sa mundo. Masyado nang marami ang naranasan ko sa buhay. Ito na din ang magsisilbing paalala na dapat ko nang harapin ang katotohanan na pilit kong tinatakasan. Pagdating sa pag-ibig, ito din ang magsisisilbing taklob sa puso kong hindi nadadala sa pag-ibig na sumira sa aking tunay na pagkatao. Nais kong itago ang puso kong mapaglaro at mahimlay na ito sa kanyang pananahimik. Hindi ko sinasabi na hindi na ako iibig pa. Kilala ko ang puso ko. Kailangan nito ng isang harang upang hindi ito maging mapusok at mapaglaro. Ito marahil ang silbi ng balabal para sa akin.

Marahil sa oras na makita niyo akong nakabalabal sa isang lugar, iisipin niyo marahil na nagpapansin o may pinagtataguan akong isang tao. May malalim akong dahilan kung bakit ko ito isinusuot at malamang na dala ko na ito hanggang sa aking pagtanda. Hindi ko na iisipin ang mga sasabihin ng mga tao sa aking paligid kung bakit ako nakasuot nito. Ang importante, makikilala niyo ako bilang bagong ako sa ganitong bagay.

Hindi masama ang pagbabago sa sarili. Sa oras na makilala mo na ang iyong sarili, hindi mo na iisipin ang sasabihin ng iba. Ang mahalaga, natagpuan at kilala mo na ang sarili mo.

 

 

Sunday, August 18, 2013

Epiko 64: "Ang Babaeng May Taglay na Sumpa"

Pangarap ng bawat kababaihan na hangaan ng nakakarami. Kung may taglay kang kagandahan, busilak na kalooban at talento, maraming lalaki ang magkakandarapa at marami ding babae ang maiinggit sa ‘yo. Wika nga ng isa sa mga kanta ng bandang Space, “the female of the species is deadlier than the male”. Makamandag, nakakatakot, at higit sa lahat, punong-puno ng misteryo ang “perpektong babae”.

Kung ako ang tatanungin, may nakilala akong babae na sa tingin ko ay masasabi ko na perpekto.

Ang kanyang talento sa talento kapag  tumuntongat sumayaw  na siya entblado ay isang napakagandang tanawain na higit pa sa Shangri-La, Paris, Prague at sa kahit anong lugar sa mundo. Pakiramdam ko ay higit pa sa paraiso ang makita ko siyang sumusunod sa daloy ng musika habang ang katawan niya ang nagbibigay ng buong emosyon habang nagtatanghal.

Kung tatanungin naman ang kanyang taglay na kagandahan, higit pa sa anghel o kahit na anong magandang nilalang sa daigdig. Ang kanyang mukha ay isang matamis na alaala na pilit mong babalikan na nagmamarka sa isip at puso. Parang kuryente ang kanyang mga titig na unti-unting pumapatay sa puso ng bawat kalalakihan. Ngunit ang pinakamatindi sa lahat ay kanyang ngiti na masasabi kong mala-Mona Lisa na walang katumbas na kayamanan sa mundo.

Bihira lang ako makakilala ng babaeng na masasabi ko na may taglay na kabutihan (halos lahat kasi ng mga babae na duman sa buhay ko ay salbahe). Kahit noong una ay mukha siyang imposible na makasundo, hindi ko na napigilan ang puso ko na mahulog sa kanya nang tuluyan ko nang makilala ang kanyang totoong pagkatao na napaka-natural at walang tinatagong sikreto.

Ngunit hindi alam ng babae na tinutukoy ko na may taglay din siyang sumpa. Isang sumpa na sa tingin ko ay ipinagpapasalamat ko na mayroon siya. Alam ko na hindi lang ako ang lalaking humahanga sa kanya. Alam ko na may mas higit pa na halos magpa-alipin o magpakamatay lang para makuha ang puso niya.

Hindi naman sa hinuhusgahan ko siya pero dahil sa dami na ng babae na dumaan sa buhay ko, kilala ko ang mga katulad niya. Wala akong ideya kung ano ang tumatakbo sa isip niya sa mga panahon na ito pero alam ko na wala sa tipo niya ang mga katulad ko. Kung sabagay, hinahangaan ko siya pero hindi ito sapat para masabi ko na gusto ko siya... dahil ayokong makaranas ng sumpa. Habang maaga pa, hindi ko na lang binibigyan ng pansin ang nararamdaman ko para sa kanya.

Sa tagal-tagal ko nang nagsusulat ng The Emong Chronicles, iniaalay ko ang epikong ito sa babaeng masasabi ko na nagbigay ng marka muli sa puso ko – isang sumpa na nagpapaalala sa akin na ako ay marupok, mahina at nasasaktan. Salamat sa kanya, natauhan ako at hindi nagpatalo sa sumpa na kanyang taglay. Hindi ko kailangan ng babaeng maganda, matalino at talentado. Ang kailangan ko, isang babae na marunong magmahal at magpahalaga sa akin.