Monday, September 23, 2013

Epiko 69: "Kaduda-dudang Paghihinala"


Wala akong ganang magsulat. Ang totoo, wala naman talaga akong dapat isulat. Talaga lang magulo ang isip ko ngayon. Wala akong ibang naiisip kundi ang araw na nangyari ang isa sa mga pinakamabigat na desisyon sa buhay ko.

Hindi ako nagkakamali sa aking kutob at hinala. Palagi akong tama. Kung magkamali man, maliit na porsyento lang. Minsan sa buhay, dapat magtiwala din sa hinala o akala na kalimitan at nagiging sanhi ng hindi pagkakaunawaan. Maraming beses nang dumating sa buhay ko ang nakaramdam ako nito. Marahil ay nagbabatay ako sa mga ebidensiya at kilos ng isang tao. Kung magiging detective siguro ako, malamang nahuli ko na ang pinaka-astig na kriminal sa kasaysayan.

Natural na malakas ang pwersa ng kutob at hinala sa pag-iisip at emosyon ng tao. Sabi nga ng kilalang psychoanalyst na si Sigmuend Freud, isa ito sa mga basic instinct ng tao. Ang taong nag-iisip ng mga bagay at naghihinala sa mga ito ay patunay lang na ang tao ay umiiwas o lumalaban sa mga panganib na nasa paligid nito na kung tawagin din ay “fight or flight response”. Pero ang sukatan ng pagkatumpak o pagka-eksakto ng kanyang nararamdaman ay depende sa kanyang kakayahang unawain ang mga bagay hindi lang sa kanyang paligid kundi pati din sa kanyang sarili.

Pero bakit ba naghihinala at nagdududa ang tao at bakit ito ang nagiging mitsa ng isang matinding pagkasira ng isang samahan?

Ang sagot ay simple – galit

Ang konsepto ng galit ay nag-uugnay sa paghihinala at pagdududa. Isa sa mga patunay nito ay kung may galit tayo sa ating minamahal. Ang galit ang nagtutulak sa atin na maghinala o magduda. Bigla mo na lang ito mararamdaman. Walang ibang nilalang sa mundo ang pwedeng gumawa nito lalo na kapag nagmamahal ka. Maaring makapatay ito at makasira ng isang magandang samahan.

Sa ganitong klaseng nararamdaman, masasabi ko na batikan na ako dito. Alam ko kapag naghihinala o nagdududa ako, may masamang mangyayari o magkakaroon ng nakakalungkot na katapusan ang lahat. Ngayong tinapos ko na ang lahat sa amin, hindi ko na ito kailangan maramdaman pa uli. Ayoko na... ayoko na...

Monday, September 9, 2013

Epiko 68: "Ang Sayaw Na Bumago Sa Mundo ni Emong"


Muli akong tumuntong sa lugar kung saan ako naging hinog sa pag-iisip at kaalaman - ang unibersidad na kung saan nanahan ako ng mahigit apat na taon ay aking binalikan upang damhin ang samyo ng hangin ng nakaraan na puno ng matatamis at mapapait na alaala.

Hindi sana ako lilisan sa lugar na ito kung hindi dahil sa isang babae na nagturo sa akin kung ano ang dapat kong gawin. Mula sa mundo ng medisina, tinahak ko ang daan papunta sa aking unang pag-ibig – ang sining at literatura. Bagama’t natagalan upang ako ay makatapos, naging bahagi pa din ito ng aking muling paglalakabay ang binuo kong teatro sa unibersidad. Kasama ang mga piling mag-aaral, umabot na ito hanggang sa ikalabing-dalawang taon. Ito marahil din ang isa sa mga dahilan kung bakit ako bumabalik.

Sa mundo na kung saan nabuo ang aking lakas ng loob at tiwala sa sarili, napansin ko na malaki na ang pinagbago nito. Ang dating parang mala-role play sa classroom ay napalitan ng mataas na antas ng dula, panitikan at kontemporaryong sayaw. Kung ako ang tatanungin, malaki na ang pinagbago nito mula sa maliit na buto hanggang sa isang matibay at namumungang puno ng mga talentadong estudyante. Habang pinagmamasdan ko sila sa kanilang pag-eensayo, hindi mapigilan ng puso ko na makaramdam ng hindi maipaliwanag na kasiyahan.

Sa aking pagbisita, may napansin ako na bukod tangi sa nakakarami. Ang kanyang mga ngiti at tawa, bagama’t lihim kong napapansin ang umagaw sa aking atensyon. Para siyang anghel na nakikihalubilo sa mga nilalang na alam mong pwedeng makasakit sa kanyang inosenteng damdamin. Wala akong balak na lamin kung sino siya sa una ngunit dahil sa kanyang katangian na maamong tupa, naramdaman ko na naman ang isang pakiramdam na parang lalamon sa aking matinong pag-iisip at magpapalaya sa aking mapaglaro at malikhaing imahinasyon.

Nasundan pa ito ng mga hindi inaasahang pagbisita sa studio. Gusto ko lang siyang mapanood na mag-ensayo at makita ang kanyang mukha. Ayokong lumapit sa kanya, pakiramdam ko ay mahuhulog ako sa isang matinding gayuma o sumpa na maaaring ikabaliw ko. Hangga’t kaya kong pigilan ang espesyal na damdamin na ito para sa kanya, sinikap ko na hindi magpakita ng emosyon sa harapan niya. Ngunit sadyang mapanukso ang kanyang mga mata na parang ahas na nagpapanginig sa aking mga buto.

Isang araw nang bumisita akong muli, nadatnana ko siya na mag-isang nag-eensayo sa studio. Mula sa salamin sa pinto, pinanood ko siyang sumayaw sa saliw ng isang matamis na piyesa. Sa bawat pagtapak niya at paggalaw, pakiramdam ko ay nadadala ako sa kanyang matinding emosyon na puno ng mabibigat na emosyon tulad ng lungkot, galit at takot. Hindi ko alam kung ano ang nararamdaman ng kanyang kalooban sa mga sandaling iyon. Kahit gusto ko siyang lapitan, hindi ko magawa dahil ayokong masira ang kanyang ginagawang recital.

Matagal akong nakatayo at nagtiyagang panoorin siya. Naisip ko ang mga babaeng dumaan sa buhay ko habang pinapanood siya. Bumalik sa isip ko ang pakiramdam na nasaktan ako ng paulit-ulit sa mga naging kasintahan ko. Pakiramdam ko, hindi ako nadadala sa mga nangyari. Kahit na alam ko na nagmahal ako, hindi naging sapat ito upang maging martir at tanga ako. Hindi ako natututo sa mga pagkakamali ko. Palaging ako ang nasasaktan sa bandang huli.

Ngunit bakit bigalng nawala ang sakit na aking naramdaman noong nakita ko siya? Anong mayroon siya na unti-unting binura ang aking mga masasamang alaala habang sumasayaw siya?

Naramdaman ko na ito dati. Hindi lang isa, dalawa, tatlo o apat... sa dinami-daming babae na dumaan sa buhay ko, palagi kong sinasabi sa sarili ko ang mga katagang ito. Ilang beses na ba akong nasaktan at nagmahal muli? Ang totoo, hindi ko din alam. Manhid na ang puso ko at walang kadala-dala.

Sa mga oras na ito, tulala ako sa kawalan. Hindi ko namalayan na papalabas na siya ng studio. Nang nakita niya ako na nakatayo sa pintuan, tiningnan niya ako na parang pusa na kinikilala ang kaharap na pagkain. Bumalik lang ang ulirat ko nang tinapik niya ako sa balikat. Ngumiti siya na hindi nalalaman ang buong pangyayari. Ang kanyang inosenteng mukha nagsasabi sa akin na magiging maayos din ang lahat. Parang sinasabi niya na ituloy ko lang ang ginagawa ko at makakarating din sa dapat puntahan. Wala akong sinabing salita, sapat na ang mga sandaling iyon upang maisip ko ang dapat kong gawin sa buhay ko.

Masyadong mabilis ang mga pangyayari. Ngunit gayun pa man, nais ko itong ulit-ulitin at hindi magsasawang gawin ito.

 

 

Friday, August 30, 2013

Epiko 67: "Digmaang Sibil ang Solusyon"

Hindi ako nabigla sa paglabas ng isang tao na maglalakas-loob na kasabwat siya sa isang matindinding eskandalo sa kasaysayan ng pulitika sa Pilipinas. Malaking pera ang pinag-uusapan dito... at hindi lang basta malaking pera – pera ito ng na mla sa mga Pilipino.

Si Gng. Napoles ay isa sa mga (sabihin na natin) Pilipino na may malaking impluwensya sa mga pulitiko na may pansariling interes na makakuha ng “pork” o pera. Ngayong sumuko na siya at mukhang galit-na galit ang mga kaibigan niya sa pulitika dahil alam na nila na mapapahamak sila.

Kung iyong susuriin, bakit may mga tao na handang maglabas ng malaking pera at mamatay  makuha lang ang isang pwesto sa kamara o senado? Ano ba talaga ang makukuha nila kapag sila ay nakaupo na?

Kahit hindi mo naman sagutin, alam mo kung bakit.

Nakaktawa lang na isipin na ang pulitika sa Pilipinas ay ila isang malaking “negosyo” Hindi sapat ang kapangyarihan upang mapasunod ang mga tao. Kailangan mo nang pera para maging makapangyarihan ka. At dahil malaki ang pera na pwedeng makuha dahil sa “pork barrel”, gagawa at gagawa sila ng paraan para makuha ang pera ‘yon hindi lang para maging makapangyarihan sila kundi pati na din sa kanilang personal na interes. Sa likod ng kanilang personal na ineres ay may isang “Napoles” na nakikinabang habang ang nakakarami ay nagrereklamo tungkol sa kanilang mga sirang kalsada, kulang na silid aralan, mga bagong trabaho at proyekto mula sa pamahalaan para maging maginhawa ang kanilang pamumuhay.

Sabi nga sa kasabihan, may hangganan din ang lahat. Marami nang mga Pilipino ang tila natauhan at naging mapagmatyag sa ginagawa ng kanilang mga pinuno na nakupo sa pwesto. Noong nakaraang Agosto 26, pinatunayan na ng marami sa atin na dapat kolektibo tayong kumilos at magsalita ukol sa isyu na lahat tayo ay apektado. Kailangan din natin ng iba pang “Napoles” para isiwalat ang iba at magbayad sa kanilang ginawang paglulustay sa bansa.

Kaduda-duda man ang pagalabas ni Napoles sa mga panahon na ito, iisa alang ang malinaw – nagising na ang Pilipino sa mga ginagawa ng ating mga pulitiko. At ang mga pulitiko? Siguro ay nag-iisip-isip na sila sa kanilang ginagawa. Kung bibigyan lang ako ng pagkakataon, civil war lang solusyon kung hindi maaayos ang isyu na mayroon tayo.

Ano nga ba ang civil war?

Sa malinaw at simpleng perspektibo, parang paglilinis lang ito ng bubong ng bahay na kung saan nagmumula ang lahat ng kalat at dumi. Dahil kung lilinisin lang natin ang mababang parte ng bahay, patuloy na madudumihan ito sapagkat ang mga dumi mula sa bubong ay baba at kakalat sa paligid. Gayundin ang civil war. Sa pamamagitan ng digmaang sibil, malilinis at mawawala ang mga tao sa gobyerna na nagpapadumi sa ating lipunan. Ang paraan na paglilinis nito ay medyo madugo at maraming tao ang mamamatay. Ngunit ganito talaga ang patakaran ng buhay sa mundo, sa bawat tagumpay ay kailangan may magsakripisyo sa ikabubuti ng lahat.

Alam ko na taliwas ito sa inyong paniniwala pagdating sa demokrasya na mayroon tayo. Ngunit dahil mahilig tayo sa mabilisang solusyon at pagod nang magsalita sa mga nagbibingi-bingihang pulitiko na imbes na tulungan ay ninanakawan pa tayo, civil war ang sagot.

Thursday, August 29, 2013

Epiko 66: "Ulan"


Wala akong ganang magsulat ng blog ngayon dahil sa dami ng aking ginagawa, nawalan na ako ng oras para magsulat sa pitak na ito. Ngunit dahil umuulan, may mga bagay ako na naaalala na gusto ko nang kalimutan.

Ang ulan – kung iyong papansinin ay isang natural na galaw ng kalikasan. Ang tubig mula sa lupa ay unti-unting natutuyo at umaakyat sa langit upang mabuo ang mga ulap na minsan ay nagsisilbing panangga natin sa mainit sa sikat ng araw. Kapag bumigat ito, unti-unti itong babagsak upang maging ulan. Kung ikukumpara ito sa bagyo at sa iba pang mapaminsalang kalamidad, ito ay nagbibigay ginhawa sa tuyot na lupa at sa uhaw na mga halaman na nasa ilalim ng sikat ng araw.

Tulad ng ordinaryong panahon, may ulan din na dumadating sa ating buhay. Ang mga ulan na ito ay mula sa mga pagsubok at problema na ating nararanasan. Sa konteksto ng literatura, ang ulan ay sumisimbulo sa kalungkutan at luha ng isang tao. Ang tubig na mula sa taas ng langit ay nagsisilbing luha ng Diyos na nakikisimpatya sa wasak na wasak na puso at kaluluwa ng isang tao.

Ang ulan din ay isang paalala na ang tao ay marupok. Ang kahinaan ng damdamin ng isang tao na labanan ang isang matinding pagsubok sa buhay ay pwedeng ihalintulad sa mga patak ng ulan na hindi pwedeng maiwasan kapag nasa labas. Kahit may panangga ka dito, mababasa ka pa din ng paghihirap.Hindi ka makakatakas. Hindi ka makakaiwas.

Para sa akin, ang ulan ay sumisimbulo ng isang babae na nagbigay pasakit o pighati sa puso ko. Maaaring ihalintulad ko ang aking mga luha sa mga patak nito na bumubuo ng matinding pinsala sa aking damdamin. Kung sabagay, ilang ulan na din sa buhay ko ang dumaan at nalamapasan ko ang mga ito. Tinuruan ako nito na maging matatag na harapin ang bagong simula sa aking buhay.

Siguro nga na hindi dapat mawala ang ulan sa buhay natin, literal man o hindi ang pagkakabigay natin ng kahulugan dito. Sa bawat patak nito, pinapaalala nito sa atin ang maraming bagay na nagbibigay sa atin ng iba’t-ibang pakiramdam at alaala. Dapat pa nga ay lumabas at magpaulan ka. Damhin mo ang bawat patak nito. Sumayaw ka, umiyak o tumawa, bahala ka. Minsan lang umulan at hindi ito pangmatagalan, sa bandang huli, titila din ito.

Monday, August 26, 2013

Epiko 65: "Balabal"



Mahilig akong maglagay ng mga accessories sa katawan. Noong kabataan ko, marami akong beads na kwintas at bracelet na sumasalamin sa aking personalidad. Nakakadagdag din ito ng appeal sa akin at nagbigay sa akin ng mataas na tiwala sa sarili.

Ngunit sa paglipas ng panahon, nawala na ang mga ito. Tulad ng mga alaalang punong-puno ng magaganda at masasakit na alaala, ito ay aking pilit na kinakalimutan. Ngunit hindi maiwasan na may mga bumabalik pa din sa isip ko sa oras na nag-iisa ako o may mga bagay na nagpapaalaala sa akin.

Ngayon, naisip ko na nais kong gumawa ng bagong mga alaala. Kailangan ko lang ng isang bagay na magpapaalala sa akin na ito ang gusto kong gawin. Naisip ko ang isang bagay na sa tingin ko ay perpekto para dito - balabal.

Isa itong maliit na piraso ng tela na pwedeng proteksyon sa lamig, init at alikabok. Ginagamit din ito upang itago ang sarili sa maraming tao o kaya ay pantakip sa kahit na anong parte ng katawan. Hindi din ito nawawala sa uso.

Bukod sa ito ang isa sa mga signature accessories ng aking paboritong super hero na Kamen Rider, ito na marahil ang bagay na idagdag sa aking pang-araw-araw na kasuotan. Nais ko nang magkaroon ng isang buhay na matagal ko nang hinahanap sa buhay ko. Maaaring tulad ako ng isang balabal na gustong itago ang aking tunay na katauhan sa nakakarami. Pero sa kabilang banda, nais ko din protektahan ang mga tao na mahahalaga sa akin at magsilbing init sa mga malalamig at  manhid na puso.

Para sa akin, ang balabal din ang simbulo ng katandaan at pagkakaroon ng malawak na pag-unawa sa mg bagay-bagay sa mundo. Masyado nang marami ang naranasan ko sa buhay. Ito na din ang magsisilbing paalala na dapat ko nang harapin ang katotohanan na pilit kong tinatakasan. Pagdating sa pag-ibig, ito din ang magsisisilbing taklob sa puso kong hindi nadadala sa pag-ibig na sumira sa aking tunay na pagkatao. Nais kong itago ang puso kong mapaglaro at mahimlay na ito sa kanyang pananahimik. Hindi ko sinasabi na hindi na ako iibig pa. Kilala ko ang puso ko. Kailangan nito ng isang harang upang hindi ito maging mapusok at mapaglaro. Ito marahil ang silbi ng balabal para sa akin.

Marahil sa oras na makita niyo akong nakabalabal sa isang lugar, iisipin niyo marahil na nagpapansin o may pinagtataguan akong isang tao. May malalim akong dahilan kung bakit ko ito isinusuot at malamang na dala ko na ito hanggang sa aking pagtanda. Hindi ko na iisipin ang mga sasabihin ng mga tao sa aking paligid kung bakit ako nakasuot nito. Ang importante, makikilala niyo ako bilang bagong ako sa ganitong bagay.

Hindi masama ang pagbabago sa sarili. Sa oras na makilala mo na ang iyong sarili, hindi mo na iisipin ang sasabihin ng iba. Ang mahalaga, natagpuan at kilala mo na ang sarili mo.

 

 

Sunday, August 18, 2013

Epiko 64: "Ang Babaeng May Taglay na Sumpa"

Pangarap ng bawat kababaihan na hangaan ng nakakarami. Kung may taglay kang kagandahan, busilak na kalooban at talento, maraming lalaki ang magkakandarapa at marami ding babae ang maiinggit sa ‘yo. Wika nga ng isa sa mga kanta ng bandang Space, “the female of the species is deadlier than the male”. Makamandag, nakakatakot, at higit sa lahat, punong-puno ng misteryo ang “perpektong babae”.

Kung ako ang tatanungin, may nakilala akong babae na sa tingin ko ay masasabi ko na perpekto.

Ang kanyang talento sa talento kapag  tumuntongat sumayaw  na siya entblado ay isang napakagandang tanawain na higit pa sa Shangri-La, Paris, Prague at sa kahit anong lugar sa mundo. Pakiramdam ko ay higit pa sa paraiso ang makita ko siyang sumusunod sa daloy ng musika habang ang katawan niya ang nagbibigay ng buong emosyon habang nagtatanghal.

Kung tatanungin naman ang kanyang taglay na kagandahan, higit pa sa anghel o kahit na anong magandang nilalang sa daigdig. Ang kanyang mukha ay isang matamis na alaala na pilit mong babalikan na nagmamarka sa isip at puso. Parang kuryente ang kanyang mga titig na unti-unting pumapatay sa puso ng bawat kalalakihan. Ngunit ang pinakamatindi sa lahat ay kanyang ngiti na masasabi kong mala-Mona Lisa na walang katumbas na kayamanan sa mundo.

Bihira lang ako makakilala ng babaeng na masasabi ko na may taglay na kabutihan (halos lahat kasi ng mga babae na duman sa buhay ko ay salbahe). Kahit noong una ay mukha siyang imposible na makasundo, hindi ko na napigilan ang puso ko na mahulog sa kanya nang tuluyan ko nang makilala ang kanyang totoong pagkatao na napaka-natural at walang tinatagong sikreto.

Ngunit hindi alam ng babae na tinutukoy ko na may taglay din siyang sumpa. Isang sumpa na sa tingin ko ay ipinagpapasalamat ko na mayroon siya. Alam ko na hindi lang ako ang lalaking humahanga sa kanya. Alam ko na may mas higit pa na halos magpa-alipin o magpakamatay lang para makuha ang puso niya.

Hindi naman sa hinuhusgahan ko siya pero dahil sa dami na ng babae na dumaan sa buhay ko, kilala ko ang mga katulad niya. Wala akong ideya kung ano ang tumatakbo sa isip niya sa mga panahon na ito pero alam ko na wala sa tipo niya ang mga katulad ko. Kung sabagay, hinahangaan ko siya pero hindi ito sapat para masabi ko na gusto ko siya... dahil ayokong makaranas ng sumpa. Habang maaga pa, hindi ko na lang binibigyan ng pansin ang nararamdaman ko para sa kanya.

Sa tagal-tagal ko nang nagsusulat ng The Emong Chronicles, iniaalay ko ang epikong ito sa babaeng masasabi ko na nagbigay ng marka muli sa puso ko – isang sumpa na nagpapaalala sa akin na ako ay marupok, mahina at nasasaktan. Salamat sa kanya, natauhan ako at hindi nagpatalo sa sumpa na kanyang taglay. Hindi ko kailangan ng babaeng maganda, matalino at talentado. Ang kailangan ko, isang babae na marunong magmahal at magpahalaga sa akin.

Friday, July 12, 2013

Epiko 63: "Ano ang Pinakamahalaga – Ang First Dance o ang Last Dance?"


Sa isang mapusok at mahilig sa pakikipagsapalaran sa laro ng pag-ibig, hindi pa din masagot ang katanungang ito – mas mahalaga ba ang unang sayaw o ang huling sayaw?

Sa mga taga-kanluranin at sa iba pang bansa sa Asya, mahalaga ang unag sayaw sapagkat ang maging una sa lahat ng bagay ay isang tagumpay na maituturing. Ngunit sa kulturang Pilipino, ang huling sayaw ang nag-iiwan ng isang alaala na hindi makakalimutan ng kahit sinuman.

Sa buhay ko, dalawang babae lang ang isinayaw ko... ang minahal ko.

Nang muli akong makipagsayaw ( sa aking dalawang estudyante), naisip ko ang aking nakaraan – ang unang babaeng isinayaw ko saliw na awiting “True” ng Spadau Ballet labing-apat na taon na ang nakakaraan at ang huling babae na aking isinayaw sa saliw na awiting “Kaibigan Lang Pala” ni Jaramie tatlong buwan na ang nakakalipas. Sa magkaibang panahon at kanta na sila ay aking isinayaw (at parehong nagsisimula sa letrang “S” ang kanilang mga pangalan), naisip ko ang mga bagay kung ano ba ang mahalaga.

Marahil ang unang pag-ibig na aking naramdaman sa una kong isinayaw ang nagturo sa akin kung gaano kasarap ang pakiramdam na sumayaw sa agos ng pag-ibig. Ang mga panahon na nakasama ko siya ay itinuturing kong tagumpay sapagkat sa unang pagkakataon, nagmahal ako ng buong puso. Hindi ko makakalimutan ang hawakan ng aming mga kamay at nagtititigan na tila hinihiling na sana ay hindi na matapos ang awiting iyon. Ngunit ito ay nagwakas tulad ng bawat sayaw ng buhay. Dahil sa aking mga maling hakbang, nawala siya sa buhay ko at naiwan ako sa gitna ng  bulwagan na umiiyak at nagsisisi.

Makalipas ang ilang taon, dumating ang huling babaeng isinayaw ko. Sa bawat maingat na hakbang na aking ginagawa upang hindi siya maapakan, naisip ko na hindi lahat ng taong minamahal ay pwedeng makadaupang-palad. Sa aming humling sayaw, hinayaan ko n lang na siya ang gumawa ng hakbang na aking sususndan. Ang sarap ng pakiramdam ngunit ang hapdi na hindi kami pwedeng magsama ay ang musikang tumapos sa aming magandang sayaw. Ngunit ang mga alaala na iniwan niya sa akin ay parang kayamanan na walang katumbas sa mundo. Siya ang nagsilbing pag-asa ko na pwede pa pala akong magmahal muli at hindi ko ipagpapalit sa akhit ano ang kung ano na mayroon kami.

Sa aking pagsusulat, hindi ko pa din masagot ang tanong tungkol sa halaga ng una at huling sayaw sa isang tao. Depende na ito sa tao. Ang pag-ibig ay isang sayaw – kailangan ng puso mo na sumayaw sa malupit na mundo. Kahit ilang beses ka pang makpagsayaw sa iba, hinding-hindi9 mo makakalimutan ang dalawang tao na nagbigay sa ‘yo ng una at huling sayaw sa buhay mo.

Nang matapos kong isayaw ang dalawa kong estudyante, muli ako napaisip - Ano kaya ang pakiramdam ng dalawa matapos ko silang isayaw? Ano ang iniwan ko sa kanila? Ano ang nararamdaman nila?

Malamang siguro, ibang kwento na iyon...