Monday, July 25, 2011

Epiko 6: "Kotse o Alak?



Hindi ko alam kung dapat ko pa bang ituloy ang pagtipa ng keyboard…

Malinaw pa sa aking alaala noong una ko siyang nakita isang taon na ang nakakaraan. Sa mga panahong nakakaramdam ako ng matinding kalungkutan at pighati sa aking madilim na kahapon, isang himala ang naganap noong nagkakilala kami. Hindi ko alam kung bakit nakaramdam ako ng sobrang kaligayahan at pagkasabik sa mga araw na magkasama pa kami sa lugar kung saan nasukat ang aming tatag sa propesyon na parehong naming pinili. Saksi ang kalsada at poste ng ilaw na aming nilalampasan kapag pauwi kami, alam ko sa sarili ko na walang katumbas na ligaya ang aking natatamo kapag kasama siya.
Sa medaling salita, siya ang taong nagbalik sa aking mga ngiti na matagal nang nawala.

Kahit alam ko na malaki ang aming pagkakaiba pagdating sa aming paniniwala, ambisyon at pananaw sa buhay, hindi ito naging hadlang sa aming makulay na pagkakaibigan. Sa mga panahon na hindi ko na alam ang aking gagawin, kapag naiisip ko siya ay bigla na lang nagkakaroon ng solusyon ang bawat problema na aking kinakaharap. Hindi maipagkakaila na isa siya sa mga mahahalagang tao sa buhay ko – siya ang taong hangga’t nabubuhay ako ay aking ituturing na kayamanan.

Hindi ko pinalagpas ang mga pagkakataon na tulungan siya sa oras ng kaanyang pangangailangan. Hindi ako nagdalawang-isip na iligtas siya sa mga problemang alam ko na kaya kong ayusin. Minsan nga, nagtataka ako sa aking sarili kung bakit ko ito ginagawa sa kanya. Pero nakakatawang isipin na ginagawa ko ito na walang kahalong kapalit o kondisyon. Isa itong malaking palaisipan sa akin dahil sa buong buhay ko, ngayon ko lang naramdaman ang ganito.

Ngunit dumating din sa punto na nasukat ang aking tunay na nararamdaman sa kanya hanggang sa dumating ang kinatatakutan kong mangyari – ang mahalin siya nang higit pa sa pagiging kaibigan. Nang nagsimula nang tumibok ang puso ko para sa kanya, bigla akong napaisip. Naalala ko ang sinapit ko sa isang taong yumurak sa aking pagkatao at tuluyang sinira ang buhay ko. Nagbalik-tanaw ako at napgtanto ko na mali ang nararamdaman ko.
Kaya nilabanan ko ang damdaming ‘yon hanggang sa unti-unti ko itong tinalo. May mahal siyang iba at ako naman ay matagal nang nakatali sa isang taong una kong minahal. Nararapat lang na pigilan ko ang aking sarili na mangibabaw ang aking makamndong pagnanasa. Mas inisip ko ang kabutihan naming dalawa at ito ay sa pamamagitan ng pagiging tunay at tapat na kaibigan niya. Sa aking palagay, mas mabuti na ganito na lang kami dahil tahimik wala akong iniisip na pwedeng gumulo sa akinng pananahimik. Mas mabuti kung magkaibigan na lang kami dahil alam ko na sa paraan na ‘yon ay hindi siya mawawala sa akin.

Ang nagdaang isang taon para sa amin ay isang malaking aral para sa akin – na mas mahalaga ang pagkakaibigan kaysa sa pag-ibig. Dumadating ang panahon na ang kumukupas ang pag-ibig hanggang sa ito ay mawala. Para lang itong kotse na maganda lang kapag bagong bili. Ngunit ang pagkakaibigan ay higit pa doon – para itong alak na habang tumatagal ay lalong sumasarap. Wala man akong kotse (na Hyundai na kulay itim) o malaking sweldo, mayroon akong isang bagay na kayan kong ibigay at kaya niyang sirain – ang puso ko. Kaya hindi ko siya sasaktan, hindi ko siya huhusgahan at hindi ako maghihintay ng anumang kapalit... ngingiti ako sa kapag masaya siya, ipapaalam ko sa kanya na galit ako at aalalahanin ko siya kapag di ko siya kapiling. Sapat na ito para malaman niya na mahalaga siya sa buhay ko.

Monday, July 18, 2011

Epiko 5: "Bulag Ba O Nagbubulag-Bulagan?"




Makalipas ang halos dalawang buwan ng paghahanap ng trabaho bilang isang guro, nakatagpo ako ng isang paaralan na kung saan itinuturing kong bagong tahanan. Hidi ko alam kung ano ang pumasok sa isip ko noong una kong tinanggap ang trabaho dahil alam ko sa aking sarili na hindi pa ako handa sa totoong laban sa loob ng silid-aralan.

Halos isumpa ko ang pampublikong paaralan sa bayan namin dahil alam ko sa sarili ko na may kapasidad akong magturo at maibahagi sa aking mga dati kong mag-aaral ang mga hindi ko pa natapos. Pero dahil may bahid pulitika at may kamay na kasingdumi ng imburnal ang sistema ng pampublikong paaralan, mas minarapat kong humanap na lang ng iba. Hindi na mahalaga sa akin kung magkano ang sweldo o kaya ay malaking benepisyo ang naghihintay sa akin. Mas inaalala ko ang mga kabataan sa susunod na henerasyon na patuloy pa din na nasa loob ng sistemang halos isuka na ng lipunan. Masakit man sa aking kalooban, mukhang di ko na magagawang tuparin ang pangako ko sa kanila na babalikan ko sila.

Ngunit may plano ang Diyos para sa akin. Siguro ay pinili niya ang lugar na kung saan naroon ako – ang Dorothy-James Academy of the Philippines (DJAP) upang gawin ang mga tungkulin ko bilang isang guro. Sa unang tapak ko sa lugar na ‘yon, nagagam-agam ngunit napalitan ito nang nakilala ko na ang mga guro at estudyante sa loob. Bagama’t kaunti lang sila, hindi sila nalalayo sa mga nahawakan kong mag-aaral dati – para silang mixed nuts na kung saan nagkakasundo ang kanilang interes, personalidad at ugali. Idagdag mo pa ang mga guro na masasabi ko na sa sobrang bait ay mahahalikan ko ng todo. Nagapapasalamat ako sa kanila dahil naniwala sila sa aking kakayahan at katangian.

Katulad din ng mga ordianryong kabataan na nag-aaral, may ga dahilan sila kung bakit sila naroon. Pero bilang isang guro, higit pa ang gusto kong matutunan nila sa akin bukod sa mga aralin na itinuturo ko. Nais ko silang maging bahagi ng pagbabago sa lipunan na kung saan sila ay may magagawa upang baguhin ito. Sa pamamagitan ng pagpapakita sa kanila kung ano ang nasa labas ng paaralan, matututunan nila na ang edukasyon ay hindi lang nasa loob ng klase. Alam ko na marami pa silang matututunan kung iisipin nila na nag-aaral sila upang magkaroon ng puwang sa lipunan ant amging susi sa pagbabago na inaasam ng lahat. Hindi ko sila ginagawang akitbista kundi nililinang ko ang kanilang liberal na pag-iisip na kung saan higit pa sa asignatura ang kanilang pwedeng ibahagi sa nakakarami.

Kaunti lang sila – ngunit hindi ibig sabihin nito ay wala sialng magagawa. Ang tulad nila ay isang dakot na pulbura na pwedeng lumikha ng ingay o pagsabog na mabibigyang-pansin ng lahat kapag ginawang paputok at sinindihan. Hindi tulad na isang bulok na kamatis na nasa loob ng kaing na puro sariwa ang laman na kapag naihalo ay mahahawa ang iba. Ganito din ang sistema sa pampublikong paaralan sa kasalukuyang panahon – puro bulok ang nasa posisyon na ang tanging iniisip ay nag kanilang ambisyong yumaman (mamatay na ang yumaman sa pagtuturo!) at binabalewala ang kagustuhan ng mga mag-aaral na matutuo at makilala ang sarili. Nakakahinayang lang dahil nakikita ko ngayon na ang mga dati kong mag-aaral ay nakakaranas nito. Ngunti di ako nagsisisi dahil minsan sa buhay nila, naramdaman nila kung ano at sino ang totoong guro nila.

Nawa’y isang hamon ito sa mga mag-aaral, guro at mga nasa posisyon na humahawak sa pampublikong paaralan na mas isipin muna ang kahihinatnan ng mga mag-aaral bago ang pansariling interes. Makonsiyensya sana sila dahil kinabukasan ng bansa ang kanilang sinisira. Mas nanaisin ko pang makita silang bulag kaysa nagbubulag-bulagan sa mga problemang kinakaharap ng sistema ng edukasyon ng bayan.