Thursday, August 29, 2013

Epiko 66: "Ulan"


Wala akong ganang magsulat ng blog ngayon dahil sa dami ng aking ginagawa, nawalan na ako ng oras para magsulat sa pitak na ito. Ngunit dahil umuulan, may mga bagay ako na naaalala na gusto ko nang kalimutan.

Ang ulan – kung iyong papansinin ay isang natural na galaw ng kalikasan. Ang tubig mula sa lupa ay unti-unting natutuyo at umaakyat sa langit upang mabuo ang mga ulap na minsan ay nagsisilbing panangga natin sa mainit sa sikat ng araw. Kapag bumigat ito, unti-unti itong babagsak upang maging ulan. Kung ikukumpara ito sa bagyo at sa iba pang mapaminsalang kalamidad, ito ay nagbibigay ginhawa sa tuyot na lupa at sa uhaw na mga halaman na nasa ilalim ng sikat ng araw.

Tulad ng ordinaryong panahon, may ulan din na dumadating sa ating buhay. Ang mga ulan na ito ay mula sa mga pagsubok at problema na ating nararanasan. Sa konteksto ng literatura, ang ulan ay sumisimbulo sa kalungkutan at luha ng isang tao. Ang tubig na mula sa taas ng langit ay nagsisilbing luha ng Diyos na nakikisimpatya sa wasak na wasak na puso at kaluluwa ng isang tao.

Ang ulan din ay isang paalala na ang tao ay marupok. Ang kahinaan ng damdamin ng isang tao na labanan ang isang matinding pagsubok sa buhay ay pwedeng ihalintulad sa mga patak ng ulan na hindi pwedeng maiwasan kapag nasa labas. Kahit may panangga ka dito, mababasa ka pa din ng paghihirap.Hindi ka makakatakas. Hindi ka makakaiwas.

Para sa akin, ang ulan ay sumisimbulo ng isang babae na nagbigay pasakit o pighati sa puso ko. Maaaring ihalintulad ko ang aking mga luha sa mga patak nito na bumubuo ng matinding pinsala sa aking damdamin. Kung sabagay, ilang ulan na din sa buhay ko ang dumaan at nalamapasan ko ang mga ito. Tinuruan ako nito na maging matatag na harapin ang bagong simula sa aking buhay.

Siguro nga na hindi dapat mawala ang ulan sa buhay natin, literal man o hindi ang pagkakabigay natin ng kahulugan dito. Sa bawat patak nito, pinapaalala nito sa atin ang maraming bagay na nagbibigay sa atin ng iba’t-ibang pakiramdam at alaala. Dapat pa nga ay lumabas at magpaulan ka. Damhin mo ang bawat patak nito. Sumayaw ka, umiyak o tumawa, bahala ka. Minsan lang umulan at hindi ito pangmatagalan, sa bandang huli, titila din ito.

Monday, August 26, 2013

Epiko 65: "Balabal"



Mahilig akong maglagay ng mga accessories sa katawan. Noong kabataan ko, marami akong beads na kwintas at bracelet na sumasalamin sa aking personalidad. Nakakadagdag din ito ng appeal sa akin at nagbigay sa akin ng mataas na tiwala sa sarili.

Ngunit sa paglipas ng panahon, nawala na ang mga ito. Tulad ng mga alaalang punong-puno ng magaganda at masasakit na alaala, ito ay aking pilit na kinakalimutan. Ngunit hindi maiwasan na may mga bumabalik pa din sa isip ko sa oras na nag-iisa ako o may mga bagay na nagpapaalaala sa akin.

Ngayon, naisip ko na nais kong gumawa ng bagong mga alaala. Kailangan ko lang ng isang bagay na magpapaalala sa akin na ito ang gusto kong gawin. Naisip ko ang isang bagay na sa tingin ko ay perpekto para dito - balabal.

Isa itong maliit na piraso ng tela na pwedeng proteksyon sa lamig, init at alikabok. Ginagamit din ito upang itago ang sarili sa maraming tao o kaya ay pantakip sa kahit na anong parte ng katawan. Hindi din ito nawawala sa uso.

Bukod sa ito ang isa sa mga signature accessories ng aking paboritong super hero na Kamen Rider, ito na marahil ang bagay na idagdag sa aking pang-araw-araw na kasuotan. Nais ko nang magkaroon ng isang buhay na matagal ko nang hinahanap sa buhay ko. Maaaring tulad ako ng isang balabal na gustong itago ang aking tunay na katauhan sa nakakarami. Pero sa kabilang banda, nais ko din protektahan ang mga tao na mahahalaga sa akin at magsilbing init sa mga malalamig at  manhid na puso.

Para sa akin, ang balabal din ang simbulo ng katandaan at pagkakaroon ng malawak na pag-unawa sa mg bagay-bagay sa mundo. Masyado nang marami ang naranasan ko sa buhay. Ito na din ang magsisilbing paalala na dapat ko nang harapin ang katotohanan na pilit kong tinatakasan. Pagdating sa pag-ibig, ito din ang magsisisilbing taklob sa puso kong hindi nadadala sa pag-ibig na sumira sa aking tunay na pagkatao. Nais kong itago ang puso kong mapaglaro at mahimlay na ito sa kanyang pananahimik. Hindi ko sinasabi na hindi na ako iibig pa. Kilala ko ang puso ko. Kailangan nito ng isang harang upang hindi ito maging mapusok at mapaglaro. Ito marahil ang silbi ng balabal para sa akin.

Marahil sa oras na makita niyo akong nakabalabal sa isang lugar, iisipin niyo marahil na nagpapansin o may pinagtataguan akong isang tao. May malalim akong dahilan kung bakit ko ito isinusuot at malamang na dala ko na ito hanggang sa aking pagtanda. Hindi ko na iisipin ang mga sasabihin ng mga tao sa aking paligid kung bakit ako nakasuot nito. Ang importante, makikilala niyo ako bilang bagong ako sa ganitong bagay.

Hindi masama ang pagbabago sa sarili. Sa oras na makilala mo na ang iyong sarili, hindi mo na iisipin ang sasabihin ng iba. Ang mahalaga, natagpuan at kilala mo na ang sarili mo.

 

 

Sunday, August 18, 2013

Epiko 64: "Ang Babaeng May Taglay na Sumpa"

Pangarap ng bawat kababaihan na hangaan ng nakakarami. Kung may taglay kang kagandahan, busilak na kalooban at talento, maraming lalaki ang magkakandarapa at marami ding babae ang maiinggit sa ‘yo. Wika nga ng isa sa mga kanta ng bandang Space, “the female of the species is deadlier than the male”. Makamandag, nakakatakot, at higit sa lahat, punong-puno ng misteryo ang “perpektong babae”.

Kung ako ang tatanungin, may nakilala akong babae na sa tingin ko ay masasabi ko na perpekto.

Ang kanyang talento sa talento kapag  tumuntongat sumayaw  na siya entblado ay isang napakagandang tanawain na higit pa sa Shangri-La, Paris, Prague at sa kahit anong lugar sa mundo. Pakiramdam ko ay higit pa sa paraiso ang makita ko siyang sumusunod sa daloy ng musika habang ang katawan niya ang nagbibigay ng buong emosyon habang nagtatanghal.

Kung tatanungin naman ang kanyang taglay na kagandahan, higit pa sa anghel o kahit na anong magandang nilalang sa daigdig. Ang kanyang mukha ay isang matamis na alaala na pilit mong babalikan na nagmamarka sa isip at puso. Parang kuryente ang kanyang mga titig na unti-unting pumapatay sa puso ng bawat kalalakihan. Ngunit ang pinakamatindi sa lahat ay kanyang ngiti na masasabi kong mala-Mona Lisa na walang katumbas na kayamanan sa mundo.

Bihira lang ako makakilala ng babaeng na masasabi ko na may taglay na kabutihan (halos lahat kasi ng mga babae na duman sa buhay ko ay salbahe). Kahit noong una ay mukha siyang imposible na makasundo, hindi ko na napigilan ang puso ko na mahulog sa kanya nang tuluyan ko nang makilala ang kanyang totoong pagkatao na napaka-natural at walang tinatagong sikreto.

Ngunit hindi alam ng babae na tinutukoy ko na may taglay din siyang sumpa. Isang sumpa na sa tingin ko ay ipinagpapasalamat ko na mayroon siya. Alam ko na hindi lang ako ang lalaking humahanga sa kanya. Alam ko na may mas higit pa na halos magpa-alipin o magpakamatay lang para makuha ang puso niya.

Hindi naman sa hinuhusgahan ko siya pero dahil sa dami na ng babae na dumaan sa buhay ko, kilala ko ang mga katulad niya. Wala akong ideya kung ano ang tumatakbo sa isip niya sa mga panahon na ito pero alam ko na wala sa tipo niya ang mga katulad ko. Kung sabagay, hinahangaan ko siya pero hindi ito sapat para masabi ko na gusto ko siya... dahil ayokong makaranas ng sumpa. Habang maaga pa, hindi ko na lang binibigyan ng pansin ang nararamdaman ko para sa kanya.

Sa tagal-tagal ko nang nagsusulat ng The Emong Chronicles, iniaalay ko ang epikong ito sa babaeng masasabi ko na nagbigay ng marka muli sa puso ko – isang sumpa na nagpapaalala sa akin na ako ay marupok, mahina at nasasaktan. Salamat sa kanya, natauhan ako at hindi nagpatalo sa sumpa na kanyang taglay. Hindi ko kailangan ng babaeng maganda, matalino at talentado. Ang kailangan ko, isang babae na marunong magmahal at magpahalaga sa akin.

Friday, July 12, 2013

Epiko 63: "Ano ang Pinakamahalaga – Ang First Dance o ang Last Dance?"


Sa isang mapusok at mahilig sa pakikipagsapalaran sa laro ng pag-ibig, hindi pa din masagot ang katanungang ito – mas mahalaga ba ang unang sayaw o ang huling sayaw?

Sa mga taga-kanluranin at sa iba pang bansa sa Asya, mahalaga ang unag sayaw sapagkat ang maging una sa lahat ng bagay ay isang tagumpay na maituturing. Ngunit sa kulturang Pilipino, ang huling sayaw ang nag-iiwan ng isang alaala na hindi makakalimutan ng kahit sinuman.

Sa buhay ko, dalawang babae lang ang isinayaw ko... ang minahal ko.

Nang muli akong makipagsayaw ( sa aking dalawang estudyante), naisip ko ang aking nakaraan – ang unang babaeng isinayaw ko saliw na awiting “True” ng Spadau Ballet labing-apat na taon na ang nakakaraan at ang huling babae na aking isinayaw sa saliw na awiting “Kaibigan Lang Pala” ni Jaramie tatlong buwan na ang nakakalipas. Sa magkaibang panahon at kanta na sila ay aking isinayaw (at parehong nagsisimula sa letrang “S” ang kanilang mga pangalan), naisip ko ang mga bagay kung ano ba ang mahalaga.

Marahil ang unang pag-ibig na aking naramdaman sa una kong isinayaw ang nagturo sa akin kung gaano kasarap ang pakiramdam na sumayaw sa agos ng pag-ibig. Ang mga panahon na nakasama ko siya ay itinuturing kong tagumpay sapagkat sa unang pagkakataon, nagmahal ako ng buong puso. Hindi ko makakalimutan ang hawakan ng aming mga kamay at nagtititigan na tila hinihiling na sana ay hindi na matapos ang awiting iyon. Ngunit ito ay nagwakas tulad ng bawat sayaw ng buhay. Dahil sa aking mga maling hakbang, nawala siya sa buhay ko at naiwan ako sa gitna ng  bulwagan na umiiyak at nagsisisi.

Makalipas ang ilang taon, dumating ang huling babaeng isinayaw ko. Sa bawat maingat na hakbang na aking ginagawa upang hindi siya maapakan, naisip ko na hindi lahat ng taong minamahal ay pwedeng makadaupang-palad. Sa aming humling sayaw, hinayaan ko n lang na siya ang gumawa ng hakbang na aking sususndan. Ang sarap ng pakiramdam ngunit ang hapdi na hindi kami pwedeng magsama ay ang musikang tumapos sa aming magandang sayaw. Ngunit ang mga alaala na iniwan niya sa akin ay parang kayamanan na walang katumbas sa mundo. Siya ang nagsilbing pag-asa ko na pwede pa pala akong magmahal muli at hindi ko ipagpapalit sa akhit ano ang kung ano na mayroon kami.

Sa aking pagsusulat, hindi ko pa din masagot ang tanong tungkol sa halaga ng una at huling sayaw sa isang tao. Depende na ito sa tao. Ang pag-ibig ay isang sayaw – kailangan ng puso mo na sumayaw sa malupit na mundo. Kahit ilang beses ka pang makpagsayaw sa iba, hinding-hindi9 mo makakalimutan ang dalawang tao na nagbigay sa ‘yo ng una at huling sayaw sa buhay mo.

Nang matapos kong isayaw ang dalawa kong estudyante, muli ako napaisip - Ano kaya ang pakiramdam ng dalawa matapos ko silang isayaw? Ano ang iniwan ko sa kanila? Ano ang nararamdaman nila?

Malamang siguro, ibang kwento na iyon...

Friday, May 31, 2013

Epiko 62: "Habang Tumatagal, Lumalala, Laging Nagwawala"



Sa mga oras na ‘to, hindi ko pa din matapos ang binabasa kong libro na “The Pretenders” ni F. Sionil Jose. Sa aking pagbabasa ay tumatak sa akin ang bida ng kwento na si Tony. Kahit papaano, nararamdaman ko ang karakter niya habang nagbabasa ng isa sa mga kilalang libro ng National Artist for Literature. Marahil ay katulad din niya ako na nagpapanggap sa mga tao sa paligid niya upang matupad nag kanyang mitihiin. Pero sa huli, maiisip niya na ang katotohanan ay hindi matatakasan.

Siguro nga ay nabubuhay tayo sa katotohanan na masaklap, malupit at hindi patas. Kaya nga mayroon tayong delusyon sa ating mga pag-iisip. Kung ang katotohan ang nagbibigay linaw sa ating pagkatao, ang mga delusyon namn natin ang nagbibigay pag-asa sa atin para mabuhay. Malamang nabubuhay ka sa pantasya na ikaw ay isang milyonaryo o sikat na artista o isang bayani na may kakaibang kapangyarihan. Normal lang ito sapagkat mga tao at may kanya-kanyang delusyon.

Ngunit paano kung ang delusyon mo ay nagkaroon ng koneksyon sa katotohanan? Ano ang gagawin mo? Ano ang pipiliin mo? Saan mo gustong mabuhay?

Bilang isang manunulat, 90% ng buhay ko ay nabubuhay sa delusyon dahil halos lahat ng isinusulat kong kwento ay galing doon. Ngunit nalalabing 10% porsyeto ng aking pagkatao sa katotohanan ang hindi ko maaaring ipagpalit sa delusyon na mayroon ako. Iba pa din kapag alam mo ang katotohanan na nangyayari sa buhay, pag-ibig at lipunan na aking ginagalawan. Mas ramdam ko ang pagiging tao. Ngunit dahil sa delusyon na mayroon ako, naiisip ko ang mga bagay na imposible na maaring magkatotoo at mga pangarap na kaya ko pang gawin. Pipiliiin kong mabuhay sa katotohanan na may delusyon aong pinanghahawakan kaysa sa delusyon na hindi naman pwedeng maging katotohanan. Masakit man itong tanggapin, ito ang pinagmumulan ng aking lakas para magpatuloy sa buhay.

Delusyon ang bagay kung bakit tayo nagkakaroon ng pangarap patungo sa katotohanan. Huwag nating kalimutan na kaya tayo may utak ay hindi lang para gamitin sa pag-iisip at mangatwiran. Ginagamit din natin ang ating utak para maging isang tao na may delusyon na maabot ang lahat ng ating minimithi.
Kailangan bang mabaliw para magkaroon ng matinding delusyon?


Sa tingin ko, hindi. 

Mas baliw ang walang delusyon sa katawan.

Sunday, May 12, 2013

Epiko 61: "Ang Aking Pinakaiingatang Kayamanan"


Minsan lang ako umuwi sa aking bayan sa Silang. Mula noong lumipat ako sa bayan ng General Trias, nag-iba na ang buhay ko - bagong trabaho, bagong kaibigan, at higit sa lahat, bagong buhay.

Sa tuwing umuuwi ako sa Silang, may tatlong bagay akong ginagawa. Una, binibisita ko ang aking mga magulang, ang aking alagang aso, at ang aking ibang kamag-anak na nangungulila sa aking pag-alis. Pangalawa, nililibot ko ang aming bayan upang tingnan ang mga pagbabago na unti-unting nagaganap gayundin ang mga kakilala at kaibigan na aking kinakamusta

Ngunit ang pangatlo ang pinaka-espesyal at katangi-tangi sa lahat.

Sa mga sandaling palubog na ang araw, sakay ng bisikleta, sisimulan kong baybayin ang kalsada papunta sa Munting Ilog National High School - Silang West Annex na nasa may Mary Ann Village. Sa sandaling makarating ako sa nabanggit na eskwelahan, dudungaw ako sa tarangkahan nito. Sa isang kisapmata, magbababalik ang isang espesyal na alaala tatlong taon na ang nakakaraan. Sa aking gunita, magbabalik ang mga pangyayaring itinuturing ko na isa sa pinakamahalagang bahagi ng buhay ko - ang araw na nakilala ko ang isang espesyal na kaibigan na si Sherry Rose Lacson. Mula sa una naming pagkikita, unti-unti nitong ipipinta sa aking mukha ang isang ngiti na kailanman ay wala pang nakakakita - isang ngiti na hindi ko maipaliwanag dahil sa halu-halong emosyon.

Bababa ako sa aking bisikleta at aakayin ko ito sa paglakad. Babalik uli sa isip ko ang mga panahon na magkasabay kaming umuuwi dala ang mga gamit niya at nag-uusap. Ang kanyang ngiti at halakhak ang tangi ko lang na naririnig sa aking isip habang mabagal na naglalakad. Malinaw pa sa aking gunita ang aming pinag-usapan at biruan habang tinatahak ang madilim na daan. Sa kalye P. Montoya ay liliko ako sa E. Asuncion na kung saan muli kong mararamdaman ang mga hampas at tapik niya sa tuwing nakakita siya ng ipis sa daan o kapag nagbibiruan kami. Pagliko sa kalye E. Gonzales, mapapahinto ako sa kapilya ng Iglesia ni Kristo na nagsilbing tahanan niya. Mga isang minuto ako titigil sa harap ng gate ng kapilya at unti-unting magbabalik ang imahe niya na kung saan siya ay kumakaway sa akin ng pamamaalam.

Dito na magsisimulang bumuhos ang luha ko.

Muli, sasakay ako ng bisikleta at iikutin ang mga kalye na minsan namin nilakaran na magkasama, bibili ng pagkain na paborito namin kainin at hihinto sa mga lugar na minsan namin tinigilan. Sa aking pag-uwi, nagiging sariwa uli ang mga panahon na kasama ko siya. Mula nang lumisan siya sa bayan na ito, isang espesyal na alaala ang iniwan niya sa akin na habambuhay kong itatago.

Bawat isa sa atin ay may alaalang iniingatan mula sa isang espesyal na tao. Bagama't marami akong masasama at gustong kalimutan na alaala sa Silang, ang alaala ni Sherry Rose ay hinding-hindi ko pagsasawaang balikan. Kailanman ay hindi ko siya kinalimutan, hindi siya nawalan ng lugar sa puso ko at higit sa lahat, hindi ko ipagpapalit sa kahit anong kayamanan sa mundo ang aming alaala na patuloy pa naming pinagpapatuloy at binibigyang halaga. Magkaiba man kami ng buhay, paniniwala at pangarap, para sa akin, siya ang taong hinding-hindi ko kakalimutan at ituturing na pinakamahalagang kayamanan na mayroon ako habang nabubuhay sa mundo.

Sunday, April 28, 2013

Epiko 60: "Tayong Mga Alagad ng Singit... Este Sining Pala"


Sining.
Para itong pag-ibig, hindi natin alam ang eksaktong interpretasyon nito sa bawat isang tao. Iba-iba ang pakuhulugan nito. Iba-iba din ang opinyon dito. Iba-iba din ang nakakaintindi dito.
Kamakailan, nanggaling ako sa Cultural Center of the Philippines. Sabi nga nang namayapang si Ninoy Aquino, ito ang “Pantheon” o “Acropolis” ng rehimeng Marcos (partikular para kay Imelda) dahil sagisag ito ng imortalidad ng madugo at nakakatakot na kasysayan ng pulitika sa bansa. Ngunit kung titingnan ito sa ibang prospektibo, mabuti na mayroon tayong ganitong klaseng lugar sapagkat dito nagsasama-sama at nagkikita-kita ang mga primyadong alagad ng sining sa bansa, Binibigyan ng pagkakataon ang mga Pilipinong astist na ipakita sa maraming tao ang kanilang talent at paraan ng kanilang ekspresyon sa pamamagitan ng sining.

Ngunit nakakalungkot isipin na sa kasalukuyan ay parang nawawala na ang interes ng masa sa sining. Hindi tulad noong panahon na wala pang internet, cable channels at high-tech na gadgets, iba na an gang pananaw ng mga Pilipino tungkol sa konsepto ng sining.

Ano nga ba talaga ang sining at kailan nagiging sining ang gawa ng isang tao?

Tulad ng sinabi ko kanina, hindi natin alam ang eksaktong interpretasyon nito sa bawat isang tao. Iba-iba ang pakuhulugan nito. Iba-iba din ang opinyon dito. Iba-iba din ang nakakaintindi dito.
Pero maiba ako ng tanong, may sining ka ba sa katawan?

Hindi ako tumutukoy sa kung ano ang estilo ng iyong pananamit, ang hilig mong musika o talento mo sa pagguhit, pagkanta, pagsayaw o pagsulat. Ang tinutukoy ko ay kung paano mo nabibigyang-halaga o pagpapahalaga sa isang ekspresyon ng tao sa pamamagitan ng siniing. Hindi ko din alam kung ano ang isasagot dito. Kahit na inaamin ko na may sining ako sa katawan, hindi ko pa din lubos na mainitndihan ang mga paintings nina Picasso at Van Gogh gayundin ang mga musika nina Beethoven at Mozart pati ang mga tula nina Pablo Neruda at Leo Tolstoy. Pero ang alam ko sa sarili ko na gusto ko ang mga lyrics na ginawa ni Daniel Johns at Joey Ayala, song arrangement ng Radioactive Sago Projects, Pinikpikan at mga nobela F. Sionil Jose.

Tulad ng sinabi ko kanina, muli, hindi natin alam ang eksaktong interpretasyon nito sa bawat isang tao. Iba-iba ang pakuhulugan nito. Iba-iba din ang opinyon dito. Iba-iba din ang nakakaintindi dito.
Alam ko na may sining sa katawang ang bawat isa. Nasa sa atin lang kung paano natin ito ipapakita sa maraming tao upang mabago ang kanilang perspejtibo sa buhay. Gamitin natin ang sining upang tulungan an gating bansa. Imulat sila sa hindi maipaliwanag na elemento nito. Ibahagi sa mga taong pwedeng pumuna o pumuri dito.

Ang mundo ay isang malaking entablado o canvass. Marami tayong pwedeng gawin. Huwag kang matakot. Ito ay likas lang sa mga mapanlikhang-isip na mayroon tayo. Dapat lang natin itong ipakita, ibahagi, ipagmalaki at higit sa lahat, pagyamanin.

Tandaan ang kasabihan, ang taong walang sining sa katawan ay taong walang kaluluwa.