Wednesday, January 23, 2013

Epiko 44: “Di Ka Masaya. Pagod Na Ako. Tapusin Na Natin Ito”

 
 


Mayroon akong isang kwento na ibabahagi sa ‘yo.

Naalala ko ang isang insidente sa aking buhay na nagmahal ko ng isang tao na higit pa sa sarili ko… na ibinigay ko ang lahat upang mapatunayan ang espesyal na nararamdaman ko sa kanya. Noong mga panahon na iyon, akala ko posible pala na ikaw lang ang nagmamahal. Ngunit aking napagtanto ang isang bagay na habang lumilipas ang panahon ay aking hindi nabibigyan ng pansin… partikular sa aking sarili.

Habang naglalakad ako pauwi, napansin ko ang isang daan na iisa lang ang lane. May dalawang sasakyan na nagkasalubong. Natigilan ang dalawa at nagtalo. Hindi sila magkasundo tungkol sa kung sino ang magbibigay o magpapaubaya para makadaan. Humantong ito sa pagtatalo hanggang sa nagkasakitan na sila.

Gusto kong umawat. Pero wala akong magawa. Sa halip, pinanood ko na lang sila.

Simpleng bagay lang pinangyarihan ng kanilang di pagkakaunawaan. Ngunit dahil wala sa kanila ang gustong magsakripisyo, hindi sila nagkaunawaan.

Malamang ganito din pagdating sa pag-ibig. Dapat nire-reciprocate. Kung baga sa daan, dapat “two way.” Sabi nga ni Ramon Bautista sa kanyang internet show na “Ramon Bautista’s Tale From The Friend Zone,” ang pag-ibig, ay hindi laging cheesy at huma-happy ending. Ang tunay na pag-ibig ay masakit, punong-puno ng sakripisyo at luha. Kapag naranasan ito ng isang tao, doon lang niya masasabi na nagmahal siya ng totoo. Hindi mo kailangan pahirapan o itulak ang iyong sarili sa isang tao na wala naman pakialam sa nararamdaman mo. Talagang nagiging tanga tayo pagdating sa aspetong ito. Ngunit kahit ano pa ang sabihin ng mga eksperto sa pagpapayo pagdating sa pag-ibig, sa bandang huli, kailangan mong suklian ang lahat ng isinakripisyo ng isang taong nagmamahal sa iyo nang sa ganoon ay magkaroon kayo ng maaayos na pagsasama.

Hindi ako eksperto pagdting sa pag-ibig. Kung tutuusin, hindi ako nadadala kapag nagmamahal ako. Wala akong itinitira sa sarili ko dahil para sa akin, ang taong mahal ko ay dapat marananasan na minsan sa buhay nila ay may nagmahal ng totoo at puno ng pag-asang makasama siya habambuhay.

Ngunit isa itong making katotohanan.

Paano mo masasabi na nagmahal ka ngunit di mo kayang suklian (o kung sakali man ay higitan pa) ang pagmamahal na ibinigay niya para sa ‘yo? Hindi naman yata tama ang lohika sa likod nito. Isang bagay ang malinaw – na isang malaking katangahan ang umaasa sa isang tao na hindi marunong magbalik ng lahat ng isinakripisyo sa kanya. Isang kalapastanganan ang tumatanggap lang at hindi nagbibigay.

Para sa mga taong takot at ayaw magsakripisyo pagdatying sa pag-ibig, walang pupuntahan ang relasyon niyo kung magiging makasarili kayo. Masama man isipin at unawain, ito ang realidad na pilit na tinatakasan ng sinuman. Ang pagkukulang ay hahanapin sa iba. Ang tanga ay matututo at ang sawi ay magiging panalo. Kung mayroon man na hindi pagkakaintindihan, isa sa inyo ng taong mahal mo ay hindi marunong tumanggap. Hindi magiging masaya, maayos at tatagal ang relasyn niyo.

Kung di na siya masaya sa sitwasyon at pagod ka na sa pagbibigay, mas mabuti pang tapusin na lang ang kung anong mayroon kayo.

Bakit ba ako nagsusulat ng mga ganitong klaseng blog, ito sa kadahilinanang nasa sitwasyon ako na tulad ng aking ipinaliwanang. Masakit pala kapag di ka kayang ipaglaban ng taong mahal mo… na kung saan ay malaki ang isinakripisyo mo para lamang mapatunayan na mahal mo siya. Ngunit parang hindi siya masaya at pinahahalagahan ang lahat ng aking ginawa.

Ano pa ang saysay para ituloy ito?

Wala!

Dumating sana ang panahon na maipaglaban niya ako. Hindi sa sinisingil ko siya sa mga binigay at ginawa ko sa kanya… Sana lang, maisip niya na kung hindi na siya masaya sa akin, pagod na ako.
Mas mabuti pa na tapusin na lang namin ang lahat-lahat sa amin.