Sunday, October 6, 2013

Epiko 71: "SMB (Status Mong Bullshit)"


Talagang malaki ang papel ng Facebook at sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino. Hindi lang siya isang simpleng online/social network community, ang iba pa nga sa atin ay ginagawa itong diary (at aminado ako na ginagawa ko ito) upang ipahayag ang sarili sa nakakarami.

Pero minsan, may mga nababasa tayo sa status na parang hindi katanggap-tanggap sa atin. Narito ang ilan sa kanila at kung bibigyan ako ng pagkakataon, ito ang sasagutin ko sa kanilang ginagawang katarantaduhan.

Status: I can’t see you, but I can feel you.

Comment: Pare, baka antok ka pa. Iniwan ka siguro ng pokpok na kasama mo kagabi tangay ang wallet mo.

 

Status: Lalaking Turn On – May respeto sa babae

Comment: Babaeng Turn On – Mahilig sa extra rice... cooker.

 

Status: Car Show @ Green Hills! The bomb!

Comment: Feeling mo may kotse ka? Nag-taxi ka lang papunta dyan.

 

Status: Salamat sa pagmamahal mo.. Sa mga effort mu..sa pag aalala mu palage.. Pero di ko kayang suklian ung gsto mong isukli ko e.. Wala kasi ko nararamdaman para sayo.. Kaibgan lng talaga...wala p rn nman magbabago eh..still my Best of Friends.. .much better ung stay lang s ganyan.. Pasensya..

Comment: Maawa ka naman Ate. Ang sakit kaya ma-friend zone. Makatapak ka sana ng Lego.

 

Status:  bago mo sabihin na naiinis ka saken, tanong mo muna kung NATUTUWA ako sa ‘yo.

Comment: TONTO!

 

Status: FOR SALE 11 UNITS COMPUTERS

 ATHLON X2 3.0 DUAL CORE

 500GB HDD

 2GB MEMORY

 1GB GT220 VIDEO CARD

Comment: Walang interesado bumili. Sa Sulit.com.ph ka mag-post. Hindi dito!

 

Status: Dahil MANHID ka, manhid ka walang pakiramdam.

 O Kay MANHID KA, manhid ka.

 Puro deadma ka na lng.

 Bet na bet pa naman kita laman din ako ng tiyan

 Shunga ka ba tlga o MaNHID KA.

Comment: Walang kwenta ang kanta mo. VICE GANDA SATANISTA!

 

Status: Ang bilis ng panahon! Ramdam mo na ba ang Pasko?

Comment: Hindi pa. Wala pa ang bonus eh.

Status: Done with 20 km run!

Comment: Bakla!

 

Status: Wow! ang astig!!

 Humiwalay yung tubig sa soda..

 Hahaha.. Nagulat ako..

 Pagtripan ko nga to..

 Tatangalin ko yung tubig haha  :)

Comment: Subukin mo din inumin nang mamatay ka na.

 

Status: Good day! God bless!

Comment: Nagsisismba ka ba o feeling pari/ministro ka?

 

Status: Just read my daily horoscope. Alright!

Comment: Alright ka jan? Ang tanda mo na naniniwala ka pa din. Mahusay!

 

Status: God does not see the same way people see, people looks at the outside of a person, but the Lord looks at the heart.

Comment: Copy-pasta ang puta. Ilagay mo naman ang source baka makasuhan ka ng paligarism.

 

Status: COnstruction worker diet!! hahaha.. Ang cUTE TLAGA!!

Comment: Sex lang habol mo Gago!

 

Status: yey tapos na sale... tatanggalin kona bib ko! nag laway lang ako...

Comment: Wala ka na din pera. Maglaway ka sa gutom.

 

Status: tae tae lang pag may time.

Comment: Nakakaawa ka naman. Buti buhay ka pa.

 

Status: ang isang bagay, kapag di mo ipinaglaban DI MO YAN MAKUKUHA.

Comment: Baka bakla ka ‘pre.

 

Status: Happy fiesta sa __________

Comment: May minatamis na itlog pa ba kayo?

 

Status: Hope everythings will be fine.

Comment: I hope ayusin mo sa susunod grammar mo.

 

Status: Walang pasok.... Ang sarap matulog!!!

Comment: Tulog ka pa... at huwag ka nang magising pa.
 
Ito ang mapait at masakit na katotohanan - na kung minsan upang maiwasan natin na makasakit ng damdamin, mas pipiliin na lang natin manahimik. Pero sa kaso ng mga status sa Facebook o sa kung ano pa mang social networking sites, mas nakakatakam magsalita o magsulat na maaaring makasira o makasakit ng damdamin ng iba. Ang tanging solusyon lang ay ang pagpipigil sa sarili at maingat na paghatol. Ika nga ni Howie Severino, "Think before you click."
 
Pasalamat ka na lang at tahimik ako.... at alam ko na sa likod ng mga status ko ay may isang libong tao ang pwedeng gumawa nito sa akin.

 

 

 

 

 

Friday, October 4, 2013

Epiko 70: "Si Boyet, Si Girlie, at si Manong Taxi Driver"


May kasabihan sa wikang Ingles na “Happiness comes from small things. When collected, it’s a treasure”. Minsan sa buhay ng tao, hindi natin napapansin ang mga maliliit na bagay. ‘Yung simple. ‘Yung totoo. At kapag ito ay iningatan, ang balik nito ay hindi mo sukat akalain.

October 4, 2013, walang pasok (dahil fiesta ng Malabon sa Gen. Trias kaya wala ding turo.) Habang papalapit ang second quarter exam (na isa sa mga mabibigat na gawain bilang isang guro ay magtuos ng mga grado ng bata) , nakakaramdam ako ng bigat sa aking dibdib. Nakakainis ang dumaang linggo sa akin. (Hindi ko naman kailangan sabihin ang dahilan kung bakit. Basta putangina niya). Gusto kong makalanghap ng sariwang hangin at mag-unwind

Nakatanggap ako ng text message kay Girlie (itago natin sa pangalang Sherry Rose Lacson) at nagyayakag siyang mag-chill, stroll at siyempre, kumain.World Teachers’ Day kasi. Hindi ako nagdalawang-isip na pumayag sa alok niya. Sa simula pa lang noong nagkakilala kami (at paulit-ulit kong isinusulat sa mga nakaraang  blog ko), hindi ko siya tinaggihan at agad na pumunta... kahit tatlong oras ang biyahe papunta sa aming meeting place sa Karuhatan. Dati kasi dalawa at kalahating oras lang kaso dahil sa ginawa ng MMDA na centralization ng mga bus terminal sa Coastal Mall, putangina, kailangan kong maglakad ng papuntang LRT terminal. Siyempre daan muna ako ng simbahan sa Baclaran para humilng na maging ligtas ang pagkikita namin. Salamat sa nanay ko, naging habit ko ang magtirik ng tumpok-tumpok na kandila para sa mga mahal ko sa buhay.

Nang nasa LRT terminal na ako, binibilang ko ang mga minuto na muli kaming magkikita at lalabas ng “casual friends”. Siguro nga, “happy crush” lang talaga ang nararamdman ko sa kanya  (na ayon kay Ramon Bautista ay ang pakiramdam mo gusto mo siya pero ayaw mo pang maging girlfriend). Kapag nakatingin ako sa bintana ng LRT at pinagmamasdan ang mga gusali, naiisip ko na talagang magkaiba na kami ng mundo ni Girlie... at magkalayo (putangina, ang layo ng Gen. Trias sa Karuhatan, Valenzuela City!).  Pero natiis ko, nalampasan ko at pinaghawakan ko ang pangako ko sa kanya na bilang isang kaibigan (lang pala... Kaibigan lang pala...)

Nagkita na kami sa aming meeting place. As usual, isang matinding “friend zone hug” ang sumalubong sa akin. Pero okay lang. Wala pa kaming mapag-desisyonan kung saan pupunta. Siyempre, kwentuhan mina kami habang kumakain ng aming all-time favorite ube ice cream. Simple lang ang aming pagkikita ngunit kakaibang saya na nagpipinta sa akin ng hindi maipaliwanang na ngiti ang aking isinusukli sa kanya. Kahit hindi ko maintindihan ang mga kinukwento niya, kapag narinig ko lang ang boses niya, siguradong humuhiwalay na kaluluwa ko. Tapos bigla siyang tatawa at hahampasin ako sa braso... putangina ‘yun ang pinamasarap na pakiramdam.

Binigyan niya ako ng regalo – ang dalawang volumes ng “The Best of This Is A Crazy Planets” ni idol Lourd De Veyra. Napakasaya ko at halos madurog ang mga buto niya nang niyakap ko siya. (siyempre, walang malisya. Konti lang). Simple man ito sa aningin ng iba, ito ang pinakamagandang regalo na ibinigay niya sa akin at ituturing kong isa sa mga mahahalagang kayamanan ko sa mundo.

Sa aming paglabas, isang taxi driver ang tumgol sa harapan namin. Tinanong niya kami kung saan kami. Sumagot si Girlie “Sa Ortigas po” at agad kaming sumakay. Ngunit sa aming biyahe, naipit kami sa matinding trapik. Napabuntong-hininga ang driver na may bakas ng pagkadismaya.

Ngunit dahil isa akong likas na makwento, nagbukas ako ng usapan sa pamamagitan ng tanong na “Grabe trapik dito manong no?” At ang tanong na ‘yon ang naging susi sa isang hindi malilimutang karanasan na hinding-hindi namin malilimutan ni Girlie.

Kahit na hindi ako sanay o bilib sa mga taxi driver na swapang at namimili ng pasahero o madaya sa metro ng pamasahe, binago ng mga sandaling iyon ang aking paniniwala. Kung ika-classify ko ang taxi driver ayon kay Lourd de Veyra, isa siyang “The Singer/The Talker” (magbasa kasi ng libro ni Lourd De Veyra para hindi ka mukhang tanga). Hindi lang pagmamaneho ang nakokontol niya, pati ang pag-uusap namin sa loob at mga palitan ng opinyon sa mga nangyayari sa kasalukuyan tulad ng pork barrel, Zamboanga siege, Megan Young at Miss World, kung saan galing ang salitang “apir”, kung bading ba talaga si Piolo Pascual, bakit mukhang talangka ang istraktura ng CCP, at kung anu-ano pa. Grabe, siguro kung nakatapos lang si Manong taxi ng education, malamang siya ang favorite kong teacher. Sabayan mo pa ng mga hardcore jokes tulad ng “Ang Tatlong Daga”, Ano ang ibig sabihin ng abbreviation na “PLDT” (Pekpek Ligo, Dating Titi), Kung Japayuki ang tawag sa mga Filipinang entertainer sa Japan, ano ang tawag sa mga Japanese na napunta sa Plipinas? (ang sagot, “Namumuki”), ang salawikain niya na “Ang hindi lumungon sa pinaggalingan, hinuhuli ng MMDA (or nauuntog)”, at marami pang iba na nagpasakit sa tiyan namin ni Girlie sa katatawa. Ang lupit ni Manong. Kung magiging komadyante siya, malamang nasa TV na din siya at tinatadyakan si Vice Ganda sa mukha habang sinasabi na “Nang dahil sa ‘yo, bastos nang sumagot ang mga kabataan! Tangina mo!”

Pero ito ang hardcore sa lahat. Nang naubusan na kami ng pinag-uusapan, nag-request ako na magpatugtog siya ng radyo. Noong una, hindi namin alam ang kanta pero nang napakinggan na namin ang una at second stanza ng kanta, alam na namin ang title – “Two Less Lonely People in the World’ ng Air Supply. Nang dumating na sa chorus part, inawit ko ang unang linya. Sumunod si Girlie nag idinugtong niya ang second line. Ngunit kami ay nagulat nang nilakasan ng taxi driver ang volume at kinanta ang natitirang linya ng chorus na may boses na parang tinitiklop na  yero na may lyrics na "Eeen my layp wer ebreting wasrong, samting faynli wint rayt. Nawders tulis lonli peepoh... tulis lonli peepooooohhh... inda word tuuuunaaaaayt!" tumawa kami. Ngunit napansin ko na iba ang tawa ko... ito ang tawa ko noong nag-joke si Girlie tungkol sa babaeng nawawala ang hairclip tatlong taon na ang nakakaraan. Napaka-natural na may bahid ng luha at galak.

Napansin ko din si Girlie. Nakita ko uli siyang tumawa at narinig ang mga halakhak ng isang masayang tao. Tulad ko. Naluluha na din siya sa kakatawa. Sa hindi malamang dahilan, sumabay kami sa pagkanta ng taxi driver. Napakasimple at corny ng ginagawa namin pero ang mga sandaling iyon ang hinding-hindi ko malilimutan. Halos isang oras din ang traffic na ‘yun. Hindi kami nakaramdam ng inip. Ang mahalaga, enjoy lang kami.

Nagdesisyon na lang kami na ibaba kami sa piakamasarap at murang kainan. May kasabihan kasi kapag maraming nakaparadang taxi driver sa isang karinderya,  masarap ang pagkain doon. Ibinaba niya kami sa isang kariderya na puro Chinese food ang pagkain... at may videoke pa. Ang nakakapagtaka, hindi siya matao. Umubos ako ng ng tatlong daan sa pagkain (Peking duck,  apat na siopao, anim na order ng siomai, dalawang noodles at tatlong  extra rice kasi malakas kumain si Girlie). Napansin din namin na kumain din si manong kasama ang ibang taxi driver. Ang sarap ng food trip namin (sira ang diet) kahit simple lang ang pagkain. Maiisip mo pa din ang sarap ng pagkain ay hindi tugma sa mura nitong presyo. Nang palabas na kami dahil malapit nang gumabi, nag-offer uli si manong driver na isakay uli kami pabalik ng Karuhatan.

Mabilis kaming nakarating sa lugar kung saan kami isinakay kanina. Pagkaabot ng pamasahe, ngumiti sa amin ng taxi driver na kami ang pinakamasayang pasehero niya at nag-enjoy din siya. Hindi kalakihan ang siningil sa amin. Isang rpleksyon ng isang Pilipino na nagbibigay ng discount sa kanyang costumer na napagkatuwaan niya.

Nang pauwi na ako ng Cavite, naisip ko ang mga nangyari na kahit papaano ay nagbigay ng isang aral sa buhay – simple lang ang buhay, hindi mo dapat gawing kumplikado. Sa panahon na mabilis ang takbo ng buhay at komunikasyon, maaaring nakakalimot na din tayo sa mga simpleng bagay na hindi natin nabibigyan ng importansya. Ika nga ng isang kasabihan na “simplicity is beauty”, ang ganda ng isang bagay ay hindi nakukuha sa pagkukulay ng buhok, paglalagay ng braces, pag-gimik sa mga mamahaling tambayan o pagsusuot ng magagandang damit. Tulad ni Girlie at taxi driver, ang pagbibigay at pakikisama ng simple ay nagreresulta ng isang maayos at tahimik na isip, puso at kaluluwa ngunit nagdudulot ng saya na abot hanggang langit.