Friday, July 12, 2013

Epiko 63: "Ano ang Pinakamahalaga – Ang First Dance o ang Last Dance?"


Sa isang mapusok at mahilig sa pakikipagsapalaran sa laro ng pag-ibig, hindi pa din masagot ang katanungang ito – mas mahalaga ba ang unang sayaw o ang huling sayaw?

Sa mga taga-kanluranin at sa iba pang bansa sa Asya, mahalaga ang unag sayaw sapagkat ang maging una sa lahat ng bagay ay isang tagumpay na maituturing. Ngunit sa kulturang Pilipino, ang huling sayaw ang nag-iiwan ng isang alaala na hindi makakalimutan ng kahit sinuman.

Sa buhay ko, dalawang babae lang ang isinayaw ko... ang minahal ko.

Nang muli akong makipagsayaw ( sa aking dalawang estudyante), naisip ko ang aking nakaraan – ang unang babaeng isinayaw ko saliw na awiting “True” ng Spadau Ballet labing-apat na taon na ang nakakaraan at ang huling babae na aking isinayaw sa saliw na awiting “Kaibigan Lang Pala” ni Jaramie tatlong buwan na ang nakakalipas. Sa magkaibang panahon at kanta na sila ay aking isinayaw (at parehong nagsisimula sa letrang “S” ang kanilang mga pangalan), naisip ko ang mga bagay kung ano ba ang mahalaga.

Marahil ang unang pag-ibig na aking naramdaman sa una kong isinayaw ang nagturo sa akin kung gaano kasarap ang pakiramdam na sumayaw sa agos ng pag-ibig. Ang mga panahon na nakasama ko siya ay itinuturing kong tagumpay sapagkat sa unang pagkakataon, nagmahal ako ng buong puso. Hindi ko makakalimutan ang hawakan ng aming mga kamay at nagtititigan na tila hinihiling na sana ay hindi na matapos ang awiting iyon. Ngunit ito ay nagwakas tulad ng bawat sayaw ng buhay. Dahil sa aking mga maling hakbang, nawala siya sa buhay ko at naiwan ako sa gitna ng  bulwagan na umiiyak at nagsisisi.

Makalipas ang ilang taon, dumating ang huling babaeng isinayaw ko. Sa bawat maingat na hakbang na aking ginagawa upang hindi siya maapakan, naisip ko na hindi lahat ng taong minamahal ay pwedeng makadaupang-palad. Sa aming humling sayaw, hinayaan ko n lang na siya ang gumawa ng hakbang na aking sususndan. Ang sarap ng pakiramdam ngunit ang hapdi na hindi kami pwedeng magsama ay ang musikang tumapos sa aming magandang sayaw. Ngunit ang mga alaala na iniwan niya sa akin ay parang kayamanan na walang katumbas sa mundo. Siya ang nagsilbing pag-asa ko na pwede pa pala akong magmahal muli at hindi ko ipagpapalit sa akhit ano ang kung ano na mayroon kami.

Sa aking pagsusulat, hindi ko pa din masagot ang tanong tungkol sa halaga ng una at huling sayaw sa isang tao. Depende na ito sa tao. Ang pag-ibig ay isang sayaw – kailangan ng puso mo na sumayaw sa malupit na mundo. Kahit ilang beses ka pang makpagsayaw sa iba, hinding-hindi9 mo makakalimutan ang dalawang tao na nagbigay sa ‘yo ng una at huling sayaw sa buhay mo.

Nang matapos kong isayaw ang dalawa kong estudyante, muli ako napaisip - Ano kaya ang pakiramdam ng dalawa matapos ko silang isayaw? Ano ang iniwan ko sa kanila? Ano ang nararamdaman nila?

Malamang siguro, ibang kwento na iyon...