Monday, September 23, 2013

Epiko 69: "Kaduda-dudang Paghihinala"


Wala akong ganang magsulat. Ang totoo, wala naman talaga akong dapat isulat. Talaga lang magulo ang isip ko ngayon. Wala akong ibang naiisip kundi ang araw na nangyari ang isa sa mga pinakamabigat na desisyon sa buhay ko.

Hindi ako nagkakamali sa aking kutob at hinala. Palagi akong tama. Kung magkamali man, maliit na porsyento lang. Minsan sa buhay, dapat magtiwala din sa hinala o akala na kalimitan at nagiging sanhi ng hindi pagkakaunawaan. Maraming beses nang dumating sa buhay ko ang nakaramdam ako nito. Marahil ay nagbabatay ako sa mga ebidensiya at kilos ng isang tao. Kung magiging detective siguro ako, malamang nahuli ko na ang pinaka-astig na kriminal sa kasaysayan.

Natural na malakas ang pwersa ng kutob at hinala sa pag-iisip at emosyon ng tao. Sabi nga ng kilalang psychoanalyst na si Sigmuend Freud, isa ito sa mga basic instinct ng tao. Ang taong nag-iisip ng mga bagay at naghihinala sa mga ito ay patunay lang na ang tao ay umiiwas o lumalaban sa mga panganib na nasa paligid nito na kung tawagin din ay “fight or flight response”. Pero ang sukatan ng pagkatumpak o pagka-eksakto ng kanyang nararamdaman ay depende sa kanyang kakayahang unawain ang mga bagay hindi lang sa kanyang paligid kundi pati din sa kanyang sarili.

Pero bakit ba naghihinala at nagdududa ang tao at bakit ito ang nagiging mitsa ng isang matinding pagkasira ng isang samahan?

Ang sagot ay simple – galit

Ang konsepto ng galit ay nag-uugnay sa paghihinala at pagdududa. Isa sa mga patunay nito ay kung may galit tayo sa ating minamahal. Ang galit ang nagtutulak sa atin na maghinala o magduda. Bigla mo na lang ito mararamdaman. Walang ibang nilalang sa mundo ang pwedeng gumawa nito lalo na kapag nagmamahal ka. Maaring makapatay ito at makasira ng isang magandang samahan.

Sa ganitong klaseng nararamdaman, masasabi ko na batikan na ako dito. Alam ko kapag naghihinala o nagdududa ako, may masamang mangyayari o magkakaroon ng nakakalungkot na katapusan ang lahat. Ngayong tinapos ko na ang lahat sa amin, hindi ko na ito kailangan maramdaman pa uli. Ayoko na... ayoko na...

Monday, September 9, 2013

Epiko 68: "Ang Sayaw Na Bumago Sa Mundo ni Emong"


Muli akong tumuntong sa lugar kung saan ako naging hinog sa pag-iisip at kaalaman - ang unibersidad na kung saan nanahan ako ng mahigit apat na taon ay aking binalikan upang damhin ang samyo ng hangin ng nakaraan na puno ng matatamis at mapapait na alaala.

Hindi sana ako lilisan sa lugar na ito kung hindi dahil sa isang babae na nagturo sa akin kung ano ang dapat kong gawin. Mula sa mundo ng medisina, tinahak ko ang daan papunta sa aking unang pag-ibig – ang sining at literatura. Bagama’t natagalan upang ako ay makatapos, naging bahagi pa din ito ng aking muling paglalakabay ang binuo kong teatro sa unibersidad. Kasama ang mga piling mag-aaral, umabot na ito hanggang sa ikalabing-dalawang taon. Ito marahil din ang isa sa mga dahilan kung bakit ako bumabalik.

Sa mundo na kung saan nabuo ang aking lakas ng loob at tiwala sa sarili, napansin ko na malaki na ang pinagbago nito. Ang dating parang mala-role play sa classroom ay napalitan ng mataas na antas ng dula, panitikan at kontemporaryong sayaw. Kung ako ang tatanungin, malaki na ang pinagbago nito mula sa maliit na buto hanggang sa isang matibay at namumungang puno ng mga talentadong estudyante. Habang pinagmamasdan ko sila sa kanilang pag-eensayo, hindi mapigilan ng puso ko na makaramdam ng hindi maipaliwanag na kasiyahan.

Sa aking pagbisita, may napansin ako na bukod tangi sa nakakarami. Ang kanyang mga ngiti at tawa, bagama’t lihim kong napapansin ang umagaw sa aking atensyon. Para siyang anghel na nakikihalubilo sa mga nilalang na alam mong pwedeng makasakit sa kanyang inosenteng damdamin. Wala akong balak na lamin kung sino siya sa una ngunit dahil sa kanyang katangian na maamong tupa, naramdaman ko na naman ang isang pakiramdam na parang lalamon sa aking matinong pag-iisip at magpapalaya sa aking mapaglaro at malikhaing imahinasyon.

Nasundan pa ito ng mga hindi inaasahang pagbisita sa studio. Gusto ko lang siyang mapanood na mag-ensayo at makita ang kanyang mukha. Ayokong lumapit sa kanya, pakiramdam ko ay mahuhulog ako sa isang matinding gayuma o sumpa na maaaring ikabaliw ko. Hangga’t kaya kong pigilan ang espesyal na damdamin na ito para sa kanya, sinikap ko na hindi magpakita ng emosyon sa harapan niya. Ngunit sadyang mapanukso ang kanyang mga mata na parang ahas na nagpapanginig sa aking mga buto.

Isang araw nang bumisita akong muli, nadatnana ko siya na mag-isang nag-eensayo sa studio. Mula sa salamin sa pinto, pinanood ko siyang sumayaw sa saliw ng isang matamis na piyesa. Sa bawat pagtapak niya at paggalaw, pakiramdam ko ay nadadala ako sa kanyang matinding emosyon na puno ng mabibigat na emosyon tulad ng lungkot, galit at takot. Hindi ko alam kung ano ang nararamdaman ng kanyang kalooban sa mga sandaling iyon. Kahit gusto ko siyang lapitan, hindi ko magawa dahil ayokong masira ang kanyang ginagawang recital.

Matagal akong nakatayo at nagtiyagang panoorin siya. Naisip ko ang mga babaeng dumaan sa buhay ko habang pinapanood siya. Bumalik sa isip ko ang pakiramdam na nasaktan ako ng paulit-ulit sa mga naging kasintahan ko. Pakiramdam ko, hindi ako nadadala sa mga nangyari. Kahit na alam ko na nagmahal ako, hindi naging sapat ito upang maging martir at tanga ako. Hindi ako natututo sa mga pagkakamali ko. Palaging ako ang nasasaktan sa bandang huli.

Ngunit bakit bigalng nawala ang sakit na aking naramdaman noong nakita ko siya? Anong mayroon siya na unti-unting binura ang aking mga masasamang alaala habang sumasayaw siya?

Naramdaman ko na ito dati. Hindi lang isa, dalawa, tatlo o apat... sa dinami-daming babae na dumaan sa buhay ko, palagi kong sinasabi sa sarili ko ang mga katagang ito. Ilang beses na ba akong nasaktan at nagmahal muli? Ang totoo, hindi ko din alam. Manhid na ang puso ko at walang kadala-dala.

Sa mga oras na ito, tulala ako sa kawalan. Hindi ko namalayan na papalabas na siya ng studio. Nang nakita niya ako na nakatayo sa pintuan, tiningnan niya ako na parang pusa na kinikilala ang kaharap na pagkain. Bumalik lang ang ulirat ko nang tinapik niya ako sa balikat. Ngumiti siya na hindi nalalaman ang buong pangyayari. Ang kanyang inosenteng mukha nagsasabi sa akin na magiging maayos din ang lahat. Parang sinasabi niya na ituloy ko lang ang ginagawa ko at makakarating din sa dapat puntahan. Wala akong sinabing salita, sapat na ang mga sandaling iyon upang maisip ko ang dapat kong gawin sa buhay ko.

Masyadong mabilis ang mga pangyayari. Ngunit gayun pa man, nais ko itong ulit-ulitin at hindi magsasawang gawin ito.