Thursday, October 13, 2011

Epiko 9: "Ang Mga 'S' Sa Buhay ni Emong"



_a tingin niyo, anong ang kulang na letra _a pangungu_ap na ito?

Siguro naman hindi ka tanga dahil kahit grade one ay kaya itong sagutin.

Mahalaga ang letrang “S” sa paggamit ng wika. Dahil maraming salita ang kulang o nag-iiba ang kahulugan kapag wala nito o meron nito. Halimbawa, Ang salitang “Humahangos ay nag-iiba ang kahulugan kapag inalis mo ang letrang “S.” Pero kung dadagdagan mo sa unang parte ng letrang “S” ang salitang “ex-girlfriend,” siguradong iba na ang tumatakbo sa isip mo dahil manyak ka. (Joke lang). Hindi makukumpleto ang mapa kung wala ang letrang “S” na nangangahulugang “South.” Ang letrang ito ay nagbibigay-interpretasyon sa mga bagay na liku-liko o kaya naman ay pasikot-sikot.

Para sa akin, mahalaga ang letrang “S” dahil ito ang perpektong representasyon ng mga taong naging parte at masasabi kong nagbigay ng malaking kontribusyon sa aking pagkatao. Mayroong tatlong “S” sa buhay ko.

Ang Unang “S”: Siya ang nagpakita sa akin kung ano ang pakiramdam ng pag-ibig noong aking kabataan. Siya ang aking kababata na kung saan siya din ang nagsilbing ehemplo ng isang pag-ibig na unti-unting umuusbong tulad ng isang halaman hanggang sa mamulaklak. Sa kanya ko naramdaman at napatunayan na ang pag-ibig ay nakakapaghintay. Pero sinaktan ko siya… Iyon ay dahil kailangan kong gawin ang isang bagay na mahirap para sa akin – ang magpakasal. Inakala ko noon na siya ang babaeng makakasama ko sa habambuhay. Pero tulad din ng mga bulaklak, awitin at damit na de colores, lahat ay kukupas at lilipas din pagdating ng tamang panahon.

Ang Ikalawang “S”: Mula sa aking mapaglarong pag-eeksperimento, nakilala ko ang isang “S.” Noong una, nahulog ako sa kanyang maamo at inosenteng itsura. Ngunit sa likod ng kanyang pagkatao ay isang demonyo na pinaglaruan ang aking puso. Aminado ako na minahal ko siya kahit winalanghiya niya ako. Siya ang “S”na nagturo ng isang mahalagang aral na hindi ko makalimutan – huwag magmahal ng sobra dahil ito ay nakakamatay. Pero tadhana na ang nagdika sa kanyang kapalaran. Siguro ay nararapat lang iyon sa kanya (pasalamat siya at di pa siya namatay). Pero utang ko sa kanya ang lahat kung bakit ako nagsususlat sa pitak na ito dahil ang galit ko sa kanya ang nagbigay nito sa akin.

Ang Ikatlong “S”: Mula sa aking madilim na nangyari sa ikalawang “S,” Dumating si ikatlong “S.” Hindi ko akalain na siya ang hihilom sa aking pusong sugatan. Bagama’t magkaiba kami ng paniniwala, pangarap at kagustuhan sa buhay, naging mabuting magkaibigan kami (sa tingin ko lang). Masaya ako dahil nagkakilala kami. Pero dumating ang panahon na kailangan niyang umalis. Nilisan niya ako dala ang aking galit at pagkamuhi mula sa ikalawang “S.” Ngayon, hindi ko na alm kung ano ang balita sa kanya. Minahal ko siya pero pinigilan kong sabihn dahil ayoko nang maulit ang aking pagkakamali datiPero isang bagay lang ang malinaw sa akin – pwede palang pigilan ang nararamdaman sa isang tao kung gugustuhin mo.

Sa kasalukuyan, may mga bagong “S” na dumadating sa buhay ko at hindi ko alam kung ano ang mahalagang aral na itinuro nila sa akin Ang masasabi ko lang sa kanilang tatlo ay “S” para sa “salamat” sa kanila; “S” para sa “saglit” na panahon; “S” para sa “sugat” na ibinigay nila sa akin at; “S” para sa “sarap” na naramdaman ko noong kapiling ko sila.

Tuesday, October 11, 2011

Epiko 8: "Huwag Mo Nang Itanong Kung Bakit"




May mga pagkakataon na naiisip natin kung bakit tayo nabubuhay. Kung tutuusin nga, baka isa o dalawang beses mo lang ito naisip sa loob ng mga taon na nabubuhay ka. Kung titingnan natin, likas sa mga tao ang tanungin ang kanilang sarili ng “Bakit.”

Bakit?

Bakit nga ba?

Ang tanong na nagsisimula sa salitang bakit ay maituturing na pimakamataas na antas ng diskurso. Maraming linggwista at mga dalubhasa sa pakikipag-komunikasyon ang nagsasabi na kapag tinanong ka ng “bakit”, isang proseso ang magaganap na kung saan bubuo ang iyong kaisipan ng mga dahilan, katibayan na nabubuo sa maayos na pakikipagtalastasan pasulat man o pabigkas.

Sa madaling salita, ito ang mga tanong na binubuo ng mga pilosopo.

Bakit?

Paano kung hindi nagtanong ng bakit si Galileo? Malalaman ba niya na may gravity?

Paano kung hindi nagtanong ng bakit si Copernicus? Malalaman ba natin na umiikot ang mundo sa araw?

Paano kung hindi nagtanong ng bakit si Rizal? Lalaya ba tayo sa mga Kastila?

Paano kung hindi nagtanong ng bakit si Bin Laden? Bobombahin ba niya ang World Trade Center?

Paano kung hindi nagtanong ng bakit ang mga Pilipino kay Gloria Macapagal-Arroyo? Maabswelto ba siya sa mga kasalanan niya?

Paano kung hindi nagtanong ng bakit ang producer ng Glee? Lalabas pa kaya si Charice sa susunod na season?

Paano kung hindi ako nagtanong ng bakit? Magkakaroon ba ako ng blog?

Bakit nga ba ngayon ko lang ito natanong sa sarili ko?

Kung minsan kasi hindi na natin napapansin na may pagka-kumplikado din ang mga simpleng tanong kung magsisimula sa “bakit”

Ang buhay ay napakasimple ngunit nagiging kumlikado sa paglipas ng panahon. Ito ay dahil pinipilit nating sagutin ang mga tanong na “bakit” sa ating buhay. Ang nangyayari, hindi nagiging maayos ang lahat.

Bakit kaya?

Simple lang ang buhay… huwag mo nang tanungin kung bakit.

Saturday, October 1, 2011

Epiko 7: "Di na Natuto"



"Andyan ka na naman... Tinutukso-tukso ang aking puso..."

Marahil alam mo ang awiting ito na kinanta ng isang kilalang mang-aawit na si Gary Valenciano na naging sikat noong dekada ’80. Simple lang nag mensahe ng awiting ito – kung ano man ‘yun, makinig ka na lang (Problema mo na din kung hindi mo alam ang pamagat!).

Habang kaharap ko ang isang tao na alam ko na hindi magtatagal sa aking piling, paulit-ulit ko itong inaawit sa isip ko. Ewan ko ba pero sa mga sandaling iyon, alam ko na dumating ang isang tao na naging dahilan kung bakit naghilom ang sugat ko ng kahapon. Siya din siguro ang dahilan kung bakit nahinto ang pagsusulat ko sa aking blog ng mahabang panahon. Pero ngayon, wala na siya at nasa malayo.

Pero ang hindi ko maintindihan ay bakit di ko naipagtapat sa kanya ang tunay kong nararamdaman? Mayroon akong dalawang dahilan.

Una, ayoko lang siguro na maulit ang isa a mga madididlim na kabanata ng buhay ko. Siguro ay natutunan ko na din pigilan ang aking tunay na nararamdaman para sa isang espesyal na tao. Ito lang siguro ang tamang paraan upang hindi siya mawala sa buhay ko.

Pangalawa, natatakot akong magpaalam sa kanya dahil kapag ginawa ko ‘yun, baka hindi ko na siya makitang muli. Natatakot ako na mawala siya sa buhay ko.

Kaya nga noong nakita ko siya St. Paul University noong Licensure Examination for Teachers (LET), hindi ko na siya nilapitan, hindi ko na siya kinamusta, hindi na ako nangahas na sabihin sa kanya ang tunay kong nararamdaman sa pamamagitan ng isang sulat.

Hindi ko kasi kaya…

Kaya nga nasa isang tabi na lang ako at iniisip ang lahat ng masasayang alaala naming noong practice teaching naming. Ito na din ang nagsilbi kong lakas upang malampasan ang nararamdaman kong hirap sa mga sandaling iyon.

Nang pauwi na ako, nagbago ang isip ko. Gusto ko siyang balikan, gusto ko nang sabihin ang lahat sa kanay. Ngunit huli na ang lahat… nakasakay na siya sa kotse ng kanyang kasintahan.

Pero hindi ako nanghinayang.

Sa tingin ko, natutunan ko ang isang leksyon sa pag-ibig – Ang pag-ibig ay tulad ng isang pawikan na aalis mula sa kanyang lugar kung saan siya napisa mula sa itlog. Dadating ang panahon (na kung papalarin) ay babalik siyang muli sa tamang oras, tamang lugar at tamang pagkakataon. Tulad din ito ng ibon na babalik sa kanyang inakay o pugad. Tulad din ito ng mga buhay na babalik sa Maykapal.

Dadating din ang panahon na magkikita uli kami. Kung kalian at saan man ‘yon, handa akong maghintay.