Tuesday, October 11, 2011

Epiko 8: "Huwag Mo Nang Itanong Kung Bakit"




May mga pagkakataon na naiisip natin kung bakit tayo nabubuhay. Kung tutuusin nga, baka isa o dalawang beses mo lang ito naisip sa loob ng mga taon na nabubuhay ka. Kung titingnan natin, likas sa mga tao ang tanungin ang kanilang sarili ng “Bakit.”

Bakit?

Bakit nga ba?

Ang tanong na nagsisimula sa salitang bakit ay maituturing na pimakamataas na antas ng diskurso. Maraming linggwista at mga dalubhasa sa pakikipag-komunikasyon ang nagsasabi na kapag tinanong ka ng “bakit”, isang proseso ang magaganap na kung saan bubuo ang iyong kaisipan ng mga dahilan, katibayan na nabubuo sa maayos na pakikipagtalastasan pasulat man o pabigkas.

Sa madaling salita, ito ang mga tanong na binubuo ng mga pilosopo.

Bakit?

Paano kung hindi nagtanong ng bakit si Galileo? Malalaman ba niya na may gravity?

Paano kung hindi nagtanong ng bakit si Copernicus? Malalaman ba natin na umiikot ang mundo sa araw?

Paano kung hindi nagtanong ng bakit si Rizal? Lalaya ba tayo sa mga Kastila?

Paano kung hindi nagtanong ng bakit si Bin Laden? Bobombahin ba niya ang World Trade Center?

Paano kung hindi nagtanong ng bakit ang mga Pilipino kay Gloria Macapagal-Arroyo? Maabswelto ba siya sa mga kasalanan niya?

Paano kung hindi nagtanong ng bakit ang producer ng Glee? Lalabas pa kaya si Charice sa susunod na season?

Paano kung hindi ako nagtanong ng bakit? Magkakaroon ba ako ng blog?

Bakit nga ba ngayon ko lang ito natanong sa sarili ko?

Kung minsan kasi hindi na natin napapansin na may pagka-kumplikado din ang mga simpleng tanong kung magsisimula sa “bakit”

Ang buhay ay napakasimple ngunit nagiging kumlikado sa paglipas ng panahon. Ito ay dahil pinipilit nating sagutin ang mga tanong na “bakit” sa ating buhay. Ang nangyayari, hindi nagiging maayos ang lahat.

Bakit kaya?

Simple lang ang buhay… huwag mo nang tanungin kung bakit.

No comments:

Post a Comment