Sa mga oras na ‘to, hindi ko pa din matapos ang binabasa
kong libro na “The Pretenders” ni F. Sionil Jose. Sa aking pagbabasa ay tumatak
sa akin ang bida ng kwento na si Tony. Kahit papaano, nararamdaman ko ang karakter
niya habang nagbabasa ng isa sa mga kilalang libro ng National Artist for
Literature. Marahil ay katulad din niya ako na nagpapanggap sa mga tao sa
paligid niya upang matupad nag kanyang mitihiin. Pero sa huli, maiisip niya na
ang katotohanan ay hindi matatakasan.
Siguro nga ay nabubuhay tayo sa katotohanan na masaklap,
malupit at hindi patas. Kaya nga mayroon tayong delusyon sa ating mga
pag-iisip. Kung ang katotohan ang nagbibigay linaw sa ating pagkatao, ang mga
delusyon namn natin ang nagbibigay pag-asa sa atin para mabuhay. Malamang
nabubuhay ka sa pantasya na ikaw ay isang milyonaryo o sikat na artista o isang
bayani na may kakaibang kapangyarihan. Normal lang ito sapagkat mga tao at may
kanya-kanyang delusyon.
Ngunit paano kung ang delusyon mo ay nagkaroon ng koneksyon
sa katotohanan? Ano ang gagawin mo? Ano ang pipiliin mo? Saan mo gustong
mabuhay?
Bilang isang manunulat, 90% ng buhay ko ay nabubuhay sa
delusyon dahil halos lahat ng isinusulat kong kwento ay galing doon. Ngunit
nalalabing 10% porsyeto ng aking pagkatao sa katotohanan ang hindi ko maaaring
ipagpalit sa delusyon na mayroon ako. Iba pa din kapag alam mo ang katotohanan
na nangyayari sa buhay, pag-ibig at lipunan na aking ginagalawan. Mas ramdam ko
ang pagiging tao. Ngunit dahil sa delusyon na mayroon ako, naiisip ko ang mga
bagay na imposible na maaring magkatotoo at mga pangarap na kaya ko pang gawin.
Pipiliiin kong mabuhay sa katotohanan na may delusyon aong pinanghahawakan
kaysa sa delusyon na hindi naman pwedeng maging katotohanan. Masakit man itong
tanggapin, ito ang pinagmumulan ng aking lakas para magpatuloy sa buhay.
Delusyon ang bagay kung bakit tayo nagkakaroon ng pangarap
patungo sa katotohanan. Huwag nating kalimutan na kaya tayo may utak ay hindi
lang para gamitin sa pag-iisip at mangatwiran. Ginagamit din natin ang ating
utak para maging isang tao na may delusyon na maabot ang lahat ng ating
minimithi.
Kailangan bang mabaliw para magkaroon ng matinding delusyon?
Sa tingin ko, hindi.
Mas baliw ang walang delusyon sa
katawan.