Thursday, April 28, 2011
Epiko 2: “Lahat Tayo ay May Pope John Paul II sa Sarili”
Sa darating na unang araw ng Mayo ay babasbasan na si Pope John Paul II bilang isang banal sa pamamagitan ng proseso ng “beatification” na kung saan ay pwede nang dasalan ang naturang namayapang Santo Papa na magsisilbing tulay sa pagitan ng tao at Diyos. Ito na din ang huling hakbang upang siya ay maging ganap na santo para sa aming mga Romano Katoliko.
Kinalakihan ko na si Pope John Paul II. Hindi lang ako makapaniwala na sa mabilis na panahon pagkatapos niyang sumakabilang-buhay ay mararating niya ang estado ng pagiging banal. Hindi naman maitatanggi ang naiambag niya sa sangkatauhan pagdating sa relihiyon, kapayapaan impluwensiya sa mga bansang kanyang pinuntahan. ang kanyang karisma at pagiging malapit sa tao ay isang matibay na ebidensiya na malapit ang Diyos sa atin.
Ngunit paano ba ang maging banal? Dapat ba ay palagi kang nagdarasal, sumisimba, naglilingkod sa simbahan, nag-aabuloy ng malaki at nagkakawang-gawa? Panno kung hindi ka madasalin, palasimba, may malaking responsibilidad sa pamilya o gobyerno o di kaya ay wala kang yaman na malaki? May pag-asa ka pa bang maging banal?
Mula sa panahon na kung saan ang mga Kristiyano ay inuusig, maraming mga Santo at mga banal ang isinikripisyo ang kanilang materyal na bagay o nagbuwis ng kanilang buhay bilang martir lingkod ng simbahan o martir. Pero mapapansin ang iisa nilang gawain, ang manalangin ng taos-puso at ipinagkakatiwala nila ang kanilang buhay sa Diyos bilang instrumento Niya sa mga tao upang sila ay mapalapit. Ang bawat sakripisyo, pawis at dugo na ay kanilang iniaalay sa Diyos upang magawa nila ng tama at maayos ang kanilang misyon o tungkulin. Higit sa lahat, ikinakalat niya ang pinakamahalagang utos ng Panginoon na “At ang umiibig sa Kanya ng buong puso, buong isip, at buong lakas, at ang umiibig sa kanyang kapwa gaya ng kanyang sarili ay higit na mahalaga kaysa magdala ng lahat ng handog na susunugin, at iba pang mga hain” (Marcos 12:13)
Isang malaking himala ang ginawa ni Pope John Paul sa mga Pilipino. Sa mga panahon ng krisis, problema at kalamidad, hindi siya nakakalimot na ipinalangin tayo at kapag sinuswerte ay binibisita tayo sa bansa na bihira sa mga nagdaang Santo Papa. ‘Yun nga lang, may mga kritiko at mga nagtangka din sa kanyang buhay. Ngunit hindi siya nagtanim ng sama ng loob sa mga ito. Bagkus ay siya pa ang lumalapit sa mga ito upang kausapin at makipagkasundo sa pangalan ng Diyos. May mga testimonya sa bawat sulok ng daigdig na malaki ang ginawang impluwensiya at pagbabago ang ginawa ng Santo Papa sa kanilang buhay na naging pundasyon ng kanilang matibay na pananampalataya at pananalig sa Diyos.
Simple lang ang tinutumbok ko – maging mabuting halimbawa si Pope John Paul II sa mga taong nakaklimot na sa kanilang sarili na mapalapit sa Diyos. Siya nawa ang tularan ng mga taong may kapangyarihan at katungkulan ng kababaang-loob at pagmamalasakit sa kapwa. Siya nawa ang maging ehemplo ng modernong kabataan sa mabuting asal at wastong pag-uugali. Siya nawa ang maging liwanag sa mga taong nawawalan ng pag-asa at hindi nagtitiwala sa Diyos. Maging instrumento siya ng pagkakaisa at kapayapaan ng buong mundo sa gitna ng krisis na kinakaharap ng bawat bansa. Higit sa lahat, maging paalala siya na kahit tayo ay tao lang, may magagawa tayo para maging malapit at magkaroon ng matibay na pananampalataya sa Diyos at sa ating kapwa tulad ni Kristo na nagsakripisyo din para mailigtas tayo.
Mahalaga ang araw na pagbabasbas upang maging banal si Pope John Paul II para sa akin. Siya ang aking inspirasyon at mabuting halimbawa sa pagiging malapit sa Diyos at gumawa ng kabutihan para sa nakakarami. Hindi lahat ng tao ay pwedeng maging santo o banal tulad niya ngunit lahat tayo ay may pagkakataon para maging malapit sa Diyos sa pamamagitan ng taimtim na panalangin at gumawa ng mga bagay at utos na naayon sa Kanyang ninanais. Lahat tayo (maging si Pope John Paul II) ay kasangkapan ng Diyos upang gumawa ng kabutihan sa ating kapawa at sa lahat ng nabubuhay sa mundo kaya dapat tayong umayon at gawin ang kanyang ninanais na taos sa puso at walang halong pakitang-tao.
Lahat tayo ay may Pope John Paul II sa ating pagkatao. Ang dapat lang nating gawin ay ilabas natin ito.
Wednesday, April 27, 2011
Epiko 1: "Ang Tatlong Aplikante"
Sa pagtatapos ng mga mag-aaral (partikular na sa kolehiyo) tuwing Abril o Mayo, mayrooong pinangangambahan ang bawat isa – ang makahanap ng trabaho.
Isang kwento ang aking ibabahagi sa ‘yo.
Mayroong tatlong aplikante ng isang kilalang kumpanya ng alak. Ang una ay nagtapos ng may karangalan sa isang kilalang unibersidad. Ang pangalawa ay nakatapos ng pag-aaral ngunit anak ng isang may mataas na katungkulan sa pamahalaan. Ang ikatlo ay hindi nakatapos ng pag-aaral at naglakas loob upang magbakasakaling magkatrabaho.
Pinapasok ang tatlo a loob ng opisina ng presidente. Batay sa pananamit at kilos, kitang-kitang ang kaibahan ng tatlo. Isang tanong lang ang binitawan ng presidente.
“Bakit niyo kailanagan ang trabaho?”
Sumagot ang unang aplikante. “Mataas ang aking pnag-aralan at nagtapos ako sa isang kilalang unibesidad. Kayang-kaya kong gawin ang lahat ng kaya niyong ipagawa sa akin.”
“Nakatapos po ako ng pag-aaral at kaya ko pong paunlarin ang inyong kumpanya sa tulong ng aking ama. Kahit ano pong hiling mula sa kanya ay ibibigay niya.” wika ng ikalawang aplikante.
Hindi agad makasagot ang ikalatlong aplikante. Nagtaka ang president nang mapansin niya na unti-unti na itong lumuluha. Tinanong niya kung may problema. Ito ang sagot ng ikatlong aplikante.
“Nais ko pong magtrabaho para hindi na uminom ng alak ang aking mamang lasinggero.” wika nito.
Natawa ang una at ikalawang aplikante. Ngunit nananitiling tahimik nag presidente. Pinalabas ang tatlo at makalipas ang kalahating oras, pinatawag muli ang tatlo sa opisina.
Nagdesisyon ang presidente na tanggapin ang ikatlong aplikante. Hindi makapaniwala at galit na galit ang una at ikalawang aplikante at humingi ng paliwanag ukol sa nangyari.
“Matalino man kayo o maimpluwensiyang tao, kung hindi bukal ang inyong kalooban, hindi kayo aasenso. At kung magtagumpay man kayo, ito ay panandalian lamang. Katulad ng ikatlong aplikante. Ganun din ang dahilan ko kung bakit ako nagtrabaho ditto sa kumpanya ng alak – para tumigil na sa pag-iinom ng alak ang aking ama. Nang nagtrabaho ako dito, napansin ko na nagbawas hanggang sa hindi na umiinom ng alak ang aking ama. Ito ay sa kadahilanang ang pera na ibinabayad niya sa pambili ng alak ay sa akin napupunta dahil ito ay aking pinaghihirapan.”
Sa panahon ng maraming pagsubok ang kinahaharap ng ating bansa, nahihirapan ang ating mga bagong nagsipagtapos sa paghahanap ng trabaho. Normal lang ‘yan dahil marami silang kakumpetisyon sa posisyon at sweldo na pangunahing kailangan para mabuhay. Ngunit dapat din nilang tandaan na hindi lang sa talino o impluwensiya mula sa ibang tao nasusukat upang makakuha agad ng trabaho. Ito ay nasa kanilang tapat na hangarin at diskarte sa buhay upang makuha at maging matagumpay sa piniling propesyon.
Ngunit hindi ito ang nangyayari sa reyalidad. Pero hindi ibig sabihin nito ay wala nang trabahong makikita sa mga ordinaryong tao n nagsipagtapos. Sa paghahanap ng trabaho ay tinuturuan din tayong maghintay, magkaroon ng mahabang pasensiya at positibong pananaw na dapat ay taglay ng bawat isa. Ang susi sa lahat ng ito ay ang pagkakaroon ng lakas ng loob at tiwala sa sarili. Marami din naman na ordinaryong tao ang nagkaroon ng pangalan sa industriya at nakilala sa buong daigdig dahil sa sipag at tiyaga.
Huwag tayong mawalan ng pag-asa kung hindi agad tayo natatanggap sa trabaho. Hindi natin alam na may mas maganda pang oportunidad ang naghihintay para sa atin upang maging matagumpay.
Prologo: "Isang Maikiling Pagpapakilala"
Yo!
Maligayang pagbabasa!
Sa mga hindi nakakilala sa akin, ako si Emong. Sa pagbubukas ng aking ikalawang aklat, nais kong magpasalamat at pinaunlakan niyo ang inyong atensyon sa aking blog.
Simple lang ang gusto kong mangyari, ang magsulat. Pero hindi para sa aking sarili kundi para din sa inyo. Isusulat ko ang mga kabanata ng aking buhay na alam ko na makaka-relate ka dahil baka nangyari, mangyayari at mangyari ito sa ‘yo. Tulad din ng nasa unang aklat. Maglalagay ako ng mga larawan na maaring magbigay buhay sa aking mga akda.
Isa lang ang gusto kong mangyari pagkatapos mong magbasa – ang mag-isip o mapa-isip kahit sandali tungkol sa isinulat ko. Nasik o din na tulungan niyo ako na ibahagiang blog na ito sa iba na gusto dig magbasa at mapaisip pagkatapos. Hindi ko hangad ang magpatawa, bumuo ng ideolohiya, manghamak, pumuri at iba pang pwede niyong asahang mangyari. Gusto ko lang magbahagi ng kapiraso ngunit malaman na diwa mula sa akin.
Ngayon, simulan mo na ang magbasa!
Subscribe to:
Posts (Atom)